Pinupuno ng “mga Kanais-nais na Bagay” ang Bahay ni Jehova
“Uugain ko [ni Jehova] ang lahat ng mga bansa, at ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito.”—HAGAI 2:7.
1. Sa panahon ng kagipitan, bakit ang mga mahal natin sa buhay ang una nating naiisip?
ANONG kanais-nais na mga bagay ang pumupuno sa iyong bahay? Mayroon ka bang mamahaling muwebles, pinakabagong-labas na computer, isang bagong kotse sa iyong garahe? Mayroon ka man ng lahat ng mga bagay na ito, hindi ka ba sasang-ayon na ang pinakamahalagang bagay sa iyong tahanan ay ang mga tao—ang mga miyembro ng iyong pamilya? Gunigunihin na isang gabi ay nagising ka dahil sa amoy ng usok. Nasusunog ang inyong bahay, at mayroon ka na lamang ilang minuto para tumakas! Ano ang uunahin mo? Ang iyong muwebles? Ang iyong computer? Ang iyong kotse? Hindi kaya, sa halip, ay ang mga mahal mo sa buhay ang iyong iisipin? Siyempre naman, sapagkat mas mahalaga ang mga tao kaysa sa mga bagay.
2. Gaano kalawak ang paglalang ni Jehova, at anong aspekto nito ang pinakakinagigiliwan ni Jesus?
2 Isaisip mo ngayon ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Si Jehova “ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng lahat ng mga bagay sa mga ito.” (Gawa 4:24) Ang kaniyang Anak, ang “dalubhasang manggagawa,” ang ahente na sa pamamagitan niya ay ginawa ni Jehova ang lahat ng iba pang mga bagay. (Kawikaan 8:30, 31; Juan 1:3; Colosas 1:15-17) Tiyak na kapuwa pinahahalagahan ni Jehova at ni Jesus ang lahat ng nilalang. (Ihambing ang Genesis 1:31.) Ngunit aling aspekto ng paglalang ang sa palagay mo’y pinakamahalaga sa kanila—mga bagay o mga tao? Sa kaniyang papel bilang personipikasyon ng karunungan, sinabi ni Jesus: “Ang mga kinagigiliwan ko ay nasa mga anak ng mga tao,” o ayon sa salin ni William F. Beck, si Jesus ay “lugod na lugod sa mga tao.”
3. Anong hula ang sinambit ni Jehova sa pamamagitan ni Hagai?
3 Walang-alinlangang pinahahalagahang lubos ni Jehova ang mga tao. Ang isang pahiwatig hinggil dito ay masusumpungan sa makahulang mga salita na sinabi niya noong taóng 520 B.C.E. sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Hagai. Ipinahayag ni Jehova: “Uugain ko ang lahat ng mga bansa, at ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito. . . . Magiging mas dakila ang kaluwalhatian ng huling bahay na ito kaysa roon sa una.”—Hagai 2:7, 9.
4, 5. (a) Bakit hindi magiging makatuwiran na ipalagay na ang pananalitang “mga kanais-nais na bagay” ay tumutukoy sa materyal na karingalan? (b) Paano mo bibigyang-kahulugan ang “mga kanais-nais na bagay,” at bakit?
4 Anong “mga kanais-nais na bagay” ang pupuno sa bahay ni Jehova at magdudulot dito ng walang-katulad na kaluwalhatian? Labis-labis na mga kagamitan ba at magagarbong palamuti? Ginto, pilak, at mamahaling mga bato? Malamang na hindi ito makatuwiran. Tandaan, ang dating templo, na pinasinayaan mga limang siglo na ang nakalilipas, ay isang gusaling nagkakahalaga ng bilyun-bilyong dolyar!a Tiyak, hindi inaasahan ni Jehova na ang templong itinayo ng medyo maliit-liit na pangkat na ito ng pinabalik na mga Judio ay hihigit pa sa materyal na karingalan ng templo ni Solomon!
5 Kung gayon, ano ang “mga kanais-nais na bagay” na pupuno sa bahay ni Jehova? Maliwanag, tiyak na ito’y mga tao. Kung sa bagay, ang nakapagpapasaya naman talaga sa puso ni Jehova ay hindi pilak at ginto kundi mga taong naglilingkod sa kaniya dahil sa pag-ibig. (Kawikaan 27:11; 1 Corinto 10:26) Oo, pinahahalagahan ni Jehova ang lahat ng mga lalaki, babae, at mga batang sumasamba sa kaniya sa kaayaayang paraan. (Juan 4:23, 24) Ang mga ito ang “mga kanais-nais na bagay,” at sila’y makapupong higit na mahalaga kay Jehova kaysa sa lahat ng hiyas na nakapalamuti sa templo ni Solomon.
6. Sa anong layunin nagsilbi ang sinaunang templo ng Diyos?
6 Sa kabila ng walang-tigil na pagsalansang, ang templo ay natapos noong 515 B.C.E. Hanggang sa sumapit ang panahon ng paghahain kay Jesus, ang templo sa Jerusalem ay nanatiling sentro ng dalisay na pagsamba para sa maraming “mga kanais-nais na bagay,” na kinabibilangan ng likas na mga Judio at mga proselitang Gentil. Ngunit ang templo ay kumatawan sa isang bagay na higit pang dakila, gaya ng makikita natin.
Isang Katuparan Noong Unang Siglo
7. (a) Ano ang inilarawan ng sinaunang templo ng Diyos sa Jerusalem? (b) Ilarawan ang mga ginawa ng mataas na saserdote sa Araw ng Pagbabayad-sala.
7 Ang templo sa Jerusalem ay lumarawan sa isang mas dakilang kaayusan para sa pagsamba. Iyon ay ang espirituwal na templo ng Diyos, na itinatag ni Jehova noong 29 C.E., na ang Mataas na Saserdote nito ay si Jesus. (Hebreo 5:4-10; 9:11, 12) Tingnan ang pagkakatulad ng mga tungkulin ng mataas na saserdote ng Israel at ng mga ginawa ni Jesus. Taun-taon sa Araw ng Pagbabayad-sala, ang mataas na saserdote ay lumalapit sa altar sa looban ng templo at naghahain ng isang toro upang ibayad sa mga kasalanan ng mga saserdote. Pagkatapos, pumapasok siya sa templo taglay ang dugo ng toro, lumalagos sa mga pinto na naghihiwalay sa looban mula sa Banal na dako at pagkatapos ay lumalagos din sa kurtina na naghihiwalay naman sa Banal na dako mula sa Kabanal-banalang dako. Kapag nasa loob na ng Kabanal-banalang dako, iwiniwisik ng mataas na saserdote ang dugo sa harap ng kaban ng tipan. Pagkatapos, sa gayunding pamamaraan, naghahain siya ng isang kambing upang ipambayad-sala para sa 12 di-makasaserdoteng tribo ng Israel. (Levitico 16:5-15) Paano nauugnay sa espirituwal na templo ng Diyos ang pangingiling ito?
8. (a) Sa anong diwa inihandog si Jesus simula noong 29 C.E.? (b) Anong pantanging pakikipag-ugnayan kay Jehova ang tinamasa ni Jesus sa buong panahon ng pagmiministeryo niya sa lupa?
8 Sa diwa, si Jesus ay inihandog sa altar ng kalooban ng Diyos nang siya’y bautismuhan at pahiran ng banal na espiritu ng Diyos noong 29 C.E. (Lucas 3:21, 22) Sa katunayan, ang pangyayaring iyon ay tanda ng pagsisimula ng isang mapagsakripisyong pamumuhay para kay Jesus na tumagal nang tatlo at kalahating taon. (Hebreo 10:5-10) Sa loob ng panahong iyon, tinamasa ni Jesus ang pakikipag-ugnayan sa Diyos bilang isang inianak sa espiritu. Ang pambihirang katayuang ito ni Jesus sa kaniyang makalangit na Ama ay hindi lubusang maunawaan ng ibang tao. Para bang may nakaharang na pantabing sa kanilang mga mata ng unawa, na gaya ng isang pantabing na tumatakip sa Banal na dako upang di-matanaw niyaong mga nasa looban ng tabernakulo.—Exodo 40:28.
9. Bakit hindi maaaring pumasok si Jesus sa langit bilang tao, at paano nalutas ang kalagayang ito?
9 Sa kabila ng kaniyang pagiging isang pinahiran-ng-espiritung Anak ng Diyos, ang taong si Jesus ay hindi maaaring mabuhay sa langit. Bakit hindi? Sapagkat ang laman at dugo ay hindi makapagmamana ng makalangit na Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 15:44, 50) Yamang ang laman ni Jesus bilang tao ay isang hadlang, angkop na isinagisag ito ng kurtina na naghihiwalay sa Banal na dako mula sa Kabanal-banalang dako sa sinaunang templo ng Diyos. (Hebreo 10:20) Subalit tatlong araw pagkamatay niya, si Jesus ay binuhay-muli ng Diyos bilang isang espiritu. (1 Pedro 3:18) Sa gayon ay makapapasok na siya sa Kabanal-banalang silid ng espirituwal na templo ng Diyos—ang langit mismo. At ito nga ang eksaktong nangyari. Sumulat si Pablo: “Si Kristo ay pumasok, hindi sa isang banal na dakong [maliwanag na tumutukoy sa Kabanal-banalang dako] ginawa ng mga kamay, na isang kopya ng katunayan, kundi sa langit mismo, upang ngayon ay magpakita sa harap ng persona ng Diyos para sa atin.”—Hebreo 9:24.
10. Ano ang ginawa ni Jesus pagbalik niya sa langit?
10 Sa langit, ‘iwinisik ni Jesus ang dugo’ ng kaniyang hain sa pamamagitan ng paghaharap kay Jehova ng tumutubos na halaga ng kaniyang dugo. Gayunman, may ginawa pa si Jesus. Nang malapit na siyang mamatay, sinabihan niya ang kaniyang mga tagasunod: “Ako ay paroroon upang maghanda ng dako para sa inyo. Gayundin, kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumuon din kayo.” (Juan 14:2, 3) Kaya nga nang makapasok sa Kabanal-banalang dako, o sa langit, binuksan ni Jesus ang daan para sumunod ang iba. (Hebreo 6:19, 20) Ang mga indibiduwal na ito, na ang magiging bilang ay 144,000, ay maglilingkod bilang mga katulong na saserdote sa kaayusan ng espirituwal na templo ng Diyos. (Apocalipsis 7:4; 14:1; 20:6) Kung paanong ipinasok muna ng mataas na saserdote ng Israel ang dugo ng toro sa Kabanal-banalang dako upang ibayad sa mga kasalanan ng mga saserdote, ang halaga ng itinigis na dugo ni Jesus ay ikinapit muna sa 144,000 katulong na saserdoteng ito.b
Modernong-Panahong “mga Kanais-nais na Bagay”
11. Alang-alang kanino inihahandog ng mataas na saserdote sa Israel ang isang kambing, at ano ang inilarawan nito?
11 Waring sa pagsapit ng taóng 1935, ang kabuuang pagtitipon sa mga pinahiran ay nakumpleto na.c Ngunit si Jehova ay hindi pa tapos sa pagluwalhati sa kaniyang bahay. Hindi, ang “mga kanais-nais na bagay” ay darating pa lamang doon. Tandaan na ang mataas na saserdote sa Israel ay naghandog ng dalawang hayop—isang toro para sa mga kasalanan ng mga saserdote at isang kambing para sa mga kasalanan ng di-makasaserdoteng mga tribo. Yamang inilarawan ng mga saserdote ang mga pinahiran na makakasama ni Jesus sa makalangit na Kaharian, kanino naman kumatawan ang di-makasaserdoteng mga tribo? Ang sagot ay masusumpungan sa mga salita ni Jesus na nakasaad sa Juan 10:16: “Mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito; ang mga iyon din ay dapat kong dalhin, at makikinig sila sa aking tinig, at sila ay magiging isang kawan, isang pastol.” Samakatuwid, dalawang grupo ng mga tao ang nakikinabang sa itinigis na dugo ni Jesus—una, yaong mga Kristiyano na ang pag-asa ay ang mamahalang kasama ni Jesus sa langit at ikalawa, yaong mga umaasa sa buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa. Maliwanag, ang ikalawang grupong ito ang inilalarawan ng “mga kanais-nais na bagay” sa hula ni Hagai.—Mikas 4:1, 2; 1 Juan 2:1, 2.
12. Paano nailalapit sa bahay ng Diyos ang maraming “mga kanais-nais na bagay” sa ngayon?
12 Ang “mga kanais-nais na bagay” na ito ay patuloy pa ring pumupuno sa bahay ni Jehova. Nitong nakalipas na mga taon, inalis na ang mga paghihigpit sa Silangang Europa, ilang bahagi sa Aprika, at sa iba pang lupain, na nagbibigay-daan upang sumulong ang mabuting balita ng nakatatag na Kaharian ng Diyos sa mga teritoryong dati’y di-nagagawa. Habang pumapasok ang mga kanais-nais sa kaayusan ng templo ng Diyos, sila naman ay nagsisikap na makagawa ng higit pang mga alagad, bilang pagsunod sa utos ni Jesus. (Mateo 28:19, 20) Sa paggawa nila nito, nakatatagpo sila ng maraming indibiduwal, kapuwa bata at matanda, na may potensiyal na maging “mga kanais-nais na bagay” na luluwalhati sa bahay ni Jehova. Tingnan natin ang ilang halimbawa kung paano ito nagaganap.
13. Paano ipinamalas ng isang maliit na batang babae sa Bolivia ang kaniyang sigasig sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian?
13 Sa Bolivia, isang limang-taóng-gulang na batang babae na pinalaki ng mga Saksing magulang ang nakiusap sa kaniyang guro na siya’y pahintulutang lumiban sa paaralan sa linggo ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Bakit? Nais niyang makibahagi sa ministeryo sa buong pantanging linggong ito ng gawain. Ikinagulat ito ng kaniyang mga magulang, subalit sila’y natuwa sa pagkakaroon niya ng gayong kahusay na saloobin. Ang batang babae ay nagdaraos ngayon ng limang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at ang ilan sa mga estudyanteng ito ay dumadalo na sa mga pulong Kristiyano. Nadala pa man din niya sa Kingdom Hall ang kaniyang guro sa paaralan. Marahil, balang araw, ipakikita ng ilan sa kaniyang mga estudyante sa Bibliya na sila’y “mga kanais-nais na bagay” na luluwalhati sa bahay ni Jehova.
14. Sa Korea, paano ginantimpalaan ang pagtitiyaga ng isang sister sa isang wari’y di-interesadong indibiduwal?
14 Habang naghihintay sa istasyon ng tren, nilapitan ng isang babaing Kristiyano sa Korea ang isang estudyante na nakikinig ng musika sa kaniyang headphones. “May relihiyon ka ba?” tanong niya. “Hindi ako interesado sa alinmang relihiyon,” sagot ng estudyante. Hindi nasiraan ng loob ang sister. “Sa paglipas ng panahon,” patuloy niya, “ang isang tao ay maaaring magnais na pumili ng isang relihiyon. Pero kung wala siyang kaalaman tungkol sa relihiyon, baka mali ang mapili niya.” Nagbago ang hitsura ng mukha ng estudyante, at nagsimula siyang makinig na mabuti sa ating sister. Inialok nito sa kaniya ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? at sinabi sa kaniya na malaki ang maitutulong ng publikasyong ito kapag dumating ang panahon na kailangan na niyang pumili ng relihiyon. Agad niyang tinanggap ang aklat. Nang sumunod na linggo, nagsimula na siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at ngayon ay dumadalo na siya sa lahat ng mga pulong sa kongregasyon.
15. Paano nakapagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya ang isang batang babae sa Hapon, at paano ginantimpalaan ang kaniyang mga pagsisikap?
15 Sa Hapon, minamalas ng 12-taóng-gulang na si Megumi ang kaniyang paaralan bilang isang mabungang larangan sa pangangaral at pagtuturo. Nakapagbubukas pa nga siya ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Paano ito ginagawa ni Megumi? Palibhasa’y nagbabasa siya ng Bibliya o kaya’y naghahanda para sa mga pulong kapag oras ng tanghalian, madalas na tinatanong siya ng kaniyang mga kaklase kung ano ang kaniyang ginagawa. Ang ilan naman ay nagtatanong kay Megumi kung bakit hindi siya sumasali sa ilang gawain sa paaralan. Sinasagot ni Megumi ang kanilang mga tanong at sinasabi sa kanila na may pangalan ang Diyos. Kadalasa’y napupukaw nito ang interes ng kaniyang mga tagapakinig. Pagkatapos ay inaalok niya sila ng pag-aaral sa Bibliya. Sa ngayon ay nagdaraos si Megumi ng 20 pag-aaral—18 sa mga ito ay mga kaklase niya.
16. Paano nakapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya ang isang brother sa Cameroon sa ilan na kabilang sa grupo ng mga manunuya?
16 Sa Cameroon, tinawag ng isang grupo ng walong lalaki na nagtatrabaho sa isang job site ang isang brother na nag-aalok ng literatura sa Bibliya sa mga nagdaraan. Palibhasa’y gustong tuyain ang brother, tinanong nila siya kung bakit hindi ito naniniwala sa Trinidad, sa impiyerno, o sa imortalidad ng kaluluwa. Sa paraang ginagamit ang Bibliya, sinagot ng ating brother ang kanilang mga tanong. Bunga nito, tatlo sa mga lalaki ang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya. Isa sa kanila, si Daniel, ay nagsimula nang dumalo sa mga pulong at sinira pa nga niya ang lahat ng kaniyang mga kagamitang may kaugnayan sa espiritismo. (Apocalipsis 21:8) Wala pang isang taon, nabautismuhan siya.
17. Paano gumamit ng katalinuhan ang ilang kapatid sa El Salvador upang makapangaral sa isang lalaking sa pasimula’y ayaw makinig ng mensahe ng Kaharian?
17 Sa El Salvador, itinatali ng isang lalaki ang kaniyang mabagsik na aso sa harap ng pintuan kapag namamataan niya ang mga Saksi ni Jehova sa paligid. Hihintayin muna ng lalaki na makalayo ang mga Saksi, at pagkatapos ay ipapasok na niya ang aso sa bahay. Hindi kailanman nakausap ng mga kapatid ang lalaki. Kaya isang araw ay ipinasiya nilang sumubok ng ibang paraan. Palibhasa’y alam nilang naririnig naman ng lalaki ang kanilang sinasabi, nangaral sila sa aso. Pumunta sila sa bahay, binati ang aso, at sinabing natutuwa silang makausap ito. Ipinakipag-usap nila ang tungkol sa panahon na magkakaroon ng paraiso sa lupa, na wala nang magagalit—oo, maging ang mga hayop ay aamo. Saka sila magalang na nagpaalam sa aso at umalis na. Laking gulat nila nang lumabas ang lalaki sa kaniyang bahay at humingi ng paumanhin dahil sa hindi man lamang niya nabigyan kailanman ng pagkakataon ang mga Saksi na kausapin siya. Tinanggap niya ang mga magasin, at napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ang lalaking ito ay kapatid na natin ngayon—isa sa “mga kanais-nais na bagay”!
“Huwag Kayong Matakot”
18. Anong mga hamon ang kinakaharap ng maraming Kristiyano, subalit paano minamalas ni Jehova ang kaniyang mga mananamba?
18 Nakikibahagi ka ba sa napakahalagang gawain ng pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad? Kung oo, tunay na isang pribilehiyo iyan para sa iyo. Sa katunayan, sa pamamagitan ng gawaing ito kung kaya ang “mga kanais-nais na bagay” ay nailalapit ni Jehova sa kaniyang bahay. (Juan 6:44) Totoo naman, maaaring paminsan-minsan ay medyo napapagod ka na o nasisiraan ng loob. Kung minsan, ang ilan—kahit yaong tapat na mga lingkod ni Jehova—ay nakikipagpunyagi sa nadarama nilang kawalan ng halaga. Ngunit huwag kang susuko! Minamalas ni Jehova ang bawat isa sa kaniyang mga mananamba bilang kanais-nais, at gayon na lamang ang kaniyang interes sa iyong kaligtasan.—2 Pedro 3:9.
19. Anong pampatibay-loob ang inilaan ni Jehova sa pamamagitan ni Hagai, at paanong ang mga salitang ito ay maaaring pagmulan ng ating lakas?
19 Kapag nasisiraan tayo ng loob, iyon man ay dahil sa pagsalansang o iba pang di-kasiya-siyang mga kalagayan, ang mga salita ni Jehova sa mga nagbalik na Judio ay maaaring pagmulan ng lakas. Sa Hagai 2:4-6, mababasa natin: “ ‘Ngunit ngayon ay magpakalakas ka, O Zerubabel,’ ang sabi ni Jehova, ‘at magpakalakas ka, O Josue na anak ni Jehozadak na mataas na saserdote. At kayo ay magpakalakas, kayong buong bayan sa lupain,’ ang sabi ni Jehova, ‘at gumawa. Sapagkat ako ay sumasainyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo. ‘Alalahanin ninyo ang bagay na ipinakipagtipan ko sa inyo nang kayo ay lumabas mula sa Ehipto, at nang ang aking espiritu ay nananatili sa gitna ninyo. Huwag kayong matakot.’ Sapagkat ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Minsan pa—kaunting panahon na lamang—at uugain ko ang langit at ang lupa at ang dagat at ang tuyong lupa.’ ” Pansinin na hindi lamang tayo pinapayuhan ni Jehova na magpakalakas kundi pinaglalaanan din niya tayo ng mga paraan upang lumakas. Paano? Pansinin ang nakapagpapalakas-loob na pananalita: “Sapagkat ako ay sumasainyo.” Tunay ngang nakapagpapalakas ng pananampalataya na mapag-unawa na anumang hadlang ang mapaharap sa atin, si Jehova ay sumasaatin!—Roma 8:31.
20. Sa anong paraan napupuno ngayon ng walang-katulad na kaluwalhatian ang bahay ni Jehova?
20 Tiyak na napatunayan na ni Jehova na siya’y sumasakaniyang bayan. Sa katunayan, ito’y gaya lamang ng sinabi niya sa pamamagitan ni propeta Hagai: “Magiging mas dakila ang kaluwalhatian ng huling bahay na ito kaysa roon sa una . . . At sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan.” (Hagai 2:9) Totoo, ang pinakadakilang kaluwalhatian sa ngayon ay masusumpungan sa espirituwal na templo ni Jehova. Aba, daan-daang libo ang nagkakatipon sa tunay na pagsamba taun-taon. Ang mga ito’y napakakaing mabuti sa espirituwal na paraan, at maging sa magulong sanlibutang ito, sila’y nagtatamasa ng kapayapaan na mahihigitan lamang niyaong mararanasan sa bagong sanlibutan ng Diyos.—Isaias 9:6, 7; Lucas 12:42.
21. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
21 Napakalapit na ng pag-ugang gagawin ni Jehova sa mga bansa sa Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Kung gayon ay gamitin natin ang natitira pang panahon upang tumulong sa pagliligtas ng higit pang buhay. Maging malakas sana tayo at magkaroon ng lubos na pagtitiwala kay Jehova. Maging determinasyon sana natin na patuloy na sumamba sa kaniyang dakilang espirituwal na templo, na pinupuno ito ng marami pang “mga kanais-nais na bagay” hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na ang ating gawain.
[Mga talababa]
a Ang halagang iniabuloy para sa pagtatayo ng templo ni Solomon ay katumbas ng halos 40 bilyong dolyar sa kasalukuyang halaga. Anumang hindi nagamit sa pagtatayo ay inilagay sa kabang-yaman ng templo.—1 Hari 7:51.
b Di-gaya ng mataas na saserdote ng Israel, si Jesus ay walang kasalanan kung kaya hindi nangangailangan ng pagbabayad-sala. Gayunman, ang kaniyang mga kasamahang saserdote ay may mga kasalanan sapagkat sila’y binili mula sa makasalanang sangkatauhan.—Apocalipsis 5:9, 10.
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang mas mahalaga kay Jehova kaysa sa materyal na mga bagay?
• Anong dalawang grupo ng mga tao ang nakikinabang sa itinigis na dugo ni Jesus?
• Sino ang “mga kanais-nais na bagay” na pupuno ng kaluwalhatian sa bahay ni Jehova?
• Anong patotoo ang taglay natin na natutupad na ang hula ni Hagai sa ngayon?
[Dayagram sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Alam mo ba ang simbolikong kahulugan ng sinaunang templo ni Jehova?
Kabanal-banalang dako
Kurtina
Banal na dako
Beranda
Altar
Looban
[Larawan sa pahina 17]
Ang mataas na saserdote ay naghandog ng isang toro para sa mga kasalanan ng mga saserdote at ng isang kambing para naman sa mga kasalanan ng di-makasaserdoteng mga tribo ng Israel
[Larawan sa pahina 18]
Napakarami ang nailalapit sa bahay ni Jehova dahil sa pandaigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian