Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Nang makita ni Juan ang “malaking pulutong” na nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa templo ni Jehova, saang bahagi ng templo nila isinasagawa ito?—Apocalipsis 7:9-15.
Makatuwirang sabihin na ang malaking pulutong ay sumasamba kay Jehova sa isa sa mga makalupang looban ng kaniyang dakilang espirituwal na templo, na partikular nang katulad ng looban sa dakong labas ng templo ni Solomon.
Noong nakalipas na mga panahon, sinasabing ang malaking pulutong ay matatagpuan sa isang espirituwal na katumbas, o isang antitipo, ng Looban ng mga Gentil na umiral noong panahon ni Jesus. Gayunman, isiniwalat ng higit pang pananaliksik ang di-kukulangin sa limang dahilan kung bakit hindi gayon. Una, hindi lahat ng mga katangian ng templo ni Herodes ay may antitipo sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Halimbawa, ang templo ni Herodes ay may Looban ng mga Babae at may Looban ng Israel. Makapapasok kapuwa ang mga lalaki’t babae sa Looban ng mga Babae, ngunit mga lalaki lamang ang pinahintulutang makapasok sa Looban ng Israel. Sa makalupang mga looban ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova, ang mga lalaki’t babae ay hindi magkabukod sa kanilang pagsamba. (Galacia 3:28, 29) Kaya, walang katumbas ang Looban ng mga Babae at ang Looban ng Israel sa espirituwal na templo.
Ikalawa, walang Looban ng mga Gentil sa ibinigay ng Diyos na arkitektural na mga plano ng templo ni Solomon o sa templo sa pangitain ni Ezekiel; ni mayroon man nito sa templo na itinayong muli ni Zerubabel. Kaya, walang dahilan upang ipalagay na ang Looban ng mga Gentil ay dapat na may kahalintulad sa kaayusan ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova para sa pagsamba, lalo na kapag isinaalang-alang ang susunod na punto.
Ikatlo, ang Looban ng mga Gentil ay itinayo ni Haring Herodes na Edomita upang luwalhatiin ang kaniyang sarili at upang matamo ang pabor ng Roma. Pinasimulan ni Herodes ang pagkukumpuni ng templo ni Zerubabel marahil noong 18 o 17 B.C.E. Ang The Anchor Bible Dictionary ay nagpapaliwanag: “Ang klasikong mga hilig ng imperyong kapangyarihan sa Kanluran [Roma] . . . ay humiling ng isang templo na mas malaki kaysa roon sa mga nasa katulad na mga lunsod sa silangan.” Gayunman, ang mga sukat ng templo mismo ay napagtibay na. Ang diksyunaryo ay nagpapaliwanag: “Bagaman ang Templo mismo ay dapat magkaroon ng gayunding mga sukat gaya ng mga hinalinhan nito [kay Solomon at kay Zerubabel], ang Gulod ng Templo ay hindi natatakdaan sa potensiyal na laki nito.” Kaya, pinalawak ni Herodes ang nasasakupan ng templo sa pamamagitan ng pagdaragdag ng tinatawag sa makabagong panahon na Looban ng mga Gentil. Bakit magkakaroon ng antitipo sa kaayusan ng espirituwal na templo ni Jehova ang isang konstruksiyon na may gayong pinagmulan?
Ikaapat, halos kahit sino—ang bulag, pilay, at di-tuling mga Gentil—ay maaaring pumasok sa looban ng mga Gentil. (Mateo 21:14, 15) Totoo, ang looban ay nagamit ng maraming di-tuling Gentil na nagnanais maghandog sa Diyos. At doon nagpapahayag si Jesus paminsan-minsan sa mga pulutong at makalawang ulit niyang itinaboy ang mga tagapagpalit ng salapi at mangangalakal, na sinasabing winalang-dangal nila ang bahay ng kaniyang Ama. (Mateo 21:12, 13; Juan 2:14-16) Gayunman, ang The Jewish Encyclopedia ay nagsasabi: “Ang totoo, hindi bahagi ng Templo ang loobang ito sa dakong labas. Ang lupa nito ay hindi sagrado, at maaaring pumasok dito ang sinuman.”
Ikalima, ang Griegong salita (hi·e·ron’) na isinaling “templo” na ginagamit sa pagtukoy sa Looban ng mga Gentil ay “tumutukoy sa grupo ng mga gusali sa kabuuan, sa halip na sa espesipikong gusali ng Templo mismo,” sabi ng A Handbook on the Gospel of Matthew, ni Barclay M. Newman at Philip C. Stine. Sa kabaligtaran, ang Griegong salita (na·os’) na isinaling “templo” sa pangitain ni Juan sa malaking pulutong ay mas espesipiko. Sa konteksto ng templo sa Jerusalem, ito ay karaniwan nang tumutukoy sa Banal ng mga Banal, sa gusali ng templo, o sa mga looban ng templo. Ito ay paminsan-minsang isinasalin na “santuwaryo.”—Mateo 27:5, 51; Lucas 1:9, 21; Juan 2:20.
Ang mga miyembro ng malaking pulutong ay nananampalataya sa haing pantubos ni Jesus. Sila ay malinis sa espirituwal na paraan, sapagkat “nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.” Dahil dito, sila ay ipinahahayag na matuwid na may pagkakataong maging mga kaibigan ng Diyos at makaligtas sa malaking kapighatian. (Santiago 2:23, 25) Sa maraming paraan, sila ay katulad ng mga proselita sa Israel na nagpasakop sa tipang Kautusan at sumamba kasama ng mga Israelita.
Sabihin pa, ang mga proselitang iyon ay hindi naglingkod sa pinakaloob na looban, kung saan isinagawa ng mga saserdote ang kanilang mga tungkulin. At ang mga miyembro ng malaking pulutong ay wala sa pinakaloob na looban ng dakilang espirituwal na templo ni Jehova, na siyang looban na kumakatawan sa kalagayan ng sakdal at matuwid na pagiging taong anak ng mga miyembro ng “banal na pagkasaserdote” ni Jehova habang sila ay nasa lupa. (1 Pedro 2:5) Ngunit gaya ng sinabi ng makalangit na matanda kay Juan, ang malaking pulutong sa katunayan ay nasa templo, wala sa labas ng lugar ng templo sa dakong ipinalalagay na espirituwal na Looban ng mga Gentil. Kaylaking pribilehiyo nito! At itinatampok nga nito ang pangangailangan na panatilihin ng bawat isa sa atin ang espirituwal at moral na kadalisayan sa lahat ng panahon!
[Dayagram/Larawan sa pahina 31]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Templo ni Solomon
1. Gusali ng Templo
2. Pinakaloob na Looban
3. Looban sa Dakong Labas
4. Hagdan patungo sa Looban ng Templo