Manatiling Ligtas Bilang Bahagi ng Organisasyon ng Diyos
“Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Tumatakbo rito ang matuwid at naliligtas.”—KAWIKAAN 18:10.
1. Ayon sa panalangin ni Jesus, nasa anong mahirap na situwasyon ang mga Kristiyano?
NANG malapit na siyang mamatay, nanalangin si Jesus sa kaniyang makalangit na Ama alang-alang sa kaniyang mga tagasunod. Dahil sa maibiging pagkabahala, sinabi niya: “Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita, ngunit ang sanlibutan ay napoot sa kanila, sapagkat sila ay hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan. Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila mula sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot.” (Juan 17:14, 15) Batid ni Jesus na ang daigdig ay magiging isang mapanganib na dako para sa mga Kristiyano. Ipapakita nito ang pagkapoot sa kanila sa pamamagitan ng pagsisinungaling tungkol sa kanila at pag-uusig sa kanila. (Mateo 5:11, 12; 10:16, 17) Pagmumulan din ito ng kasamaan.—2 Timoteo 4:10; 1 Juan 2:15, 16.
2. Saan makasusumpong ang mga Kristiyano ng isang dako ng espirituwal na kaligtasan?
2 Ang sanlibutan na mapopoot sa mga Kristiyano ay binubuo niyaong mga hiwalay sa Diyos at nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. (1 Juan 5:19) Mas nakahihigit ang laki ng sanlibutang ito kaysa sa kongregasyong Kristiyano, at mas nakahihigit ang kapangyarihan ni Satanas mismo kaysa sa sinumang tao. Kaya naman, isang tunay na banta ang poot ng sanlibutan. Saan makasusumpong ng espirituwal na kaligtasan ang mga tagasunod ni Jesus? Ang isang kapahayagan sa Disyembre 1, 1922, isyu ng The Watchtower ay nagbigay ng sagot: “Naririto na tayo sa masamang araw. Nagaganap na ang labanan sa pagitan ng organisasyon ni Satanas at ng organisasyon ng Diyos. Ito’y isang mahigpit na labanan.” Sa labanang ito, ang organisasyon ng Diyos ay isang dako ng espirituwal na kaligtasan. Ang salitang “organisasyon” ay hindi lumilitaw sa Bibliya, at noong dekada ng 1920, ang “organisasyon ng Diyos” ay isang bagong pananalita. Ano, kung gayon, ang organisasyong ito? At paano tayo makasusumpong ng proteksiyon dito?
Ang Organisasyon ni Jehova
3, 4. (a) Ayon sa isang diksyunaryo at sa The Watchtower, ano ang organisasyon? (b) Sa anong diwa matatawag na isang organisasyon ang pandaigdig na samahan ng mga Saksi ni Jehova?
3 Ang organisasyon ay “isang organisadong lupon,” ayon sa Concise Oxford Dictionary. Taglay ito sa isip, nauunawaan natin na dahil sa inorganisa ng mga apostol ang mga Kristiyano noong unang siglo tungo sa mga lokal na kongregasyon sa ilalim ng pangangasiwa ng isang lupong tagapamahala sa Jerusalem, angkop lamang na banggitin ang ganiyang “samahan ng mga kapatid” bilang isang organisasyon. (1 Pedro 2:17) Katulad niyan ang kaayusan ng organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Ang pagkakaisa ng lupon noong unang siglo ay pinatibay ng “mga kaloob na mga tao,” gaya ng “mga pastol at mga guro.” Ang ilan sa mga ito ay naglakbay sa bawat kongregasyon, samantalang ang iba naman ay naging matatanda sa lokal na mga kongregasyon. (Efeso 4:8, 11, 12; Gawa 20:28) Ang katulad na “mga kaloob” ay nagpapatibay sa pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon.
4 Ganito ang sabi ng Nobyembre 1, 1922, na isyu ng The Watchtower tungkol sa salitang “organisasyon”: “Ang isang organisasyon ay samahan ng mga tao sa layuning isagawa ang isang nabuong plano.” Ipinaliwanag pa ng The Watchtower na sa pagtawag sa mga Saksi ni Jehova bilang isang organisasyon ay hindi sila nagiging “isang sekta sa diwa ng paggamit sa salitang iyan, kundi nangangahulugan lamang ito na sinisikap ng mga Estudyante ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova] na isakatuparan ang mga layunin ng Diyos at gawin ito gaya ng paggawa ng Panginoon sa lahat ng bagay, sa maayos na paraan.” (1 Corinto 14:33) Ipinakita ni apostol Pablo na ang mga Kristiyano noong kaniyang panahon ay kumilos din sa maayos na paraan. Inihambing niya ang samahan ng mga pinahirang Kristiyano sa katawan ng tao, na maraming sangkap, bawat isa ay tumutupad sa iniatas na bahagi nito upang gumana nang wasto ang katawan. (1 Corinto 12:12-26) Iyan ay isang mahusay na paglalarawan ng isang organisasyon! Bakit inorganisa ang mga Kristiyano? Upang tuparin ang “mga layunin ng Diyos,” upang gawin ang kalooban ni Jehova.
5. Ano ba ang nakikitang organisasyon ng Diyos?
5 Inihula ng Bibliya na ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay magkakaisa, titipunin sa isang “lupain” bilang isang “bansa,” kung saan sila’y ‘sisikat bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.’ (Isaias 66:8; Filipos 2:15) Ang organisadong “bansa” na ito sa ngayon ay may bilang na mahigit sa lima at kalahating milyon. (Isaias 60:8-10, 22) Gayunman, hindi lamang hanggang diyan ang lawak ng organisasyon ng Diyos. Kasali rin ang mga anghel.
6. Sa ganap na diwa nito, sino ang mga bumubuo ng organisasyon ng Diyos?
6 Maraming pagkakataon na ang mga anghel ay gumagawang kasama ng mga taong lingkod ng Diyos. (Genesis 28:12; Daniel 10:12-14; 12:1; Hebreo 1:13, 14; Apocalipsis 14:14-16) Angkop naman, kung gayon, na sinabi ng Mayo 15, 1925, na isyu ng The Watchtower: “Bahagi ng organisasyon ng Diyos ang lahat ng banal na anghel.” Karagdagan pa, sinabi nito: “Ang nangunguna sa organisasyon ng Diyos, na nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan at awtoridad, [ay] ang Panginoong Jesu-Kristo.” (Mateo 28:18) Kaya naman, sa ganap na diwa nito, ang organisasyon ng Diyos ay binubuo ng lahat ng nasa langit at nasa lupa na nagkakaisang gumagawa ng kalooban ng Diyos. (Tingnan ang kahon.) Tunay na isang napakainam na pribilehiyo ang maging bahagi nito! At anong laking kagalakan na asam-asamin ang panahon na lahat ng nabubuhay na nilalang, sa langit at sa lupa, ay oorganisahin upang purihin ang Diyos na Jehova taglay ang pagkakaisa! (Apocalipsis 5:13, 14) Subalit anong proteksiyon ang inilalaan ngayon ng organisasyon ng Diyos?
Ligtas sa Organisasyon ng Diyos—Paano?
7. Sa anong paraan ipinagsasanggalang tayo ng organisasyon ng Diyos?
7 Makatutulong ang organisasyon ng Diyos upang maipagsanggalang tayo laban kay Satanas at sa kaniyang mga pakana. (Efeso 6:11) Ang mga mananamba ni Jehova ay ginigipit, inuusig, at tinutukso ni Satanas na taglay sa isip ang isa lamang layunin: ilayo sila mula ‘sa daan na dapat nilang lakaran.’ (Isaias 48:17; ihambing ang Mateo 4:1-11.) Hindi natin lubusang maiiwasan ang gayong mga pagsalakay sa sistemang ito ng mga bagay. Gayunman, ang ating malapit na kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang organisasyon ay nagpapatibay at nagsasanggalang sa atin at sa gayo’y tumutulong sa atin na makapanatili sa “daan.” Bunga nito, hindi natin naiwawala ang ating pag-asa.
8. Paano sinusuportahan ng di-nakikitang organisasyon ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa lupa?
8 Paano inilalaan ng organisasyon ng Diyos ang ganitong proteksiyon? Una, taglay natin ang di-nabibigong suporta ng mga espiritung lingkod ni Jehova. Nang si Jesus ay nasa ilalim ng matinding panggigipit, siya’y pinaglingkuran ng isang anghel. (Lucas 22:43) Nang nanganganib na mamatay, si Pedro ay makahimalang iniligtas ng isang anghel. (Gawa 12:6-11) Bagaman wala nang gayong mga himala ngayon, ang bayan ni Jehova ay pinangakuang susuportahan ng mga anghel sa kanilang gawaing pangangaral. (Apocalipsis 14:6, 7) Madalas nilang tinataglay ang lakas na higit sa karaniwan kapag napapaharap sa mahihirap na situwasyon. (2 Corinto 4:7) Isa pa, batid nila na “ang anghel ni Jehova ay nagkakampamento sa palibot ng lahat ng may-takot sa kaniya, at kaniyang inililigtas sila.”—Awit 34:7.
9, 10. Paano masasabi na “ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog,” at paano kumakapit ang simulaing ito sa organisasyon ng Diyos sa kabuuan?
9 Isa ring proteksiyon ang nakikitang organisasyon ni Jehova. Paano? Sa Kawikaan 18:10, mababasa natin: “Ang pangalan ni Jehova ay isang matibay na moog. Tumatakbo rito ang matuwid at naliligtas.” Hindi nito ipinahihiwatig na ang pagbigkas lamang sa pangalan ng Diyos ay naglalaan na ng proteksiyon. Sa halip, ang panganganlong natin sa pangalan ng Diyos ay nagpapakita na nagtitiwala tayo kay Jehova mismo. (Awit 20:1; 122:4) Nangangahulugan ito ng pagtangkilik sa kaniyang soberanya, pagtataguyod sa kaniyang mga batas at simulain, at pananampalataya sa kaniyang mga pangako. (Awit 8:1-9; Isaias 50:10; Hebreo 11:6) Kalakip dito ang pag-uukol kay Jehova ng bukod-tanging debosyon. Yaon lamang mga sumasamba kay Jehova sa ganitong paraan ang makapagsasabi na katulad ng salmista: “Kay [Jehova] nagagalak ang aming puso; sapagkat sa kaniyang banal na pangalan kami naglagak ng aming tiwala.”—Awit 33:21; 124:8.
10 Ngayon, ang lahat ng kabilang sa nakikitang organisasyon ng Diyos ay makapagsasabi kasama ni Mikas: “Kami, sa ganang amin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na aming Diyos hanggang sa panahong walang takda, samakatuwid nga’y magpakailanman.” (Mikas 4:5) Ang modernong-panahong organisasyon ay natitipon sa palibot ng “Israel ng Diyos,” na sa Bibliya ay tinatawag na “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Galacia 6:16; Gawa 15:14; Isaias 43:6, 7; 1 Pedro 2:17) Kaya naman, ang pagiging bahagi ng organisasyon ni Jehova ay nangangahulugan ng pagiging bahagi ng isang bayan na naghahanap, at nagtatamo, ng proteksiyon sa pangalan ng Diyos.
11. Sa anu-anong espesipikong paraan naglalaan ang organisasyon ni Jehova ng proteksiyon para sa mga kabilang dito?
11 Karagdagan pa, ang nakikitang organisasyon ng Diyos ay isang pamayanan ng mga may pananampalataya, isang samahan ng magkapananampalataya na nagpapatibay at nagpapasigla sa isa’t isa. (Kawikaan 13:20; Roma 1:12) Ito ay isang dako kung saan pinangangalagaan ng mga Kristiyanong pastol ang mga tupa, pinalalakas-loob ang maysakit at nanlulumo, at pinagsisikapang papanumbalikin ang mga nagkasala. (Isaias 32:1, 2; 1 Pedro 5:2-4) “Ang tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng “pagkain sa tamang panahon” sa pamamagitan ng organisasyon. (Mateo 24:45) Ang “alipin” na iyan, na binubuo ng pinahirang mga Kristiyano, ay naglalaan ng pinakamahusay na espirituwal na mga bagay—tumpak at salig-Bibliyang kaalaman na maaaring umakay sa buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Dahil sa patnubay mula sa “alipin,” natutulungan ang mga Kristiyano na mapanatili ang mataas na mga pamantayang moral at maging “maingat gaya ng mga serpiyente at gayunma’y inosente gaya ng mga kalapati” sa mapanganib na kalagayang nakapalibot sa kanila. (Mateo 10:16) At lagi silang tinutulungan na magkaroon ng “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon,” na sa ganang sarili ay isang mabisang proteksiyon.—1 Corinto 15:58.
Sino ang mga Kabilang sa Organisasyon ng Diyos?
12. Sino ang mga tinutukoy bilang bahagi ng makalangit na organisasyon ng Diyos?
12 Yamang may proteksiyon yaong mga kabilang sa organisasyon ng Diyos, sino ang mga kabilang dito? Hinggil sa makalangit na organisasyon, tiyak ang sagot sa tanong na ito. Wala na sa langit si Satanas at ang kaniyang mga anghel. Sa kabilang panig, naroroon pa rin ang tapat na mga anghel “sa pangkalahatang kapulungan.” Nakita ni apostol Juan na sa mga huling araw, “ang Kordero,” ang mga kerubin (ang “apat na nilalang na buháy”), at ang “maraming anghel” ay napakalapit lamang sa trono ng Diyos. Kasama nila ang 24 na matatanda—na kumakatawan sa mga pinahirang Kristiyano na nagkamit na ng kanilang maluwalhating makalangit na mana. (Hebreo 12:22, 23; Apocalipsis 5:6, 11; 12:7-12) Ang lahat ay maliwanag na bahagi ng organisasyon ng Diyos. Subalit sa mga tao, hindi gayon kasimple ang mga bagay-bagay.
13. Paano tinukoy ni Jesus yaong mga kabilang sa organisasyon ng Diyos at yaong mga hindi kabilang dito?
13 Sinabi ni Jesus tungkol sa ilan na mag-aangking sumusunod sa kaniya: “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.” (Mateo 7:22, 23) Kung ang isa ay manggagawa ng katampalasanan, tiyak na hindi siya bahagi ng organisasyon ng Diyos, anuman ang kaniyang pag-aangkin, at saanman siya sumasamba. Ipinakita rin ni Jesus kung paano makikilala ang isa na tunay na bahagi ng organisasyon ng Diyos. Sinabi niya: “Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa mga langit.”—Mateo 7:21.
14. Anong mga aspekto ng kalooban ng Diyos ang tinutukoy na obligasyon niyaong mga kabilang sa organisasyon ng Diyos?
14 Kung gayon, upang maging kabilang sa organisasyon ng Diyos—na dito ang “kaharian ng mga langit” ang siyang pangunahing bahagi—kailangang ginagawa ng isa ang kalooban ng Diyos. Ano ba ang kaniyang kalooban? Ipinakilala ni Pablo ang isang mahalagang bahagi nito nang sabihin niya: “Ang kalooban [ng Diyos] ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Kung tunay na sinisikap ng isang tao na matamo ang tumpak na kaalaman mula sa Bibliya, maikapit ito sa kaniyang buhay, at maibahagi ito sa “lahat ng uri ng mga tao,” ginagawa niya ang kalooban ng Diyos. (Mateo 28:19, 20; Roma 10:13-15) Kalooban din ng Diyos na mapakain at mapangalagaan ang mga tupa ni Jehova. (Juan 21:15-17) Mahalagang papel ang ginagampanan dito ng Kristiyanong mga pagpupulong. Ang isang tao na malayang dumalo sa gayong mga pulong ngunit kinaliligtaang gawin ito ay hindi nagpapahalaga sa kaniyang dako sa organisasyon ng Diyos.—Hebreo 10:23-25.
Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan
15. Anong babala ang ibinigay ni Santiago sa mga kongregasyon noong kaniyang kaarawan?
15 Mga 30 taon pagkamatay ni Jesus, ipinakilala ng kaniyang kapatid sa ina na si Santiago ang ilang salik na maaaring magsapanganib sa dako ng isa sa organisasyon ng Diyos. Sumulat siya: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ibinibilang ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Ang isang kaaway ng Diyos ay tiyak na hindi bahagi ng kaniyang organisasyon. Ano, kung gayon, ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan? Ipinaliwanag na ito ay may iba’t ibang anyo, gaya ng pakikitungo o pagkakasangkot sa masasamang kasama. Karagdagan pa, si Santiago ay nagtuon ng pansin sa isang bagay na espesipiko—ang maling kalagayan ng isip na humahantong sa di-wastong paggawi.
16. Ano ang konteksto ng babala ni Santiago na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos?
16 Sa Santiago 4:1-3, mababasa natin: “Ano ang pinagmumulan ng mga digmaan at ano ang pinagmumulan ng mga pag-aaway sa gitna ninyo? Hindi ba ang mga iyon ay nagmumula rito, alalaong baga, mula sa inyong mga pagnanasa sa kaluguran ng laman na naglalabanan sa inyong mga sangkap? Kayo ay nagnanasa, gayunma’y hindi kayo nagkakaroon. Patuloy kayong pumapaslang at nag-iimbot, gayunma’y hindi kayo makapagtamo. Patuloy kayong nakikipag-away at nakikipagdigma. Hindi kayo nagkakaroon dahil sa hindi kayo humihingi. Kayo nga ay humihingi, gayunma’y wala kayong tinatanggap, sapagkat humihingi kayo sa maling layunin, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga pagnanasa sa kaluguran ng laman.” Pagkatapos isulat ang mga salitang ito ay saka nagbabala si Santiago laban sa pakikipagkaibigan sa sanlibutan.
17. Sa anong diwa may “mga digmaan” at “mga pag-aaway” sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo?
17 Mga ilang siglo pagkamatay ni Santiago, ang mga huwad na Kristiyano ay literal na nakipagdigma at pumaslang sa isa’t isa. Gayunman, ang sinulatan ni Santiago ay yaong mga miyembro ng “Israel ng Diyos” noong unang siglo, ang mga may pag-asang maging ‘mga saserdote at hari’ sa langit. (Apocalipsis 20:6) Hindi nila pinaslang ang isa’t isa o pinatay ang isa’t isa sa literal na mga digmaan. Kaya bakit binanggit ni Santiago na may gayong mga bagay sa gitna ng mga Kristiyano? Buweno, ang sinumang napopoot sa kaniyang kapatid ay tinawag ni apostol Juan bilang isang mamamatay-tao. At bumanggit si Pablo ng mga di-pagkakaunawaan at hidwaan sa mga kongregasyon bilang “mga pag-aaway” at “alitan.” (Tito 3:9; 2 Timoteo 2:14; 1 Juan 3:15-17) Kasuwato nito, maliwanag na nasa isip ni Santiago ang pagkabigong ibigin ang mga kapuwa Kristiyano. Sa gitna nila, ang mga Kristiyano ay kumikilos sa paraan na gaya niyaong madalas na pakikitungo ng mga taga-sanlibutan sa isa’t isa.
18. Ano ang maaaring maging sanhi ng di-maibiging pagkilos at damdamin sa gitna ng mga Kristiyano?
18 Bakit nangyari ang gayong mga bagay sa mga kongregasyong Kristiyano? Dahil sa mga maling saloobin, gaya ng kaimbutan at “mga pagnanasa sa kaluguran ng laman.” Ang pagmamapuri, paninibugho, at ambisyon ay maaari ring sumira sa maibiging pagsasamahan ng mga Kristiyano sa isang kongregasyon. (Santiago 3:6, 14) Ang gayong saloobin ang nagpapangyari sa isa na maging kaibigan ng sanlibutan at, sa gayon, isang kaaway ng Diyos. Walang sinuman na nagtataglay ng saloobing gaya nito ang makaaasang siya’y mananatiling bahagi ng organisasyon ng Diyos.
19. (a) Sino ang pangunahing dapat sisihin kung masumpungan ng isang Kristiyano na nag-uugat sa kaniyang puso ang maling kaisipan? (b) Paano madaraig ng isang Kristiyano ang maling kaisipan?
19 Sino ang maaari nating sisihin kung magkaugat sa ating puso ang maling kaisipan? Si Satanas ba? Sa isang banda, oo. Siya ang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin” ng sanlibutang ito, na dito’y laganap ang gayong saloobin. (Efeso 2:1, 2; Tito 2:12) Subalit karaniwan, ang ugat ng maling kaisipan ay nasa ating sariling di-sakdal na laman. Pagkatapos magbabala laban sa pakikipagkaibigan sa sanlibutan, sumulat si Santiago: “Inaakala ba ninyo na ang kasulatan ay nagsasabi nang walang layunin: ‘Nakahilig sa pagkainggit kung kaya ang espiritu na nanahanan sa loob natin ay patuloy na nananabik’?” (Santiago 4:5) Tayong lahat ay may likas na hilig na gumawa ng mali. (Genesis 8:21; Roma 7:18-20) Subalit maaari nating paglabanan ang gayong hilig kung aaminin natin ang ating mga kahinaan at mananalig sa tulong ni Jehova upang mapagtagumpayan ang mga ito. Sinabi ni Santiago: “Ang di-sana-nararapat na kabaitan na ibinibigay [ng Diyos] ay mas dakila [sa ating likas na hilig na mainggit].” (Santiago 4:6) Salamat na lamang sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos at sa suporta ng tapat na Kristiyanong mga kapatid, at sa pamamagitan ng bisa ng haing pantubos ni Jesus, ang tapat na mga Kristiyano ay hindi nadaraig ng mga kahinaan ng kanilang laman. (Roma 7:24, 25) Sila’y ligtas sa organisasyon ng Diyos, mga kaibigan ng Diyos, hindi ng sanlibutan.
20. Anong mayamang pagpapala ang tinatamasa niyaong mga kabilang sa organisasyon ng Diyos?
20 Nangangako ang Bibliya: “Si Jehova mismo ay tunay na magbibigay ng lakas sa kaniyang bayan. Pagpapalain ni Jehova ng kapayapaan ang kaniyang bayan.” (Awit 29:11) Kung tayo’y tunay na bahagi ng modernong-panahong “bansa” ni Jehova, ang kaniyang nakikitang organisasyon, kukunin natin ang lakas na kaniyang ibinibigay at tatamasahin ang kapayapaan na sa pamamagitan nito’y pinagpapala niya ang kaniyang bayan. Totoo, higit na malaki ang sanlibutan ni Satanas kaysa sa nakikitang organisasyon ni Jehova, at mas malakas sa atin si Satanas. Ngunit si Jehova ang Makapangyarihan-sa-lahat. Di-malulupig ang kaniyang aktibong puwersa. Kaisa rin natin sa paglilingkod sa Diyos ang kaniyang makapangyarihang mga anghel. Kaya naman, sa kabila ng poot na nakakaharap natin, maaari tayong tumayong matatag. Tulad ni Jesus, madaraig natin ang sanlibutan.—Juan 16:33; 1 Juan 4:4.
Maipaliliwanag ba Ninyo?
◻ Ano ba ang nakikitang organisasyon ng Diyos?
◻ Sa anu-anong paraan naglalaan ng proteksiyon ang organisasyon ng Diyos?
◻ Sino ang mga kabilang sa organisasyon ng Diyos?
◻ Paano natin maiiwasang maging mga kaibigan ng sanlibutan?
[Kahon sa pahina 9]
Ano ba ang Organisasyon ng Diyos?
Sa babasahin ng mga Saksi ni Jehova, ang pananalitang “organisasyon ng Diyos” ay ginagamit sa tatlong paraan.
1 Ang makalangit at di-nakikitang organisasyon ni Jehova na binubuo ng tapat na espiritung mga nilalang. Sa Bibliya ay tinatawag ito na “Jerusalem sa itaas.”—Galacia 4:26.
2 Ang nakikitang organisasyon ni Jehova na binubuo ng mga tao. Sa ngayon, kabilang dito ang mga pinahirang nalabi na kasama ng malaking pulutong.
3 Ang pansansinukob na organisasyon ni Jehova. Sa ngayon, ito ay binubuo ng makalangit na organisasyon ni Jehova kasama ang kaniyang pinahiran at inampong mga anak sa lupa, na may espirituwal na pag-asa. Pagsapit ng panahon, makakabilang din dito ang sakdal na mga tao sa lupa.
[Larawan sa pahina 10]
Ang pinakamainam na pagkaing espirituwal ay inilalaan sa pamamagitan ng organisasyon ni Jehova