Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
“Ang Bantayan” ng Nobyembre 1, 1995, ay nagtuon ng pansin sa sinabi ni Jesus hinggil sa “salinlahing ito,” gaya ng mababasa natin sa Mateo 24:34. Nangangahulugan ba ito na may pag-aalinlangan kung ang Kaharian nga ng Diyos ay naitatag na sa langit noong 1914?
Ang pagtalakay na iyon sa Ang Bantayan ay walang ibinibigay na anumang pagbabago sa ating saligang turo hinggil sa 1914. Binanggit ni Jesus ang tanda na magpapakilala sa kaniyang pagkanaririto taglay ang kapangyarihan ng Kaharian. Tayo ay may sapat na katibayan na ang tandang ito ay natutupad na mula pa noong 1914. Ang mga kaganapan tungkol sa mga digmaan, taggutom, salot, lindol, at iba pang katibayan ay nagpapatunay na si Jesus ay kumikilos na bilang Hari sa Kaharian ng Diyos sapol noong 1914. Ipinakikita nito na sapol noon ay nasa katapusan na tayo ng sistema ng mga bagay.
Ano, kung gayon, ang binibigyang-linaw ng Ang Bantayan? Buweno, ang susi ay ang diwa ng paggamit ni Jesus ng salitang “salinlahi” sa Mateo 24:34. Ganito ang mababasa sa talatang iyan: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa mangyari ang lahat ng mga bagay na ito.” Anong ibig sabihin ni Jesus sa “salinlahi,” kapuwa sa kaniyang kaarawan at sa atin?
Maraming kasulatan ang nagpapatunay na hindi ginamit ni Jesus ang “salinlahi” upang tumukoy sa isang maliit o natatanging grupo, alalaong baga ay ang mga pinunong Judio lamang o kaya ay ang kaniyang matapat na mga alagad. Sa halip, ginamit niya ang “salinlahi” nang hatulan niya ang karamihan ng mga Judio na nagtakwil sa kaniya. Gayunpaman, nakatutuwa na maisasagawa ng mga indibiduwal ang inihimok ni apostol Pedro noong araw ng Pentecostes, ang magsisi at ‘maligtas mula sa likong salinlahing ito.’—Gawa 2:40.
Sa pangungusap na iyan, maliwanag na hindi tinitiyak ni Pedro ang alinmang takdang edad ng tao o haba ng panahon, ni iniuugnay man niya ang “salinlahi” sa anumang tiyak na petsa. Hindi niya sinabi na dapat maligtas ang mga tao mula sa salinlahing ipinanganak noong taóng ipanganak si Jesus o sa salinlahing isinilang noong 29 C.E. Tinutukoy ni Pedro ang di-nananampalatayang mga Judio noong panahong iyon—ang ilan marahil ay bata pa, ang iba naman ay mas nakatatanda—na nakarinig ng turo ni Jesus, nakasaksi o nakabalita sa kaniyang mga himala, at hindi tumanggap sa kaniya bilang Mesiyas.
Maliwanag na iyon ang pagkaunawa ni Pedro sa paggamit ni Jesus ng “salinlahi” nang siya at ang tatlo pang apostol ay kasama ni Jesus sa Bundok ng Olibo. Ayon sa makahulang pananalita ni Jesus, ang mga Judio noong panahong iyon—lalo na, yaong mga kapanahon ni Jesus—ay makararanas o makaririnig ng mga digmaan, lindol, taggutom, at iba pang katibayan na malapit na ang katapusan ng Judiong sistema. Sa katunayan, ang salinlahing iyon ay hindi lumipas bago dumating ang wakas noong 70 C.E.—Mateo 24:3-14, 34.
Kailangang aminin na hindi natin dating inunawa ang mga salita ni Jesus sa ganiyang diwa. May hilig ang di-sakdal na mga tao na hangaríng maging espesipiko tungkol sa petsa kung kailan darating ang wakas. Tandaan na maging ang mga apostol ay naghangad ng mas espesipikong sagot, anupat nagtanong: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?”—Gawa 1:6.
Taglay ang gayunding taimtim na motibo, sinikap ng mga lingkod ng Diyos sa makabagong panahon na mahinuha mula sa sinabi ni Jesus hinggil sa “salinlahi” ang ilang tiyak na salik sa panahon na sinukat mula noong 1914. Halimbawa, ang isang pangangatuwiran ay na ang isang salinlahi ay maaaring maging 70 o 80 taon ang haba, na binubuo ng mga tao na may sapat nang edad upang maunawaan ang kahulugan ng unang digmaang pandaigdig at ng iba pang pangyayari; sa gayo’y humigit-kumulang masusukat na natin kung gaano na kalapit ang wakas.
Gaano man kataimtim ang gayong kaisipan, kasuwato ba naman ito ng payong isinusog ni Jesus? Sinabi ni Jesus: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang. . . . Manatili kayong mapagbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”—Mateo 24:36-42.
Kaya ang kamakailang impormasyon sa Ang Bantayan tungkol sa “salinlahing ito” ay hindi nagpabago sa ating pagkaunawa sa naganap noong 1914. Subalit nagbigay ito sa atin ng lalong malinaw na pagkaunawa sa paggamit ni Jesus sa terminong “salinlahi,” anupat tinulungan tayong makita na ang kaniyang paggamit ay hindi nagbibigay ng saligan upang tantiyahin—bilangin mula 1914—kung gaano na tayo kalapit sa katapusan.