Pagkamasunurin—Isa Bang Mahalagang Aral sa Panahon ng Pagkabata?
“NAIS ng mga Magulang ang mga Indibiduwal, Hindi Lamang mga Bata na Masunurin.” Iyan ang ulong-balita ng isang pahayagan. Ang maliit na ulat na ito ay salig sa mga resulta ng isang surbey na ginawa sa New Zealand, na nagsiwalat na “22 porsiyento [lamang] ng mga tumugon ang nag-aakala na ang mga bata ay dapat turuan ng pagkamasunurin sa tahanan.” Natuklasan din ng surbey na naniniwala ang mga magulang sa ngayon na mas lalong mahalaga na turuan ang mga bata ng mga bagay na tulad ng mabuting asal, pamumuhay nang mag-isa, at responsibilidad.
Sa panahong ito ng indibiduwalismo at pagiging makasarili, hindi kataka-taka na karamihan sa mga tao ay may negatibong pangmalas sa pagkamasunurin at sa pagtuturo nito sa mga bata. Ngunit ang pagkamasunurin ba sa panahon ng pagkabata ay dapat na lamang ituring na isang bagay na makaluma o wala na sa panahon? O hindi kaya ito ay isa sa mahahalagang aral na matutuhan at mapapakinabangan ng mga bata? Ang higit na mahalaga, paano minamalas ng Diyos na Jehova, ang Tagapagpasimula ng kaayusan ng pamilya, ang pagkamasunurin sa mga magulang, at ano ang ilan sa mga kapakinabangan na ibinubunga ng gayong pagkamasunurin?—Gawa 17:28; Efeso 3:14, 15.
“Ito ay Matuwid”
Sa unang-siglong Kristiyanong kongregasyon sa Efeso, sumulat si apostol Pablo: “Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang kaisa ng Panginoon, sapagkat ito ay matuwid.” (Efeso 6:1) Kung gayon, ang pangunahing dahilan ng gayong pagkamasunurin ay ang bagay na kasuwato ito ng pamantayan ng Diyos sa kung ano ang tama. Tulad ng pagkasabi ni Pablo, “ito ay matuwid.”
Kaayon nito, mapapansin natin na inilalarawan ng Salita ng Diyos ang maibiging disiplina ng magulang bilang isang magandang palamuti, isang “putong na kaakit-akit sa iyong ulo at magandang kuwintas sa iyong leeg,” at isang bagay na “lubhang kalugud-lugod sa Panginoon.” (Kawikaan 1:8, 9; Colosas 3:20) Sa kabaligtaran naman, ang pagsuway sa mga magulang ay nagdudulot ng di-pagsang-ayon ng Diyos.—Roma 1:30, 32.
“Upang Mapabuti Ka”
Itinuro ni Pablo ang isa pang kapakinabangan ng pagkamasunurin nang isulat niya: “ ‘Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina’; na siyang unang utos na may pangako: ‘Upang mapabuti ka at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.’ ” (Efeso 6:2, 3; Exodo 20:12) Sa anong mga paraan maaaring magbunga ng kabutihan sa isa ang pagkamasunurin sa mga magulang?
Una, hindi ba’t totoo na taglay ng mga magulang ang bentaha ng edad at karanasan? Bagaman tila wala silang gaanong alam sa mga computer o sa iba pang mga asignatura na itinuturo sa paaralan, marami silang nalalaman tungkol sa pamumuhay at sa pagharap sa mga suliranin sa buhay. Sa kabilang dako naman, ang mga kabataan ay nagkukulang sa timbang na pag-iisip na bunga ng pagkamaygulang. Kaya, may hilig sila na magmadali sa pagpapasiya, at madalas na nagpapadala sa nakapipinsalang panggigipit ng kasamahan, na nagbubunga ng sarili nilang kapahamakan. Makatotohanang sinasabi ng Bibliya: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata.” Ano ang lunas? “Ang pamalong pandisiplina ang maglalayo nito sa kaniya.”—Kawikaan 22:15.
Ang mga kapakinabangan ng pagkamasunurin ay hindi lamang sa ugnayan ng magulang at anak. Para gumana nang maayos at mabunga ang lipunan ng tao, dapat na may pakikipagtulungan, na nangangahulugan naman ng pagkakaroon ng isang antas ng pagkamasunurin. Halimbawa, sa pag-aasawa, ang pagiging handang magbigay, sa halip na ang pagiging mapaghanap at manhid sa mga karapatan at damdamin ng iba, ang siyang nagdudulot ng kapayapaan, pagkakasundo, at kaligayahan. Sa lugar ng trabaho, ang pagpapasakop ng empleado ay isang kahilingan upang magtagumpay ang anumang negosyo o proyekto. May kinalaman sa mga batas at regulasyon ng pamahalaan, hindi lamang pinalalaya ng pagkamasunurin ang isa mula sa kaparusahan kundi nakapagdudulot din ito sa paanuman ng isang antas ng kaligtasan at proteksiyon.—Roma 13:1-7; Efeso 5:21-25; 6:5-8.
Ang mga kabataang sumusuway sa awtoridad ay madalas na nagiging di-katanggap-tanggap sa lipunan. Sa kabaligtaran naman, ang kapakinabangan ng aral hinggil sa pagkamasunurin na natutuhan sa panahon ng pagkabata ay maaaring tamasahin sa buong buhay ng isa. Tunay ngang makabubuti na matutuhan ito sa panahon ng pagkabata!
Ang Dakilang Gantimpala ng Pagkamasunurin
Ang pagkamasunurin ay hindi lamang nagdudulot ng maliligayang ugnayan sa pamilya at ng iba pang panghabang-buhay na mga kapakinabangan kundi naglalaan din ito ng pundasyon na doo’y maitatatag ang pinakamahalagang ugnayan sa lahat—yaong sa pagitan ng isang tao at ng kaniyang Maylalang. Bilang ang “Dakilang Maylalang” na siyang “bukal ng buhay,” nararapat lamang na maging ganap ang ating pagsunod sa Diyos na Jehova.—Eclesiastes 12:1; Awit 36:9.
Ang salitang “sumunod” sa iba’t ibang anyo nito ay lumilitaw nang maraming beses sa Bibliya. Karagdagan pa, may daan-daang pagtukoy sa mga batas ng Diyos, mga pag-uutos, mga kautusan, mga hudisyal na pasiya, at mga tuntunin, na pawang humihiling ng pagpapasakop. Maliwanag na minamalas ng Diyos ang pagkamasunurin na isang kahilingan para tamasahin ang kaniyang pagsang-ayon. Oo, ang pagkamasunurin ay napakahalagang kahilingan sa pagtatatag ng kaugnayan kay Jehova. (1 Samuel 15:22) Nakalulungkot, ang likas na hilig ng tao ay hindi ang pagsunod kundi ang pagsuway. “Ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata,” sabi ng Bibliya. (Genesis 8:21) Samakatuwid, ang aral hinggil sa pagkamasunurin ay dapat na matutuhan hindi lamang sa panahon ng pagkabata kundi sa buong buhay. Ang paggawa nito ay magdudulot ng isang dakilang gantimpala.
Alalahanin na, tulad ng pagkasabi ni apostol Pablo, ang utos na maging masunurin sa mga magulang ay may dalawahang pangako, iyon ay, upang “mapabuti ka at mamalagi ka nang mahabang panahon sa lupa.” Tiniyak ang pangakong ito sa Kawikaan 3:1, 2: “Anak ko, ang aking kautusan ay huwag mong limutin, at ang aking mga utos ay ingatan nawa ng iyong puso, sapagkat ang kahabaan ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ay madaragdag sa iyo.” Ang dakilang gantimpala para sa mga sumusunod ay isang personal na kaugnayan kay Jehova sa ngayon at buhay na walang hanggan sa isang mapayapang bagong sanlibutan.—Apocalipsis 21:3, 4.
[Mga larawan sa pahina 30, 31]
Ang pagkamasunurin ay nagdudulot ng maliligayang ugnayan sa loob ng pamilya, sa lugar ng trabaho, at kay Jehova