“Iniibig ng Diyos ang Isang Masayahing Nagbibigay”
SI Jehova ang pinakalarawan ng pagiging bukas-palad. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na siya ang Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na regalo.’ (Santiago 1:17) Halimbawa, tingnan ang mga bagay na nilalang ng Diyos. Gumawa siya ng pagkaing masarap, hindi walang lasa; mga bulaklak na makukulay, hindi pangit; paglubog ng araw na kagila-gilalas, hindi nakababagot. Oo, bawat pitak ng paglalang ni Jehova ay nagpapatotoo sa kaniyang pag-ibig at pagkabukas-palad. (Awit 19:1, 2; 139:14) Isa pa, si Jehova ay masayahing Tagapagbigay. Nalulugod siya sa paggawa ng mabuti alang-alang sa kaniyang mga lingkod.—Awit 84:11; 149:4.
Inutusan ang mga Israelita na ipaaninaw ang pagkabukas-palad ng Diyos sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa. “Huwag magmatigas ang iyong puso o magtikom ang iyong kamay sa iyong dukhang kapatid,” sabi ni Moises sa kanila. “Sa anumang paraan ay bibigyan mo siya, at ang iyong puso’y huwag magmamaramot.” (Deuteronomio 15:7, 10) Yamang dapat magmula sa puso ang pagbibigay, malulugod ang mga Israelita sa pagiging bukas-palad.
Kahawig na paalaala ang ibinigay sa mga Kristiyano. Sa katunayan, sinabi ni Jesus na may “kaligayahan sa pagbibigay.” (Gawa 20:35) Uliran ang mga alagad ni Jesus sa masayang pagbibigay. Halimbawa, iniulat ng Bibliya na sa Jerusalem, “ipinagbili [ng mga naging mananampalataya] ang kanilang mga pag-aari at mga tinatangkilik at ibinaha-bahagi ang mga nalikom sa lahat, ayon sa pangangailangan ng sinuman.”—Gawa 2:44, 45.
Ngunit dumanas ng kahirapan nang dakong huli ang mapagbigay na mga taga-Judea na ito. Hindi espesipikong sinabi ng Bibliya kung ano ang dahilan ng kanilang kalagayan. Sinasabi ng ilang iskolar na ang taggutom na binanggit sa Gawa 11:28, 29 ang maaaring siyang dahilan. Anuman ang nangyari, nasa kagipitan ang mga Kristiyanong taga-Judea, at ibig ni Pablo na tiyaking maaasikaso ang kanilang mga pangangailangan. Paano niya gagawin iyon?
Paglikom Para sa mga Nangangailangan
Nanawagan si Pablo ng tulong mula sa mga kongregasyon hanggang doon sa Macedonia, at nagsaayos siya ng paglikom alang-alang sa naghihirap na mga Kristiyano sa Judea. Sa mga taga-Corinto, sumulat si Pablo: “Kung paanong nagbigay ako ng utos sa mga kongregasyon sa Galacia, gayon din ang gawin ninyo mismo. Sa bawat unang araw ng sanlinggo ang bawat isa sa inyo ay magbukod na nakatabi sa kaniyang sariling bahay ng anuman ayon sa kaniyang pananagana.”a—1 Corinto 16:1, 2.
Nilayon ni Pablo na agad ipadala ang mga pondong ito sa mga kapatid sa Jerusalem, ngunit mabagal ang mga taga-Corinto sa pagtugon sa tagubilin ni Pablo. Bakit? Hindi ba nila alintana ang kalagayan ng kanilang mga kapatid sa Judea? Hindi naman, sapagkat batid ni Pablo na ang mga taga-Corinto ay ‘nananagana sa lahat ng bagay, sa pananampalataya at salita at kaalaman at buong kasigasigan.’ (2 Corinto 8:7) Malamang, naging abalang-abala sila sa pag-aasikaso sa ilang mahahalagang bagay na tinukoy ni Pablo sa kaniyang unang liham sa kanila. Ngunit apurahan ngayon ang situwasyon sa Jerusalem. Kaya tinalakay ni Pablo ang usaping ito sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto.
Pamamanhik sa Pagkabukas-palad
Una, sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto ang tungkol sa mga taga-Macedonia, na kapuri-puri ang naging pagtugon sa pagpapadala ng tulong. “Sa panahon ng isang malaking pagsubok sa ilalim ng dalamhati,” isinulat ni Pablo, “ang kanilang saganang kagalakan at ang kanilang matinding karalitaan ay nagpasagana sa kayamanan ng kanilang pagkabukas-palad.” Hindi na kinailangan pang himukin ang mga taga-Macedonia. Sa kabaligtaran, sinabi ni Pablo na “sa kanilang sariling kagustuhan ay patuloy na nagsusumamo sa amin na may matinding pamamanhik para sa pribilehiyo na may-kabaitang pagbibigay.” Ang masayang pagkabukas-palad ng mga taga-Macedonia ay lalo pang kapuri-puri kapag isinaalang-alang natin na sila mismo ay nasa “matinding karalitaan.”—2 Corinto 8:2-4.
Sa pagpuri sa mga taga-Macedonia, sinikap ba ni Pablo na pukawin ang diwa ng pakikipagpaligsahan sa gitna ng mga taga-Corinto? Hinding-hindi, sapagkat alam niya na hindi ito ang tamang paraan para mangganyak. (Galacia 6:4) Isa pa, alam niya na hindi kailangang hiyain ang mga taga-Corinto para gawin nila ang tama. Sa halip, may tiwala siya na talagang minamahal ng mga taga-Corinto ang kanilang mga kapatid sa Judea at nais nilang makibahagi sa pagtulong. “Isang taon na ang nakararaan,” sabi niya sa kanila, “pinasimulan ninyo hindi lamang ang paggawa kundi ang pagnanais din na gawin.” (2 Corinto 8:10) Oo, sa ilang pitak ng pagpapadala ng tulong, ang mga taga-Corinto mismo ay kapuri-puri. “Alam ko ang pagiging handa ng inyong isip na siyang ipinaghahambog ko sa mga taga-Macedonia tungkol sa inyo,” sabi sa kanila ni Pablo, na idinagdag: “Napukaw ng inyong sigasig ang karamihan sa kanila.” (2 Corinto 9:2) Subalit ngayon, kailangang isagawa ng mga taga-Corinto ang kanilang sigasig at ang pagiging handa ng kanilang isip.
Kaya naman, sinabi sa kanila ni Pablo: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, nang hindi masama ang loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang isang masayahing nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Hindi layunin ni Pablo, kung gayon, na pilitin ang mga taga-Corinto, sapagkat tiyak na hindi masaya ang isang nagbibigay kapag siya’y pinilit lamang. Lumilitaw na inakala ni Pablo na mayroon nang wastong motibo, na bawat isa ay nagpasiya nang magbigay. Karagdagan pa, sinabi sa kanila ni Pablo: “Kung ang pagiging handa ay naroroon muna, lalo na itong kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi niya taglay.” (2 Corinto 8:12) Oo, kapag nariyan na ang pagiging handa—kapag ang isang tao ay nauudyukan ng pag-ibig—ang ibinibigay niya ay kaayaaya sa Diyos, kahit waring maliit ang halaga.—Ihambing ang Lucas 21:1-4.
Masayahing Nagbibigay Ngayon
Ang pagtulong sa mga Kristiyanong taga-Judea ay naglalaan ng mahusay na halimbawa para sa ating panahon. Isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang isang pambuong-daigdig na kampanya ng pangangaral na nagdadala ng pagkain sa milyun-milyong nagugutom sa espirituwal. (Isaias 65:13, 14) Ginagawa nila ito bilang pagsunod sa utos ni Jesus: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
Hindi madali ang pagtupad sa atas na ito. Kasali rito ang pag-aasikaso sa mga tahanang pangmisyonero at sa mahigit sa isang daang pasilidad ng sangay sa palibot ng daigdig. Kasali rin dito ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall at mga Assembly Hall upang ang mga mananamba ni Jehova ay magkaroon ng angkop na mga dako para magpulong at magpatibayan sa isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Kung minsan, naglalaan din ang mga Saksi ni Jehova ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng likas na kasakunaan.
Isipin din ang napakalaking gastos sa paglilimbag. Bawat linggo, sa katamtaman, mahigit sa 22,000,000 kopya ng Ang Bantayan o mga 20,000,000 kopya ng Gumising! ang inililimbag. Karagdagan pa sa regular na suplay na ito ng espirituwal na pagkain ang milyun-milyong aklat, brosyur, audiocassette, at mga videocassette na ginagawa taun-taon.
Paano sinusuportahan ang lahat ng gawaing ito? Sa pamamagitan ng kusang-loob na mga abuloy. Ginagawa ang mga ito, hindi para sa publisidad o dahil sa mapag-imbot na motibo, kundi upang palaganapin pa ang tunay na pagsamba. Kaya naman, nagdudulot ng kaligayahan sa tagapagbigay ang gayong pagbibigay, lakip na ang pagpapala ng Diyos. (Malakias 3:10; Mateo 6:1-4) Maging ang mga batang kabilang sa mga Saksi ni Jehova ay nagpapakitang sila’y bukas-palad at masayahing nagbibigay. Halimbawa, matapos mabalitaan ang pinsalang dulot ng isang bagyo sa isang bahagi ng Estados Unidos, ang apat-na-taong-gulang na si Allison ay nag-abuloy ng $2. “Ito lamang po ang laman ng aking alkansiya,” ang isinulat niya. “Alam ko pong nawalan ang mga bata ng lahat ng kanilang laruan at aklat at manyika. Baka magamit po ninyo ang perang ito upang bumili ng isang aklat para sa isang munting batang babae na kasinggulang ko.” Si Maclean naman, walong taóng gulang, ay sumulat na natutuwa siyang walang kapatid na namatay sa bagyo. Sinabi pa niya: “Kumita ako ng $17 sa pagbebenta ng mga takip ng gulong kasama ng aking itay. May bibilhin sana ako, pero naisip ko ang mga kapatid.”—Tingnan din ang kahon sa itaas.
Tunay, nagagalak ang puso ni Jehova na makita kapuwa ang mga bata at matatanda na inuuna ang kapakanan ng kaniyang Kaharian sa pamamagitan ng ‘pagpaparangal sa kaniya ng kanilang ari-arian.’ (Kawikaan 3:9, 10) Sabihin pa, walang sinuman ang aktuwal na makapagpapayaman kay Jehova, sapagkat pag-aari niya ang lahat ng bagay. (1 Cronica 29:14-17) Ngunit ang pagsuporta sa gawain ay isang pribilehiyo na nagbibigay sa mananamba ng pagkakataong ipakita ang kaniyang pag-ibig kay Jehova. Nagpapasalamat kami sa lahat na inuudyukan ng kaniyang puso sa gayong paraan.
[Talababa]
a Bagaman si Pablo ay ‘nagbigay ng utos,’ hindi ito nangangahulugan na nagtakda siya ng ayon sa sariling kagustuhan at sapilitang mga kahilingan. Sa halip, pinangasiwaan lamang ni Pablo ang paglikom, na doo’y nasasangkot ang ilang kongregasyon. Karagdagan pa, sinabi ni Pablo na bawat isa “sa kaniyang sariling bahay” ay dapat magbigay “ayon sa kaniyang pananagana.” Sa ibang salita, ang bawat abuloy ay gagawin sa pribado at boluntaryong paraan. Walang sinuman ang pinilit.
[Kahon sa pahina 26, 27]
Mga Paraan na Ginagamit ng Ilan sa Pag-aabuloy sa Pambuong-daigdig na Gawain
Marami ang nagtatabi, o naglalaan, ng isang halaga na inilalagay nila sa mga kahong abuluyan na may markang: “Contributions for the Society’s Worldwide Work—Matthew 24:14.” Bawat buwan, ipinadadala ng mga kongregasyon ang mga halagang ito alinman sa punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, o sa lokal na tanggapang pansangay.
Ang kusang-loob na mga donasyong salapi ay maaari ring tuwirang ipadala sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of the Philippines, P.O. Box 2044, 1060 Manila, o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa. Ang mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring iabuloy. Dapat na kasama ng mga abuloy na ito ang isang maikling liham na nagsasabing iyon ay isang tuwirang kaloob.
Kaayusan sa Kondisyonal na Donasyon
Maaaring magkaloob ng salapi sa Samahang Watch Tower sa ilalim ng pantanging kaayusan na doon, sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan ang nagkaloob, ang donasyon ay ibabalik sa kaniya. Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-alam sa Treasurer’s Office sa nabanggit na direksiyon.
Isinaplanong Pagbibigay
Bukod pa sa tuwirang mga kaloob na salapi at kondisyonal na mga donasyong salapi, may iba pang paraan ng pagbibigay sa kapakinabangan ng paglilingkod sa Kaharian sa buong daigdig. Kasali sa mga ito ang:
Seguro: Ang Samahang Watch Tower ay maaaring gawing benepisyari ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o sa isang plano sa pagreretiro/pensiyon.
Deposito sa Bangko: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na deposito sa pagreretiro ay maaaring ipagkatiwala o ibayad sa oras na mamatay sa Samahang Watch Tower, ayon sa mga kahilingan ng bangko sa inyong lugar.
Mga Aksiyón at Bono: Ang mga aksiyón at bono ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman bilang tuwirang kaloob o sa ilalim ng kaayusan na sa pamamagitan niyaon, ang kita ay patuloy na ibabayad sa nagkaloob ng donasyon.
Lupa’t Bahay: Ang maipagbibiling lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Samahang Watch Tower alinman sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba niyaon bilang tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy manirahan doon habang-buhay. Ang isa ay dapat munang makipag-alam sa Samahan bago ilipat sa pangalan ng Samahan ang anumang lupa’t bahay.
Testamento at Ipinagkatiwala: Ang mga ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Samahang Watch Tower sa pamamagitan ng isang testamentong isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahan ang maaaring gawing benepisyari ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring maglaan ng ilang bentaha sa pagbubuwis.
Gaya ng ipinahihiwatig ng pananalitang “isinaplanong pagbibigay,” ang ganitong uri ng mga donasyon ay karaniwan nang nangangailangan ng pagpaplano sa bahagi ng nagkaloob. Upang matulungan ang mga indibiduwal na nagnanais na magbigay ng kaloob sa Samahan sa pamamagitan ng isang anyo ng isinaplanong pagbibigay, ang Samahan ay naghanda ng isang brosyur sa wikang Ingles na pinamagatang Planned Giving to Benefit Kingdom Service Worldwide. Ang brosyur ay isinulat bilang tugon sa maraming tanong na natanggap ng Samahan hinggil sa mga kaloob, testamento, at mga ipinagkatiwalang ito. Naglalaman din ito ng karagdagang makatutulong na impormasyon hinggil sa pagpaplano sa ari-arian, pananalapi, at pagbubuwis. At dinisenyo ito upang tulungan ang mga indibiduwal sa Estados Unidos na nagbabalak magbigay ngayon ng isang pantanging kaloob sa Samahan o mag-iwan ng pamana pagkamatay upang mapili ang lubhang kapaki-pakinabang at mabisang paraan habang isinasaalang-alang ang kanilang pamilya at personal na kalagayan.
Matapos mabasa ang brosyur at makipag-alam sa Planned Giving Desk, marami ang nakatulong sa Samahan at kasabay nito, nakakuha ng malaking kapakinabangan sa buwis sa pamamagitan ng paggawa nito. Ang Planned Giving Desk ay dapat bigyang-alam at padalhan ng isang kopya ng anumang mahalagang dokumento hinggil sa alinman sa mga kaayusang ito. Yaong mga interesado sa brosyur o sa alinman sa mga kaayusang ito ng isinaplanong pagbibigay ay dapat makipag-alam sa Planned Giving Desk, alinman sa pamamagitan ng pagsulat o pagtawag sa telepono, sa direksiyong nakatala sa ibaba o sa tanggapan ng Samahan na naglilingkod sa inyong bansa.
Planned Giving Desk
Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
100 Watchtower Drive, Patterson, New York 12563-9204
Telephone: (914) 878-7000
[Kahon sa pahina 28]
Masayahin Ding Nagbibigay ang mga Bata!
Gusto ko pong ibigay ito sa inyo para makagawa ng marami pang aklat para sa amin. Inipon ko ang perang ito mula sa pagtulong sa aking itay. Maraming salamat po sa lahat ng inyong pagpapagal.—Pamela, pitong taóng gulang.
Nagpapadala po ako sa inyo ng $6.85 para makatulong sa pagtatayo ng marami pang Kingdom Hall. Kinita ko po ito nitong tag-araw nang magtinda ako ng lemonada.—Selena, anim na taóng gulang.
Nag-aalaga po ako ng inahing manok na nangitlog ng isang tandang at isa pang inahin. Ang huli ay inialay ko kay Jehova. Sa wakas ay nangitlog ito ng tatlong inahin, na akin namang ipinagbili. Inilakip ko po ang halaga para sa gawain ni Jehova.—Thierry, walong taóng gulang.
Ito na lamang po ang pera ko! Pakisuyong gamitin ito sa matalinong paraan. Mahirap pong mag-ipon. Narito ang $21.—Sarah, sampung taóng gulang.
Nanalo po ako ng unang gantimpala sa isang atas sa paaralan, kaya kinailangan kong lumahok sa panlalawigang paligsahan. Nanalo rin ako roon ng unang gantimpala at pangalawang gantimpala sa paligsahang pandistrito. Sa lahat ng ito, nanalo ako ng salapi. Ibig ko pong ibahagi sa Samahan ang ilan sa salaping ito. Inaakala kong nanalo ako ng mga gantimpalang ito dahil sa pagsasanay na natamo ko sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. May kumpiyansa po akong nagbigay ng aking ulat sa harap ng mga hurado.—Amber, nasa ikaanim na baytang.
Nais ko pong ibigay ito sa inyo para kay Jehova. Tanungin po ninyo siya kung ano ang gagawin dito. Alam po niya ang lahat ng bagay.—Karen, anim na taóng gulang.
[Mga larawan sa pahina 25]
Ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova ay suportado ng kusang-loob na mga donasyon