Paggawa ng Kasunduan Para sa Isang Makatuwirang Dote
SA ILANG kultura ngayon, tulad din noong kapanahunan ng Bibliya, hinihiling na magbayad muna ng dote ang isang lalaki bago niya mapangasawa ang isang babae. “Ako ay handang maglingkod sa iyo ng pitong taon para kay Raquel na iyong nakababatang anak,” ang sabi ni Jacob sa kaniyang magiging biyenan na si Laban. (Genesis 29:18) Dahil sa pag-ibig ni Jacob kay Raquel, siya ay nag-alok ng isang malaking halaga—ang katumbas ng pitong taon na pagtatrabaho! Tinanggap ni Laban ang alok subalit nilinlang niya si Jacob para mapakasalan muna nito ang kaniyang nakatatandang anak na babae, si Lea. Ang sumunod na mga pakikitungo ni Laban kay Jacob ay mapandaya rin. (Genesis 31:41) Dahil sa labis na pagpapahalaga ni Laban sa materyal na pakinabang, ang kaniyang mga anak na babae ay nawalan ng paggalang sa kaniya. “Hindi nga ba niya kami itinuring na gaya ng mga banyaga yamang ipinagbili niya kami, anupat patuloy siyang kumakain mula nga sa salaping ibinigay para sa amin?” ang tanong nila.—Genesis 31:15.
Nakalulungkot, sa kasalukuyang materyalistikong daigdig, maraming magulang ang tulad din ni Laban. At ang iba’y mas masahol pa. Ayon sa isang pahayagan sa Aprika, ang ilang pag-aasawa ay pinagkakasunduan “para lamang kumita ang sakim na mga ama.” Ang isa pang salik ay ang kagipitan sa pananalapi na tumutukso sa ilang magulang na ituring ang kanilang mga anak na babae bilang paraan para mahango sa kahirapan.a
Ipinagpapaliban ng ilang magulang ang pag-aasawa ng kanilang mga anak na babae dahil naghihintay sila ng pinakamataas na alok. Ito’y maaaring magdulot ng malulubhang suliranin. Isang reporter sa pahayagan na nasa silangang Aprika ang sumulat: “Pinipili ng mga kabataan na magtanan na lamang para matakasan ang pagkalalaking bigay-kaya na hinihingi ng makulit na mga biyenan.” Ang seksuwal na imoralidad ang isa sa mga suliraning ibinubunga ng paghingi ng malaking dote. Karagdagan pa, nakabibili nga ng asawa ang ilang mga kabataang lalaki, subalit nababaon naman sila sa utang. “Dapat na maging makatuwiran ang mga magulang,” ang himok ng isang manggagawang panlipunan sa Timog Aprika. “Hindi sila dapat humingi ng malalaking halaga. Kailangan ding mabuhay ng bagong kasal . . . Kaya bakit uubusin ang pera ng lalaki?”
Paano kung gayon makapagpapakita ng halimbawa ng pagiging makatuwiran ang mga Kristiyanong magulang kapag gumagawa ng mga kasunduan para sa pagbabayad o pagtanggap ng isang dote? Ito’y isang seryosong bagay, sapagkat iniuutos ng Bibliya: “Hayaang malaman ng lahat ng tao ang inyong pagka-makatuwiran.”—Filipos 4:5.
Makatuwirang mga Simulain sa Bibliya
Ang pagpili kung baga ang mga Kristiyanong magulang ay gagawa ng mga kasunduan para sa isang dote o hindi ay isang personal na pasiya. Kung pinili nilang gawin iyon, ang gayong mga kasunduan ay dapat isagawa nang kasuwato sa mga simulain ng Bibliya. “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay,” ang sabi ng Salita ng Diyos. (Hebreo 13:5) Kung ang simulaing ito ay hindi ikinakapit sa mga kasunduang may kaugnayan sa pag-aasawa, baka ipinakikita ng isang Kristiyanong magulang na siya’y hindi isang mabuting halimbawa. Ang mga lalaking may mahahalagang tungkulin sa Kristiyanong kongregasyon ay dapat na maging “makatuwiran,” hindi ‘mga mangingibig ng salapi’ o “sakim sa di-matapat na pakinabang.” (1 Timoteo 3:3, 8) Maaari pa ngang matiwalag sa kongregasyon ang isang Kristiyano na may-kasakimang nangingikil ng isang malaking dote at hindi pinagsisisihan iyon.—1 Corinto 5:11, 13; 6:9, 10.
Dahil sa mga suliraning bunga ng kasakiman, nagpatupad ang ilang pamahalaan ng mga batas na nagtatakda ng hangganan sa halaga ng dote. Halimbawa, may batas sa Togo, isang bansa sa Kanlurang Aprika, na nagsasaad na ang dote ay “maaaring bayaran sa pamamagitan ng mga kagamitan o salapi o sa parehong paraan.” Idinagdag pa ng batas: “Sa anumang kalagayan, hindi dapat sumobra ang halaga sa 10,000 F CFA (US$20.00).” Paulit-ulit na ipinag-uutos ng Bibliya sa mga Kristiyano na maging masunurin-sa-batas na mga mamamayan. (Tito 3:1) Kahit na hindi nagpapatupad ang pamahalaan ng gayong batas, nanaisin pa rin ng isang tunay na Kristiyano na maging masunurin. Sa gayo’y mapananatili niya ang isang mabuting budhi sa harapan ng Diyos at hindi siya magiging katitisuran sa iba.—Roma 13:1, 5; 1 Corinto 10:32, 33.
Sino ang May Pananagutan sa Paggawa ng mga Kasunduan?
Sa ilang kultura, ang paraan ng paggawa ng kasunduan para sa dote ay maaaring taliwas sa isa pang mahalagang simulain. Ayon sa Bibliya, ang ama ang may-pananagutan sa kapakanan ng kaniyang sambahayan. (1 Corinto 11:3; Colosas 3:18, 20) Kung gayon, yaong mga lalaking may mahahalagang tungkulin sa kongregasyon ay kinakailangan na “namumuno sa isang mahusay na paraan sa mga anak at sa kanilang sariling mga sambahayan.”—1 Timoteo 3:12.
Gayunman, maaaring pangkaraniwan sa komunidad na ipaubaya sa mga kamag-anak ng ulo ng pamilya ang paggawa ng mga kasunduan para sa pag-aasawa. At ang mga kamag-anak na ito ay humihingi ng bahagi sa dote. Ito’y isang pagsubok sa mga Kristiyanong sambahayan. Dahil sa nakaugalian, pinahintulutan ng ilang ulo ng pamilya na mangikil ng napakalaking dote ang di-sumasampalatayang mga kamag-anak. Kung minsan, ito’y humahantong sa pagpapakasal ng isang Kristiyanong babae sa isang di-sumasampalataya. Iyon ay salungat sa payo na ang mga Kristiyano’y dapat mag-asawa “lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Ang isang ulo ng pamilya na nagpapahintulot sa mga di-sumasampalatayang kamag-anak na gumawa ng mga pasiyang nakapipinsala sa espirituwal na kapakanan ng kaniyang mga anak ay hindi maaaring malasin bilang isa na “namumuno sa kaniyang sambahayan sa isang mahusay na paraan.”—1 Timoteo 3:4.
Paano kung, tulad sa kaso ng may-takot sa Diyos na patriyarkang si Abraham, hindi tuwirang nakikibahagi ang Kristiyanong ama sa mga kasunduang ginagawa para sa pag-aasawa ng isa sa kaniyang mga anak? (Genesis 24:2-4) Kung may isa na inatasang gawin ito, dapat tiyakin ng Kristiyanong ama na ang pinagkatiwalaan ay susunod sa mga tagubiling kaayon ng makatuwirang mga simulain sa Bibliya. Bukod dito, bago gumawa ng anumang kasunduan para sa isang dote, kailangang pagtimbang-timbangin ng Kristiyanong mga magulang ang mga bagay-bagay at huwag nilang hayaang madala sila ng di-makatuwirang mga kaugalian o kahilingan.—Kawikaan 22:3.
Pag-iwas sa Di-Makakristiyanong mga Paggawi
Hinahatulan ng Bibliya ang pagmamataas at ang “pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” (1 Juan 2:16; Kawikaan 21:4) Gayunman, may ilang indibiduwal na kaugnay sa Kristiyanong kongregasyon na nagpapamalas ng ganitong mga katangian sa kanilang mga kasunduang ginagawa para sa pag-aasawa. Ang ilan ay tumutulad sa sanlibutan sa pamamagitan ng pagyayabang sa pagbabayad nila o pagtanggap ng malaking dote. Sa kabilang dako naman, isa sa mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Aprika ang nag-ulat: “Ang ilang asawang lalaki ay hindi nagpapakita ng paggalang kapag naging makatuwiran ang mga kahilingan ng kanilang mga biyenan, anupat mababa ang pagtingin nila sa kanilang asawang babae dahil sa ito’y nabili sa halaga ng isang ‘kambing.’ ”
Ang ilang Kristiyano ay nasilo ng sakim na pagnanais sa malaking dote at ang mga kinahinatnan nito ay kalunus-lunos. Halimbawa, isaalang-alang ang ulat na ito mula sa isa pang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower: “Karaniwan nang mahirap para sa mga binatang kapatid na makapag-asawa o sa mga dalagang kapatid na makakita ng mapapangasawa. Bunga nito, dumarami ang natitiwalag dahil sa seksuwal na imoralidad. Ang ilang kapatid na lalaki ay pumupunta sa mga minahan para maghanap ng ginto o mga diamanteng maipagbibili nila upang magkaroon sila ng sapat na pera sa pag-aasawa. Maaaring kailanganin nito ang paggugol ng isa o dalawang taon o higit pa, at kadalasang nagiging mahina sila sa espirituwal habang malayo sila sa pakikisama sa mga kapatid at sa kongregasyon.”
Upang maiwasan ang gayong nakalulungkot na mga kahihinatnan, dapat sundin ng Kristiyanong mga magulang ang halimbawa ng mga maygulang na kapatid sa kongregasyon. Bagaman hindi siya isang magulang, si apostol Pablo ay makatuwiran sa kaniyang pakikitungo sa mga kapananampalataya. Iningatan niyang huwag maging pabigat sa kanino man. (Gawa 20:33) Dapat lamang na isaalang-alang ng Kristiyanong mga magulang ang kaniyang walang pag-iimbot na halimbawa kapag sila’y nakikipagkasundo para sa dote. Sa katunayan, kinasihan ng Diyos si Pablo na sumulat: “May pagkakaisang maging mga tagatulad ko kayo, mga kapatid, at ituon ang inyong mata doon sa mga lumalakad sa paraan na alinsunod sa halimbawang taglay ninyo sa amin.”—Filipos 3:17.
Mga Halimbawa ng Pagiging Makatuwiran
May kaugnayan sa mga kasunduang ginagawa para sa pag-aasawa, maraming Kristiyanong magulang ang nagpakita ng mahusay na halimbawa ng pagiging makatuwiran. Isaalang-alang si Joseph at ang kaniyang asawa, si Mae, na kapuwa naglilingkod bilang buong-panahong ebanghelisador.b Nakatira sila sa isa sa mga isla ng Solomon Islands kung saan nagiging suliranin kung minsan ang mga kasunduang ginagawa para sa dote. Para maiwasan ang gayong mga problema, isinaayos nina Joseph at Mae na makasal sa karatig na isla ang kanilang anak na babae na si Helen. Gayon din ang ginawa nila para sa isa pa nilang anak na babae, si Esther. Sumang-ayon din si Joseph na magbayad ang kaniyang manugang na si Peter ng dote na mababa pa sa makatuwirang halaga na maaaring tanggapin. Nang tanungin kung bakit niya ginawa ito, si Joseph ay nagpaliwanag: “Ayaw kong pabigatan ang aking manugang na isang payunir.”
Maraming Saksi ni Jehova sa Aprika ang nagpakita rin ng mahusay na halimbawa ng pagiging makatuwiran. Sa ilang lugar, karaniwan nang inaasahan ng ibang kamag-anakan na babayaran sila ng malaking halaga ng salapi bago pa ang mga kasunduan tungkol sa aktuwal na dote. At upang mapangasawa niya ang babae, ang lalaki ay maaaring inaasahan na mangakong siya ang sasagot sa dote ng isang nakababatang kapatid na lalaki ng kaniyang nobya.
Kabaligtaran nito, isaalang-alang ang halimbawa ni Kossi at ng kaniyang asawang si Mara. Kamakailan lamang, ang kanilang anak na babae na si Beboko ay nagpakasal sa isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Bago ang kasal, ginipit ng mga kamag-anak ang mga magulang na bigyan sila ng kanilang bahagi sa isang malaking dote. Gayunman, nanindigan ang mga magulang at hindi tumupad sa gayong mga kahilingan. Sa halip, sila’y tuwirang gumawa ng kasunduan sa kanilang mamanugangin, na humingi ng maliit na halaga para sa kanilang anak na babae at pagkatapos, kanilang isinauli ang kalahati nito sa dalawa upang magamit nila sa paghahanda para sa araw ng kanilang kasal.
Ang isa pang halimbawa sa bansa ring iyon ay may kaugnayan naman sa isang kabataang Saksi na nagngangalang Itongo. Sa pasimula ay humingi ang kaniyang pamilya ng isang makatuwirang dote. Ngunit ang mga kamag-anak ay nagpilit na lakihan ang halaga. Maigting ang situwasyon, at waring ang kagustuhan ng mga kamag-anak ang masusunod. Bagaman likas na mahiyain, tumayo si Itongo at may-paggalang na nagsabing determinado siyang mapangasawa ang isang masigasig na Kristiyanong nagngangalang Sanze ayon sa kanilang napagkasunduan na. Pagkatapos, kaniyang sinabi nang may lakas ng loob, “Mbi ke” (na nangangahulugang, “Tapos na ang usapan”) at siya’y naupo. Siya’y sinuportahan ng kaniyang Kristiyanong ina, si Sambeko. Natigil na ang anumang pagtatalo, at nakasal ang dalawa ayon sa kanilang orihinal na ginawang kaayusan.
May ibang bagay na higit na ikinababahala ng mapagmahal na Kristiyanong mga magulang kaysa sa kanilang personal na pakinabang sa dote. Isang asawang lalaki sa Cameroon ang nagpaliwanag: “Sinasamantala ng aking biyenang babae ang lahat ng pagkakataon para sabihin sa akin na anumang nais kong ibigay sa kaniya bilang dote ay dapat kong gamitin para sa pangangailangan ng kaniyang anak na babae.” Ang maibiging mga magulang ay nababahala rin sa espirituwal na kapakanan ng kanilang mga anak. Halimbawa, isaalang-alang sina Farai at Rudo, na nakatira sa Zimbabwe at gumugugol ng malaking panahon sa gawain ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Bagaman hindi kumikita, kanilang ibinigay sa pag-aasawa ang kanilang dalawang anak na babae sa halagang napakaliit kung ihahambing sa halagang karaniwang hinihingi. Ang kanilang dahilan? Nais nilang makinabang ang kanilang mga anak sa pakikipag-asawa sa mga lalaking tunay na umiibig kay Jehova. “Ang tiningnan namin na mas mahalaga ay ang espirituwalidad kapuwa ng aming mga anak na babae at ng aming mga manugang,” ang kanilang paliwanag. Anong laking ginhawa! Ang mga biyenan na nagpapamalas ng maibiging pagkabahala sa espirituwal at materyal na kapakanan ng kanilang mga anak na may-asawa ay karapat-dapat na papurihan nang husto.
Mga Kapakinabangan ng Pagiging Makatuwiran
Pinagpala sina Joseph at Mae na taga-Solomon Islands dahil sa mapagbigay at maingat na paraan ng pag-aayos nila sa pag-aasawa ng kanilang mga anak na babae. Kaya naman, hindi nabaon sa utang ang kanilang mga manugang. Sa halip, ang mga ito at ang kani-kanilang asawa ay nakagugol ng maraming taon sa buong-panahong gawain ng pagpapalaganap ng mensahe tungkol sa Kaharian. Habang nagbabalik-tanaw sa nakaraan, sinabi ni Joseph: “Ang mga pasiyang ginawa ko at ng aking pamilya ay nagbunga ng mayamang mga pagpapala. Totoo, may matinding panggigipit kung minsan mula sa mga hindi nakauunawa, subalit ako’y may mabuting budhi at pagkakontento habang nakikita ko ang aking mga anak na abala at masigasig sa paglilingkuran kay Jehova. Sila man ay maligaya, at kaming mag-asawa ay lalong higit na maligaya.”
Ang isa pang pakinabang ay ang mabuting ugnayan sa pagitan ng mga biyenan at manugang. Halimbawa, sina Zondai at Sibusiso ay naglilingkod bilang boluntaryong mga manggagawa sa sangay ng Samahang Watch Tower sa Zimbabwe, kasama ang kanilang mga asawa na magkapatid sa laman. Ang kanilang biyenang lalaki, si Dakarai, ay isang buong-panahong ebanghelisador at hindi kumikita ng salapi. Noong gumagawa ng mga kasunduan para sa dote, sinabi niyang tatanggapin niya ang anuman na kanilang makakayanan. “Mahal na mahal namin ang aming biyenang lalaki,” ang sabi nina Zondai at Sibusiso, “at gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang tulungan siya kung sakaling kailanganin niya ito.”
Oo, ang pagiging makatuwiran sa mga kasunduang ginagawa para sa dote ay nagdudulot ng kaligayahan sa pamilya. Halimbawa, hindi mababaon sa utang ang bagong kasal, anupat napadadali para sa kanila na pakibagayan ang buhay may-asawa. Pinaging-posible nito para sa maraming kabataang mag-asawa na itaguyod ang espirituwal na mga pagpapala, tulad ng buong-panahong paglilingkuran sa apurahang gawain ng pangangaral at paggawa ng alagad. Ito naman ay nagdudulot ng kaluwalhatian sa maibiging Tagapagpasimula ng pag-aasawa, ang Diyos na Jehova.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
[Mga talababa]
a Sa ilang mga kultura ay baligtad ang situwasyon. Ang mga biyenan ay umaasa ng isang bigay-kaya mula sa mga magulang ng babae.
b Ipinalit na mga pangalan ang ginamit sa artikulong ito.
[Kahon sa pahina 27]
KANILANG ISINAULI ANG DOTE
Sa ilang komunidad, hinahamak ang isang babae at ang kaniyang mga magulang kung maliit lamang ang halaga ng dote. Yamang gayon, ang pagmamataas at ang pagnanais na ipagyabang ang estado ng pamilya kung minsan ang mga motibo kung kaya nakikipagkasundo para sa malaking halaga. Isang pamilya sa Lagos, Nigeria, ay nagpamalas ng kaayaayang kaibahan. Ang kanilang manugang na lalaki na si Dele ay nagpaliwanag:
“Pinagaan ng pamilya ng aking asawa ang mga gastusin ko na kasama sa kinaugaliang seremonya ng dote, tulad ng pagbili ng mamahaling mga pamalit na damit. Kahit na noong iniharap na sa kanila ng aking pamilya ang dote, ang kanilang tagapagsalita ay nagtanong: ‘Nais ba ninyong tanggapin ang babaing ito bilang isang asawa o isang anak?’ Nagkakaisang tumugon ang aking pamilya: ‘Nais naming tanggapin siya bilang isang anak.’ Pagkatapos noon, isinauli sa amin ang dote sa mismong sobre na kinalalagyan nito.
“Hanggang ngayon, pinahahalagahan ko ang paraan ng pag-aayos ng aking mga biyenan sa aming kasal. Nagpangyari iyon na magkaroon ako ng mataas na pagtingin sa kanila. Ang kanilang mahusay na espirituwal na pananaw ay nag-uudyok sa aking ituring sila na napakalapit na mga kamag-anak. Ito rin ay may malaking impluwensiya sa pangmalas ko sa aking asawa. Nagkaroon ako ng malalim na pagpapahalaga sa kaniya dahil sa paraan ng pakikitungo sa akin ng kaniyang pamilya. Kapag hindi kami nagkakaunawaan, hindi ko hinahayaan na maging isang suliranin iyon. Sa sandaling maalaala ko ang pamilyang kaniyang pinanggalingan, nababawasan ang di-pagkakaunawaan.
“Ang aming mga pamilya ay matibay na pinagbuklod ng pagkakaibigan. Kahit na ngayon, dalawang taon pagkaraan ng aming kasal, nagpapadala pa rin ang aking ama ng mga regalo at pagkain sa pamilya ng aking asawa.”