Mahahalagang Kapistahan sa Kasaysayan ng Israel
“Makaitlo sa isang taon na ang iyong mga lalaki ay magsisiharap kay Jehova na iyong Diyos sa dakong kaniyang pipiliin . . . , at huwag silang haharap na walang dala kay Jehova.”—DEUTERONOMIO 16:16.
1. Ano ang masasabi tungkol sa mga kapistahan noong panahon ng Bibliya?
ANO ang naiisip ninyo tungkol sa isang kapistahan? Ang ilang kapistahan noong sinaunang panahon ay kinakitaan ng pagpapakalabis at kahalayan. Totoo rin naman ito kung tungkol sa ilang modernong-panahong kapistahan. Subalit naiiba ang mga kapistahang binalangkas sa Batas ng Diyos sa Israel. Bukod sa ang mga ito ay masasayang okasyon, mailalarawan din ang mga ito bilang “banal na mga kombensiyon.”—Levitico 23:2.
2. (a) Ano ang kailangang gawin ng mga lalaking Israelita nang tatlong beses sa isang taon? (b) Gaya ng pagkagamit sa salita sa Deuteronomio 16:16, ano ang isang “kapistahan”?
2 Ang tapat na mga lalaking Israelita—madalas na kasama ang kani-kanilang pamilya—ay nakasumpong ng nakagiginhawang kasiyahan sa paglalakbay patungo sa Jerusalem, ‘ang dako na pinili ni Jehova,’ at sila’y bukas-palad na nag-abuloy sa tatlong malalaking kapistahan. (Deuteronomio 16:16) Binigyang-katuturan ng aklat na Old Testament Word Studies ang Hebreong salitang isinaling “kapistahan” sa Deuteronomio 16:16 bilang isang “okasyon ng malaking kagalakan . . . na doon ang ilang natatanging pangyayari ng paglingap ng Diyos ay ipinagdiriwang nang may mga hain at piging.”a
Ang Kahalagahan ng Malalaking Kapistahan
3. Anong mga pagpapala ang ipinagugunita ng tatlong taunang kapistahan?
3 Yamang sila ay isang lahi ng mga magsasaka, ang mga Israelita ay umasa sa pagpapala ng Diyos tulad ng ulan. Ang tatlong malalaking kapistahan sa Batas Mosaiko ay kasabay ng pagtitipon ng inaning sebada sa pagsisimula ng tagsibol, ng pag-aani ng trigo sa pagtatapos ng tagsibol, at ng natitirang panahon ng pag-aani sa pagtatapos ng tag-araw. Ang mga ito’y okasyon ng matinding pagsasaya at pagpapasalamat sa Tagapaglaan ng siklo ng ulan at sa Maylikha ng mabungang lupain. Ngunit higit pa ang nasasangkot sa mga kapistahan.—Deuteronomio 11:11-14.
4. Anong makasaysayang pangyayari ang ipinagdiriwang ng unang kapistahan?
4 Nagaganap ang unang kapistahan sa unang buwan ng sinaunang kalendaryo ng Bibliya, mula Nisan 15 hanggang 21, na sa atin ay katumbas ng pagtatapos ng Marso o pasimula ng Abril. Ito’y tinawag na Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at dahil kasunod ito ng Paskuwa ng Nisan 14, tinatawag din itong “kapistahan ng paskuwa.” (Lucas 2:41; Levitico 23:5, 6) Ang kapistahang ito ay nagpapagunita sa Israel ng pagkakaligtas nila mula sa kapighatian sa Ehipto, anupat ang tinapay na walang pampaalsa ay tinawag na “ang tinapay ng kapighatian.” (Deuteronomio 16:3) Ipinagunita nito sa kanila na madalian ang kanilang paglabas mula sa Ehipto anupat wala nang panahon upang lagyan ng lebadura ang kanilang masa at hintayin itong umalsa. (Exodo 12:34) Sa panahon ng kapistahang ito ay walang masusumpungang tinapay na may lebadura sa tahanan ng mga Israelita. Sinumang nagdiriwang, pati na ang isang naninirahang dayuhan, na kakain ng tinapay na may lebadura ay paparusahan ng kamatayan.—Exodo 12:19.
5. Anong pribilehiyo ang maaaring ipinagugunita ng ikalawang kapistahan, at sino ang dapat isali sa pagsasaya?
5 Ang ikalawang kapistahan ay nagaganap pitong linggo (49 na araw) pagkaraan ng Nisan 16 at pumapatak sa ika-6 na araw ng ikatlong buwan, ang Sivan, na sa atin ay katumbas ng pagtatapos ng Mayo. (Levitico 23:15, 16) Tinawag iyon na Kapistahan ng mga Sanlinggo (noong kaarawan ni Jesus, tinawag din iyon na Pentecostes, nangangahulugang “Ikalimampu” sa Griego), at nagaganap ito malapit sa bahagi ng taon kung kailan sumailalim ang Israel sa tipang Batas sa Bundok ng Sinai. (Exodo 19:1, 2) Sa panahon ng kapistahang ito ay maaaring binubulay-bulay ng tapat na mga Israelita ang tungkol sa kanilang pribilehiyo na pagiging nakabukod bilang banal na bansa ng Diyos. Ang kanilang pagiging pantanging bayan ng Diyos ay humihiling ng pagsunod sa Batas ng Diyos, gaya ng utos na maibiging pagmalasakitan ang mga kapos-palad upang sila rin naman ay masiyahan sa kapistahan.—Levitico 23:22; Deuteronomio 16:10-12.
6. Anong karanasan ang ipinagugunita ng ikatlong kapistahan sa bayan ng Diyos?
6 Ang pinakahuli sa tatlong malalaking kapistahan taun-taon ay tinawag na Kapistahan ng Pagtitipon, o Kapistahan ng mga Kubol. Nagaganap iyon sa ikapitong buwan, ang Tishri, o Ethanim, mula sa ika-15 hanggang ika-21 araw, na sa atin ay pumapatak sa pagsisimula ng Oktubre. (Levitico 23:34) Sa panahong ito, ang bayan ng Diyos ay tumitira sa labas ng kanilang tahanan o sa kanilang mga bubong sa pansamantalang mga silungan (kubol) na yari sa mga sanga at dahon ng mga punungkahoy. Ito’y nagpapagunita sa kanila ng kanilang 40-taong paglalakbay mula sa Ehipto patungo sa Lupang Pangako, nang kinailangan ng bansa na umasa sa Diyos para sa kanilang mga pangangailangan sa araw-araw.—Levitico 23:42, 43; Deuteronomio 8:15, 16.
7. Paano tayo nakikinabang sa pagrerepaso ng mga pagdiriwang ng kapistahan sa sinaunang Israel?
7 Repasuhin natin ang ilang kapistahan na napatunayang mahalaga sa kasaysayan ng sinaunang bayan ng Diyos. Ito’y dapat na magpatibay-loob sa atin ngayon, yamang tayo rin naman ay inaanyayahang magtipon nang regular linggu-linggo at tatlong beses sa isang taon sa malalaking asamblea at mga kombensiyon.—Hebreo 10:24, 25.
Noong Panahon ng mga Hari sa Angkan ni David
8. (a) Anong makasaysayang pagdiriwang ang idinaos noong panahon ni Haring Solomon? (b) Anong dakilang kasukdulan ng antitipikong Kapistahan ng mga Kubol ang maaari nating asahan?
8 Ang isang makasaysayang pagdiriwang sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol ay naganap sa maunlad na pamamahala ni Haring Solomon, ang anak ni David. “Isang napakalaking kongregasyon” ang nagkatipon mula sa mga dulo ng Lupang Pangako para sa Kapistahan ng mga Kubol at sa pag-aalay ng templo. (2 Cronica 7:8) Nang matapos iyon, pinauwi ni Haring Solomon ang mga nagdiwang, na ‘nagpasimulang pagpalain ang hari at yumaon sa kanilang mga tahanan, nagsasaya at nagagalak ang puso sa lahat ng kabutihan na isinagawa ni Jehova para kay David na kaniyang lingkod at para sa Israel na kaniyang bayan.’ (1 Hari 8:66) Talagang iyon ay isang mahalagang kapistahan. Sa ngayon, hinihintay ng mga lingkod ng Diyos ang dakilang kasukdulan ng antitipikong Kapistahan ng mga Kubol sa katapusan ng Sanlibong Taong Paghahari ng Lalong Dakilang Solomon, si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 20:3, 7-10, 14, 15) Sa panahong iyon, ang mga taong nakatira sa bawat sulok ng lupa, pati na ang mga binuhay-muli at mga nakaligtas sa Armagedon, ay magkakaisa sa maligayang pagsamba sa Diyos na Jehova.—Zacarias 14:16.
9-11. (a) Ano ang umakay sa isang mahalagang kapistahan noong panahon ni Haring Hezekias? (b) Anong halimbawa ang inilaan ng marami mula sa sampung-tribong kaharian sa hilaga, at ano ang ipinagugunita nito sa atin ngayon?
9 Ang sumunod na natatanging kapistahan na nakaulat sa Bibliya ay naganap pagkatapos ng pamamahala ng balakyot na si Haring Ahaz, na nagpasara sa templo at umakay sa kaharian ng Juda tungo sa apostasya. Ang kahalili ni Ahaz ay ang mabuting si Haring Hezekias. Noong unang taon ng kaniyang pamamahala, sa edad na 25, sinimulan ni Hezekias ang isang malaking programa ng pagsasauli at pagbabago. Agad niyang pinabuksan ang templo at isinaayos ang pagkukumpuni nito. Pagkatapos ay lumiham ang hari sa mga Israelita na nakatira sa kaaway na sampung-tribong kaharian ng Israel sa hilaga, anupat inanyayahan silang pumaroon at ipagdiwang ang Paskuwa at ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Marami ang dumating, sa kabila ng pagtuya ng kanilang kapuwa.—2 Cronica 30:1, 10, 11, 18.
10 Nagtagumpay ba ang kapistahan? Iniulat ng Bibliya: “Kaya ang mga anak ni Israel na nasumpungan sa Jerusalem ay nagdaos ng kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw nang may malaking pagsasaya; at ang mga Levita at mga saserdote ay naghandog ng papuri kay Jehova sa araw-araw sa pamamagitan ng malalakas na instrumento.” (2 Cronica 30:21) Ano ngang inam na halimbawa ang ipinakita ng mga Israelitang iyon para sa bayan ng Diyos ngayon, na ang marami sa kanila ay nagbabata ng pagsalansang at naglalakbay nang malayo upang makadalo sa mga kombensiyon!
11 Halimbawa, isaalang-alang ang tatlong “Makadiyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon na idinaos sa Poland noong 1989. Kabilang sa dumalo na 166,518 ay ang malalaking grupo mula sa dating Unyong Sobyet at sa iba pang bansa sa Silangang Europa kung saan ipinagbabawal noon ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. “Para sa ilan na dumalo sa mga kombensiyong ito,” ulat ng aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos,b “iyon ang kauna-unahang pagkakataon na may makasama silang higit pa sa 15 o 20 sa bayan ni Jehova. Bumukal sa kanilang mga puso ang kagalakan nang masdan nila ang sampu-sampung libo sa istadyum, makisama sa kanila sa panalangin, at makialinsabay ng kanilang mga tinig sa pag-awit ng papuri kay Jehova.”—Pahina 279.
12. Ano ang umakay sa mahalagang kapistahan sa panahon ng pamamahala ni Haring Josias?
12 Pagkamatay ni Hezekias, muli na namang nahulog ang mga taga-Judea sa huwad na pagsamba sa ilalim nina Haring Manases at Amon. Pagkatapos ay namahala ang isa pang mabuting hari, ang kabataang si Josias, na buong tapang na kumilos upang isauli ang tunay na pagsamba. Sa edad na 25, iniutos ni Josias na kumpunihin ang templo. (2 Cronica 34:8) Habang isinasagawa ang pagkukumpuni, natagpuan sa templo ang Batas na isinulat ni Moises. Lubhang naantig si Haring Josias sa nabasa niya sa Batas ng Diyos at isinaayos niya na basahin ito sa buong bayan. (2 Cronica 34:14, 30) Nang magkagayon, alinsunod sa nakasulat, inorganisa niya ang isang pagdiriwang ng Paskuwa. Naglaan din ang hari ng isang mainam na halimbawa sa pamamagitan ng bukas-palad na pag-aabuloy para sa okasyong iyon. Bunga nito, iniulat sa Bibliya: “Hindi pa kailanman nagdaos ng paskuwa na tulad nito sa Israel mula noong mga araw ni Samuel na propeta.”—2 Cronica 35:7, 17, 18.
13. Ano ang ipinagugunita sa atin ngayon ng mga pagdiriwang ng kapistahan nina Hezekias at Josias?
13 Ang mga pagbabagong ginawa nina Hezekias at Josias ay katumbas ng kahanga-hangang pagsasauli ng tunay na pagsamba na naganap sa mga tunay na Kristiyano mula nang iluklok si Jesu-Kristo noong 1914. Gaya ng nangyari lalo na sa mga pagbabago na ginawa ni Josias, ang modernong-panahong pagsasauling ito ay ibinatay sa nakasulat sa Salita ng Diyos. At, katulad noong mga araw nina Hezekias at Josias, makikita sa modernong-panahong pagsasauli ang mga asamblea at mga kombensiyon kung saan itinatampok ang kapana-panabik na pagpapaliwanag sa mga hula ng Bibliya at ang napapanahong pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Dagdag pa sa kagalakan sa nakapagtuturong mga okasyong ito ang malaking bilang ng mga nababautismuhan. Tulad ng mga nagsising Israelita noong mga araw nina Hezekias at Josias, tinalikuran ng mga bagong bautisado ang balakyot na mga gawain ng Sangkakristiyanuhan at ang natitirang bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Noong 1997 mahigit na 375,000 ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa banal na Diyos, si Jehova—isang katamtamang bilang na mahigit sa 1,000 bawat araw.
Pagkatapos ng Pagkakatapon
14. Ano ang umakay sa mahalagang kapistahan noong 537 B.C.E.?
14 Pagkamatay ni Josias, muli na namang bumaling ang bansa sa bulok na huwad na pagsamba. Sa dakong huli, noong 607 B.C.E., pinarusahan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagdadala sa mga hukbo ng Babilonya laban sa Jerusalem. Winasak ang lunsod at ang templo nito, at iniwang tiwangwang ang lupain. Sumunod ang 70 taon ng pagkabihag ng mga Judio sa Babilonya. Pagkatapos ay pinanumbalik ni Jehova ang mga Judiong nalabi, na bumalik sa Lupang Pangako upang isauli ang tunay na pagsamba. Dumating sila sa gibang lunsod ng Jerusalem noong ikapitong buwan ng taong 537 B.C.E. Ang una nilang ginawa ay ang magtayo ng isang altar upang makapaghandog ng regular na hain sa araw-araw gaya ng binalangkas sa tipang Batas. Tamang-tama iyon para sa isa pang makasaysayang pagdiriwang. “Nang magkagayo’y idinaos nila ang kapistahan ng mga kubol alinsunod sa nasusulat.”—Ezra 3:1-4.
15. Anong gawain ang nasa harapan ng nagbalik na mga nalabi noong 537 B.C.E., at paano umiral ang isang kahawig na situwasyon noong 1919?
15 Nakaharap sa mga nagbalik na ito ang isang malaking gawain—ang muling pagtatayo ng templo ng Diyos at ng Jerusalem pati ang mga pader nito. Matindi ang pagsalansang ng naiinggit na mga karatig-bayan. Nang itinatayo ang templo, iyon ay isang “araw ng maliliit na bagay.” (Zacarias 4:10) Ang situwasyon ay kahawig ng kalagayan ng tapat na mga pinahirang Kristiyano noong 1919. Sa di-malilimot na taóng iyon, sila’y nakalaya mula sa espirituwal na pagkabihag sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sila’y iilang libo lamang at nakaharap sa isang napopoot na sanlibutan. Mapatitigil kaya ng mga kaaway ng Diyos ang pagsulong ng tunay na pagsamba? Ang sagot sa tanong na ito ay nagpapagunita ng dalawang huling pagdiriwang ng kapistahan na nakaulat sa Hebreong Kasulatan.
16. Ano ang kapansin-pansin tungkol sa isang kapistahan noong 515 B.C.E.?
16 Ang templo ay muling naitayo nang dakong huli sa buwan ng Adar 515 B.C.E., tamang-tama sa kapistahan ng Nisan sa tagsibol. Iniulat ng Bibliya: “Humayo sila upang idaos ang kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw nang may pagsasaya; sapagkat pinapangyari ni Jehova na magsaya sila, at pinanumbalik niya ang puso ng hari ng Asirya sa kanila upang palakasin ang kanilang mga kamay sa gawain sa bahay ng tunay na Diyos, ang Diyos ng Israel.”—Ezra 6:22.
17, 18. (a) Anong mahalagang kapistahan ang naganap noong 455 B.C.E.? (b) Paanong tayo ay nasa isang katulad na situwasyon sa ngayon?
17 Pagkaraan ng 60 taon, noong 455 B.C.E., naganap ang isa pang mahalagang pangyayari. Sa Kapistahan ng Kubol nang taong iyon ay natapos ang muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. Nag-ulat ang Bibliya: “Ang buong kongregasyon ng mga nagbalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol at nanirahan sa mga kubol; sapagkat mula sa mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na yaon ay hindi nagsigawa ng gayon ang mga anak ni Israel, kaya nagkaroon ng napakalaking pagsasaya.”—Nehemias 8:17.
18 Tunay na isang di-malilimutang pagsasauli ng tunay na pagsamba sa Diyos sa kabila ng mahigpit na pagsalansang! Katulad nito ang situwasyon ngayon. Sa kabila ng daluyong ng pag-uusig at pagsalansang, ang dakilang gawain na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay umabot na sa mga dulo ng lupa, at ang mga kahatulang mensahe ng Diyos ay naiparinig na sa lahat ng dako. (Mateo 24:14) Malapit na ang pangwakas na pagtatatak ng mga nalabi sa 144,000 pinahiran. Mahigit na limang milyon sa kanilang kasamahang “ibang mga tupa” ang tinipon mula sa lahat ng bansa tungo sa “isang kawan” kasama ng mga pinahirang nalabi. (Juan 10:16; Apocalipsis 7:3, 9, 10) Tunay na isang kahanga-hangang katuparan ng makahulang larawan ng Kapistahan ng mga Kubol! At magpapatuloy ang dakilang gawaing ito ng pagtitipon hanggang sa bagong sanlibutan na ang bilyun-bilyong binuhay-muli ay aanyayahang makisama sa pagdiriwang ng antitipikong Kapistahan ng mga Kubol.—Zacarias 14:16-19.
Noong Unang Siglo C.E.
19. Bakit natatangi ang Kapistahan ng mga Kubol noong 32 C.E.?
19 Kabilang sa totoong natatanging mga pagdiriwang ng kapistahan na naiulat sa Bibliya ay tiyak na yaong dinaluhan ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Halimbawa, isaalang-alang ang pagdalo ni Jesus sa Kapistahan ng mga Kubol (o, mga Tabernakulo) noong taong 32 C.E. Ginamit niya ang okasyong iyon upang magturo ng mahahalagang katotohanan at suhayan ang kaniyang pagtuturo sa pamamagitan ng pagbanggit mula sa Hebreong Kasulatan. (Juan 7:2, 14, 37-39) Regular na bahagi ng kapistahang ito ang kaugalian ng pagsisindi ng apat na malalaking kandelero sa looban sa gawing loob ng templo. Nagdaragdag ito ng kasiyahan sa mga gawain sa kapistahan na nagpapatuloy hanggang gabi. Maliwanag, tinukoy ni Jesus ang malalaking ilaw na ito nang sabihin niya: “Ako ang liwanag ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa akin ay hindi sa anumang paraan maglalakad sa kadiliman, kundi magtataglay ng liwanag ng buhay.”—Juan 8:12.
20. Bakit natatangi ang Paskuwa noong 33 C.E.?
20 Pagkatapos ay sumapit ang Paskuwa at ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa noong mahalagang taon ng 33 C.E. Sa gayong Araw ng Paskuwa, si Jesus ay pinatay ng kaniyang mga kaaway at naging antitipikong Kordero ng Paskuwa, na namatay upang alisin ang “kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29; 1 Corinto 5:7) Pagkaraan ng tatlong araw, noong Nisan 16, binuhay-muli ng Diyos si Jesus taglay ang isang imortal na katawang espiritu. Katulad ito ng paghahandog ng mga pangunang bunga ng aning sebada na itinakda ng Batas. Sa gayon, ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo ay naging “ang pangunang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.”—1 Corinto 15:20.
21. Ano ang nangyari noong Pentecostes ng 33 C.E.?
21 Tunay na isang natatanging kapistahan ang Pentecostes noong 33 C.E. Sa araw na ito ay maraming nagkatipong Judio at proselita sa Jerusalem, kasali na ang mga 120 alagad ni Jesus. Habang nagaganap ang kapistahan, ibinuhos ng binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo ang banal na espiritu ng Diyos sa 120. (Gawa 1:15; 2:1-4, 33) Sa gayo’y pinahiran sila at naging ang bagong bansang pinili ng Diyos sa bagong tipan na ang tagapamagitan ay si Jesu-Kristo. Sa kapistahang iyan ay naghahandog sa Diyos ang Judiong mataas na saserdote ng dalawang tinapay na may lebadura na gawa mula sa pangunang bunga ng inaning trigo. (Levitico 23:15-17) Inilalarawan ng may lebadurang tinapay na ito ang 144,000 di-sakdal na mga tao na ‘binili ni Jesus para sa Diyos’ upang maglingkod bilang “isang kaharian at mga saserdote . . . [na] mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3) Ang bagay na ang makalangit na mga tagapamahalang ito ay nanggaling sa dalawang sangay ng makasalanang sangkatauhan, ang mga Judio at mga Gentil, ay maaari ring inilalarawan ng dalawang tinapay na may lebadura.
22. (a) Bakit hindi ipinagdiriwang ng mga Kristiyano ang mga kapistahan sa tipang Batas? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
22 Nang magkabisa ang bagong tipan noong Pentecostes 33 C.E., nangangahulugan iyon na ang matandang tipang Batas ay nawalan na ng halaga sa paningin ng Diyos. (2 Corinto 3:14; Hebreo 9:15; 10:16) Hindi ito nangangahulugan na wala nang batas ang mga pinahirang Kristiyano. Sumailalim sila sa batas ng Diyos na itinuro ni Jesu-Kristo at nasusulat sa kanilang puso. (Galacia 6:2) Samakatuwid, ang tatlong taunang kapistahan, yamang bahagi ng matandang tipang Batas, ay hindi ipinagdiriwang ng mga Kristiyano. (Colosas 2:16, 17) Gayunpaman, malaki ang matututuhan natin mula sa saloobin ng mga lingkod ng Diyos bago ng panahong Kristiyano may kinalaman sa kanilang mga kapistahan at iba pang pagpupulong ukol sa pagsamba. Sa ating susunod na artikulo, tatalakayin natin ang mga halimbawang tiyak na gaganyak sa lahat upang pahalagahan ang pangangailangan na maging regular sa pagdalo sa mga pagtitipong Kristiyano.
[Mga talababa]
a Tingnan din ang Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., Tomo 1, pahina 820, tudling 1, parapo 1 at 3, sa ilalim ng “Festival.”
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ang layunin ng tatlong malalaking kapistahan sa Israel?
◻Ano ang katangian ng mga kapistahan noong panahon nina Hezekias at Josias?
◻Anong mahalagang pangyayari ang ipinagdiwang noong 455 B.C.E., at bakit ito nakapagpapatibay-loob sa atin?
◻ Ano ang natatangi tungkol sa Paskuwa at sa Pentecostes noong 33 C.E.?
[Kahon sa pahina 12]
Isang Aral ng Kapistahan Para sa Atin Ngayon
Ang lahat ng makikinabang nang walang hanggan mula sa nagbabayad-salang hain ni Jesus ay dapat mamuhay kasuwato ng inilalarawan ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang antitipikong kapistahang ito ang masayang pagdiriwang ng mga pinahirang Kristiyano dahil sa kanilang pagkakaligtas mula sa balakyot na sanlibutang ito at sa kanilang paglaya mula sa hatol ng kasalanan sa pamamagitan ng pantubos ni Jesus. (Galacia 1:4; Colosas 1:13, 14) Ang literal na kapistahan ay tumagal nang pitong araw—isang bilang na ginagamit sa Bibliya upang sumagisag sa pagiging ganap sa espirituwal. Ang antitipikong kapistahan ay tatagal hanggang sa kaganapan ng pag-iral ng pinahirang kongregasyong Kristiyano sa lupa at kailangang ipagdiwang taglay ang “kataimtiman at katotohanan.” Nangangahulugan ito ng pagiging laging mapagbantay laban sa makasagisag na lebadura. Ang lebadura ay ginagamit sa Bibliya upang lumarawan sa mga maling turo, pagpapaimbabaw, at kasamaan. Ang tunay na mga mananamba ni Jehova ay dapat magpakita ng pagkapoot sa gayong lebadura, anupat hindi pinahihintulutang pasamain nito ang kanilang sariling buhay at hindi hinahayaang dungisan nito ang kadalisayan ng Kristiyanong kongregasyon.—1 Corinto 5:6-8; Mateo 16:6, 12.
[Larawan sa pahina 9]
Isang bigkis ng bagong ani ng sebada ang inihahandog taun-taon tuwing Nisan 16, ang araw na binuhay-muli si Jesus
[Larawan sa pahina 10]
Maaaring tinukoy ni Jesus ang mga ilaw sa kapistahan nang tawagin niya ang kaniyang sarili bilang “ang liwanag ng sanlibutan”