Ang Pananampalataya at ang Iyong Kinabukasan
“Ang pananampalataya ay ang mapananaligang pag-asam sa mga bagay na inaasahan.”—HEBREO 11:1.
1. Anong uri ng kinabukasan ang nais ng karamihan sa mga tao?
INTERESADO ka ba sa kinabukasan? Ganiyan ang karamihan ng mga tao. Ang kanilang inaasahan ay isang kinabukasan na may kapayapaan, kalayaan mula sa takot, sapat na kabuhayan, mabunga at kasiya-siyang gawain, mabuting kalusugan at mahabang buhay. Tiyak na lahat ng salinlahi sa kasaysayan ay nagnais ng gayong mga bagay. At ngayon, sa daigdig na ito na lipos ng kaguluhan, ang gayong mga kalagayan ay lalong kanais-nais higit kailanman.
2. Paano ipinahayag ng isang estadista ang isang pananaw tungkol sa kinabukasan?
2 Habang papalapit na ang tao sa ika-21 siglo, mayroon bang paraan upang alamin kung ano ang mangyayari sa hinaharap? Ang isang paraan ay binanggit ng Amerikanong estadistang si Patrick Henry mahigit na 200 taon na ang nakalilipas. Sinabi niya: “Ang tanging nalalaman kong paraan ng paghatol sa kinabukasan ay sa pamamagitan ng nakalipas.” Ayon sa pananaw na ito, ang kinabukasan ng pamilya ng tao sa kalakhang bahagi ay malalaman sa pamamagitan ng ginawa ng tao noong nakaraan. Marami ang sumasang-ayon sa ganitong ideya.
Ano ba ang Nakaraan?
3. Ano ang ipinakikita ng ulat ng kasaysayan hinggil sa maaasahan sa kinabukasan?
3 Kung ang kinabukasan ay magiging katulad din ng nakaraan, sa palagay mo kaya’y kasiya-siya ito? Bumuti ba ang kinabukasan ng dating mga salinlahi sa paglipas ng panahon? Hindi naman. Sa kabila ng mga pangarap na taglay ng mga tao sa loob ng libu-libong taon at sa kabila ng materyal na pagsulong sa ilang lugar, ang kasaysayan ay tigmak ng pang-aapi, krimen, karahasan, digmaan, at karalitaan. Nakaranas ang sanlibutang ito ng sunud-sunod na mga kalamidad, na pangunahin nang dulot ng di-kasiya-siyang pamamahala ng tao. Buong-kawastuang sinasabi ng Bibliya: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
4, 5. (a) Bakit umasa ang mga tao sa pagsisimula ng ika-20 siglo? (b) Ano ang nangyari sa kanilang mga inaasahan sa kinabukasan?
4 Ang totoo ay na ang nakalipas na kapaha-pahamak na kasaysayan ng tao ay paulit-ulit na nangyayari—kaya lamang ay sa isang antas na mas malawakan at higit na nakapipinsala. Ang ika-20 siglong ito ay nagpapatunay nito. Natuto ba ang tao sa nakaraang mga pagkakamali at umiwas sa mga ito? Buweno, sa pasimula ng siglong ito, marami ang naglagak ng pag-asa sa isang lalong mabuting kinabukasan sapagkat nagkaroon ng medyo mahaba-habang yugto ng kapayapaan at dahil sa mga pagsulong sa industriya, siyensiya, at edukasyon. Sinabi ng isang propesor sa pamantasan na sa pagsisimula ng dekada ng 1900, inakalang imposible nang magkaroon pa ng digmaan sapagkat “totoong sibilisado na ang mga tao.” Ganito ang sabi ng isang dating punong ministro ng Britanya tungkol sa pananaw ng mga tao noong panahong iyon: “Ang lahat ng bagay ay bubuti nang bubuti. Ito ang daigdig na aking sinilangan.” Ngunit pagkatapos ay sinabi niya: “Walang anu-ano, sa di-inaasahan, isang umaga noong 1914 ang lahat ay biglang gumuho.”
5 Sa kabila ng pananalig sa isang mas mabuting kinabukasan na namamayani noong panahong iyon, kasisimula pa lamang ng bagong siglo nang ang daigdig ay mapasadlak sa pinakamalaking gawang-taong kalamidad kailanman—ang Digmaang Pandaigdig I. Bilang halimbawa sa uri nito, tingnan ang nangyari noong 1916 sa isang labanan nang sumalakay ang mga sundalong Britano sa mga hangganan ng mga Aleman malapit sa Somme River sa Pransiya. Sa loob lamang ng ilang oras ay 20,000 Britano ang nasawi, at marami ang napatay sa panig ng mga Aleman. Sa apat na taóng pagpapatayan ay halos sampung milyong sundalo at maraming sibilyan ang nasawi. May panahon na bumaba ang populasyon ng Pransiya dahil sa pagkamatay ng napakaraming kalalakihan. Ang ekonomiya ay bumagsak, anupat humantong ito sa Great Depression ng dekada ng 1930. Hindi nga kataka-taka na sinasabi ng ilan na noong araw na sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, noon ding araw na iyon nabaliw ang daigdig!
6. Bumuti ba ang buhay pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I?
6 Ito ba ang kinabukasan na inaasahan ng salinlahing iyon? Talagang hindi. Ang kanilang mga pangarap ay naglahong parang bula; ni wala ring naidulot na anumang mabuting bagay ang lahat ng iyon. Makalipas lamang ang 21 taon mula nang Digmaang Pandaigdig I, o noong 1939, isang higit na kalunus-lunos na gawang-taong kalamidad ang nagsimula—ang Digmaang Pandaigdig II. Kumitil ito ng buhay ng mga 50 milyong lalaki, babae, at mga bata. Dinurog ng lansakang pambobomba ang mga lunsod. Noong Digmaang Pandaigdig I, ilang libong sundalo ang napatay sa isang labanan sa loob lamang ng ilang oras, ngunit noong Digmaang Pandaigdig II, dalawang bomba atomika lamang ang kumitil sa mahigit na 100,000 katao sa loob lamang ng ilang segundo. Ang itinuturing ng marami na masahol pa kaysa rito ay ang sistematikong pagpatay ng milyun-milyon sa mga kampong piitan ng mga Nazi.
7. Ano ang totoo tungkol sa buong siglong ito?
7 Sinasabi ng ilang reperensiya na kung isasama natin ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa, mga alitang sibil, at mga pagpatay na isinagawa ng mga gobyerno laban sa sarili nitong mamamayan, ang mga nasawi sa siglong ito ay aabot sa mga 200 milyon. Sinasabi pa man din ng isang reperensiya na ang bilang ay umabot sa 360 milyon. Isip-isipin lamang ang kakilabutang dulot ng lahat ng ito—ang hapdi ng kalooban, ang mga luha, ang pagdadalamhati, at ang mga napahamak na buhay! Karagdagan pa, sa katamtaman ay mga 40,000 katao, karamihan ay mga bata, ang namamatay araw-araw dahil sa karukhaan. Tatlong ulit ng bilang na ito ang pinapatay sa pamamagitan ng aborsiyon bawat araw. Gayundin, mga isang bilyon katao ang totoong maralita upang makakain ng sapat para magampanan ang karaniwang pagtatrabaho sa isang araw. Ang lahat ng kalagayang ito ay patotoo ng inihula sa Bibliya na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw” ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay.—2 Timoteo 3:1-5, 13; Mateo 24:3-12; Lucas 21:10, 11; Apocalipsis 6:3-8.
Walang Solusyon Mula sa Tao
8. Bakit hindi kayang lutasin ng mga lider na tao ang mga suliranin sa daigdig?
8 Habang papatapos na ang ika-20 siglong ito, maaari nating idagdag ang naging karanasan nito sa sinundang mga siglo. At ano ang ipinahihiwatig ng kasaysayang iyon? Ipinahihiwatig sa atin na kailanman ay hindi nalutas ng mga lider na tao ang mga pangunahing suliranin ng daigdig, na hindi nila ito nalulutas ngayon, at na hindi nila ito malulutas sa hinaharap. Talagang hindi abot ng kanilang kakayahan na maglaan ng uri ng kinabukasang hangad natin, gaano mang kabuti ang kanilang mga intensiyon. At ang ilan na nasa awtoridad ay hindi gayong kabuti ang intensiyon; naghahangad sila ng posisyon at kapangyarihan para sa sariling mga mapag-imbot at materyal na ambisyon, hindi sa kapakinabangan ng iba.
9. Bakit may dahilan na mag-alinlangan kung taglay nga ng siyensiya ang lunas sa mga suliranin ng tao?
9 Taglay ba ng siyensiya ang lunas? Hindi nga, kung titingnan natin ang nakaraan. Gumugol ang mga siyentipiko ng pamahalaan ng pagkalalaking halaga ng salapi, panahon, at pagsisikap upang mag-imbento ng nakapangingilabot at mapangwasak na mga kemikal, biyolohikal, at iba pang uri ng mga sandata. Ang mga bansa, lakip na yaong mga naghihikahos, ay gumugugol ng mahigit sa 700 bilyong dolyar para sa mga kagamitang pandigma taun-taon! Gayundin, ang ‘siyentipikong pag-unlad’ sa isang banda ay may pananagutan sa mga kemikal na nagdulot ng polusyon sa hangin, lupa, tubig, at pagkain.
10. Bakit hindi matitiyak kahit ng edukasyon ang isang lalong mabuting kinabukasan?
10 Maaasahan ba natin na tutulong ang mga pamantasan ng daigdig upang magkaroon ng lalong mabuting kinabukasan sa pamamagitan ng pagtuturo ng matataas na pamantayang moral, pagmamalasakit sa iba, at pag-ibig sa kapuwa? Hindi. Sa halip, ang pinagtutuunan ng pansin ng mga ito ay ang mga karera at ang pagkakamal ng salapi. Pinauunlad nila ang espiritu ng pakikipagkompetensiya, hindi ng pakikipagtulungan; ni nagtuturo man ng mabuting moral ang mga paaralan. Sa halip, kinukunsinti ng marami sa mga ito ang seksuwal na kaluwagan, na naging sanhi ng pagdami ng pagdadalang-tao ng mga tin-edyer at ng mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng pagsisiping.
11. Paano naglalagay ng pag-aalinlangan tungkol sa kinabukasan ang rekord ng mga negosyo?
11 Bigla kayang mapakikilos ang malalaking negosyo sa daigdig upang pangalagaan ang ating planeta at magpakita ng pag-ibig sa iba sa pamamagitan ng paggawa ng mga produkto na tunay na kapaki-pakinabang at hindi lamang upang kumita ng salapi? Malamang na hindi. Titigil kaya silang magpalabas ng mga programa sa telebisyon na punô ng karahasan at imoralidad na nagpapasamâ sa isip ng mga tao, lalo na ng mga kabataan? Talagang walang maibibigay na pag-asa sa atin ang nakaraang mga taon sapagkat, sa pangkalahatan, ang TV ay naging pusali ng imoralidad at karahasan.
12. Ano ang kalagayan ng tao kung tungkol sa sakit at kamatayan?
12 Bukod dito, gaano man kataimtim ang mga doktor, hindi nila kayang daigin ang sakit at kamatayan. Halimbawa, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, hindi nila napigil ang pagkalat ng trangkaso Espanyola; sa buong daigdig, kumitil ito ng mga 20 milyong buhay. Sa ngayon, laganap na ang sakit sa puso, kanser, at iba pang nakamamatay na sakit. Hindi rin nakayang daigin ng daigdig ng medisina ang modernong salot na AIDS. Sa kabaligtaran, isang ulat ng U.N. na inilabas noong Nobyembre 1997 ang nagsabi na ang bilis ng pagkalat ng virus ng AIDS ay doble sa nakaraang mga pagtaya. Milyun-milyon na ang namatay dahil dito. Sa isang nakaraang taon, tatlong milyon pa ang nahawahan nito.
Ang Pangmalas ng mga Saksi ni Jehova Hinggil sa Kinabukasan
13, 14. (a) Ano ang pangmalas ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa kinabukasan? (b) Bakit hindi maaaring pangyarihin ng mga tao ang isang lalong mabuting kinabukasan?
13 Gayunman, naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na maganda ang kinabukasan ng sangkatauhan, napakaganda! Ngunit hindi nila inaasahan na darating ang mas mabuting kinabukasang iyan sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Sa halip, umaasa sila sa Maylalang, ang Diyos na Jehova. Batid niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap, at ito’y magiging isang bagay na kamangha-mangha! Alam din niya na hindi kaya ng mga tao na pangyarihin ang gayong uri ng kinabukasan. Palibhasa’y ang Diyos ang siyang lumalang sa kanila, batid niya ang kanilang mga limitasyon nang higit kaysa kanino pa man. Sa kaniyang Salita, malinaw niyang sinasabi sa atin na hindi niya nilalang ang mga tao na may kakayahang matagumpay na pamahalaan ang sarili nang hiwalay sa Diyos. Ang mahabang panahon ng pagpapahintulot ng Diyos sa pamamahala ng tao nang hiwalay sa kaniya ay walang-alinlangang nagpamalas ng kawalang-kakayahang iyon. Inamin ng isang awtor: “Sinubukan na ng pag-iisip ng tao ang lahat ng posibleng kombinasyon ng soberanya, at nawalan ng saysay.”
14 Sa Jeremias 10:23, mababasa natin ang mga salita ng kinasihang propeta: “Talastas ko, O Jehova, na ang lakad ng tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad na magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” Gayundin, sinasabi ng Awit 146:3: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga maharlika, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas.” Sa katunayan, dahil sa tayo ay isinilang na di-sakdal, gaya ng ipinakikita ng Roma 5:12, binababalaan tayo ng Salita ng Diyos na huwag ding magtiwala sa ating mga sarili. Sinasabi ng Jeremias 17:9: “Ang puso ay higit na mapanlinlang kaysa anupamang bagay.” Dahil dito, ang Kawikaan 28:26 ay nagpapahayag: “Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang, ngunit ang lumalakad na may karunungan ang siyang makaliligtas.”
15. Saan natin masusumpungan ang karunungan upang maging patnubay natin?
15 Saan natin masusumpungan ang karunungang ito? “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan, at ang kaalaman sa Kabanal-banalang Isa ay kaunawaan.” (Kawikaan 9:10) Tanging si Jehova lamang ang may taglay ng karunungan na siyang papatnubay sa atin sa nakatatakot na mga panahong ito. At tayo’y pinaglaanan niya ng kaniyang karunungan sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, na kaniyang kinasihan upang maging patnubay natin.—Kawikaan 2:1-9; 3:1-6; 2 Timoteo 3:16, 17.
Ang Kinabukasan ng Pamamahala ng Tao
16. Sino ang tumitiyak sa kinabukasan?
16 Ano, kung gayon, ang sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos tungkol sa kinabukasan? Sinasabi nito sa atin na ang kinabukasan ay talagang hindi magpapaaninaw niyaong ginawa ng mga tao sa panahong nakalipas. Kaya mali ang pananaw ni Patrick Henry. Ang kinabukasan ng lupang ito at ng mga tao rito ay titiyakin, hindi ng mga tao, kundi ng Diyos na Jehova. Ang kaniyang kalooban ay isasagawa sa lupa, hindi ang kalooban ng sinumang tao o alinmang bansa sa sanlibutang ito. “Marami ang panukala sa puso ng tao, ngunit ang payo ni Jehova ang siyang tatayo.”—Kawikaan 19:21.
17, 18. Ano ba ang kalooban ng Diyos para sa panahon nating ito?
17 Ano ba ang kalooban ng Diyos para sa panahon nating ito? Nilayon niyang wakasan ang marahas at imoral na sistemang ito ng mga bagay. Ang masamang pamumuno ng tao sa nakaraang mga dantaon ay malapit nang halinhan ng isang pamunuang likha ng Diyos. Ang hula sa Daniel 2:44 ay nagsasabi: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon [na umiiral ngayon] ang Diyos ng langit ay maglalagay ng isang kaharian [sa langit] na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi malilipat sa anupamang ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at ito mismo ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.” Aalisin din ng Kaharian ang balakyot na impluwensiya ni Satanas na Diyablo, isang bagay na hindi kailanman magagawa ng mga tao. Ang kaniyang pamamahala sa sanlibutang ito ay magwawakas na magpakailanman.—Roma 16:20; 2 Corinto 4:4; 1 Juan 5:19.
18 Pansinin na lubusang lilipulin ng makalangit na pamahalaan ang lahat ng uri ng pamamahala ng tao. Hindi ipauubaya sa mga tao ang pamamahala sa lupang ito. Sa langit, yaong mga bumubuo sa Kaharian ng Diyos ang siyang mamamahala sa lahat ng bagay sa lupa sa ikabubuti ng sangkatauhan. (Apocalipsis 5:10; 20:4-6) Sa lupa, makikipagtulungan ang tapat na mga tao sa mga tagubilin ng Kaharian ng Diyos. Ito ang pamamahalang itinuro ni Jesus na ipanalangin natin nang sabihin niya: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
19, 20. (a) Paano inilalarawan ng Bibliya ang kaayusan ng Kaharian? (b) Ano ang gagawin ng pamamahala nito para sa sangkatauhan?
19 Sumasampalataya ang mga Saksi ni Jehova sa Kaharian ng Diyos. Ito ang “mga bagong langit” na tungkol dito ay isinulat ni apostol Pedro: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang “bagong lupa” ay ang bagong lipunan ng tao na pamamahalaan ng mga bagong langit, ang Kaharian ng Diyos. Ito ang kaayusan na isiniwalat ng Diyos sa isang pangitain ni apostol Juan, na sumulat: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na . . . At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:1, 4.
20 Pansinin na ang bagong lupa ay magiging matuwid. Lahat ng di-matuwid na mga elemento ay aalisin ng isang gawa ng Diyos, ang pakikibaka sa Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Ganito ang paglalarawan dito sa hula sa Kawikaan 2:21, 22: “Ang matuwid ang tatahan sa lupa, at ang walang kapintasan ang mamamalagi roon. Tungkol sa balakyot, sila’y mahihiwalay sa mismong lupa.” At ang Awit 37:9 ay nangangako: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay mahihiwalay, ngunit yaong umaasa kay Jehova ang magmamay-ari ng lupa.” Hindi mo ba gugustuhing mabuhay sa gayong bagong sanlibutan?
Manampalataya sa mga Pangako ni Jehova
21. Bakit tayo maaaring manampalataya sa mga pangako ni Jehova?
21 Maaari kaya tayong manampalataya sa mga pangako ni Jehova? Pakinggan ang sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias: “Iyong alalahanin ang mga dating bagay noong una, na ako ang Isa na Banal at na walang ibang Diyos, ni sinumang gaya ko; ang Isa na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang unang panahon ng mga bagay na hindi pa nangyayari; ang Isa na nagsasabi, ‘Tatayo ang aking sariling payo, at gagawin ko ang lahat ng aking kinalulugdan.’ ” Ang huling bahagi ng talatang 11 ay nagsasabi: “Aking sinalita; akin namang pangyayarihin. Aking pinanukala, akin din namang gagawin.” (Isaias 46:9-11) Oo, maaari nating sampalatayanan si Jehova at ang kaniyang mga pangako nang may katiyakan na para bang natupad na ang mga pangakong iyon. Ganito ang pagkakasabi nito sa Bibliya: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang pag-asam sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.”—Hebreo 11:1.
22. Bakit tayo makapagtitiwala na tutuparin ni Jehova ang kaniyang mga pangako?
22 Ang mga taong may mababang kalooban ay nagpapakita ng gayong pananampalataya sapagkat batid nilang tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako. Halimbawa, sa Awit 37:29 ay mababasa natin: “Mamanahin ng matuwid ang lupa, at sila’y tatahan doon magpakailanman.” Mapaniniwalaan ba natin ito? Oo, sapagkat sinasabi sa Hebreo 6:18: “Imposibleng magsinungaling ang Diyos.” Pag-aari ba ng Diyos ang lupa, anupat maipamamana niya ito sa mga may mababang-loob? Ang Apocalipsis 4:11 ay nagsasabi: “Nilalang mo ang lahat ng mga bagay, at dahil sa iyong kalooban sila ay umiral at nalalang.” Kaya, sinasabi ng Awit 24:1: “Kay Jehova ang lupa at ang lahat ng mga naririto.” Nilikha ni Jehova ang lupa, siya ang may-ari nito, at magbibigay nito sa mga taong sumasampalataya sa kaniya. Upang patibayin ang ating pagtitiwala sa bagay na ito, ipakikita ng susunod na artikulo kung paano tinupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako sa kaniyang bayan noon at maging sa ating panahon at kung bakit tayo lubusang makapagtitiwala na gayundin ang gagawin niya sa hinaharap.
Mga Punto sa Repaso
◻ Ano ang nangyari sa mga inaasahan ng mga tao sa buong kasaysayan?
◻ Bakit hindi tayo dapat umasa sa mga tao para sa isang lalong mabuting kinabukasan?
◻ Ano ba ang kalooban ng Diyos hinggil sa kinabukasan?
◻ Bakit tayo makapagtitiwala na tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga pangako?
[Larawan sa pahina 10]
Buong-kawastuang sinasabi ng Bibliya: ‘Hindi para sa tao . . . ang magtuwid ng kaniyang hakbang.’—Jeremias 10:23
[Credit Line]
Bomba: Kuha ng U.S. National Archives; mga batang halos mamatay sa gutom: WHO/OXFAM; mga nagsilikas: UN PHOTO 186763/J. Isaac; Mussolini at Hitler: Kuha ng U.S. National Archives