Namumuhay Ka ba Ayon sa Iyong Pag-aalay?
“Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao.”—COLOSAS 3:23.
1. Sa sekular na konteksto, ano ang ipinahihiwatig ng salitang “pag-aalay”?
PAANO naaabot ng mga atleta ang sukdulan ng kanilang kakayahan? Sa tenis, soccer, basketball, beysbol, paligsahan sa pagtakbo, golf, o anupamang isport, naaabot lamang ng pinakamagagaling ang pinakatugatog sa pamamagitan ng di-nagmamaliw na pag-aalay ng sarili. Inuuna nila ang pagkokondisyon sa katawan at isipan. Akmang-akma ito sa isa sa mga katuturan ng salitang “nakaalay,” samakatuwid ay “lubos na nakatalaga sa isang partikular na paraan ng pag-iisip o pagkilos.”
2. Ano ang kahulugan ng “pag-aalay” sa Bibliya? Ilarawan.
2 Subalit ano ba ang kahulugan ng “pag-aalay” ayon sa pagkagamit sa Bibliya? Ang “mag-alay” ay salin ng Hebreong pandiwa na nangangahulugang “manatiling hiwalay; humiwalay; lumayo.”a Sa sinaunang Israel, nakalagay sa turbante ng mataas na saserdoteng si Aaron “ang banal na tanda ng pag-aalay,” na isang kumikinang na laminang dalisay na ginto na doo’y nakaukit ang mga Hebreong salita para sa “Ang Kabanalan ay kay Jehova.” Nagsisilbing paalaala iyan sa mataas na saserdote na kailangang iwasan niya ang paggawa ng anuman na lalapastangan sa santuwaryo “sapagkat ang tanda ng pag-aalay, ang pamahid na langis ng kaniyang Diyos, ay nasa kaniya.”—Exodo 29:6; 39:30; Levitico 21:12.
3. Paano dapat makaapekto ang pag-aalay sa ating paggawi?
3 Makikita natin sa kontekstong ito na ang pag-aalay ay isang seryosong bagay. Nagpapahiwatig ito ng kusang-loob na pagpapakilala bilang isang lingkod ng Diyos, at kahilingan dito ang malinis na paggawi. Kaya naman mauunawaan natin kung bakit sinipi ni apostol Pedro ang sinabi ni Jehova: “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.” (1 Pedro 1:15, 16) Bilang nakaalay na mga Kristiyano, taglay natin ang mabigat na pananagutang mamuhay ayon sa ating pag-aalay, anupat tapat hanggang sa wakas. Ngunit ano ang kasangkot sa Kristiyanong pag-aalay?—Levitico 19:2; Mateo 24:13.
4. Paano natin naaabot ang hakbangin ng pag-aalay, at saan ito maihahalintulad?
4 Pagkatapos nating matamo ang tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga layunin at tungkol kay Jesu-Kristo at sa kaniyang papel sa mga layuning iyon, personal tayong nagpasiya na paglingkuran ang Diyos nang buong puso, isip, kaluluwa, at lakas. (Marcos 8:34; 12:30; Juan 17:3) Maaari pa ngang malasin iyon bilang isang personal na panata, isang walang-pasubaling pag-aalay sa Diyos. Hindi tayo nag-alay dahil sa bugso ng damdamin. Ito ay pinag-isipan nang maingat at may pananalangin, na ginagamit ang kakayahan sa pangangatuwiran. Kaya naman hindi ito isang pansamantalang pasiya. Hindi tayo maaaring maging katulad ng isang tao na nagpasimulang mag-araro ng bukid at pagkatapos ay huminto sa kalagitnaan dahil sa napakahirap nito o dahil sa waring matagal pa ang anihan o hindi pa nga tiyak. Isaalang-alang ang halimbawa ng ilan na ‘naglagay ng kanilang mga kamay sa araro’ ng teokratikong pananagutan kahit sa mahihirap na panahon.—Lucas 9:62; Roma 12:1, 2.
Hindi Nila Tinalikuran ang Kanilang Pag-aalay
5. Paanong si Jeremias ay isang pambihirang halimbawa ng isang nakaalay na lingkod ng Diyos?
5 Ang ministeryo ng panghuhula ni Jeremias sa Jerusalem ay tumagal nang mahigit na 40 taon (647-607 B.C.E.), at hindi madali ang atas na iyon. Alam na alam niya ang kaniyang mga limitasyon. (Jeremias 1:2-6) Kinailangan niya ang tibay ng loob at pagbabata upang maharap sa araw-araw ang sutil na mga tao ng Juda. (Jeremias 18:18; 38:4-6) Gayunman, si Jeremias ay nagtiwala sa Diyos na Jehova, na siyang nagpalakas sa kaniya anupat siya ay napatunayan na isang tunay na nag-alay na lingkod ng Diyos.—Jeremias 1:18, 19.
6. Anong halimbawa ang iniwan sa atin ni apostol Juan?
6 Kumusta naman ang tapat na apostol na si Juan, na ipinatapon sa di-kaayaayang isla ng Patmos noong kaniyang katandaan dahil sa “pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus”? (Apocalipsis 1:9) Nakapagbata siya at namuhay ayon sa kaniyang nakaalay na katayuan bilang isang Kristiyano sa loob ng mga 60 taon. Buháy pa siya kahit pagkatapos mawasak ang Jerusalem sa mga kamay ng mga hukbong Romano. Nagkapribilehiyo siya na isulat ang isang Ebanghelyo, tatlong kinasihang liham, at ang aklat ng Apocalipsis, na doo’y patiuna niyang nakita ang digmaan ng Armagedon. Huminto ba siya nang malaman niyang hindi magaganap ang Armagedon sa kaniyang kaarawan? Bigla ba siyang nawalan ng interes? Hindi, si Juan ay nanatiling tapat hanggang sa kaniyang kamatayan, na nalalaman na bagaman “ang takdang panahon ay malapit na,” ang katuparan ng kaniyang mga pangitain ay sa hinaharap pa.—Apocalipsis 1:3; Daniel 12:4.
Makabagong mga Halimbawa ng Pag-aalay
7. Paano naging mainam na halimbawa ng Kristiyanong pag-aalay ang isang kapatid na lalaki?
7 Sa makabagong panahon, libu-libong tapat na Kristiyano ang buong-sigasig na nanghahawakan sa kanilang pag-aalay sa kabila ng hindi nila pananatiling buháy upang masaksihan ang Armagedon. Ang isa sa gayong indibiduwal ay si Ernest E. Beavor ng Inglatera. Naging Saksi siya noong 1939 nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, at inihinto niya ang isang maunlad na negosyo sa paglilimbag ng mga larawan upang maging buong-panahong ministro. Dahil iningatan niya ang kaniyang Kristiyanong neutralidad, nabilanggo siya nang dalawang taon. Sinuportahan siya ng kaniyang pamilya, at noong 1950, nag-aral ang kaniyang tatlong anak sa Watchtower Bible School of Gilead para magsanay bilang misyonero, sa New York. Napakasigasig ni Brother Beavor sa kaniyang gawaing pangangaral anupat tinawag siyang Armagedon Ernie ng kaniyang mga kaibigan. Buong-katapatan siyang namuhay ayon sa kaniyang pag-aalay, at hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1986, inihayag niya na malapit na ang digmaan ng Diyos sa Armagedon. Hindi niya minalas ang kaniyang pag-aalay bilang isang may-takdang-panahon na pakikipagkontrata sa Diyos!b—1 Corinto 15:58.
8, 9. (a) Anong halimbawa ang ipinakita ng maraming kabataang lalaki sa Espanya noong panahon ng rehimeng Franco? (b) Anong mga tanong ang angkop?
8 Ang isa pang halimbawa ng walang-maliw na sigasig ay mula naman sa Espanya. Noong panahon ng rehimeng Franco (1939-75), daan-daang nakaalay na mga kabataang Saksi ang nanindigan bilang neutral na mga Kristiyano. Marami sa kanila ang gumugol ng sampung taon o higit pa sa mga bilangguang militar. Nagkapatung-patong pa nga ang sentensiya sa isang Saksi, si Jesús Martín, na umabot sa 22 taon sa bilangguan. Siya ay labis na binugbog habang nakapiit sa isang bilangguang militar sa Hilagang Aprika. Hindi madali ang lahat ng ito, ngunit tumanggi siyang magkompromiso.
9 Kadalasan, hindi alam ng mga kabataang lalaking ito kung kailan ang kanilang paglaya, kung sakali mang mangyari ito, sapagkat sila ay nahatulan ng patung-patong at sunud-sunod na mga sentensiya. Gayunman, iningatan nila ang kanilang katapatan at pinanatili ang kanilang sigasig sa ministeryo habang nakabilanggo. Nang sa wakas ay magsimulang bumuti ang situwasyon noong 1973, marami sa mga Saksing ito, na ang kanilang edad noon ay kalalampas pa lamang sa 30, ang pinalaya mula sa bilangguan at agad na pumasok sa buong-panahong ministeryo, anupat ang ilan ay naging mga special pioneer at naglalakbay na mga tagapangasiwa. Namuhay sila ayon sa kanilang pag-aalay nang nasa bilangguan, at ang karamihan sa kanila ay nagpatuloy sa paggawa nang gayon mula nang mapalaya sila.c Kumusta naman tayo sa ngayon? Tapat ba tayo sa ating pag-aalay gaya ng mga matapat na ito?—Hebreo 10:32-34; 13:3.
Tamang Pangmalas sa Ating Pag-aalay
10. (a) Paano natin dapat malasin ang ating pag-aalay? (b) Paano minamalas ni Jehova ang ating paglilingkod sa kaniya?
10 Paano natin minamalas ang ating pag-aalay sa Diyos upang gawin ang kaniyang kalooban? Pangunahin ba ito sa ating buhay? Anuman ang ating kalagayan, bata man o matanda, may-asawa man o wala, malusog man o may sakit, dapat tayong magsikap na mamuhay ayon sa ating pag-aalay, alinsunod sa ating mga kalagayan. Maaaring ipahintulot ng situwasyon ng isang tao na siya ay makapaglingkod sa buong-panahong ministeryo bilang isang payunir, bilang isang boluntaryo sa isang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower, bilang isang misyonero, o sa ministeryong paglalakbay. Sa kabilang panig, maaaring abalang-abala ang ilang magulang, anupat inaasikaso ang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan ng pamilya. Ang kanila bang mas kaunting oras na nagugugol sa ministeryo bawat buwan ay hindi gaanong mahalaga sa paningin ni Jehova kung ihahambing sa maraming oras na nagugugol ng isang buong-panahong lingkod? Hindi. Hindi kailanman hihilingin sa atin ng Diyos ang hindi natin taglay. Sinabi ni apostol Pablo ang simulaing ito: “Kung ang pagiging handa ay naroroon muna, ito ay lalo nang kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi taglay ng isang tao.”—2 Corinto 8:12.
11. Sa ano nakasalalay ang ating kaligtasan?
11 Sa paano man, ang ating kaligtasan ay hindi nakasalalay sa anumang bagay na maaari nating gawin, kundi sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus, ang ating Panginoon. Malinaw na ipinaliwanag ni Pablo: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos, at isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus.” Gayunman, ang ating mga gawa ay patotoo ng ating aktibong pananampalataya sa mga pangako ng Diyos.—Roma 3:23, 24; Santiago 2:17, 18, 24.
12. Bakit hindi tayo dapat gumawa ng mga paghahambing?
12 Hindi na kailangang ihambing pa natin sa iba ang oras na ginugugol natin sa paglilingkod sa Diyos, ang ating mga naipapasakamay na literatura sa Bibliya, o ang bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos natin. (Galacia 6:3, 4) Anuman ang ating naisasagawa sa ministeryong Kristiyano, kailangang tandaan nating lahat ang nagpapababa-ng-loob na mga salita ni Jesus: “Kaya kayo rin, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniatas sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami ay walang-kabuluhang mga alipin. Ang aming ginawa ang siyang dapat naming gawin.’ ” (Lucas 17:10) Gaano ba talaga kadalas nating masasabi na nagawa natin ang “lahat ng mga bagay na iniatas” sa atin? Kaya ang tanong ay, Ano ang dapat na maging kalidad ng ating paglilingkod sa Diyos?—2 Corinto 10:17, 18.
Gawing Makabuluhan ang Bawat Araw
13. Anong saloobin ang kailangang taglayin natin habang tinutupad natin ang ating pag-aalay?
13 Matapos payuhan ang mga asawang babae, mga asawang lalaki, mga anak, mga magulang, at mga alipin, sumulat si Pablo: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova, at hindi sa mga tao, sapagkat alam ninyong tatanggapin ninyo mula kay Jehova ang kaukulang gantimpala ng mana. Magpaalipin kayo sa Panginoon, kay Kristo.” (Colosas 3:23, 24) Hindi tayo naglilingkod upang pahangain ang mga tao sa ating naisasagawa sa paglilingkod kay Jehova. Sinisikap nating paglingkuran ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesu-Kristo. Isinakatuparan niya ang kaniyang may-kaikliang ministeryo nang may pagkaapurahan.—1 Pedro 2:21.
14. Anong babala ang ibinigay ni Pedro may kinalaman sa mga huling araw?
14 Ipinamalas din ni apostol Pedro ang pagkaapurahan. Sa kaniyang ikalawang liham, nagbabala siya na sa mga huling araw ay magkakaroon ng mga manunuya—mga apostata at mga mapag-alinlangan—na magbabangon ng mga pag-aalinlangan tungkol sa pagkanaririto ni Kristo ayon sa kanilang sariling mga hangarin. Gayunman, sinabi ni Pedro: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, gaya ng itinuturing ng ilang tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi. Gayunman ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw.” Oo, tiyak na darating ang araw ni Jehova. Kung gayon, dapat na pag-ukulan natin ng pansin sa araw-araw kung gaano talaga katiyak at katibay ang ating pananampalataya sa pangako ng Diyos.—2 Pedro 3:3, 4, 9, 10.
15. Paano natin dapat malasin ang bawat araw sa ating buhay?
15 Upang makapamuhay ayon sa ating pag-aalay sa masikap na paraan, dapat nating gamitin ang bawat araw ukol sa ikapupuri ni Jehova. Sa katapusan ng bawat araw, maaari kaya natin itong gunitain at tingnan kung paano tayo nakatulong sa paanuman sa pagpapabanal sa pangalan ng Diyos at sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian? Ito marahil ay sa pamamagitan ng ating malinis na paggawi, ng ating nakapagpapatibay na pakikipag-usap, o ng ating maibiging pagmamalasakit sa pamilya at mga kaibigan. Sinamantala ba natin ang mga pagkakataon upang maibahagi sa iba ang ating Kristiyanong pag-asa? May natulungan ba tayong mag-isip nang seryoso tungkol sa mga pangako ng Diyos? Mag-ipon tayo ng positibong bagay sa espirituwal na diwa sa bawat araw, anupat nag-iimpok, wika nga, ng isang malaki-laking espirituwal na deposito sa bangko.—Mateo 6:20; 1 Pedro 2:12; 3:15; Santiago 3:13.
Panatilihing Malinaw ang Iyong Paningin
16. Sa anu-anong paraan sinisikap ni Satanas na pahinain ang ating pag-aalay sa Diyos?
16 Nabubuhay tayo sa mga panahon na nagiging mas mahirap para sa mga Kristiyano. Sinisikap ni Satanas at ng kaniyang mga ahente na palabuin ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama, ng malinis at marumi, ng moral at imoral, ng kagandahang-asal at kawalan ng kagandahang-asal. (Roma 1:24-28; 16:17-19) Lubha niyang pinadali para sa atin na dungisan ang ating puso at isipan sa pamamagitan ng remote control ng TV o ng keyboard ng computer. Ang ating espirituwal na paningin ay maaaring lumabo, o mawala sa pagkakapokus, anupat hindi na natin mahahalata ang kaniyang mapandayang mga gawa. Ang ating kapasiyahang mamuhay ayon sa ating pag-aalay ay maaaring humina at maaaring lumuwag ang ating paghawak sa “araro” kapag ikinompromiso natin ang ating espirituwal na mga pamantayan.—Lucas 9:62; Filipos 4:8.
17. Paano tayo matutulungan ng payo ni Pablo upang mapanatili ang ating kaugnayan sa Diyos?
17 Lalo nang napapanahon kung gayon ang mga salita ni Pablo sa kongregasyon sa Tesalonica: “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapabanal sa inyo, na umiwas kayo sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na pita sa sekso na gaya rin niyaong sa mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos.” (1 Tesalonica 4:3-5) Ang imoralidad ay umakay sa ilan upang matiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano—yaong mga nagpabaya sa kanilang pag-aalay sa Diyos. Hinayaan nilang humina ang kanilang kaugnayan sa Diyos, anupat hindi na siya mahalaga sa kanilang buhay. Gayunman, sinabi ni Pablo: “Tinawag tayo ng Diyos, hindi sa pagbibigay-daan sa karumihan, kundi may kaugnayan sa pagpapabanal. Kung gayon nga, ang tao na nagpapakita ng pagwawalang-halaga ay nagwawalang-halaga, hindi sa tao, kundi sa Diyos, na siyang naglalagay ng kaniyang banal na espiritu sa inyo.”—1 Tesalonica 4:7, 8.
Ano ang Iyong Determinasyon?
18. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
18 Kung nauunawaan natin ang kaselanan ng ating pag-aalay sa Diyos na Jehova, ano ang dapat na gawin natin nang may determinasyon? Dapat na maging matibay ang ating determinasyon na magtaglay ng isang mabuting budhi may kinalaman kapuwa sa ating paggawi at sa ating ministeryo. Nagpayo si Pedro: “Magtaglay kayo ng isang mabuting budhi, upang sa bagay na doon kayo pinagsasalitaan ng masama ay mapahiya sila na nagsasalita nang may paghamak tungkol sa inyong mabuting paggawi may kaugnayan kay Kristo.” (1 Pedro 3:16) Baka kailangang magdusa tayo at makaranas ng pang-aabuso dahil sa ating paggawing Kristiyano, subalit gayundin ang naranasan ni Kristo dahil sa kaniyang pananampalataya at katapatan sa Diyos. “Samakatuwid,” ang sabi ni Pedro, “yamang si Kristo ay nagdusa sa laman, magsakbat din kayo sa inyong sarili ng gayunding disposisyon ng kaisipan; sapagkat ang taong nagdusa sa laman ay huminto na mula sa mga kasalanan.”—1 Pedro 4:1.
19. Ano ang nais nating masabi tungkol sa atin?
19 Ang totoo, ang ating matibay na determinasyong mamuhay ayon sa ating pag-aalay ay magsasanggalang sa atin mula sa mga bitag ng sanlibutan ni Satanas na may sakit sa espirituwal, sa moral, at sa pisikal. Subalit bukod pa riyan, magkakaroon tayo ng tiwala na taglay natin ang pagsang-ayon ng Diyos, na makapupong mas maigi kaysa sa anumang maiaalok ni Satanas at ng kaniyang mga ahente. Kung gayon, huwag nawang masabi kailanman na iniwan natin ang pag-ibig na taglay natin noong una nating malaman ang katotohanan. Sa halip, masabi nawa tungkol sa atin ang gaya ng nasabi tungkol sa mga nasa unang-siglong kongregasyon sa Tiatira: “Alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagbabata, at na ang iyong mga gawa nitong huli ay higit kaysa sa mga nauna.” (Apocalipsis 2:4, 18, 19) Oo, huwag nawa tayong maging malahininga may kinalaman sa ating pag-aalay, kundi maging ‘maningas [tayo] sa espiritu,’ anupat masigasig hanggang sa wakas—at ang wakas ay malapit na.—Roma 12:11; Apocalipsis 3:15, 16.
[Mga talababa]
a Tingnan Ang Bantayan, Abril 15, 1987, pahina 31.
b Tingnan ang The Watchtower ng Marso 15, 1980, pahina 8-11, para sa detalyadong salaysay tungkol sa buhay ni Ernest Beavor.
c Tingnan ang 1978 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 156-8, 201-18, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang kasangkot sa pag-aalay?
• Anong sinauna at makabagong mga halimbawa ng nakaalay na mga lingkod ng Diyos ang nararapat nating tularan?
• Paano natin dapat malasin ang ating paglilingkod sa Diyos?
• Ano ang dapat na maging determinasyon natin may kinalaman sa ating pag-aalay sa Diyos?
[Larawan sa pahina 15]
Nanatiling tapat si Jeremias sa kabila ng malupit na pakikitungo
[Larawan sa pahina 16]
Si Ernest Beavor ay nagpakita ng halimbawa sa kaniyang mga anak bilang isang masigasig na Kristiyano
[Larawan sa pahina 17]
Daan-daang kabataang Saksi sa mga bilangguan sa Espanya ang nag-ingat ng kanilang katapatan
[Mga larawan sa pahina 18]
Mag-ipon tayo ng positibong bagay sa espirituwal na diwa sa bawat araw