Paggunita sa mga Huling Araw ni Jesus sa Lupa
NOON ay ikapitong araw ng buwan ng Nisan ng mga Judio noong taóng 33 C.E. Gunigunihin na pinagmamasdan mo ang mga pangyayari sa Romanong lalawigan ng Judea. Mula sa Jerico at sa malagong pananim nito, namimigat ang mga paa habang binabagtas ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga alagad ang maalikabok at liku-likong daan. Marami pang ibang naglalakbay ang paakyat din sa Jerusalem para sa taunang pagdiriwang ng Paskuwa. Gayunman, hindi lamang ang mahirap na pag-akyat na ito ang nasa isip ng mga alagad ni Kristo.
Malaon nang pinananabikan ng mga Judio ang isang Mesiyas na magpapalaya sa kanila mula sa paniniil ng Roma. Marami ang naniniwalang si Jesus ng Nazaret ang malaon nang hinihintay na Tagapagligtas. Sa loob ng tatlo at kalahating taon, sinasabi na niya ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pinagaling niya ang may-sakit at pinakain ang nagugutom. Oo, nagdulot siya ng kaaliwan sa mga tao. Subalit ang mga lider ng relihiyon ay nasasaktan sa maaanghang na pagbatikos ni Jesus sa kanila at nagpasiya silang patayin siya. Magkagayunman, hayun siya, buong-katatagang lumalakad sa tigang na daan kasunod ang kaniyang mga alagad.—Marcos 10:32.
Habang papalubog ang araw sa likod ng Bundok ng mga Olibo sa dako pa roon, narating ni Jesus at ng kaniyang mga kasama ang nayon ng Betania, na doo’y palilipasin nila ang susunod na anim na gabi. Naroon upang sumalubong sa kanila ang mga mahal nilang kaibigan na sina Lazaro, Maria, at Marta. Nagdulot ng ginhawa ang lamig ng gabi mula sa mainit na paglalakbay at naging tanda ito ng pagsisimula ng Sabbath ng Nisan 8.—Juan 12:1, 2.
Nisan 9
Pagkaraan ng Sabbath, ang Jerusalem ay nagkakaingay sa maraming gawain. Libu-libong panauhin ang nagkakatipon na sa lunsod para sa Paskuwa. Subalit ang pagkakaingay na ito na ating naririnig ay naiiba ngayong taóng ito. Ang nag-uusyosong pulutong ay nagmamadaling bumababa sa makikitid na lansangan patungo sa mga pintuang-daan ng lunsod. Habang sila’y naggigitgitan palabas sa masisikip na pintuan, nagulat sila sa kanilang nakita! Maraming nagkakasayahang tao ang pababa sa Bundok ng mga Olibo sa daan mula sa Betfage. (Lucas 19:37) Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito?
Narito! Si Jesus ng Nazaret ay dumarating na nakasakay sa bisiro ng isang asno. Naglatag ang mga tao ng mga kasuutan sa kaniyang daraanan. Iwinawagayway naman ng iba ang kapuputol na mga sanga ng palma at masayang sumisigaw: “Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova, samakatuwid baga’y ang hari ng Israel!”—Juan 12:12-15.
Habang papalapit ang pulutong sa Jerusalem, tumanaw si Jesus sa lunsod at labis na nagdalang-habag. Tumangis siya, at narinig nating inihuhula niya na ang lunsod na ito’y mawawasak. Di pa natatagalan nang makarating si Jesus sa templo, tinuruan niya ang pulutong at pinagaling ang mga bulag at pilay na mga tao na lumapit sa kaniya.—Mateo 21:14; Lucas 19:41-44, 47.
Napansin ito ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Galit na galit silang makita ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ni Jesus at ang pagkakasayahan ng mga tao! Palibhasa’y hindi na maitago ang kanilang galit, sinabi ng mga Fariseo: “Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.” “Sinasabi ko sa inyo,” sagot ni Jesus, “Kung ang mga ito ay mananatiling tahimik, ang mga bato ang sisigaw.” Bago umalis, napansin ni Jesus ang pangangalakal sa templo.—Lucas 19:39, 40; Mateo 21:15, 16; Marcos 11:11.
Nisan 10
Maagang dumating si Jesus sa templo. Kahapon ay hindi niya naiwasang magalit sa malubhang pangangalakal na ginawa sa pagsamba sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova. Kaya nga, buong-sigasig na pinalayas niya ang lahat niyaong mga nagtitinda at bumibili sa templo. Pagkatapos ay itinaob niya ang mga mesa ng mga gahamang tagapagpalit ng salapi at ang mga bangkô niyaong mga nagtitinda ng mga kalapati. “Nasusulat,” bulalas ni Jesus, “ ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,’ subalit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”—Mateo 21:12, 13.
Hindi natagalan ng mga punong saserdote, mga eskriba, at ng mga pangunahing lalaki ang mga ikinilos ni Jesus at ang kaniyang pagtuturo sa madla. Sabik na sabik na silang maipapatay siya! Subalit hindi nila ito magawa dahil sa ang mga tao’y manghang-mangha sa turo ni Jesus at sila’y patuloy na “nananatili sa kaniya upang pakinggan siya.” (Lucas 19:47, 48) Habang pagabi na, si Jesus at ang kaniyang mga kasama ay buong-kasiyahang naglalakad pabalik sa Betania upang matulog nang mahimbing.
Nisan 11
Madaling araw na, at si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay naglalakad na sa Bundok ng mga Olibo patungong Jerusalem. Nang sumapit sila sa templo, mabilis na hinarap ng mga punong saserdote at ng mga nakatatandang lalaki si Jesus. Sariwa pa sa kanilang alaala ang ginawa nito sa mga tagapagpalit ng salapi at sa mga mangangalakal sa templo. Sa masakit na salita’y nagtanong ang kaniyang mga kaaway: “Sa anong awtoridad ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?” “Tatanungin ko rin kayo ng isang bagay,” tugon ni Jesus. “Kung sasabihin ninyo iyon sa akin, sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito: Ang bautismo ni Juan, saan ba ito nagmula? Mula sa langit o mula sa mga tao?” Sa pagsasang-usapan, ikinatuwiran ng mga kaaway: “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Bakit, kung gayon, hindi kayo naniwala sa kaniya?’ Gayunman, kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ may pulutong tayong katatakutan, sapagkat si Juan ay itinuturing nilang lahat na isang propeta.” Palibhasa’y di-alam ang sasabihin, mahina ang kanilang sagot: “Hindi namin alam.” Mahinahon namang sumagot si Jesus: “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.”—Mateo 21:23-27.
Sinubukan ngayon ng mga kaaway ni Jesus na linlangin siyang magsabi ng isang bagay na magiging dahilan upang maipadakip nila siya. “Kaayon ba ng batas,” tanong nila, “na magbayad ng pangulong buwis kay Cesar o hindi?” “Ipakita ninyo sa akin ang baryang pangulong buwis,” sagot ni Jesus. Itinanong niya: “Kaninong larawan at inskripsiyon ito?” “Kay Cesar,” sabi nila. Palibhasa’y nalito na sila, maliwanag na nagsalita si Jesus upang marinig ng lahat: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Mateo 22:15-22.
Nang mapatahimik ang kaniyang mga kaaway dahil sa di-mapabubulaanang pangangatuwiran, ngayo’y ipinahayag ni Jesus ang kaniyang di-pagsang-ayon sa harap ng pulutong at ng kaniyang mga alagad. Makinig ka habang walang-takot niyang tinutuligsa ang mga eskriba at Fariseo. “Huwag ninyong gawin ang ayon sa kanilang mga gawa,” sabi niya, “sapagkat sinasabi nila ngunit hindi isinasagawa.” Taglay ang katapangan, binigkas niya ang sunud-sunod na kaabahan sa kanila, anupat ipinakikilala sila bilang mga bulag na tagaakay at mapagpaimbabaw. “Mga serpiyente, supling ng mga ulupong,” sabi ni Jesus, “paano kayo makatatakas mula sa paghatol ng Gehenna?”—Mateo 23:1-33.
Ang masakit na pagtuligsang ito ay hindi nangangahulugang bulag si Jesus sa mabubuting katangian ng iba. Pagkaraan, nakita niya ang mga taong naghuhulog ng salapi sa mga kabang-yaman sa templo. Nakababagbag-damdamin na makita ang isang nagdarahop na babaing balo na naghulog ng lahat ng kabuhayan niya—dalawang maliit na barya na may napakaliit na halaga! Taglay ang lubusang pagpapahalaga, tinukoy ni Jesus na, ang totoo, siya’y naghulog ng higit kaysa sa lahat ng nagbigay ng malalaking abuloy “mula sa kanilang labis.” Taglay ang magiliw na pagkamadamayin, labis na pinahahalagahan ni Jesus ang anumang magagawa ng isang tao.—Lucas 21:1-4.
Ngayo’y nililisan na ni Jesus ang templo sa huling pagkakataon. Ilan sa kaniyang mga alagad ang nagkomento sa karingalan nito, na ito’y “nagagayakan ng maiinam na bato at inialay na mga bagay.” Sa kanilang pagtataka, sumagot si Jesus: “Ang mga araw ay darating na walang bato sa ibabaw ng isang bato ang maiiwan dito na hindi ibabagsak.” (Lucas 21:5, 6) Habang sinusundan nila si Jesus papalabas sa masikip na lunsod, iniisip nila kung ano kaya ang ibig niyang sabihin.
Buweno, mayamaya ay naupo si Jesus at ang kaniyang mga apostol at nasiyahan sa kapayapaan at katahimikan ng Bundok ng mga Olibo. Habang pinagmamasdan nila ang napakagandang tanawin ng Jerusalem at ng templo, hinangad nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres na liwanagin ang nakagugulat na hula ni Jesus. “Sabihin mo sa amin,” sabi nila, “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?”—Mateo 24:3; Marcos 13:3, 4.
Bilang sagot ay nagbigay ang Dalubhasang Guro ng isang napakapambihirang hula. Inihula niya ang matitinding digmaan, lindol, kakapusan sa pagkain, at mga salot. Inihula rin ni Jesus na ipangangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa. “Kung magkagayon,” babala niya, “magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula ng pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.”—Mateo 24:7, 14, 21; Lucas 21:10, 11.
Matamang nakikinig ang apat na apostol habang tinatalakay ni Jesus ang iba pang bahagi ng ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto.’ Idiniin niya na kailangang ‘manatiling mapagbantay.’ Bakit? “Dahil,” sabi niya, “hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”—Mateo 24:42; Marcos 13:33, 35, 37.
Ito’y isang di-malilimot na araw para kay Jesus at sa kaniyang mga apostol. Sa katunayan, ito ang huling araw ng ministeryo ni Jesus sa madla bago siya dakpin, litisin, at patayin. Yamang gumagabi na, kanilang sinimulang lakarin ang maikling distansiya sa ibabaw ng burol pabalik sa Betania.
Nisan 12 at 13
Tahimik na ginugol ni Jesus ang Nisan 12 sa piling ng kaniyang mga alagad. Alam niyang gustung-gusto na siyang maipapatay ng mga lider ng relihiyon, at ayaw niyang mahadlangan nila ang kaniyang pagdiriwang ng Paskuwa bukas ng gabi. (Marcos 14:1, 2) Kinabukasan, Nisan 13, abala ang mga tao sa paggawa ng huling mga kaayusan para sa Paskuwa. Nang maghahapon na, isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan upang ihanda ang Paskuwa para sa kanila sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Marcos 14:12-16; Lucas 22:8) Nang malapit nang lumubog ang araw, kinatagpo sila roon ni Jesus at ng sampu pang apostol para sa kanilang huling pagdiriwang ng Paskuwa.
Nisan 14, Paglubog ng Araw
Nalalambungan ng malamlam na sinag ng takipsilim ang Jerusalem habang tumataas ang kabilugan ng buwan sa Bundok ng mga Olibo. Sa isang malaki’t kumpletong silid, si Jesus at ang 12 ay nakahilig sa inihandang mesa. “Masidhing ninasa ko na kainin ang paskuwang ito kasama ninyo bago ako magdusa,” sabi niya. (Lucas 22:14, 15) Mayamaya’y nagulat ang mga apostol nang makitang tumayo si Jesus at inilagay ang kaniyang mga panlabas na kasuutan sa isang tabi. Dala ang isang tuwalya at isang palanggana ng tubig, sinimulan niyang hugasan ang kanilang mga paa. Tunay na isang di-malilimot na aral ng mapagpakumbabang paglilingkod!—Juan 13:2-15.
Gayunman, alam ni Jesus na isa sa mga lalaking ito—si Judas Iscariote—ay nagsaayos na ipagkanulo siya sa mga lider ng relihiyon. Kaya naman, labis siyang nabahala. “Ang isa sa inyo ay magkakanulo sa akin,” pagsisiwalat niya. Lubhang napighati ang mga apostol dahil dito. (Mateo 26:21, 22) Matapos magdiwang ng Paskuwa, sinabi ni Jesus kay Judas: “Kung ano ang iyong ginagawa ay gawin mo nang lalong madali.”—Juan 13:27.
Nang makaalis si Judas, pinasinayaan ni Jesus ang isang hapunan upang gunitain ang kaniyang napipintong kamatayan. Kinuha niya ang isang buong tinapay na walang lebadura, nanalangin ng pasasalamat, pinagputul-putol ito, at sinabihan ang 11 na kanin iyon. “Ito ay nangangahulugan ng aking katawan,” aniya, “na siyang ibibigay alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito sa pag-alaala sa akin.” Pagkatapos ay kinuha niya ang isang kopa ng mapulang alak. Matapos bigkasin ang pagpapala, ipinasa niya ang kopa sa kanila, habang sinasabi sa kanila na uminom mula rito. Dagdag pa ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng aking ‘dugo ng tipan,’ na siyang ibubuhos alang-alang sa marami para sa kapatawaran ng mga kasalanan.”—Lucas 22:19, 20; Mateo 26:26-28.
Noong dakilang gabing iyon, itinuro ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol ang mahahalagang aral, at kabilang dito ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapatid. (Juan 13:34, 35) Tiniyak niya sa kanila na sila’y tatanggap ng “katulong,” ang banal na espiritu. Ipagugunita nito sa kanila ang lahat ng bagay na sinabi niya sa kanila. (Juan 14:26) Nang malalim na ang gabi, tiyak na sila’y labis na napatibay nang marinig ang marubdob na panalangin ni Jesus alang-alang sa kanila. (Juan, kabanata 17) Matapos ang awit ng papuri, nilisan nila ang silid sa itaas at sinundan si Jesus sa labas kung saan malamig ang simoy ng hangin sa kalaliman ng gabi.
Habang tumatawid sa Libis ng Kidron, si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay patungo sa isa sa kanilang paboritong lugar, ang halamanan ng Getsemani. (Juan 18:1, 2) Habang naghihintay ang kaniyang mga apostol, lumayo si Jesus nang kaunti upang manalangin. Hindi kayang ipaliwanag ng mga salita ang igting na kaniyang nadarama habang marubdob siyang nagsusumamo sa Diyos na siya’y tulungan. (Lucas 22:44) Iniisip pa lamang niya ang kadustaang ibubunton sa kaniyang mahal na Ama sa langit sakaling mabigo siya ay labis-labis nang pahirap sa kaniya.
Hindi pa halos natatapos ni Jesus ang kaniyang panalangin nang dumating si Judas Iscariote kasama ang isang pulutong na may dalang mga tabak, pamalo, at mga sulo. “Magandang araw, Rabbi!” sabi ni Judas, habang buong-giliw na hinahalikan si Jesus. Ito ang hudyat para dakpin na ng mga lalaki si Jesus. Walang-anu-ano, iniunday ni Pedro ang kaniyang tabak at tinagpas ang tainga ng alipin ng mataas na saserdote. “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito,” ani Jesus habang pinagagaling niya ang tainga ng lalaki. “Ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.”—Mateo 26:47-52.
Napakabilis ng mga pangyayari! Dinakip si Jesus at iginapos. Dahil sa takot at pagkalito, pinabayaan ng mga apostol ang kanilang Panginoon at tumakas. Si Jesus ay dinala kay Anas, ang dating mataas na saserdote. Pagkatapos ay dinala siya kay Caifas, ang kasalukuyang mataas na saserdote, upang litisin. Maaga kinabukasan, si Jesus ay buong-kabulaanang pinaratangan ng Sanedrin ng pamumusong. Pagkatapos, ipinadala siya ni Caifas sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato. Ipinadala naman nito si Jesus kay Herodes Antipas, ang tagapamahala ng Galilea. Hinamak ni Herodes at ng kaniyang mga guwardiya si Jesus. Pagkatapos ay ibinalik siya kay Pilato. Napatunayan ni Pilato na si Jesus ay walang kasalanan. Subalit ginipit siya ng mga Judiong lider ng relihiyon kung kaya hinatulan niya si Jesus ng kamatayan. Matapos ang maraming pananakit sa salita at sa pisikal, dinala si Jesus sa Golgota kung saan siya’y walang-awang ipinako sa isang pahirapang tulos at dumanas ng napakasakit na kamatayan.—Marcos 14:50–15:39; Lucas 23:4-25.
Magiging pinakamalubhang trahedya sana ito sa kasaysayan kung ang kamatayan ni Jesus ay naging permanenteng wakas ng kaniyang buhay. Mabuti na lamang, hindi nagkagayon. Noong Nisan 16, 33 C.E., namangha ang kaniyang mga alagad nang matuklasang siya’y ibinangon mula sa kamatayan. Nang maglaon, mahigit na 500 katao ang nakapagpatunay na si Jesus ay nabuhay nang muli. At 40 araw matapos na siya’y buhaying-muli, isang grupo ng tapat na mga tagasunod ang nakakita sa kaniyang pag-akyat sa langit.—Gawa 1:9-11; 1 Corinto 15:3-8.
Ang Buhay ni Jesus at Ikaw
Paano ka apektado nito—sa katunayan, tayong lahat? Buweno, ang ministeryo, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus ay nagpapadakila sa Diyos na Jehova at mahalaga sa pagsasagawa ng Kaniyang dakilang layunin. (Colosas 1:18-20) Napakahalaga nito sa atin dahil mapatatawad ang ating mga kasalanan batay sa hain ni Jesus at sa gayo’y magkakaroon tayo ng personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova.—Juan 14:6; 1 Juan 2:1, 2.
Apektado rin maging ang mga patay sa sangkatauhan. Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay nagbukas ng daan upang sila’y buhaying-muli sa ipinangako ng Diyos na Paraiso sa lupa. (Lucas 23:39-43; 1 Corinto 15:20-22) Kung nais mong malaman pang higit ang tungkol sa mga bagay na ito, inaanyayahan ka naming dumalo sa Memoryal ng kamatayan ng Kristo sa Abril 11, 1998, sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar.
[Kahon sa pahina 6]
“Yungib ng Mga Magnanakaw”
MAY sapat na dahilan si Jesus na sabihing ginawang “yungib ng mga magnanakaw” ng mga gahamang mangangalakal ang templo ng Diyos. (Mateo 21:12, 13) Upang makabayad ng buwis sa templo, ang mga Judio at proselita mula sa ibang lupain ay kailangang magpapalit ng kanilang banyagang salapi para tanggapin. Sa kaniyang aklat na The Life and Times of Jesus the Messiah, ipinaliwanag ni Alfred Edersheim na itinatayo noon ng mga tagapagpalit ng salapi ang kanilang mga negosyo sa mga probinsiya kung Adar 15, isang buwan bago ang Paskuwa. Pagsapit ng Adar 25, lumilipat sila sa lugar ng templo sa Jerusalem upang samantalahin ang pagdaragsaan ng mga Judio at proselita. Naging malakas ang negosyo ng mga komersiyante, anupat sumisingil ng kabayaran sa bawat salaping ipinapapalit. Ang pagtukoy ni Jesus sa kanila bilang mga magnanakaw ay nagpapahiwatig na ang sinisingil nilang kabayaran ay napakataas anupat ang totoo, sila’y nangingikil ng salapi sa mahihirap.
Ang ilan ay hindi makapagdala ng sarili nilang mga hayop na ihahain. Ang sinumang may dala ay kailangang ipasuri muna ang hayop sa isang inspektor sa templo—na may bayad. Dahil sa nag-aalala sila na baka tanggihan ang hayop matapos na paghirapan nilang dalhin mula sa malayong lakbayin, marami ang bumili na lamang ng isang “inaprobahan” ng mga Levita mula sa napakasasamang komersiyante sa templo. “Maraming mahihirap na magbubukid ang nadaya roon,” sabi ng isang iskolar.
May patotoo na ang minsa’y naging mataas na saserdoteng si Anas at ang kaniyang pamilya ay nagkaroon ng pansariling pakinabang sa mga mangangalakal sa templo. Binabanggit sa mga rabinikong kasulatan ang tungkol sa “mga Basar [sa templo] ng mga anak ni Anas.” Ang mga rentas mula sa mga tagapagpalit ng salapi at sa pagbebenta ng mga hayop sa loob ng bakuran ng templo ay isa sa kanilang pangunahing pinagkakakitaan. Sinabi ng isang iskolar na ang ginawang pagpapalayas ni Jesus sa mga mangangalakal “ay patungkol hindi lamang sa reputasyon ng mga saserdote kundi gayundin sa kanilang mga bulsa.” Anuman ang dahilan, tiyak na gusto na siyang ipapatay ng kaniyang mga kaaway!—Lucas 19:45-48.
[Chart sa pahina 4]
Ang Mga Huling Araw ng Buhay ni Jesus Bilang Tao
Nisan 33 C.E. Mga Pangyayari Pinakadakilang Tao*
7 Biyernes Naglakbay si Jesus at 101, par. 1
ang kaniyang mga alagad
mula sa Jerico patungong
Jerusalem (Ang Nisan 7
ay pumapatak ng Linggo,
Abril 5, 1998, bagaman
ang mga araw sa Hebreo ay
mula sa isang gabi tungo
sa susunod)
8 Biyernes Dumating si Jesus at ang 101,
ng gabi kaniyang mga alagad sa par. 2-4
Betania; nagsimula ang
Sabbath
Sabado Sabbath (Lunes, Abril 6, 1998) 101, par. 4
9 Sabado Nakisalo kay Simon na 101,
ng gabi ketongin; pinahiran ni Maria par. 5-9
si Jesus ng nardo; marami ang
dumating galing sa Jerusalem
upang makita at marinig
si Jesus
Linggo Matagumpay na pagpasok sa 102
Jerusalem; nagturo sa templo
10 Lunes Maagang paglalakbay patungong 103, 104
Jerusalem; nilinis ang templo;
nagsalita si Jehova mula
sa langit
11 Martes Sa Jerusalem, nagturo sa 105
templo na gumagamit ng mga hanggang
ilustrasyon; hinatulan ang 112, par. 1
mga Fariseo; nakita ang
abuloy ng babaing balo;
nagbigay ng tanda ng kaniyang
pagkanaririto sa hinaharap
12 Miyerkules Tahimik na araw kapiling ng 112,
mga alagad sa Betania; par. 2-4
isinaayos ni Judas ang
pagkakanulo
13 Huwebes Naghanda sina Pedro at 112,
Juan para sa Paskuwa sa par. 5
Jerusalem; sumunod si Jesus hanggang
at ang sampu pang apostol 113, par. 1
nang malapit nang gumabi
(Sabado, Abril 11, 1998)
14 Huwebes Pagdiriwang ng Paskuwa; 113, par. 2
ng gabi hinugasan ni Jesus ang mga hanggang 117
paa ng mga apostol; lumabas
si Judas upang ipagkanulo si
Jesus; pinasinayaan ni Kristo
ang Memoryal ng kaniyang
kamatayan (Paglubog ng araw,
Sabado, Abril 11, 1998)
Pagkaraan ng Pagkakanulo at pagdakip sa 118
hating gabi hardin ng Getsemani; tumakas hanggang
ang mga apostol; paglilitis 120
sa harap ng mga punong
saserdote at ng Sanedrin;
ikinaila ni Pedro si Jesus
Biyernes Muli sa harap ng Sanedrin; 121 hanggang
pagsikat ng kay Pilato, pagkatapos kay 127, par. 7
araw hanggang Herodes, pagkatapos ay balik
sa paglubog kay Pilato; sinentensiyahan ng
ng araw kamatayan; ipinako; inilibing
15 Sabado Sabbath; ipinahintulot ni 127,
Pilato na lagyan ng mga par. 8-10
guwardiya ang libingan
ni Jesus
16 Linggo Binuhay-muli si Jesus 128
* Nakatala rito ang mga numero na nagpapakita ng mga kabanata sa aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Para sa tsart na naglalaman ng detalyadong reperensiya sa Kasulatan para sa huling ministeryo ni Jesus, tingnan ang “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” pahina 290. Ang mga aklat na ito ay inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.