Si Jehova—Ang Sukdulang Halimbawa ng Kabutihan
“Pumuri kayo kay Jehova ng mga hukbo, sapagkat si Jehova ay mabuti!”—JEREMIAS 33:11.
1. Bakit tayo napakikilos upang purihin ang Diyos dahil sa kaniyang kabutihan?
ANG Diyos na Jehova ay mabuti sa ganap na diwa. “O pagkalaki ng kaniyang kabutihan!” ang bulalas ng propetang si Zacarias. (Zacarias 9:17) Sa katunayan, ang kabutihan ay masasalamin sa lahat ng ginawa ng Diyos upang ihanda ang lupa para sa ating kasiyahan. (Genesis 1:31) Hindi natin mauunawaan kailanman ang lahat ng masalimuot na mga batas na ipinasunod ng Diyos nang lalangin niya ang sansinukob. (Eclesiastes 3:11; 8:17) Ngunit ang kaunting nalalaman natin ay nagpapakilos sa atin upang purihin ang Diyos dahil sa kaniyang kabutihan.
2. Paano mo bibigyang-katuturan ang kabutihan?
2 Ano ba ang kabutihan? Ito ay kahusayan sa moral, o kagalingan. Gayunman, higit pa ito sa basta kawalan ng lahat ng kasamaan. Ang kabutihan, na kabilang sa mga bunga ng espiritu, ay isang positibong katangian. (Galacia 5:22, 23) Ipinamamalas natin ang kabutihan kapag gumagawa tayo ng mga bagay na mabuti at kapaki-pakinabang sa iba. Sa sistemang ito ng mga bagay, ang itinuturing na mabuti sa ilang grupo ay maaari namang malasin na masama sa iba. Gayunman, upang matamasa natin ang kapayapaan at kaligayahan, dapat na may isang pamantayan ng kabutihan. Sino ang may karapatang magtatag ng pamantayang ito?
3. Ano ang ipinahihiwatig ng Genesis 2:16, 17 tungkol sa pamantayan sa kabutihan?
3 Ang Diyos ang nagtatakda ng pamantayan sa kabutihan. Sa pasimula ng kasaysayan ng tao, si Jehova ang nag-utos sa unang tao: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Oo, ang mga tao ay kailangang umasa sa kanilang Maylalang sa pagkilala sa mabuti at masama.
Di-Sana-Nararapat na Pagpapakita ng Kabutihan
4. Ano na ang ginawa ng Diyos para sa sangkatauhan simula nang magkasala si Adan?
4 Isinapanganib ang pag-asa ng sangkatauhan ukol sa walang-hanggang kaligayahan sa kasakdalan nang si Adan ay magkasala at tumangging kumilala sa karapatan ng Diyos na magtakda ng mga pamantayan sa kabutihan. (Genesis 3:1-6) Gayunman, bago isilang ang mga supling ni Adan bilang mga tagapagmana ng kasalanan at kamatayan, inihula ng Diyos ang pagdating ng isang sakdal na Binhi. Pinatutungkulan “ang orihinal na serpiyente,” si Satanas na Diyablo, ganito ang ipinahayag ni Jehova: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Apocalipsis 12:9; Genesis 3:15) Layunin ni Jehova na tubusin ang makasalanang sangkatauhan. Sa isang di-sana-nararapat na pagpapakita ng kabutihan, si Jehova ay talagang gumawa ng gayong paglalaan para sa kaligtasan niyaong mga nananampalataya sa haing pantubos ng kaniyang minamahal na Anak.—Mateo 20:28; Roma 5:8, 12.
5. Bagaman nagmana tayo ng masamang hilig ng puso, bakit maaari tayong magpamalas ng isang antas ng kabutihan?
5 Sabihin pa, dahil sa pagkakasala ni Adan, namana natin ang masamang hilig ng puso. (Genesis 8:21) Nakatutuwa naman, tinutulungan tayo ni Jehova na makapagpamalas ng isang antas ng kabutihan. Ang pagpapatuloy sa mga bagay na natutuhan mula sa kaniyang napakahalagang banal na mga kasulatan ay hindi lamang ‘nakapagpaparunong sa atin ukol sa kaligtasan’ at ‘nagsasangkap sa atin ukol sa bawat mabuting gawa’ kundi nagpapangyari rin sa atin na magawa kung ano ang mabuti sa kaniyang paningin. (2 Timoteo 3:14-17) Gayunman, upang makinabang sa maka-Kasulatang turo at makapagpamalas ng kabutihan, dapat nating taglayin ang saloobin ng salmista na umawit: “Ikaw [Jehova] ay mabuti at gumagawa ng mabuti. Ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.”—Awit 119:68.
Lubhang Pinupuri ang Kabutihan ni Jehova
6. Pagkaraang maipadala ni Haring David sa Jerusalem ang kaban ng tipan, umawit ang mga Levita ng isang awit na nagtataglay ng anong pananalita?
6 Kinilala ni Haring David ng sinaunang Israel ang kabutihan ng Diyos at hinanap ang Kaniyang patnubay. “Mabuti at matuwid si Jehova,” ang sabi ni David. “Kaya naman tinuturuan niya ang mga makasalanan hinggil sa daan.” (Awit 25:8) Kalakip sa tagubilin ng Diyos na ibinigay sa mga Israelita ang sampung mahahalagang kautusan—ang Sampung Utos—na isinulat sa dalawang tapyas na bato at itinago sa isang sagradong baul na tinawag na kaban ng tipan. Pagkaraang maipadala ni David ang Kaban sa kabiserang lunsod ng Israel, ang Jerusalem, umawit ang mga Levita ng isang awit na doo’y kasali ang pananalitang ito: “Magpasalamat kayo kay Jehova, sapagkat siya ay mabuti, sapagkat hanggang sa panahong walang takda ang kaniyang maibiging-kabaitan.” (1 Cronica 16:34, 37-41) Kalugud-lugod ngang marinig ang mga salitang iyon mula sa mga labi ng mga mang-aawit na Levita!
7. Ano ang nangyari pagkaraang maipasok ang Kaban sa Kabanal-banalang Dako at pagkatapos ng panalangin ni Solomon ukol sa pag-aalay?
7 Ang gayunding mga salita ng papuri ay idiniin sa panahon ng pag-aalay sa templo ni Jehova na itinayo ng anak ni David na si Solomon. Pagkaraang mailagay ang kaban ng tipan sa Kabanal-banalang Dako ng bagong-tayóng templo, sinimulang purihin ng mga Levita si Jehova, “sapagkat siya ay mabuti, sapagkat hanggang sa panahong walang takda ang kaniyang maibiging-kabaitan.” Sa pagkakataong iyon, ang templo ay makahimalang napuno ng ulap na sumasagisag sa maluwalhating presensiya ni Jehova. (2 Cronica 5:13, 14) Kasunod ng panalangin ni Solomon ukol sa pag-aalay, ang “apoy ay bumaba mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang mga hain.” Nang makita ito, ‘ang lahat ng mga anak ni Israel ay . . . kaagad na yumukod habang ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa lupa sa sahig at nagpatirapa at nagpasalamat kay Jehova, “sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda.” ’ (2 Cronica 7:1-3) Pagkatapos ng 14-na-araw na kapistahan, ang mga Israelita ay nagsibalik sa kanilang mga tahanan na “nagagalak at nasasayahan ang puso dahil sa kabutihang ipinakita ni Jehova kay David at kay Solomon at sa Israel na kaniyang bayan.”—2 Cronica 7:10.
8, 9. (a) Bagaman pinuri ng mga Israelita si Jehova sa kaniyang kabutihan, anong landasin ang kanilang tinahak sa dakong huli? (b) Ano ang inihula para sa Jerusalem sa pamamagitan ni Jeremias, at paano natupad ang hulang iyon?
8 Nakalulungkot, ang mga Israelita ay hindi patuloy na namuhay kasuwato ng kanilang mga awit ng papuri sa Diyos. Nang maglaon, ang bayan ng Juda ay ‘lumuwalhati kay Jehova sa pamamagitan lamang ng kanilang mga labi.’ (Isaias 29:13) Sa halip na sumunod sa mga pamantayan ng Diyos hinggil sa kabutihan, nagsimula silang gumawa ng masama. At ano ang kalakip sa kanilang kasamaan? Aba, nagkasala sila ng idolatriya, imoralidad, paniniil sa mahihirap, at iba pang malulubhang kasalanan! Bilang resulta, winasak ang Jerusalem at ang mga naninirahan sa Juda ay dinalang bihag sa Babilonya noong 607 B.C.E.
9 Sa gayon ay dinisiplina ng Diyos ang kaniyang bayan. Gayunman, sa pamamagitan ng propetang si Jeremias, inihula niya na sa Jerusalem ay mayroon pang maririnig na tinig ng mga nagsasabi: “Pumuri kayo kay Jehova ng mga hukbo, sapagkat si Jehova ay mabuti; sapagkat hanggang sa panahong walang takda ang kaniyang maibiging-kabaitan!” (Jeremias 33:10, 11) At gayon nga ang nangyari. Pagkaraan ng 70-taóng pagkatiwangwang ng lupain, noong 537 B.C.E., may mga nalabing Judio na nagbalik sa Jerusalem. (Jeremias 25:11; Daniel 9:1, 2) Muli nilang itinayo ang altar sa kinaroroonan ng templo sa Bundok Moria at nagsimulang maghandog ng mga hain doon. Ang pundasyon ng templo ay inilatag sa ikalawang taon ng kanilang pagbabalik. Tunay ngang kapana-panabik na panahon! “Nang ilatag ng mga tagapagtayo ang pundasyon ng templo ni Jehova,” ang sabi ni Ezra, “ang mga saserdote naman na nakasuot ng opisyal na pananamit, na may mga trumpeta, at ang mga Levita na mga anak ni Asap, na may mga simbalo, ay tumayo upang purihin si Jehova ayon sa tagubilin ni David na hari ng Israel. At nagsimula silang tumugon sa pamamagitan ng pagpuri at pasasalamat kay Jehova, ‘sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kaniyang maibiging-kabaitan sa Israel ay hanggang sa panahong walang takda.’ ”—Ezra 3:1-11.
10. Sa anong mahalagang kapahayagan nagsisimula at nagtatapos ang Awit 118?
10 Isang katulad na kapahayagan ng papuri hinggil sa kabutihan ni Jehova ang lumilitaw sa ilang awit. Kabilang sa mga ito ang Awit 118, na inawit ng mga sambahayang Israelita upang wakasan ang pagdiriwang ng Paskuwa. Ang awit na iyan ay nagsisimula at nagtatapos sa mga salitang: “Magpasalamat kayo kay Jehova, sapagkat siya ay mabuti; sapagkat ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 118:1, 29) Malamang na ang mga ito ang mga huling salita ng papuri na inawit ni Jesu-Kristo kasama ang kaniyang tapat na mga apostol nang gabi bago siya mamatay noong 33 C.E.—Mateo 26:30.
“Ipakita Mo sa Akin, Pakisuyo, ang Iyong Kaluwalhatian”
11, 12. Nang maaninag ni Moises ang kaluwalhatian ng Diyos, anong kapahayagan ang kaniyang narinig?
11 Ang pag-uugnay sa kabutihan ni Jehova at sa kaniyang maibiging-kabaitan ay unang ginawa maraming siglo bago ang panahon ni Ezra. Di-nagtagal pagkatapos sambahin ng mga Israelita ang ginintuang guya sa ilang at patayin ang mga manggagawa ng kamalian, nagsumamo si Moises kay Jehova: “Ipakita mo sa akin, pakisuyo, ang iyong kaluwalhatian.” Yamang batid na hindi maaaring makita ni Moises ang Kaniyang mukha at patuloy pa ring mabubuhay, sinabi ni Jehova: “Pararaanin ko ang aking buong kabutihan sa harap ng iyong mukha.”—Exodo 33:13-20.
12 Kinabukasan ay dumaan sa harap ng mukha ni Moises ang kabutihan ni Jehova sa Bundok Sinai. Nang panahong iyon, naaninag ni Moises ang kaluwalhatian ng Diyos at narinig ang kapahayagang ito: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan, naglalapat ng kaparusahan sa mga anak at sa mga apo dahil sa kamalian ng mga ama, sa ikatlong salinlahi at sa ikaapat na salinlahi.” (Exodo 34:6, 7) Ipinahihiwatig ng mga salitang ito na ang kabutihan ni Jehova ay nauugnay sa kaniyang maibiging-kabaitan at sa iba pang aspekto ng kaniyang personalidad. Ang pagsasaalang-alang sa mga ito ay tutulong sa atin na makapagpakita ng kabutihan. Isaalang-alang muna natin ang katangian na dalawang beses na binanggit sa kagila-gilalas na kapahayagang ito ng kabutihan ng Diyos.
“Isang Diyos na . . . Sagana sa Maibiging-Kabaitan”
13. Sa kapahayagan ng kabutihan ng Diyos, anong katangian ang dalawang beses na binanggit, at bakit ito naaangkop?
13 “Si Jehova [ay] isang Diyos na . . . sagana sa maibiging-kabaitan . . . , nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo.” Ang salitang Hebreo na isinaling “maibiging-kabaitan” ay nangangahulugan din ng “matapat na pag-ibig.” Ito ang tanging katangian na itinala nang dalawang beses sa kapahayagan ng Diyos kay Moises. Angkop na angkop nga, yamang ang nangingibabaw na katangian ni Jehova ay pag-ibig! (1 Juan 4:8) Ang kilalang-kilalang kapahayagan ng papuri kay Jehova na “sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kaniyang maibiging-kabaitan ay hanggang sa panahong walang takda” ay nagtatampok sa katangiang ito.
14. Sino lalo na ang nagtatamasa ng kabutihan at maibiging-kabaitan ng Diyos?
14 Ang isang katibayan ng kabutihan ni Jehova ay na siya ay “sagana sa maibiging-kabaitan.” Ito ay lalo nang makikita sa magiliw na pangangalaga niya sa kaniyang nakaalay at tapat na mga lingkod na tao. (1 Pedro 5:6, 7) Gaya ng mapatutunayan ng mga Saksi ni Jehova, siya ay ‘nag-iingat ng maibiging-kabaitan’ sa mga umiibig at naglilingkod sa kaniya. (Exodo 20:6) Hindi na patuloy na naranasan ng bansa ng likas na Israel ang maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ni Jehova dahil sa tinanggihan nila ang kaniyang Anak. Ngunit ang kabutihan at matapat na pag-ibig ng Diyos sa tapat na mga Kristiyano sa lahat ng bansa ay mananatili magpakailanman.—Juan 3:36.
Si Jehova—Maawain at May Magandang-Loob
15. (a) Ang kapahayagang narinig ni Moises sa Bundok Sinai ay nagsimula sa anong pananalita? (b) Ano ang nasasangkot sa awa?
15 Ang kapahayagang narinig ni Moises sa Bundok Sinai ay nagsimula sa ganitong pananalita: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob.” Ang salitang Hebreo na isinaling “awa” ay maaaring tumukoy sa “mga bituka” at may malapit na kaugnayan sa termino para sa “bahay-bata.” Kung gayon ang awa ay nagsasangkot ng mga damdamin ng magiliw na pagkamahabagin na nasa kaibuturan ng kalooban ng isang tao. Ngunit higit pa sa tunay na pagkahabag ang kalakip sa awa. Dapat tayong pakilusin nito upang gawin ang isang bagay na magpapaginhawa sa pagdurusa ng iba. Halimbawa, nakikita ng maibiging Kristiyanong matatanda ang pangangailangang maging maawain sa mga kapananampalataya, na ‘masayang nagpapakita ng awa’ kung ito ay angkop.—Roma 12:8; Santiago 2:13; Judas 22, 23.
16. Bakit masasabi na si Jehova ay may magandang-loob?
16 Ang kabutihan ng Diyos ay mamamalas din sa kaniyang kagandahang-loob. Ang isang taong may magandang-loob ay “lubhang makonsiderasyon sa damdamin ng iba” at nagpapakita ng ‘kaibig-ibig na kabaitan lalo na sa mga nakabababa.’ Si Jehova ang pinakamainam na halimbawa ng kagandahang-loob sa pakikitungo sa kaniyang tapat na mga lingkod. Halimbawa, sa pamamagitan ng mga anghel, may kagandahang-loob na pinalakas ng Diyos ang matanda nang si propeta Daniel at pinatalastasan ang birheng si Maria tungkol sa magiging pribilehiyo niya na magsilang kay Jesus. (Daniel 10:19; Lucas 1:26-38) Bilang bayan ni Jehova, tiyak na pinahahalagahan natin ang kaniyang may kagandahang-loob na paraan ng pagsamo sa atin sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya. Pinupuri natin siya sa aspektong ito ng kaniyang kabutihan at sinisikap nating magmagandang-loob sa ating pakikitungo sa iba. Kapag ibinabalik sa ayos niyaong mga may espirituwal na kuwalipikasyon ang isang kapananampalataya “sa espiritu ng kahinahunan,” sinisikap nilang maging banayad at may magandang-loob.—Galacia 6:1.
Isang Diyos na Mabagal sa Pagkagalit
17. Bakit nagpapasalamat tayo na si Jehova ay “mabagal sa pagkagalit”?
17 “Isang Diyos na . . . mabagal sa pagkagalit.” Itinatawag-pansin ng mga salitang iyon ang isa pang aspekto ng kabutihan ni Jehova. Matiising nagpaparaya si Jehova sa ating mga pagkakamali at nagbibigay sa atin ng panahon upang mapagtagumpayan ang malulubhang kahinaan at makagawa ng espirituwal na pagsulong. (Hebreo 5:12–6:3; Santiago 5:14, 15) Nakikinabang din sa pagtitiis ng Diyos yaong mga hindi pa nagiging mananamba niya. May panahon pa rin silang tumugon sa mensahe ng Kaharian at magsisi. (Roma 2:4) Gayunman, bagaman matiisin si Jehova, kung minsan ay pinakikilos siya ng kaniyang kabutihan upang ipahayag ang kaniyang galit, gaya ng kaniyang ginawa nang sambahin ng mga Israelita ang ginintuang guya sa Bundok Sinai. Di-magtatagal at ipahahayag ng Diyos ang kaniyang galit sa mas matinding paraan kapag winakasan na niya ang balakyot na sistema ni Satanas.—Ezekiel 38:19, 21-23.
18. Kung tungkol sa katotohanan, ano ang pagkakaiba ni Jehova sa mga lider na tao?
18 “Si Jehova [ay] isang Diyos na . . . sagana sa . . . katotohanan.” Kaylaki ng pagkakaiba ni Jehova sa mga lider na tao, na gumagawa ng malalaking pangako at pagkatapos ay hindi tinutupad ang mga ito! Sa kabaligtaran, makaaasa ang mga mananamba ni Jehova sa lahat ng nakasaad sa kaniyang kinasihang Salita. Yamang ang Diyos ay sagana sa katotohanan, lagi tayong makapagtitiwala sa kaniyang mga pangako. Dahil sa kaniyang kabutihan, palaging sinasagot ng ating makalangit na Ama ang ating mga panalangin ukol sa espirituwal na katotohanan sa pamamagitan ng saganang paglalaan nito.—Awit 43:3; 65:2.
19. Anong napakahalagang pagpapamalas ng kabutihan ang ipinakita ni Jehova sa mga nagsisising nagkasala?
19 “Si Jehova [ay] isang Diyos na . . . nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.” Dahil sa kaniyang kabutihan, si Jehova ay handang magpatawad sa mga nagsisising nagkasala. Tiyak na tayo ay labis na nagpapasalamat na ang ating maibiging makalangit na Ama ay gumawa ng kaayusan para sa pagpapatawad sa pamamagitan ng hain ni Jesus. (1 Juan 2:1, 2) Talagang natutuwa tayo na ang lahat ng nananampalataya sa hain ay nakapagtatamasa ng isang sinang-ayunang kaugnayan kay Jehova, taglay ang pag-asa ng buhay na walang hanggan sa kaniyang ipinangakong bagong sanlibutan. Napakahalaga ngang mga dahilan upang purihin si Jehova sa pagpapamalas ng kabutihan sa sangkatauhan!—2 Pedro 3:13.
20. Ano ang patotoo natin na hindi kinukunsinti ng Diyos ang kasamaan?
20 “Sa anumang paraan ay wala[ng] . . . pinaliligtas [si Jehova] sa kaparusahan.” Ang totoo ay isa na naman itong dahilan upang purihin si Jehova dahil sa kaniyang kabutihan. Bakit? Sapagkat ang isang mahalagang aspekto ng kabutihan ay na hindi nito kinukunsinti ang kasamaan sa anumang paraan. Bukod dito, “sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel,” isasagawa ang paghihiganti “doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita.” Sila ay “daranas ng parusang hatol na walang-hanggang pagkapuksa.” (2 Tesalonica 1:6-9) Kung gayon, ang nakaligtas na mga mananamba ni Jehova ay lubusan nang makapagtatamasa ng buhay nang hindi nagagambala ng di-makadiyos na mga tao, na “walang pag-ibig sa kabutihan.”—2 Timoteo 3:1-3.
Tularan ang Kabutihan ni Jehova
21. Bakit dapat tayong magpamalas ng kabutihan?
21 Walang alinlangan na marami tayong dahilan upang purihin at pasalamatan si Jehova dahil sa kaniyang kabutihan. Bilang kaniyang mga lingkod, hindi ba dapat nating gawin ang ating buong makakaya upang ipakita ang katangiang ito? Oo, sapagkat hinimok ni apostol Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.” (Efeso 5:1) Ang ating makalangit na Ama ay palaging nagpapamalas ng kabutihan, at dapat na gayundin tayo.
22. Ano ang ating isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
22 Kung tayo ay buong-pusong nakaalay kay Jehova, walang alinlangan na talagang hangarin nating tularan ang kaniyang kabutihan. Dahil sa tayo ay mga inapo ng makasalanang si Adan, hindi madali para sa atin na gawin kung ano ang mabuti. Gayunman, sa susunod na artikulo, makikita natin kung bakit maaari tayong magpamalas ng kabutihan. Isasaalang-alang din natin ang iba’t ibang paraan na doo’y maaari at dapat nating tularan si Jehova—ang sukdulang halimbawa ng kabutihan.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang kabutihan?
• Anong maka-Kasulatang kapahayagan ang nagtatampok sa kabutihan ng Diyos?
• Ano ang ilang aspekto ng kabutihan ni Jehova?
• Bakit dapat nating tularan ang halimbawa ni Jehova hinggil sa kabutihan?
[Larawan sa pahina 12]
Dinisiplina ni Jehova ang kaniyang sinaunang bayan dahil hindi sila namuhay ayon sa kanilang mga kapahayagan ng papuri
[Larawan sa pahina 12]
Tapat na mga nalabi na nagbalik sa Jerusalem
[Larawan sa pahina 13]
Narinig ni Moises ang isang kagila-gilalas na kapahayagan ng kabutihan ng Diyos
[Larawan sa pahina 15]
Nakikita ang kabutihan ni Jehova sa paraan ng kaniyang pagsamo sa atin sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya