Mag-ingat sa Kawalan ng Pananampalataya
“Mag-ingat kayo, mga kapatid, na baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy.”—HEBREO 3:12.
1. Anong nakagigimbal na katotohanan ang itinatawag-pansin sa atin ng mga salita ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano?
NAKATATAKOT isipin—na ang mga taong dating nagtatamasa ng personal na kaugnayan kay Jehova ay maaaring tubuan ng isang “pusong balakyot” at ‘lumayo mula sa Diyos na buháy’! At anong tindi ng babalang ito! Ang mga salitang ito ni apostol Pablo ay patungkol, hindi sa mga di-mananampalataya, kundi sa mga taong nag-alay na ng kanilang buhay kay Jehova salig sa pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo.
2. Anong mga tanong ang kailangan nating isaalang-alang?
2 Paano kaya maaaring tubuan ng “isang pusong balakyot na walang pananampalataya” ang isang tao na may gayong pinagpalang espirituwal na kalagayan? Oo, paano kayang ang isang nakatikim na ng pag-ibig at di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay kusang lumayo sa kaniya? At maaari kayang mangyari ito sa sinuman sa atin? Seryosong bagay na isipin ang tungkol dito, at marapat lamang na suriin natin ang dahilan ng ganitong babala.—1 Corinto 10:11.
Bakit Gayon na Lamang Katindi ang Payo?
3. Ilarawan ang mga kalagayan na nakaapekto sa unang-siglong mga Kristiyano sa loob at sa palibot ng Jerusalem.
3 Lumilitaw na ang liham na ito ni Pablo ay para sa mga Hebreong Kristiyano sa Judea noong 61 C.E. Sinabi ng isang mananalaysay na iyon ang panahon na “walang kapayapaan o kaligtasan para sa sinumang seryoso at tapat na mga tao, maging iyon man ay sa lunsod ng Jerusalem o saanman sa buong lalawigan.” Iyon ay panahon ng katampalasanan at karahasan, na pinalulubha ng magkahalong paniniil ng hukbong Romano, ng pakunwaring katapangan ng mga Judiong Zealot laban sa mga Romano, at ng labag-sa-batas na mga gawain ng mga magnanakaw na nagsasamantala sa maligalig na panahon. Lahat ng ito ay nagpahirap sa mga Kristiyano, na lubhang nagsisikap na huwag masangkot sa gayong mga bagay. (1 Timoteo 2:1, 2) Sa katunayan, dahil sa kanilang pagiging walang pinapanigan, sila’y itinuturing ng ilan bilang mga di-akma sa lipunan, mapaghimagsik pa nga. Ang mga Kristiyano ay kadalasang minamaltrato, at sila’y dumaranas ng personal na kawalan.—Hebreo 10:32-34.
4. Anong panggigipit may kinalaman sa relihiyon ang dinanas ng mga Hebreong Kristiyano?
4 Sumailalim din ang mga Hebreong Kristiyano sa matinding panggigipit may kinalaman sa relihiyon. Ang sigasig ng tapat na mga alagad ni Jesus at ang ibinungang mabilis na paglago ng kongregasyong Kristiyano ay pumukaw ng pagkainggit at pagkapoot ng mga Judio—lalo na ng kanilang mga lider ng relihiyon. Wala silang pinalampas para lamang takutin at pag-usigin ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo.a (Gawa 6:8-14; 21:27-30; 23:12, 13; 24:1-9) Bagaman ang ilang Kristiyano ay nakaligtas sa tuwirang pag-uusig, sila naman ay nilibak at tinuya ng mga Judio. Hinamak ang Kristiyanismo bilang isang bagong sulpot na relihiyong hindi nagtataglay ng karingalan ng Judaismo, walang templo, walang mga saserdote, walang mga kapistahan, walang pormal na mga hain, at marami pa. Maging ang kanilang lider, si Jesus, ay pinatay bilang isang hinatulang kriminal. Upang maisagawa ang kanilang relihiyon, kinailangan ng mga Kristiyano ang pananampalataya, lakas ng loob, at pagbabata.
5. Bakit kailangan ng mga Kristiyano sa Judea na manatiling mapagbantay sa espirituwal?
5 Higit sa lahat, ang mga Hebreong Kristiyano sa Judea ay nabubuhay sa isang mahalagang panahon sa kasaysayan ng bansang iyon. Naganap na ang maraming bagay na sinabi ng kanilang Panginoon, si Jesu-Kristo, na magiging palatandaan ng katapusan ng sistemang Judio. Hindi na magtatagal ang wakas. Upang makaligtas, ang mga Kristiyano ay kinailangang manatiling mapagbantay sa espirituwal at handang “tumakas patungo sa mga bundok.” (Mateo 24:6, 15, 16) Tataglayin kaya nila ang pananampalataya at espirituwal na lakas na kailangan upang kumilos kaagad, gaya ng iniutos ni Jesus? Waring may ilang pag-aalinlangan.
6. Ano ang kailangang-kailangan ng mga Kristiyano sa Judea?
6 Noong huling dekada bago nabuwag ang buong Judiong sistema ng mga bagay, maliwanag na ang mga Hebreong Kristiyano ay matinding ginigipit sa loob at labas ng kongregasyon. Kailangan nila ng pampatibay-loob. Ngunit kailangan din nila ng payo at patnubay upang matulungan silang makita na ang landasing pinili nila ang siyang tama at na hindi sila nagdusa at nagtiis nang walang kabuluhan. Mabuti naman, tumugon si Pablo sa pangyayaring iyon at kaniyang tinulungan sila.
7. Bakit dapat tayong maging interesado sa isinulat ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano?
7 Dapat tayong maging lubhang interesado sa isinulat ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano. Bakit? Sapagkat nabubuhay tayo sa isang panahon na katulad ng sa kanila. Araw-araw ay nakadarama tayo ng panggigipit ng sanlibutang sinusupil ni Satanas. (1 Juan 5:19) Natutupad sa harap natin ang mga hula ni Jesus at ng mga apostol hinggil sa mga huling araw at sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5; 2 Pedro 3:3, 4; Apocalipsis 6:1-8) Higit sa lahat, kailangan nating manatiling mapagbantay sa espirituwal upang ‘magtagumpay tayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na itinalagang maganap.’—Lucas 21:36.
Isa na Lalong Dakila kay Moises
8. Sa pagsasabi ng nakaulat sa Hebreo 3:1, ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano?
8 Sa pagbanggit ng isang mahalagang punto, sumulat si Pablo: “Isaalang-alang ninyo ang apostol at mataas na saserdote na ating ipinapahayag—si Jesus.” (Hebreo 3:1) Ang salitang “isaalang-alang” ay nangangahulugan ng “tingnang mabuti . . . , unawain nang lubusan, isalang-alang nang maingat.” (Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words) Sa gayon, hinihimok ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na pagsikapang mabuti na sumapit sa tunay na pagpapahalaga sa papel na ginampanan ni Jesus sa kanilang pananampalataya at kaligtasan. Ang paggawa nito ay magpapatibay sa kanilang pasiya na manindigang matatag sa pananampalataya. Ano, kung gayon, ang papel ni Jesus, at bakit dapat natin siyang “isaalang-alang”?
9. Bakit tinukoy ni Pablo si Jesus bilang “apostol” at “mataas na saserdote”?
9 Ikinapit ni Pablo kay Jesus ang mga salitang “apostol” at “mataas na saserdote.” Ang isang “apostol” ay isa na sinugo at dito ay tinutukoy ang paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa sangkatauhan. Ang isang “mataas na saserdote” ay isa na sa pamamagitan niya ay makalalapit ang mga tao sa Diyos. Mahalaga ang dalawang paglalaang ito sa tunay na pagsamba, at si Jesus ang pinakalarawan ng dalawang ito. Siya ang isa na sinugo mula sa langit upang magturo sa sangkatauhan ng katotohanan tungkol sa Diyos. (Juan 1:18; 3:16; 14:6) Si Jesus ang siya ring inatasan bilang antitipikong Mataas na Saserdote sa kaayusan ng espirituwal na templo ni Jehova para sa kapatawaran ng kasalanan. (Hebreo 4:14, 15; 1 Juan 2:1, 2) Kung talagang pinahahalagahan natin ang mga pagpapala na matatamo natin sa pamamagitan ni Jesus, magkakaroon tayo ng lakas ng loob at determinasyon na manatiling matatag sa pananampalataya.
10. (a) Paano tinulungan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na maunawaan ang kahigitan ng Kristiyanismo sa Judaismo? (b) Anong malaganap na katotohanan ang binanggit ni Pablo upang patunayan ang kaniyang punto?
10 Upang idiin ang kahalagahan ng pananampalatayang Kristiyano, inihambing ni Pablo si Jesus kay Moises, na itinuring ng mga Judio bilang ang pinakadakilang propeta sa kanilang mga ninuno. Kung buong-pusong mauunawaan ng mga Hebreong Kristiyano ang bagay na si Jesus ay lalong dakila kay Moises, wala silang dahilan na pag-alinlanganan ang kahigitan ng Kristiyanismo sa Judaismo. Sinabi ni Pablo na bagaman ibinilang na karapat-dapat ipagkatiwala kay Moises ang “bahay” ng Diyos—ang bansa, o kongregasyon, ng Israel—siya’y isa lamang tapat na tagapangalaga, o lingkod. (Bilang 12:7) Sa kabilang panig, si Jesus ang Anak, ang panginoon ng sambahayan. (1 Corinto 11:3; Hebreo 3:2, 3, 5) Upang patunayan ang kaniyang punto, binanggit ni Pablo ang malaganap na katotohanan: “Sabihin pa, bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4) Walang sinuman ang tututol na ang Diyos ay nakahihigit kaninuman, sapagkat siya ang Tagapagtayo, o Maylalang, ng lahat. Makatuwiran, kung gayon, na yamang si Jesus ang kamanggagawa ng Diyos, tiyak na siya’y nakahihigit sa lahat ng iba pang nilalang, pati na kay Moises.—Kawikaan 8:30; Colosas 1:15-17.
11, 12. Ano ang ipinayo ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano na panghawakan “nang matatag hanggang sa wakas,” at paano natin maikakapit ang kaniyang payo?
11 Tunay, nasa isang lubhang sinang-ayunang kalagayan ang mga Hebreong Kristiyano. Ipinaalaala sa kanila ni Pablo na sila’y “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag,” isang pribilehiyo na dapat pakamahalin higit sa anupaman na maiaalok ng sistemang Judio. (Hebreo 3:1) Tiyak na ang mga salita ni Pablo ay nagpadama sa mga pinahirang Kristiyanong iyon ng utang na loob sa kanilang pagiging nakahanay para sa isang bagong mana sa halip na ikalungkot ang pagtalikod nila sa mga bagay na may kaugnayan sa kanilang pamanang Judio. (Filipos 3:8) Sa paghimok sa kanila na manghawakan sa kanilang pribilehiyo at huwag ipagwalang-bahala ito, sinabi ni Pablo: “Si Kristo ay tapat bilang isang Anak sa bahay ng [Diyos]. Tayo ang bahay ng Isang iyon, kung hihigpitan natin ang ating paghawak sa ating kalayaan sa pagsasalita at sa ating paghahambog sa pag-asa nang matatag hanggang sa wakas.”—Hebreo 3:6.
12 Oo, upang makaligtas ang mga Hebreong Kristiyano sa noo’y nalalapit nang katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay, kinailangan nilang manghawakan sa kanilang bigay-Diyos na pag-asa “nang matatag hanggang sa wakas.” Gayundin ang dapat nating gawin sa ngayon kung ibig nating makaligtas sa katapusan ng sistemang ito. (Mateo 24:13) Hindi natin dapat hayaan ang mga kabalisahan sa buhay, ang kawalang-interes ng mga tao, o ang ating sariling di-sakdal na mga hilig na gawin tayong urung-sulong sa ating pananampalataya sa mga pangako ng Diyos. (Lucas 21:16-19) Upang makita kung paano natin mapatitibay ang ating sarili, bigyang-pansin natin ang mga sinabi pa ni Pablo.
“Huwag Ninyong Patigasin ang Inyong mga Puso”
13. Anong babala ang ibinigay ni Pablo, at paano niya ikinapit ang Awit 95?
13 Matapos talakayin ang sinang-ayunang kalagayan ng mga Hebreong Kristiyano, nagbabala si Pablo: “Gaya ng sinasabi ng banal na espiritu: ‘Ngayon kung makikinig kayo sa kaniyang sariling tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso na gaya ng sa pangyayaring pumukaw ng mapait na galit, gaya noong araw nang ginagawa ang pagsubok sa ilang.’ ” (Hebreo 3:7, 8) Sinipi ni Pablo ang ika-95 Awit, at sa gayo’y makapagsasabi na “sinasabi ng banal na espiritu.”b (Awit 95:7, 8; Exodo 17:1-7) Kinasihan ng Diyos ang Kasulatan sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.—2 Timoteo 3:16.
14. Paano tumugon ang mga Israelita sa nagawa na ni Jehova para sa kanila, at bakit?
14 Matapos makalaya mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ang mga Israelita ay pinagkalooban ng malaking karangalan na makipagtipan kay Jehova. (Exodo 19:4, 5; 24:7, 8) Subalit sa halip na magpakita ng pagpapahalaga sa nagawa ng Diyos para sa kanila, di-nagtagal ay naghimagsik sila. (Bilang 13:25–14:10) Paano nangyari iyon? Sinabi ni Pablo ang dahilan: ang pagmamatigas ng kanilang puso. Ngunit paano nagiging mapagmatigas ang mga puso na sensitibo at bukás sa Salita ng Diyos? At ano ang dapat nating gawin upang mahadlangan ito?
15. (a) Paano naririnig ang ‘sariling tinig ng Diyos,’ noon at sa kasalukuyan? (b) Anong mga tanong ang kailangang iharap natin sa ating sarili hinggil sa ‘tinig ng Diyos’?
15 Sinimulan ni Pablo ang kaniyang babala sa pamamagitan ng may-pasubaling sugnay na “kung makikinig kayo sa kaniyang sariling tinig.” Ang Diyos ay nagsalita sa kaniyang bayan sa pamamagitan ni Moises at ng iba pang mga propeta. Pagkatapos, nagsalita naman si Jehova sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Hebreo 1:1, 2) Sa ngayon, taglay natin ang kumpletong kinasihang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya. Kasama rin natin “ang tapat at maingat na alipin,” na inatasan ni Jesus upang maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45-47) Sa gayon, nagsasalita pa rin ang Diyos. Ngunit nakikinig ba tayo? Halimbawa, paano tayo tumutugon sa payo tungkol sa pananamit at pag-aayos o sa pagpili ng libangan at musika? Tayo ba ay “nakikinig,” samakatuwid nga, nagbibigay-pansin at sumusunod sa naririnig? Kung naging ugali na nating magdahilan o tumutol sa payo, inilalantad natin ang ating sarili sa tusong panganib na magmatigas ang ating puso.
16. Ano ang isang paraan na doo’y maaaring maging mapagmatigas ang ating puso?
16 Maaari ring maging mapagmatigas ang ating puso kung tumatanggi tayong gawin ang magagawa natin at ang dapat nating gawin. (Santiago 4:17) Sa kabila ng lahat ng ginawa ni Jehova para sa mga Israelita, hindi sila nanampalataya, anupat naghimagsik laban kay Moises, piniling maniwala sa isang masamang ulat tungkol sa Canaan, at tumangging pasukin ang Lupang Pangako. (Bilang 14:1-4) Kaya naman itinalaga ni Jehova na gugugol sila ng 40 taon sa ilang—sapat na panahon hanggang sa mamatay ang mga walang-pananampalatayang kabilang sa salinlahing iyon. Palibhasa’y nasusuklam sa kanila, sinabi ng Diyos: “ ‘Lagi na silang naliligaw sa kanilang mga puso, at hindi nila mismo nalaman ang aking mga daan.’ Kaya sumumpa ako sa aking galit, ‘Hindi sila papasok sa aking kapahingahan.’ ” (Hebreo 3:9-11) Mayroon ba tayong nakikitang aral dito para sa atin?
Isang Aral Para sa Atin
17. Bagaman nakita nila ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova at narinig nila ang kaniyang mga kapahayagan, bakit nawalan ng pananampalataya ang mga Israelita ?
17 Nakita ng sariling mga mata ng salinlahi ng mga Israelita na lumabas sa Ehipto at narinig ng kanilang sariling mga tainga ang makapangyarihang mga gawa at kapahayagan ni Jehova. Gayunpaman, hindi sila nanampalatayang ligtas silang aakayin ng Diyos patungo sa Lupang Pangako. Bakit? “Hindi nila mismo nalaman ang aking mga daan,” sabi ni Jehova. Alam nila kung ano ang sinabi at ginawa ni Jehova, ngunit hindi sila nanalig at nagtiwala sa kaniyang kakayahan na pangalagaan sila. Labis silang nagtuon ng pansin sa kanilang personal na mga pangangailangan at hangarin anupat halos hindi na nila naisip ang mga daan at layunin ng Diyos. Oo, wala silang pananampalataya sa kaniyang pangako.
18. Ayon kay Pablo, anong landasin ang magbubunga ng “isang pusong balakyot na walang pananampalataya”?
18 Ang mga sinabi pang ito sa mga Hebreo ay mariing kumakapit din sa atin: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, na baka sa paanuman ay tubuan ang sinuman sa inyo ng isang pusong balakyot na walang pananampalataya sa pamamagitan ng paglayo mula sa Diyos na buháy.” (Hebreo 3:12) Tinukoy ni Pablo ang pinakadiwa ng mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagsasabi na ang “isang pusong balakyot na walang pananampalataya” ay bunga ng “paglayo mula sa Diyos na buháy.” Sa pasimula pa lamang ng liham ding ito, bumanggit siya tungkol sa ‘pagiging naaanod palayo’ dahil sa hindi pagbibigay-pansin. (Hebreo 2:1) Gayunman, ang salitang Griego na isinaling “paglayo” ay nangangahulugang “tumigil” at may kaugnayan sa salitang “apostasya.” Nagpapahiwatig ito ng kusa at sinasadyang pagtanggi, pagkalas, at pagtalikod, na may kasamang paghamak.
19. Paano aakay sa seryosong kahihinatnan ang hindi pakikinig sa payo? Ilarawan.
19 Samakatuwid, ang aral ay na kung nakaugalian nating hindi ‘makinig sa kaniyang sariling tinig,’ anupat nagwawalang-bahala sa payo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng uring tapat na alipin, hindi magtatagal at ang ating puso ay magiging manhid at mapagmatigas. Halimbawa, baka nagkarinyuhan ang dalawang hindi pa mag-asawa. Paano kung basta ipinagwalang-bahala na lamang nila ang bagay na iyon? Hahadlangan ba sila nito na ulitin ang kanilang ginawa, o gagawin lamang nitong mas madali para sa kanila na muling gawin iyon? Sa katulad na paraan, kapag nagpapayo ang uring alipin tungkol sa pangangailangan na maging mapili sa musika at paglilibang, at marami pang iba, buong-pasasalamat ba nating tinatanggap iyon at gumagawa tayo ng mga pagbabago kung kinakailangan? Hinimok tayo ni Pablo na ‘huwag pabayaan ang ating pagtitipon.’ (Hebreo 10:24, 25) Sa kabila ng payong ito, ipinagwawalang-bahala ng ilan ang mga pulong Kristiyano. Maaaring inaakala nila na ang pagliban sa ilan sa mga ito o lubusang di-pagdalo sa ilang pulong ay isang maliit na bagay.
20. Bakit mahalaga na tumugon tayo sa maka-Kasulatang payo sa isang positibong paraan?
20 Kung hindi tayo tumutugon nang positibo sa “tinig” ni Jehova, na maliwanag na ipinahahayag sa Kasulatan at sa salig-sa-Bibliya na mga publikasyon, di-magtatagal at masusumpungan natin ang ating sarili na ‘lumalayo mula sa Diyos na buháy.’ Ang walang-imik na pagwawalang-bahala sa payo ay maaaring madali na maging isang lantarang paghamak, pagpuna, at pagtanggi rito. Kung hindi susupilin, ang bunga ay “isang pusong balakyot na walang pananampalataya,” at karaniwan nang napakahirap makabawi mula sa gayong landasin. (Ihambing ang Efeso 4:19.) Angkop ang isinulat ni Jeremias: “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib. Sino ang makakaalam nito?” (Jeremias 17:9) Dahil dito, hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalatayang Hebreo: “Patuloy ninyong masidhing payuhan ang isa’t isa bawat araw, hangga’t matatawag itong ‘Ngayon,’ baka may sinuman sa inyo na maging mapagmatigas dahil sa mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan.”—Hebreo 3:13.
21. Ano ang ipinapayo na gawin nating lahat, at anong pag-asa ang taglay natin?
21 Anong ligaya natin na kinakausap pa rin tayo ni Jehova ngayon, sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon! Nagpapasalamat tayo na “ang tapat at maingat na alipin” ay patuloy na tumutulong sa atin na ‘humawak nang mahigpit sa pagtitiwalang tinaglay natin sa pasimula nang matatag hanggang sa wakas.’ (Hebreo 3:14) Ngayon na ang panahon para tumugon tayo sa pag-ibig at pangunguna ng Diyos. Habang ginagawa natin ito, maaari nating tamasahin ang isa pang kahanga-hangang pangako ni Jehova—yaong pagpasok sa kaniyang kapahingahan. (Hebreo 4:3, 10) Iyan ang paksang sumunod na tinalakay ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano, at siya ring tatalakayin natin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Iniulat ni Josephus na di-nagtagal pagkamatay ni Festo, naging mataas na saserdote si Ananus (Ananias) mula sa sekta ng mga Saduceo. Dinala niya si Santiago, kapatid sa ina ni Jesus, at ang ibang alagad sa harap ng Sanedrin at pinangyaring mahatulan sila ng kamatayan at pagbabatuhin.
b Maliwanag na sumipi si Pablo mula sa Griegong Septuagint, na nagsalin sa Hebreo para sa “Meribah” bilang “pag-aaway” at “pagsubok” naman para sa “Massah.” Tingnan ang pahina 350 at 379 sa Tomo 2 ng Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Maipaliliwanag ba Ninyo?
◻ Bakit sumulat si Pablo ng gayong katinding payo sa mga Hebreong Kristiyano?
◻ Paano tinulungan ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na maunawaang taglay nila ang isang bagay na mas mabuti kaysa sa buhay sa ilalim ng Judaismo?
◻ Paano nagiging mapagmatigas ang puso ng isa?
◻ Ano ang dapat nating gawin upang maiwasang tubuan ng “isang pusong balakyot na walang pananampalataya”?
[Larawan sa pahina 10]
Nananampalataya ka ba kay Jesus, ang Lalong Dakilang Moises?