Umalinsabay sa Organisasyon ni Jehova
“Nawa’y ang Diyos ng kapayapaan . . . ay magsangkap sa inyo ng bawat mabuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban.”—HEBREO 13:20, 21.
1. Ano ang populasyon ng daigdig, at ilan ang ibinibilang na mga miyembro ng ilang relihiyon?
NOONG taóng 1999, ang populasyon ng daigdig ay umabot na sa anim na bilyon! Sa bilang na ito, ang The World Almanac ay nagsasabi na mga 1,165,000,000 ang Muslim; 1,030,000,000 ang Romano Katoliko; 762,000,000 ang Hindu; 354,000,000 ang Budista; 316,000,000 ang Protestante; at 214,000,000 ang Ortodokso.
2. Ano ang masasabi tungkol sa kalagayan ng relihiyon na umiiral sa ngayon?
2 Kung isasaalang-alang ang umiiral na pagkakabaha-bahagi at kalituhan sa relihiyon sa ngayon, kumikilos kaya ang lahat ng milyun-milyong ito kasuwato ng kalooban ng Diyos? Hindi, “sapagkat ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Corinto 14:33) Sa kabilang panig, kumusta naman ang internasyonal na kapatiran ng mga lingkod ni Jehova? (1 Pedro 2:17) Pinatutunayan ng maingat na pagsusuri na ‘sinasangkapan sila ng Diyos ng kapayapaan ng bawat mabuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban.’—Hebreo 13:20, 21.
3. Ano ang nangyari sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E., at bakit?
3 Sabihin pa, ang dami niyaong mga kabilang sa mga Saksi ni Jehova ay hindi isang batayan upang matiyak kung tinatamasa nila ang pagsang-ayon ng Diyos; ni humahanga man ang Diyos sa mga estadistika. Hindi niya pinili ang mga Israelita dahil sila ang “pinakamatao” sa lahat ng mga bayan. Sa katunayan, sila “ang pinakamaliit” sa mga ito. (Deuteronomio 7:7) Ngunit dahil napatunayang hindi tapat ang Israel, noong Pentecostes 33 C.E. ay ibinaling ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon sa bagong kongregasyon na binubuo ng mga tagasunod ni Jesu-Kristo. Sila ay pinahiran ng banal na espiritu ni Jehova at masigasig na humayo sa paghahayag ng katotohanan sa iba tungkol sa Diyos at kay Kristo.—Gawa 2:41, 42.
Patuloy na Sumusulong
4. Bakit mo masasabi na ang sinaunang kongregasyong Kristiyano ay patuloy na sumulong?
4 Noong unang siglo, ang kongregasyong Kristiyano ay patuloy na sumusulong, nagbubukas ng bagong mga teritoryo, gumagawa ng mga alagad, at nagtatamo ng higit na kaunawaan sa mga layunin ng Diyos. Ang sinaunang mga Kristiyano ay umalinsabay sa espirituwal na kaliwanagan na inilaan sa pamamagitan ng mga liham na kinasihan ng Diyos. Dahil napasigla ng mga pagdalaw ng mga apostol at ng iba pa, naisakatuparan nila ang kanilang ministeryo. Ito ay lubusang pinatutunayan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.—Gawa 10:21, 22; 13:46, 47; 2 Timoteo 1:13; 4:5; Hebreo 6:1-3; 2 Pedro 3:17, 18.
5. Bakit sumusulong sa ngayon ang organisasyon ng Diyos, at bakit tayo dapat umalinsabay rito?
5 Katulad ng sinaunang mga Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay sumulong mula sa maliliit na pasimula. (Zacarias 4:8-10) Mula noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, may malinaw na katibayan na ang espiritu ng Diyos ay nasa kaniyang organisasyon. Dahil umaasa tayo, hindi sa lakas ng tao, kundi sa patnubay ng banal na espiritu, tayo ay patuloy na sumusulong sa ating pagkaunawa sa Kasulatan at sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (Zacarias 4:6) Ngayong nasa “mga huling araw” na tayo, mahalaga na umalinsabay tayo sa pasulong na organisasyon ni Jehova. (2 Timoteo 3:1-5) Sa paggawa nito ay napananatili nating buháy ang ating pag-asa at nakababahagi tayo sa pagbibigay ng patotoo tungkol sa nakatatag na Kaharian ng Diyos bago dumating ang wakas ng sistemang ito ng mga bagay.—Mateo 24:3-14.
6, 7. Anong tatlong larangan ang isasaalang-alang natin na doo’y sumulong ang organisasyon ni Jehova?
6 Kabilang sa atin ay ang mga nagpasimulang umugnay sa organisasyon ni Jehova noong mga dekada ng 1920, 1930, at 1940. Noong unang mga taóng iyon, sino sa atin ang makaiisip sa kahanga-hangang paglago at progresibong pagsulong ng organisasyon hanggang sa panahong ito? Isipin ang mahahalagang pangyayaring naganap sa ating makabagong-panahong kasaysayan! Tunay na kapaki-pakinabang sa espirituwal na bulay-bulayin kung ano na ang nagawa ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang bayan na organisado sa teokratikong paraan.
7 Si David noon ay lubhang humanga nang bulay-bulayin niya ang kamangha-manghang mga gawa ni Jehova. “Naisin ko mang saysayin at salitain ang tungkol sa mga iyon,” ang sabi niya, “ang mga iyon ay mas marami kaysa sa kaya kong isalaysay.” (Awit 40:5) Taglay natin ang gayunding limitasyon, anupat hindi natin maisasalaysay ang maraming dakila at kapuri-puring mga gawa ni Jehova sa ating panahon. Gayunman, isaalang-alang natin ang tatlong larangan na doo’y sumulong ang organisasyon ni Jehova: (1) pasulong na espirituwal na kaliwanagan, (2) isang pinahusay at pinalawak na ministeryo, at (3) napapanahong mga pagbabago sa mga pamamaraang pang-organisasyon.
Nagpapasalamat Dahil sa Espirituwal na Kaliwanagan
8. Kasuwato ng Kawikaan 4:18, pinangyari ng espirituwal na kaliwanagan na maunawaan natin ang ano may kinalaman sa Kaharian?
8 May kaugnayan sa pasulong na espirituwal na kaliwanagan, ang Kawikaan 4:18 ay napatunayang totoo. Ito ay nagsasabi: “Ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” Kay laking pasasalamat natin dahil sa pasulong na espirituwal na kaliwanagan na nararanasan natin! Sa kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1919, ang Kaharian ng Diyos ay itinampok. Ginagamit ni Jehova ang Kaharian upang pakabanalin ang kaniyang pangalan at ipagbangong-puri ang kaniyang soberanya. Sa katunayan, pinangyari ng espirituwal na kaliwanagan na maunawaan natin na mula sa Genesis hanggang sa Apocalipsis, ang Bibliya ay nagpapatotoo sa layunin ni Jehova na pakabanalin ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng Kaharian na pinamamahalaan ng kaniyang Anak. Dito nakasalig ang dakilang pag-asa ng lahat ng umiibig sa katuwiran.—Mateo 12:18, 21.
9, 10. Noong dekada ng 1920, ano ang nalaman tungkol sa Kaharian at tungkol sa dalawang magkalabang organisasyon, at paano ito nakatulong sa atin?
9 Sa kombensiyon sa Cedar Point noong 1922, ang bayan ng Diyos ay hinimok ng pangunahing tagapagsalita, si J. F. Rutherford, na “ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Sa artikulong “Birth of the Nation,” na inilathala ng The Watch Tower ng Marso 1, 1925, inakay ang pansin sa espirituwal na kaunawaan may kinalaman sa mga hula na tumukoy sa pagkakatatag ng Kaharian ng Diyos noong 1914. Naunawaan din noong dekada ng 1920 na may dalawang magkalabang organisasyon—ang kay Jehova at ang kay Satanas. Patuloy pa ang labanan sa pagitan ng mga ito, at mapapabilang tayo sa panig ng magwawagi tangi lamang kung patuloy tayong aalinsabay sa organisasyon ni Jehova.
10 Paano nakatulong sa atin ang espirituwal na kaliwanagang ito? Yamang ang Kaharian ng Diyos at ang haring si Jesu-Kristo ay hindi bahagi ng sanlibutan, tayo rin naman ay hindi maaaring maging bahagi nito. Sa pananatiling hiwalay sa sanlibutan, ipinakikita natin na tayo’y nasa panig ng katotohanan. (Juan 17:16; 18:37) Kapag ating pinagmamasdan ang masalimuot na mga suliranin na sumasalot sa balakyot na sistemang ito, kay laking pasasalamat natin na hindi tayo bahagi ng organisasyon ni Satanas! At kay laking pagpapala sa atin na magtaglay ng espirituwal na katiwasayan sa loob ng organisasyon ni Jehova!
11. Anong maka-Kasulatang pangalan ang tinanggap ng bayan ng Diyos noong 1931?
11 Sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong 1931, may angkop na pagkakapit na ginawa sa Isaias 43:10-12. Tinanggap ng mga Estudyante ng Bibliya ang namumukod-tanging pangalan na mga Saksi ni Jehova. Kay dakila ngang pribilehiyo na ipahayag ang pangalan ng Diyos sa layuning makatawag dito ang iba upang maligtas!—Awit 83:18; Roma 10:13.
12. Anong espirituwal na kaliwanagan may kinalaman sa malaking pulutong ang inilaan noong 1935?
12 Bago ang dekada ng 1930, marami sa bayan ng Diyos ang waring hindi nakatitiyak hinggil sa kanilang pag-asa sa buhay sa hinaharap. Nasa isipan ng ilan ang tungkol sa buhay sa langit ngunit naakit din naman sila sa mga turo ng Bibliya hinggil sa isang paraisong lupa. Sa kombensiyon sa Washington, D.C., noong 1935, kapana-panabik na malaman na ang lubhang karamihan, o malaking pulutong, sa Apocalipsis kabanata 7 ay isang uri na may makalupang pag-asa. Mula noon, ang pagtitipon sa malaking pulutong ay sumulong nang pabilis nang pabilis. Hindi ba tayo nagpapasalamat na ang pagkakakilanlan sa malaking pulutong ay hindi isang misteryo para sa atin? Ang katunayan na malaking bilang ng mga tao ang tinitipon mula sa lahat ng bansa, tribo, at wika ay gumaganyak sa atin na pabilisin ang ating hakbang habang umaalinsabay tayo sa organisasyon ni Jehova.
13. Anong malaking isyu ang itinampok sa kombensiyon sa St. Louis noong 1941?
13 Ang malaking isyu na dapat na bigyang-pansin ng lipunan ng tao ay itinampok sa kombensiyon sa St. Louis, Missouri, noong 1941. Iyon ay ang pansansinukob na pamamahala, o soberanya. Ito ang isyu na dapat malutas sa malapit na hinaharap, at ang dakila at kakila-kilabot na araw para isagawa ito ay mabilis na dumarating! Itinampok din noong 1941 ang kaugnay na isyu hinggil sa katapatan, na nagpapangyaring maipakita natin kung saan tayo naninindigan bilang mga indibiduwal may kaugnayan sa soberanya ng Diyos.
14. Sa internasyonal na kombensiyon noong 1950, ano ang nalaman tungkol sa mga prinsipe na binanggit sa Isaias 32:1, 2?
14 Sa internasyonal na kombensiyon sa New York City noong 1950, ang mga prinsipe sa Isaias 32:1, 2 ay may-kawastuang ipinakilala. Iyon ay isang lubhang kapana-panabik na sandali nang magsalita si Brother Frederick Franz hinggil sa paksang ito at magpaliwanag na ang mga prinsipe sa bagong lupa ay kasama natin. Sa kombensiyong iyon at sa mga sumunod pa, napakaraming mga pagsinag ng espirituwal na liwanag. (Awit 97:11) Kay laki ng ating pasasalamat na ang ating landas “ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag”!
Pagsulong sa Ating Ministeryo
15, 16. (a) Paano tayo sumulong sa ating ministeryo noong mga dekada ng 1920 at 1930? (b) Anong mga publikasyon ang nagbigay-sigla sa ministeryong Kristiyano nitong nakaraang mga dekada?
15 Ang ikalawang paraan ng pagsulong ng organisasyon ni Jehova ay may kinalaman sa ating pangunahing gawain—ang pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. (Mateo 28:19, 20; Marcos 13:10) Upang maisakatuparan ang gawaing ito, laging idiniriin sa atin ng organisasyon ang kahalagahan ng pagpapalawak sa ating ministeryo. Noong 1922, hinimok ang lahat ng mga Kristiyano na makibahagi sa gawaing pangangaral. Pananagutan ng bawat isa na magpasikat ng kaniyang liwanag at sa gayon ay magkaroon ng personal na bahagi sa pagpapatotoo hinggil sa katotohanan. (Mateo 5:14-16) Noong 1927, gumawa ng mga hakbang upang italaga ang Linggo bilang araw ng paglilingkod sa larangan. Simula noong Pebrero 1940, naging karaniwan nang makakita ng mga Saksi sa mga lansangan ng mga lugar ng negosyo na nag-aalok ng The Watchtower at Consolation (ngayon ay Gumising!).
16 Noong taóng 1937, inilabas ang buklet na Model Study, na nagdiriin sa pangangailangang gumawa ng mga pagdalaw-muli upang maituro sa iba ang katotohanan ng Bibliya. Nang sumunod na mga taon, lalong idiniin ang gawaing pag-aaral sa Bibliya. Binigyang-sigla ang bahaging ito ng ministeryo sa pamamagitan ng paglalathala sa edisyong Ingles ng mga aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat” noong 1946 at Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan noong 1968. Sa kasalukuyan, ginagamit natin ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ang pagsaklaw sa gayong materyal ay naglalatag ng isang matibay at maka-Kasulatang pundasyon sa paggawa ng mga alagad.
Pagsulong sa Pamamagitan ng Pagpapahusay sa mga Kaayusan ng Organisasyon
17. Bilang pagtupad sa Isaias 60:17, paano sumulong ang organisasyon ni Jehova?
17 Ang ikatlong paraan na doo’y sumulong ang organisasyon ni Jehova ay may kaugnayan sa pagpapahusay sa mga kaayusan ng organisasyon. Ayon sa Isaias 60:17, nangako si Jehova: “Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal; at aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas.” Bilang pagtupad sa hulang ito, nagsagawa ng mga hakbangin upang pahusayin ang pangangasiwa sa gawaing pangangaral ng Kaharian at sa pagpapastol sa kawan.
18, 19. Anong pagpapahusay sa mga kaayusan ng organisasyon ang naganap sa nakalipas na mga taon?
18 Noong 1919, nag-atas ng isang service director sa bawat kongregasyong humiling na maorganisa para sa paglilingkod sa larangan. Ito ay nagbigay-sigla sa ating ministeryo sa larangan. Ang paghahalal ng matatanda at mga diakono ay winakasan noong 1932, na siyang pasimula ng ating pagtalikod sa demokratikong mga pamamaraan. Naganap ang isa pang mahalagang pangyayari noong 1938 nang ang lahat ng mga lingkod sa kongregasyon ay sinimulang atasan sa paraang higit na kasuwato ng mga kaayusan sa teokratikong pag-aatas ng sinaunang kongregasyong Kristiyano. (Gawa 14:23; 1 Timoteo 4:14) Noong 1972, ang mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod ay inatasang maglingkod, gaya ng ginawa ng gayong mga lalaki sa gitna ng sinaunang mga Kristiyano. Sa halip na isang lalaki lamang ang maglingkod bilang tagapangasiwa sa isang kongregasyon, ipinakikita sa Filipos 1:1 at sa iba pang mga kasulatan na yaong mga nakaaabot sa maka-Kasulatang mga kahilingan para sa mga tagapangasiwa ay binubuo ng isang lupon ng matatanda.—Gawa 20:28; Efeso 4:11, 12.
19 Noong 1975, isang kaayusan ang nagkabisa para pangasiwaan ng mga komite ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang pambuong-daigdig na gawain ng organisasyon ng Diyos. Nag-atas ng mga Komite ng Sangay upang mangasiwa sa gawain sa kani-kanilang mga teritoryo. Mula noon, binigyang-pansin ang pagpapasimple sa gawain sa punong-tanggapan at sa mga sangay ng Samahang Watch Tower upang ‘matiyak ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:9, 10) Kabilang sa mga pananagutang nakaatang sa mga balikat ng mga katulong na pastol ni Kristo ay ang pangunguna sa gawaing pag-eebanghelyo, pagtuturo sa kongregasyon, at wastong pagpapastol sa kawan ng Diyos.—1 Timoteo 4:16; Hebreo 13:7, 17; 1 Pedro 5:2, 3.
Aktibong Pangunguna ni Jesus
20. Isang kahilingan sa pag-alinsabay sa organisasyon ni Jehova ang pagkilala natin sa anong posisyon ni Jesus?
20 Isang kahilingan sa pag-alinsabay sa pasulong na organisasyon ni Jehova ang pagkilala natin sa bigay-Diyos na papel ni Jesu-Kristo bilang “ulo ng kongregasyon.” (Efeso 5:22, 23) Kapansin-pansin din ang Isaias 55:4, na doo’y sinabi sa atin: “Narito! Bilang saksi sa mga liping pambansa ay ibinigay ko [ni Jehova] siya, bilang lider at kumandante sa mga liping pambansa.” Tiyak na alam ni Jesus kung paano mangunguna. Kilala rin niya ang kaniyang mga tupa at alam niya ang kanilang mga gawa. Sa katunayan, nang siyasatin niya ang pitong kongregasyon sa Asia Minor, limang ulit niyang sinabi: “Alam ko ang iyong mga gawa.” (Apocalipsis 2:2, 19; 3:1, 8, 15) Alam din ni Jesus ang ating mga pangangailangan, gaya ng kaniyang Amang si Jehova. Bago niya binigkas ang Modelong Panalangin, sinabi ni Jesus: “Nalalaman ng Diyos na inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa man ninyo hingin sa kaniya.”—Mateo 6:8-13.
21. Paano ipinamamalas ang pangunguna ni Jesus sa kongregasyong Kristiyano?
21 Paano ipinamamalas ang pangunguna ni Jesus? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng Kristiyanong mga tagapangasiwa, ang “mga kaloob na mga tao.” (Efeso 4:8) Inilalarawan sa Apocalipsis 1:16 na ang pinahirang mga tagapangasiwa ay nasa kanang kamay ni Kristo, nasa ilalim ng kaniyang kontrol. Sa ngayon, pinapatnubayan ni Jesus ang kaayusan para sa matatanda, makalangit man o makalupa ang pag-asa ng mga lalaking ito. Gaya ng ipinaliwanag sa naunang artikulo, sila ay inaatasan ng banal na espiritu kasuwato ng maka-Kasulatang mga kahilingan. (1 Timoteo 3:1-7; Tito 1:5-9) Noong unang siglo, isang grupo ng matatandang lalaki sa Jerusalem ang bumubuo sa isang lupong tagapamahala na nangangasiwa sa mga kongregasyon at sa pangkalahatang gawaing pangangaral ng Kaharian. Gayundin ang parisan na sinusunod sa loob ng organisasyon ni Jehova sa ngayon.
Umalinsabay!
22. Anong tulong ang inilalaan ng Lupong Tagapamahala?
22 Ang mga kapakanan ng Kaharian sa lupa ay ipinagkatiwala sa “tapat at maingat na alipin,” na kinakatawan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. (Mateo 24:45-47) Ang Lupong Tagapamahala ay pangunahin nang nagbibigay-pansin sa paglalaan ng espirituwal na pagtuturo at patnubay sa kongregasyong Kristiyano. (Gawa 6:1-6) Gayunman, kapag ang mga kapuwa mananamba ay naapektuhan ng likas na mga sakuna, hinihiling ng Lupong Tagapamahala sa isa o higit pang legal na korporasyon na maglaan ng tulong at magkumpuni o magtayong muli ng nasirang mga bahay at mga Kingdom Hall. Kapag ang ilang Kristiyano ay pinagmamalupitan o pinag-uusig, gumagawa ng mga hakbang upang patibayin sila sa espirituwal. At “sa maligalig na kapanahunan,” ginagawa ang lahat ng pagsisikap upang mapanatiling sumusulong ang gawaing pangangaral.—2 Timoteo 4:1, 2.
23, 24. Anuman ang sumapit sa kaniyang bayan, ano ang patuloy na inilalaan ni Jehova, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?
23 Anuman ang sumapit sa kaniyang bayan, si Jehova ay patuloy na naglalaan ng espirituwal na pagkain at kinakailangang patnubay. Nagbibigay rin ang Diyos ng katalinuhan at kaunawaan sa responsableng mga kapatid na lalaki upang maghanda ukol sa higit pang pagsulong at mga pagpapahusay sa teokratikong organisasyon. (Deuteronomio 34:9; Efeso 1:16, 17) Walang pagsala na inilalaan ni Jehova ang ating kailangan upang magampanan natin ang ating atas na gumawa ng alagad at maisakatuparan ang ating ministeryo sa buong daigdig.—2 Timoteo 4:5.
24 Lubos tayong makapagtitiwala na hindi kailanman pababayaan ni Jehova ang kaniyang tapat na bayan; ililigtas niya sila sa dumarating na “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:9-14; Awit 94:14; 2 Pedro 2:9) Nasa atin ang lahat ng dahilan upang panatilihing matatag hanggang sa wakas ang pagtitiwalang taglay natin noong una. (Hebreo 3:14) Kung gayon, maging determinado nawa tayo na umalinsabay sa organisasyon ni Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit natin masasabi na patuloy na sumusulong ang organisasyon ni Jehova?
• Ano ang katibayan na nagtatamasa ang bayan ng Diyos ng pasulong na espirituwal na kaliwanagan?
• Paano nagkaroon ng mga pagpapahusay sa ministeryong Kristiyano?
• Anong napapanahong mga pagbabago ang ginawa sa mga pamamaraang pang-organisasyon sa gitna ng mga lingkod ni Jehova?
[Larawan sa pahina 17]
Gaya ni David, hindi natin maisasalaysay ang lahat ng kamangha-manghang mga gawa ni Jehova
[Larawan sa pahina 18]
Nakikinabang ang kawan ng Diyos sa napapanahong mga pagbabago sa mga pamamaraang pang-organisasyon