Ang Mas Dakilang Kaluwalhatian ng Bahay ni Jehova
“ ‘Ang bahay na ito ay pupunuin ko ng kaluwalhatian,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—HAGAI 2:7.
1. Paano nauugnay ang banal na espiritu sa pananampalataya at gawa?
HABANG nangangaral sa bahay-bahay, nakilala ng isang Saksi ni Jehova ang isang babaing Pentecostal na nagkomento, ‘Taglay namin ang banal na espiritu, pero kayo ang tumutupad sa gawain.’ Sa mataktikang paraan, ipinaliwanag sa kaniya na ang isa na may banal na espiritu ay kusang magaganyak na gawin ang gawain ng Diyos. Sinasabi ng Santiago 2:17: “Ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili.” Sa tulong ng espiritu ni Jehova, nililinang ng kaniyang mga Saksi ang matibay na pananampalataya, at kaniyang ‘pinupuno ng kaluwalhatian ang kaniyang bahay’ sa pamamagitan ng pagtatalaga sa kanila na gawin ang matutuwid na gawa—pangunahin na ang ‘pangangaral ng mabuting balitang ito ng Kaharian sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.’ Kapag naisakatuparan na ang gawaing ito ayon sa nais ni Jehova, “kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
2. (a) Magdudulot ng anong pagpapala ang pagbubuhos ng ating sarili sa gawain ni Jehova? (b) Bakit dapat tayong maging maligaya tungkol sa anumang waring ‘pagluluwat’?
2 Mula sa mga salitang ito ni Jesus, mahihinuha natin na ang gawain natin sa ngayon ay dapat na nakatuon sa pangangaral sa iba ng “maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos,” na ipinagkatiwala sa atin. (1 Timoteo 1:11) Habang lalo tayong maligayang nagbubuhos ng ating sarili sa paglilingkod kay Jehova, waring lalong bumibilis ang pagsapit ng wakas. Sa Habacuc 2:2, 3, mababasa natin ang mga salita ni Jehova: “Isulat mo ang pangitain, at iukit mo na malinaw sa mga tapyas na bato, upang siyang bumabasa nang malakas ay basahin iyon nang maliwanag. Sapagkat ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at nagmamadali tungo sa katapusan, at hindi magbubulaan. Bagaman magluluwat, patuloy na asamin iyon; sapagkat walang pagsalang magkakatotoo. Hindi na magtatagal.” Oo, “ang pangitain” ay magkakatotoo “bagaman magluluwat.” Sa ika-83 taóng ito ng pamamahala ni Jesus sa Kaharian, maaaring madama ng ilan na tayo ngayon ay nasa isang panahong nagluluwat. Subalit hindi ba dapat na maging maligaya tayo na hindi pa dumarating ang wakas? Sa dekadang ito ng 1990, naalis ang mga pagbabawal sa pangangaral ng mabuting balita, waring sa makahimalang paraan, sa Silangang Europa, mga bahagi ng Aprika, at sa iba pang lupain. Ang waring ‘pagluluwat’ ay nagbibigay ng panahon para sa marami pang “tupa” upang matipon buhat sa mga teritoryong ito na nabuksan kamakailan.—Juan 10:16.
3. Bakit ang ating napapanahong pagkaunawa sa “salinlahing ito” ay dapat na magpasigla sa atin na maging apurahan sa gawain ng Diyos?
3 “Hindi na magtatagal,” sabi ng propeta. Sinabi ni Jesus na hindi lilipas ang kasalukuyang balakyot na salinlahi hanggang sa “mangyari ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mateo 24:34) Ang atin bang napapanahong pagkaunawa sa kaniyang mga salita ay nangangahulugan na ang ating pangangaral ay hindi na gaanong apurahan?a Ipinakikita ng mga pangyayari na ang kabaligtaran ang siyang talagang kalagayan! Ang ating kasalukuyang salinlahi ay bumubulusok sa isang kalagayan ng kabalakyutan at katiwalian na di pa nararanasan sa buong nakalipas na kasaysayan. (Ihambing ang Gawa 2:40.) Dapat na maging apurahan tayo sa ating gawain. (2 Timoteo 4:2) Ipinakikita ng lahat ng hula tungkol sa panahon ng malaking kapighatian na iyon ay darating nang biglaan, kagyat, patago—tulad ng isang magnanakaw. (1 Tesalonica 5:1-4; Apocalipsis 3:3; 16:15) “Dahil dito ay patunayan din ninyo ang inyong mga sarili na handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mateo 24:44) Habang ang walang-diyos na salinlahing ito ng sangkatauhan ay nasa bingit na ng pagkalipol, tiyak na hindi natin nanaising bitiwan ang ating napakahalagang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa pamamagitan ng pagbabalik sa “paglulubalob sa lusak” ng makasanlibutang mga pang-abala!—2 Pedro 2:22; 3:10; Lucas 21:32-36.
4. Anong situwasyon ang nagbangon ng pangangailangan para sa karagdagang suplay ng “pagkain sa tamang panahon,” at paano natutugunan ang pangangailangang ito?
4 Bilang katuparan ng hula ni Jesus, noong 1914 ay nagkaroon ng “pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan” nang ang sangkatauhan ay sumapit na sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ang mga kahapisan, mga kapahamakan, at katampalasanan ay tumitindi hanggang sa panahong ito. (Mateo 24:3-8, 12) Kasabay nito, inatasan ni Jehova ang uring pinahirang tapat at maingat na alipin upang maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” para sa sambahayan ng kanilang Panginoon, si Kristo. (Mateo 24:45-47) Mula sa kaniyang trono sa langit, pinangangasiwaan ngayon ng Mesiyanikong Haring ito ang isang kamangha-manghang programa sa espirituwal na pagpapakain sa buong lupa.
Saganang “Pagkain”
5. Anong pansin ang ibinibigay sa pangunahing bagay sa talaan ng “pagkain”?
5 Isaalang-alang ang paghahanda ng “pagkain.” (Lucas 12:42) Ang pangunahing bagay sa Kristiyanong talaan ng mga putahe ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Upang mabisang maituro ang Bibliya, kailangang-kailangan ang isang madaling basahin at tumpak na salin. Ang pangangailangang ito ay pasulong na natugunan sa nakalipas na mga taon, lalo na sapol noong 1950 nang ilabas sa Ingles ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pagsapit ng 1961 ang New World Translation ng buong Bibliya ay nagagamit na, at di-nagtagal ay lumabas ang mga edisyon sa iba pang pangunahing mga wika. Ang 3 tomong inilabas noong 1996 taon ng paglilingkod ay nadagdag sa kabuuang 27, na ang 14 dito ay kumpletong Bibliya. Upang maisagawa ang trabahong ito sa Bibliya, gayundin sa mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, mga 1,174 na nakaalay na Kristiyano ang gumagawa ngayon nang buong panahon sa pagsasalin sa 77 bansa.
6. Paano natutugunan ng Samahan ang pangangailangan sa mga publikasyon sa Bibliya?
6 Bilang tulong sa gawain ng malaking bilang na ito ng mga tagapagsalin, ang 24 na naglilimbag na sangay ng Samahang Watch Tower ay naglalabas ng napakaraming publikasyon. Dahil dito, patuloy na naglalagay ng karagdagang mabibilis na rotary press sa mga pangunahing sangay. Ang produksiyon ng Bantayan at Gumising! ay dumarami bawat buwan, anupat umaabot sa pinagsamang kabuuan na 943,892,500 kopya, isang 13.4-porsiyentong pagsulong para sa taon. Ang kabuuang produksiyon ng mga Bibliya at pinabalatang aklat sa Estados Unidos, Brazil, Finland, Alemanya, Italya, Hapon, Korea, at Mexico lamang ay tumaas ng 40 porsiyento mula noong 1995 hanggang sa 76,760,098 kopya noong 1996. Malaki rin ang naitulong ng iba pang sangay sa pangkalahatang pagsulong sa produksiyon ng literatura.
7. Paano lalo nang may pagkaapurahan sa ngayon ang Isaias 54:2?
7 Ang malaking bahagi ng pagsulong ay kinailangan noong mga taon ng 1990 dahil sa pag-aalis ng mga pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa at Aprika. Napakatindi ng pagkagutom sa espirituwal na pagkain sa mga lugar na ito. Kaya naman umaalingawngaw ang panawagan nang lalo pang may pagkaapurahan: “Iyong palakihin ang dako ng iyong tolda. At iladlad nila ang tabing ng tolda ng iyong dakilang tabernakulo. Huwag kang umurong. Habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang mga tulos ng iyong tolda.”—Isaias 54:2.
8. Anong bukas-palad na pagtugon ang naglalaan ng pinansiyal na tulong?
8 Sa gayon, kinakailangang palakihin ang mga pasilidad ng marami sa 104 na sangay ng Samahan. Dahil sa mahirap na ekonomiya sa karamihan ng mga teritoryong kabubukas lamang, ang malaking bahagi ng gastos para sa pagpapalawak na ito ay tinutustusan ng mga abuloy sa pambuong-daigdig na gawain mula sa mas nakaririwasang mga lupain. Nakatutuwa naman, buong-pusong tumutugon ang mga kongregasyon at mga indibiduwal, sa diwa ng Exodo 35:21: “Nang magkagayon sila’y nagsidating, bawat isa na naudyukan ang puso, at kanilang dinala, bawat isa na ang espiritu’y nagpakilos sa kaniya, ang abuloy kay Jehova para sa gawain.” Sinasamantala namin ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang lahat na nakikibahagi sa bukas-palad na pagbibigay na ito.—2 Corinto 9:11.
9. Paano natutupad sa ngayon ang Roma 10:13, 18?
9 Noong 1996 ay tunay ngang niluwalhati ng mga publikasyon ng Samahang Watch Tower ang pangalan at mga layunin ni Jehova hanggang sa mga dulo ng lupa. Iyon ay katulad ng inihula ni apostol Pablo. Bilang pagsipi sa hula ni Joel at sa ika-19 na Awit, sumulat siya: “ ‘Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’ Gayunpaman ay itinatanong ko, Hindi sila nabigong makarinig, hindi ba? Aba, sa katunayan, ‘sa buong lupa ang kanilang tunog ay lumabas, at hanggang sa mga dulo ng tinatahanang lupa ang kanilang mga pananalita.’ ” (Roma 10:13, 18) Kaya sa pamamagitan ng gayong matinding papuri sa napakahalagang pangalang Jehova, mahalagang bahagi ang ginagampanan ng kaniyang bayan sa pagpuno ng kaluwalhatian sa kaniyang bahay ng pagsamba. Subalit paano lalong lumawak ang paghahayag na ito noong 1996? Pakisuyong suriin ang kasunod na tsart sa mga pahina 18 hanggang 21.
Pag-aani sa Buong Daigdig
10. Anong natatanging mga bagay ang napapansin mo sa gawain ng bayan ni Jehova, gaya ng nakasumaryo sa tsart sa pahina 18 hanggang 21?
10 Hindi pa kailanman naging gayon na lamang katindi ang puwersa ng mga salita ni Jesus na nasa Lucas 10:2: “Ang pag-aani, tunay nga, ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Samakatuwid magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” Tumutugon ba kayo sa panawagang iyan? Milyun-milyon sa buong lupa ang tumutugon. Ito ay ipinakikita ng bagong pinakamataas na bilang na 5,413,769 na mamamahayag ng Kaharian na nag-ulat ng paglilingkod sa larangan noong 1996. Isa pa, 366,579 na bagong kapatid ang nabautismuhan. Tunay ngang pinahahalagahan natin ang ‘kanais-nais na mga bagay na ito ng lahat ng bansa,’ na ngayo’y nakikibahagi sa ‘pagpuno ng kaluwalhatian sa bahay ng pagsamba kay Jehova’!—Hagai 2:7.
11. Bakit tayong lahat ay may dahilan upang magalak nang labis?
11 Talagang pambihira ang mga ulat tungkol sa pagsulong sa kabubukas lamang na mga larangan. Ang iba kaya sa atin ay naiinggit doon sa mga nagtatamasa ngayon ng gayong pagsulong? Sa kabaligtaran, nakikigalak tayo sa kanila. Lahat ng bansa ay nagkaroon ng maliliit na pasimula. Sumulat ang propetang kapanahon ni Hagai, si Zacarias: “Sino ang humahamak sa araw ng maliliit na bagay?” (Zacarias 4:10) Labis tayong nagagalak na sa mga lupain kung saan mainam na naitatatag ang gawaing pagpapatotoo, mayroon na ngayong milyun-milyong mamamahayag ng Kaharian, at malimit na nagagawa ang teritoryo, anupat linggu-linggo pa nga sa maraming malalaking lunsod. May dahilan kaya tayo para magmabagal samantalang ipinaaabot ngayon ni Jehova ang pagkakataon ukol sa kaligtasan sa mga lugar na dati’y may pagbabawal? Nungka! “Ang bukid ay ang sanlibutan,” sabi ni Jesus. (Mateo 13:38) Kailangang patuloy na lubusang magpatotoo, kung paanong lubusang nagpatotoo ang mga naunang alagad sa katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay.—Gawa 2:40; 10:42; 20:24; 28:23.
Laging Pasulong
12. Ano ang gumaganyak sa atin upang kumilos nang “deretso pasulong”? (Tingnan din ang kahon, “Pag-aani ‘Mula sa mga Dulo ng Lupa.’ ”)
12 Oo, dapat tayong umalinsabay, anupat kumikilos nang “deretso pasulong” kasama ng anghelikong selestiyal na karo ni Jehova. (Ezekiel 1:12) Nasa isip natin ang mga salita ni Pedro: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, na gaya ng itinuturing ng ilang mga tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Pukawin nawa tayo ng ulirang sigasig ng ating mga kapatid sa naghihikahos na mga lupain. Anumang maliwanag na pagkaantala sa pagsiklab ng Armagedon ay nagbibigay ng pagkakataon upang matipon ang daan-daang libo sa mga lupaing ito gayundin ang marami sa madalas-gawing mga teritoryo. Huwag magkamali tungkol doon: “Malapit na ang dakilang araw ni Jehova. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang nagmamadali.” (Zefanias 1:14) Magmadali rin naman tayo sa pagbibigay ng lubusang pangwakas na patotoo!
13, 14. (a) Ano ang masasabi tungkol sa pamamahagi ng mga publikasyon noong 1996? (b) Anong pantanging mga plano ang maaaring isagawa ng mga kongregasyon sa taun-taon, at paano mo binabalak na makibahagi?
13 Bagaman ang mga detalye ay hindi makikita sa tsart sa paglilingkuran, may kapansin-pansing pagsulong sa pamamahagi ng mga Bibliya, aklat, at mga magasin noong nakaraang taon. Halimbawa, ang naipasakamay na mga magasin sa buong daigdig ay dumami ng 19-na-porsiyento, anupat 543,667,923 kopya ang naipamahagi sa kabuuan. Pinadadali ng ating mga magasin ang sari-saring pangangaral—sa mga lansangan, mga parke, hintuan ng mga bus, sa mga lugar ng negosyo. Ipinakikita ng ulat na sa ilang teritoryo na lubusang napangangaralan tungkol sa Kaharian, humahanga ang propesyonal na mga tao sa kalidad ng ating mga magasin at tumatanggap ng mga pag-aaral sa Bibliya.
14 Taun-taon tuwing buwan ng Abril, karaniwan nang nagsasaayos ang mga kongregasyon ng pantanging gawain sa pagmamagasin, anupat nagtatampok ng isang maghapong kampanya sa bahay-bahay at sa mga pampublikong lugar. Makikibahagi kaya rito ang inyong kongregasyon sa Abril 1997? Inihahanda na ang katangi-tanging mga isyu sa Abril ng Ang Bantayan at Gumising!, at tiyak na magiging kahanga-hanga ang sabay-sabay na paghaharap nito sa buong daigdig! Sa isla ng Cyprus, ang mga kongregasyon, na nagkapit ng islogan na “abutin ang bawat isa hangga’t maaari taglay ang mensahe ng Kaharian,” ay nagsaayos pa bawat buwan ng gayong gawaing pagmamagasin, anupat naabot ang bagong pinakamataas na bilang na 275,359 na naipasakamay sa buong taon, isang 54-na-porsiyentong pagsulong.
Ang Panghuling mga Mensahe ni Hagai
15. (a) Bakit nagpadala si Jehova ng karagdagang mensahe sa pamamagitan ni Hagai? (b) Anong aral ang dapat na ipahiwatig sa atin ng ikatlong mensahe ni Hagai?
15 Isinugo ni Jehova si Hagai, 63 araw pagkatapos na maihatid niya ang kaniyang pangalawang mensahe, taglay ang isang ikatlong kapahayagan na makabubuting isapuso natin sa ngayon. Nagsalita si Hagai na para bang ang mga Judio ay naglalatag noon ng pundasyon ng templo, na sa aktuwal ay inilatag nila 17 taon bago nito. Minsan pang minabuti ni Jehova na magsagawa ng paglilinis. Nagpabaya ang mga saserdote at ang bayan kaya naman sila’y hindi naging malinis sa paningin ni Jehova. Maaari kayang ang ilan sa bayan ni Jehova ay nagmamabagal sa ngayon, anupat nakikibahagi pa man din sila sa maluwag at materyalistikong landasin ng sanlibutan? Apurahan na ilagak nating lahat ang ating puso “mula sa araw na ito at patuloy” sa pagluwalhati sa pangalan ni Jehova, anupat nagtitiwala sa kaniyang pangako: “Mula sa araw na ito ay magkakaloob ako ng pagpapala.”—Hagai 2:10-19; Hebreo 6:11, 12.
16. Anong ‘pag-uga’ ang nalalapit na, at ano ang magiging resulta?
16 Nang araw ding iyon, dumating kay Hagai ang salita ni “Jehova ng mga hukbo” sa ikaapat at huling pagkakataon. Ipinabatid niya kung ano ang nasasangkot sa Kaniyang ‘pag-uga sa mga langit at sa lupa,’ anupat sinabi: “Tiyak na ibabagsak ko ang trono ng mga kaharian at lilipulin ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa; at aking ibabagsak ang mga karo at ang mga sakay nito, at ang mga kabayo at ang mga sakay nito ay tiyak na mabubuwal, bawat isa sa pamamagitan ng tabak ng kaniyang kapatid.” (Hagai 2:6, 21, 22) Ang ‘pag-uga’ kung gayon ay aabot sa kasukdulan kapag lubusang nilinis ni Jehova ang lupa sa Armagedon. Sa panahong iyon “ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa” ay dumating na, upang bumuo ng pinakapundasyon ng lipunan ng tao sa bagong sanlibutan. Ano ngang daming dahilan upang magsaya at pumuri kay Jehova!—Hagai 2:7; Apocalipsis 19:6, 7; 21:1-4.
17. Paanong si Jesus ay itinalaga bilang isang “singsing na pantatak”?
17 Sa pagtatapos ng kaniyang hula, sumulat si Hagai: “ ‘Sa araw na iyon,’ ang kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo, ‘Dadalhin kita, O Zerubabel . . . , at tiyak na itatalaga kita bilang isang singsing na pantatak, sapagkat ikaw ang isa na aking pinili,’ ang kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo.” (Hagai 2:23) Si Kristo Jesus ang siya ngayong antitipikong Mesiyanikong Hari at Mataas na Saserdote ni Jehova, anupat pinagsama sa makalangit na Jerusalem ang mga tungkuling magkahiwalay na ginampanan nina Gobernador Zerubabel at Mataas na Saserdoteng Josue sa makalupang Jerusalem. Tulad ng isang opisyal na singsing na pantatak sa kanang kamay ni Jehova, si Jesus ang isa na nagiging “Oo” bilang kasangkapan ni Jehova sa pagsasakatuparan ng maraming “pangako ng Diyos.” (2 Corinto 1:20; Efeso 3:10, 11; Apocalipsis 19:10) Ang buong makahulang mensahe ng Bibliya ay nakasentro sa paglalaan ni Jehova kay Kristo bilang Hari at saserdoteng Manunubos.—Juan 18:37; 1 Pedro 1:18, 19.
18. Paano magkakaroon ng nakarerepreskong katuparan ang pagtatapos ng “kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo”?
18 Tunay na sa panahon nating ito, ang pinakadakilang kaluwalhatian ay masusumpungan sa maningning na espirituwal na templo ni Jehova! At di na magtatagal, pagkatapos na burahin ni Jehova ang buong sistema ni Satanas, ang Hagai 2:9 ay magkakaroon ng higit pang nakasisiyang katuparan: “ ‘Ang dakong ito ay pagkakalooban ko ng kapayapaan,’ ang kapahayagan ni Jehova ng mga hukbo.” Kapayapaan sa wakas!—isang namamalagi, pansansinukob na kapayapaan, na ginagarantiyahan ng “singsing na pantatak” ni Jehova, si Kristo Jesus, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” na tungkol sa kaniya’y isinulat: “Ang paglago ng maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas . . . Ang mismong sikap ni Jehova ng mga hukbo ang magsasagawa nito.” (Isaias 9:6, 7) Walang-hanggang sisinag ang kaluwalhatian ng bahay ng pagsamba kay Jehova sa buong mapayapang nasasakupan ng kaniyang pansansinukob na soberanya. Harinawang manatili tayo sa bahay na iyan!—Awit 27:4; 65:4; 84:10.
[Talababa]
a Tingnan ang “Iniligtas Buhat sa Isang ‘Balakyot na Salinlahi’ ” at “Isang Panahon Upang Manatiling Gising” sa Nobyembre 1, 1995, isyu ng Ang Bantayan.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Paano ngayon ‘pinupuno ng kaluwalhatian’ ang bahay ni Jehova?
◻ Bakit hindi pa kailanman naging gayon na lamang kaapurahan ang pangangaral ng mabuting balita?
◻ Anong pangganyak upang mangaral nang may pagkaapurahan ang ibinibigay ng Report sa 1996 Taon ng Paglilingkod?
◻ Paanong si Kristo ay nagsisilbing “singsing na pantatak” ni Jehova?
[Kahon sa pahina 15]
Pag-aani “Mula Sa Kadulu-duluhan Ng Lupa”
SA Isaias 43:6, mababasa natin ang utos ni Jehova: “Huwag mong pigilin. Dalhin mo rito ang aking mga anak na lalaki mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae mula sa kadulu-duluhan ng lupa.” Nagkakaroon ng pambihirang katuparan sa ngayon ang kasulatang ito sa Silangang Europa. Kuning halimbawa ang dating Komunistang bansa ng Moldova. May mga nayon na ang kalahati ng populasyon ay mga Saksi na ngayon. Kailangan nilang maglakbay nang malalayong distansiya upang makasumpong ng teritoryong mapangangaralan, pero nagsisikap sila! Maraming mamamahayag sa mga kongregasyong ito ay mga anak ng mga magulang na ipinatapon sa Siberia noong mga unang taon ng 1950. Ngayon ang kanilang mga pamilya ang siyang nangunguna sa gawaing pag-aani. Sa 12,565 mamamahayag, 1,917 ang nabautismuhan nitong nakaraang taon. Apatnapu’t tatlo sa mga kongregasyon ang may humigit-kumulang na 150 mamamahayag bawat isa, at ang apat na sirkito ay naging walo sa bagong taon ng paglilingkod.
Kapansin-pansin din ang paglago sa Albania. Doon ang iilang tapat na Saksi ay nagbata ng pinakamalupit na diktadura sa loob ng mga 50 taon. Marami sa kanila ang pinatay. Ito’y nagpapagunita sa pangako ni Jesus: “Huwag kang matakot sa mga bagay na malapit mo nang pagdusahan. Narito! Patuloy na itatapon ng Diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang kayo ay lubos na mailagay sa pagsubok . . . Patunayan mong tapat ang iyong sarili maging hanggang sa kamatayan, at bibigyan kita ng korona ng buhay.” (Apocalipsis 2:10; tingnan din ang Juan 5:28, 29; 11:24, 25.) Ano ngayon ang nakikita natin sa Albania? Tunay na isang pambihirang katuparan ng pangako ni Jehova na masusumpungan sa Isaias 60:22: “Ang munti ay magiging isang libo”! Iisang mamamahayag lamang sa Albania ang nag-ulat ng paglilingkod noong 1990. Gayunman, higit pang “mga manggagawa” mula sa Italya at iba pang lupain ang tumugon sa panawagan ni Jesus: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao . . . , na binabautismuhan sila.” (Mateo 28:19; Lucas 10:2) Pagsapit ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus noong 1996, 773 mamamahayag ang aktibo sa larangan, at nakapagtipon ang mga ito ng 6,523 katao sa kanilang mga pulong sa Memoryal, anupat mahigit sa walong ulit ng bilang ng mamamahayag! Nakagugulat ang bilang ng mga dumadalo sa malalayong lugar. Bagaman walang mga mamamahayag doon, may 192 na dumalo sa lunsod ng Kukës at 230 naman sa Divjakë. Sa Krujë, na may isa lamang mamamahayag, 212 ang dumalo. Ang 30 mamamahayag sa Korçë ay umarkila ng mga pasilidad para sa mahigit na 300 katao. Nang siksikan na sa awditoryum ang bilang na iyan, 200 pa ang kailangang pauwiin dahil wala nang lugar. Tunay ngang isang puting-puting bukirin para sa pag-aani!
Galing naman sa Romania ang ulat na ito: “Habang nagbabahay-bahay kami, nakilala namin ang isang tao na nagsabing isa siyang Saksi ni Jehova at naninirahan sa isang munting nayon na, sa pagkaalam namin, ay walang mga Saksi. Sinabi niya sa amin na bukod sa kaniya ay may 15 pang katao ang sa loob ng maraming taon ay nagdaraos ng pulong tuwing Huwebes at Linggo at na sila’y nangangaral na sa bahay-bahay. Kinabukasan ay pumunta kami sa bayang iyon. Naghihintay sa amin sa dalawang silid ang 15 lalaki, babae, at mga bata na tumanggap ng 20 aklat at 20 sa mga pinakabagong magasin. Ipinakita namin sa kanila kung paano magdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Sama-sama kaming umawit at sinagot namin ang kanilang mahahalagang tanong. Nagtapat ang nangunguna sa grupo: ‘Ilang araw pa lamang ang nakararaan, lumuluha akong nanalangin kay Jehova na magsugo sa amin ng isang pastol, at sinagot naman ang aking panalangin.’ Masayang-masaya kami, at sa aming paglisan, tulad ng isang ulila na sa wakas ay nakatagpo ng isang ama, sinabi niya: ‘Pakisuyong huwag ninyo kaming kalimutan. Dalawin ninyo kaming muli!’ Gayon nga ang ginawa namin, at pitong pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos ngayon sa bayang iyon. Sa maraming bagong teritoryo, kahanga-hanga ang pasimula ng gawain sa pamamagitan ng literatura sa Bibliya, na lubhang pinahahalagahan, at ipinakikita nito na ang Diyos ang siyang pinagmumulan ng gawain.”
[Chart sa pahina 18-21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1996 TAUNANG ULAT NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG
(Tingnan ang bound volume)
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
“Ang kanais-nais na mga bagay ng lahat ng bansa” ay tinitipon sa mga Isla sa Dagat (1), Timog Amerika (2), Aprika (3), Asia (4), Hilagang Amerika (5), at Europa (6)