Si Jesus ay Nagliligtas—Paano?
“Si Jesus ay nagliligtas!” “Si Jesus ang aming Tagapagligtas!” Sa maraming bansa sa palibot ng daigdig, ang gayong mga mensahe ay makikita sa mga pader ng mga gusali at sa iba pang pampublikong mga lugar. Milyun-milyong tao ang taimtim na naniniwala na si Jesus ang Tagapagligtas nila. Kung tatanungin mo sila, “Paano tayo inililigtas ni Jesus?” malamang na isasagot nila, “Namatay si Jesus para sa atin” o, “Namatay si Jesus para sa ating mga kasalanan.” Oo, pinangyayari ng kamatayan ni Jesus na tayo ay maligtas. Ngunit paano mababayaran ng kamatayan ng isang tao ang mga kasalanan ng marami? Kung tatanungin ka, “Paano tayo maililigtas ng kamatayan ni Jesus?” ano ang sasabihin mo?
ANG sagot na ibinibigay ng Bibliya sa tanong na ito ay napakasimple ngunit maliwanag at punô ng kahulugan. Gayunman, upang maintindihan ang kahalagahan nito, kailangan muna nating malasin ang buhay at kamatayan ni Jesus bilang lunas sa isang napakahirap na suliranin. Saka lamang natin lubos na mauunawaan ang napakalaking halaga ng kamatayan ni Jesus.
Sa pagpapahintulot kay Jesus na ibigay ang kaniyang buhay, hinarap ng Diyos ang isang kalagayang bumangon nang magkasala si Adan. Kay laking trahedya ng kasalanang iyon! Ang kauna-unahang lalaki at ang kaniyang asawa, si Eva, ay sakdal. Ang magandang hardin ng Eden ang kanilang tahanan. Binigyan sila ng Diyos ng makabuluhang gawain na pangangalaga sa kanilang harding tahanan. Nasa ilalim ng kanilang maibiging pangangasiwa ang iba pang nabubuhay na mga nilalang sa lupa. At habang dumarami ang mga tao at pinupuno ang lupa ng milyun-milyong kauri nila, palalawakin nila ang paraiso hanggang sa mga hangganan ng lupa. (Genesis 1:28) Tunay ngang kalugud-lugod at kapana-panabik ang gawain na ibinigay sa kanila! Bukod diyan, tinaglay nila ang maibiging pakikipagsamahan ng isa’t isa. (Genesis 2:18) Wala na silang hahanapin pa. Nasa harapan nila ang maligaya at walang-hanggang buhay.
Mahirap gunigunihin kung paano magkakasala sina Adan at Eva. Ngunit ang unang mag-asawa ay naghimagsik laban sa mismong lumalang sa kanila—ang Diyos na Jehova. Sa paggamit ng isang serpiyente, nilinlang ng espiritung nilalang na si Satanas na Diyablo si Eva upang sumuway kay Jehova, at sumunod naman si Adan sa kaniya.—Genesis 3:1-6.
Walang alinlangan sa kung ano ang gagawin ng Maylalang kina Adan at Eva. Naipaliwanag na niya ang resulta ng pagsuway, na sinasabi: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Isang tanong na di-hamak na mas mahalaga ang nangangailangan ngayon ng kasagutan.
Napaharap ang Sangkatauhan sa Mahirap na Suliranin
Ang orihinal na kasalanan ay lumikha ng napakalubhang suliranin para sa sangkatauhan. Nagsimula ang buhay ni Adan bilang isang sakdal na tao. Kaya naman, ang kaniyang mga anak ay magtatamasa sana ng sakdal na buhay magpakailanman. Gayunman, nagkasala si Adan bago siya nagkaanak. Ang buong lahi ng tao ay nasa kaniya pang mga balakang nang tanggapin niya ang hatol: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Kaya nang magkasala si Adan at magsimulang mamatay gaya ng sinabi ng Diyos na mangyayari sa kaniya, ang buong sangkatauhan ay nahatulang mamatay na kasama niya.
Angkop naman, si apostol Pablo ay sumulat nang maglaon: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Oo, dahil sa orihinal na kasalanan, ang mga batang dapat sana’y isinilang na sakdal at may pagkakataong mabuhay nang walang hanggan ay ipinanganak na may naghihintay na sakit, pagtanda, at kamatayan.
“Hindi makatarungan iyan,” ang maaaring sabihin ng isa. “Hindi naman natin piniling sumuway sa Diyos—si Adan ang sumuway. Bakit mawawala ang ating pag-asa para sa walang-hanggang buhay at kaligayahan?” Alam natin na kung ibibilanggo ng hukuman ang isang anak dahil sa nagnakaw ng kotse ang kaniyang ama, ang anak ay may-katuwirang magreklamo: “Hindi makatarungan iyan! Walang akong ginawang masama.”—Deuteronomio 24:16.
Sa paghikayat sa unang lalaki at babae na magkasala, malamang na inisip ni Satanas na mailalagay niya ang Diyos sa isang alanganing situwasyon. Napakaagang sumalakay ng Diyablo sa kasaysayan ng lahi ng tao—bago pa may maisilang na bata. Nang sandaling magkasala si Adan, ang mahalagang katanungan ay, Ano ang gagawin ni Jehova sa magiging mga anak nina Adan at Eva?
Ginawa ni Jehova kung ano ang makatarungan at patas. “Malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos, at na gumawi nang di-makatarungan ang Makapangyarihan-sa-lahat!” ang ipinahayag ng matuwid na lalaking si Elihu. (Job 34:10) At tungkol kay Jehova, si propeta Moises ay sumulat: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) Ang solusyon na inilaan ng tunay na Diyos sa suliraning nilikha ng pagkakasala ni Adan ay hindi nag-aalis ng ating pagkakataon ukol sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa.
Naglalaan ang Diyos ng Isang Napakahusay na Solusyon
Isaalang-alang ang solusyon na isinaayos ng Diyos sa hatol na ibinigay niya kay Satanas na Diyablo. Sinabi ni Jehova kay Satanas: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae [ang makalangit na organisasyon ng Diyos] at sa pagitan ng iyong binhi [ang sanlibutan sa ilalim ng kontrol ni Satanas] at ng kaniyang binhi [si Jesu-Kristo]. Siya ang susugat sa iyo [si Satanas] sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong [ang kamatayan ni Jesus].” (Genesis 3:15) Sa unang hulang ito ng Bibliya, nagpahiwatig si Jehova tungkol sa kaniyang layunin na pumarito sa lupa ang kaniyang makalangit na espiritung Anak upang mabuhay bilang ang sakdal na taong si Jesus at pagkatapos ay mamatay—masugatan sa sakong—sa walang-kasalanang kalagayang iyon.
Bakit hiniling ng Diyos ang kamatayan ng isang sakdal na tao? Buweno, ano ba ang parusa ng Diyos na Jehova kay Adan kung magkasala ito? Hindi ba’t kamatayan? (Genesis 2:16, 17) “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Roma 6:23) Binayaran ni Adan ang kasalanan niya sa pamamagitan ng kaniyang sariling kamatayan. Binigyan siya ng buhay, pinili niyang magkasala, at namatay siya bilang parusa sa kaniyang kasalanan. (Genesis 3:19) Kumusta naman ang kahatulan na sinapit ng buong lahi ng tao dahil sa kasalanang iyan? Kailangang may mamatay upang mabayaran ang kanilang mga kasalanan. Ngunit kaninong kamatayan ang legal na makapagtatakip sa mga pagkakasala ng buong sangkatauhan?
Ang Kautusan ng Diyos sa sinaunang bansang Israel ay humihiling ng “kaluluwa para sa kaluluwa [o, buhay para sa buhay].” (Exodo 21:23) Ayon sa legal na simulaing ito, ang kamatayan na tumatakip sa mga pagkakasala ng sangkatauhan ay kailangang maging katumbas ng halaga na naiwala ni Adan. Tanging ang kamatayan ng isang sakdal na tao ang makapaglalaan ng kabayaran sa kasalanan. Si Jesus ay isang sakdal na tao. Ang totoo, si Jesus ay isang “katumbas na pantubos” para sa pagliligtas ng buong sangkatauhang nagmula kay Adan na maaaring tubusin.—1 Timoteo 2:6; Roma 5:16, 17.
Ang Kamatayan ni Jesus ay May Malaking Halaga
Walang halaga ang kamatayan ni Adan; karapat-dapat siyang mamatay dahil sa kaniyang kasalanan. Gayunman, ang kamatayan ni Jesus ay may malaking halaga sapagkat namatay siya na walang kasalanan. Maaaring tanggapin ng Diyos na Jehova ang halaga ng sakdal na buhay ni Jesus bilang pantubos para sa masunuring mga inapo ng makasalanang si Adan. At ang halaga ng hain ni Jesus ay hindi lamang hanggang sa pagbabayad ng ating nakalipas na mga kasalanan. Kung hanggang doon lamang iyon, wala tayong magiging kinabukasan. Palibhasa’y ipinaglihi sa kasalanan, magkakamali’t magkakamali tayo. (Awit 51:5) Kay laki ngang pasasalamat natin na ang kamatayan ni Jesus ay nagbigay sa atin ng pagkakataon na matamo ang kasakdalan na orihinal na nilayon ni Jehova para sa mga supling nina Adan at Eva!
Si Adan ay maihahalintulad sa isang ama na namatay at nag-iwan sa atin ng malaking pinansiyal na pagkakautang (kasalanan) anupat wala nang posibilidad na makaaahon pa tayo sa pagkakautang. Sa kabilang panig, si Jesus ay katulad ng isang mabuting ama na namatay at nag-iwan sa atin ng malaking mana na hindi lamang nagpapalaya sa atin mula sa malaking pagkakautang na ipinataw sa atin ni Adan kundi naglalaan din sa atin ng sapat upang may panustos tayo magpakailanman. Ang kamatayan ni Jesus ay hindi lamang pagpapawalang-bisa sa nakalipas na mga kasalanan; ito ay isa ring kamangha-manghang paglalaan para sa ating kinabukasan.
Si Jesus ay nagliligtas sapagkat namatay siya para sa atin. At talagang isang napakahalagang paglalaan ang kaniyang kamatayan! Kapag minamalas natin ito bilang bahagi ng solusyon ng Diyos sa masalimuot na suliranin ng pagkakasala ni Adan, napatitibay ang ating pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Oo, ang kamatayan ni Jesus ay isang paraan ng pagliligtas sa “bawat isa na nananampalataya” sa kaniya mula sa mismong kasalanan, sakit, pagtanda, at kamatayan. (Juan 3:16) Nagpapasalamat ka ba sa Diyos dahil sa paggawa niya ng maibiging kaayusang ito para sa ating kaligtasan?
[Larawan sa pahina 5]
Si Adan ang nagdala ng sakit at kamatayan sa sangkatauhan
[Larawan sa pahina 6]
Si Jehova ang naglaan ng napakahusay na solusyon