Mga Kabataang Umiibig sa Katotohanan
“PAANO lilinisin ng isang kabataang lalaki ang kaniyang landas?” ang tanong ng isang salmistang Hebreo mga 2,400 taon na ang nakararaan. (Awit 119:9) Ang tanong na ito ay kapit pa rin sa ngayon dahil ang mga kabataan ay napapaharap sa maraming problema sa daigdig. Maraming kabataan ang nahantad sa AIDS dahil sa imoral na gawain sa sekso, anupat mga kalahati ng dami ng mga may kahila-hilakbot na sakit na ito ay nasa pagitan ng edad na 15 at 24 na taon. Ang pag-aabuso sa droga ay nagdudulot din ng maraming problema, na dahil dito’y marami ang maagang namamatay. Ang mababang-uring musika; marahas at imoral na mga pelikula, mga palabas sa TV, at mga video; at ang pornograpya sa Internet ay nagdudulot ng mapangwasak na impluwensiya sa mga kabataan. Kaya ang tanong na ibinangon ng salmista ay lubhang pinag-iisipan ng maraming magulang at kabataan sa ngayon.
Ang salmista ring iyon ang sumagot sa kaniyang tanong: “Sa pananatiling mapagbantay ayon sa iyong salita.” Tiyak na ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay naglalaman ng mainam na patnubay para sa mga kabataan, at sa pamamagitan ng pagsunod dito, maraming kabataan ang nagiging matagumpay sa buhay. (Awit 119:105) Ating suriin ang ilang halimbawa ng mga kabataang umiibig sa Diyos at nagsisikap na manatiling malakas sa espirituwal sa isang mapaghanap-ng-kaluguran at materyalistikong sanlibutan.
Pinahahalagahan Nila ang Patnubay ng Magulang
Si Jacob Emmanuel ay isang buong-panahong ministrong payunir sa loob ng ilang taon bago siya naglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico. Naaalaala niya nang may pagpapahalaga kung paano nalinang ang kaniyang pag-ibig sa paglilingkod sa Diyos: “Ang aking mga magulang ang pangunahing nakaimpluwensiya sa akin, bagaman lubhang nakatulong din ang ilang makaranasang kapatid sa espirituwal na naging mga kaibigan ko. Ginanyak nila akong ibigin ang gawaing pangangaral. Mahinahon nila akong inakay sa tamang landas; hindi ko kailanman nadamang pinilit nila ako.”
Nagugunita ni David, na gumugol na nang ilang taon sa buong-panahong ministeryo, kung paano naikintal sa kaniyang isipan ang paglilingkuran ng kaniyang mga magulang bilang mga special pioneer nang siya at ang kaniyang kapatid na lalaki ay bata pa. Nang mamatay ang kaniyang ama, nagpatuloy ang kaniyang ina sa paglilingkuran bilang special pioneer. Bukod sa pangangaral ng mabuting balita, inalagaan pa sila ng kanilang ina. “Hindi nila ako kailanman inobliga na maging isang payunir,” ang sabi ni David, “ngunit kami ay lubhang nasiyahan sa pagpapayunir bilang isang pamilya anupat ang pagsasamahan at ang kapaligirang ito ang nag-udyok sa akin na magpayunir din.” Ganito ang sabi ni David tungkol sa kahalagahan ng mabuting patnubay at pagkalinga ng mga magulang: “Gabi-gabi, binabasa sa amin ng aking ina ang mga kuwento sa aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso.a Ang paraan ng paglalahad niya nito sa amin ay tumulong sa amin na maibigan ang pagkuha ng espirituwal na pagkain.”
Pagpapahalaga sa mga Pulong
Ang ilang kabataan ay nahihirapang magpahalaga sa mga pulong Kristiyano. Dumadalo lamang sila dahil isinasama sila ng kanilang mga magulang. Gayunman, kung patuloy silang dadalo, sa kalaunan ay mapahahalagahan nila ang mga pagpupulong. Isaalang-alang si Alfredo, na nagsimulang maglingkod nang buong-panahon nang siya ay 11 taóng gulang. Inaamin niya na noong siya ay mga limang taóng gulang, sinisikap niyang umiwas sa pagdalo sa mga pulong dahil inaantok siya rito ngunit hindi siya pinapayagan ng kaniyang mga magulang na matulog sa mga pulong. Naalaala pa niya: “Habang tumatanda ako, unti-unti akong naging interesado sa mga pulong, lalo na nang matuto akong bumasa at sumulat sapagkat noon ako nagsimulang magkomento sa sarili kong pananalita.”
Inilahad ni Cintia, isang 17-taóng-gulang na dalagita na naglilingkod bilang isang regular pioneer, ang mahalagang papel ng mabuting kasama sa paglinang niya ng pag-ibig sa paglilingkod sa Diyos. Ganito ang sabi niya: “Ang mabuting pakikipag-ugnayan sa mga kapatid at regular na pagdalo sa mga pulong ang dahilan kung bakit hindi ko hinahanap-hanap ang aking makasanlibutang mga kaibigan at ang mga gawain na popular sa mga kabataan, tulad ng pagpunta sa mga disco. Ang pakikinig sa mga komento at mga karanasan sa mga pulong ay nag-udyok sa akin na ibigay kay Jehova ang lahat ng taglay ko, at nadarama kong ang pinakamabuting bagay na taglay ko ay ang aking kabataan. Kaya ipinasiya kong gamitin ito sa paglilingkod sa kaniya.”
Gayunman, inaamin niya: “Bago ako mabautismuhan, may panahon noon na nakita kong madaling lumiban sa mga pulong, na ginagamit ang takdang-aralin o iba pang mga gawain sa paaralan bilang dahilan. Hindi ko nadadaluhan ang ilang pulong, at dito nagsimulang maapektuhan ang aking espirituwalidad. Nagsimula akong makisama sa isang binatilyong hindi nag-aaral ng Bibliya. Salamat kay Jehova at agad kong naituwid ang mga bagay-bagay.”
Isang Personal na Pasiya
Nang tanungin si Pablo, isa pang kabataang naglilingkod kay Jehova nang buong panahon, kung ano ang itinuturing niyang pinakasusi sa paglinang ng pag-ibig sa katotohanan ng Salita ng Diyos, sinabi niya: “Sa palagay ko ay may dalawang bagay: regular na personal na pag-aaral at sigasig sa gawaing pangangaral. Nagpapasalamat ako sa aking mga magulang sa pagtuturo nila sa akin ng katotohanan hinggil kay Jehova, at nadarama ko na ito ang pinakamabuting bagay na maibibigay nila sa akin. Gayunman, dapat na personal akong kumbinsido kung bakit iniibig ko si Jehova. Upang magawa iyan, kailangan kong malaman ang ‘lapad at lalim’ ng katotohanan ng Bibliya. Sa ganitong paraan lamang tayo makadarama ng pananabik sa Salita ni Jehova, na siyang lumilikha sa loob natin ng isang ‘nagniningas na apoy’ upang ipakipag-usap ito sa iba. Pananatilihing buháy ng kasigasigang iyan sa gawaing pangangaral ang ating pagpapahalaga sa katotohanan.”—Efeso 3:18; Jeremias 20:9.
Nagugunita rin ni Jacob Emmanuel, na binanggit kanina, ang kahalagahan ng paggawa ng personal na pasiya na maglingkod kay Jehova. Sinabi niya na hindi kailanman iginiit ng kaniyang mga magulang na siya’y magpabautismo. “Naniniwala ako na ito ang pinakamagaling na landasin dahil nakikita ko ang magagandang resulta niyaon. Halimbawa, ang ilang kabataan na madalas kong makasama noon ay nagpasiyang magpabautismo nang sabay-sabay. Bagaman mainam iyon, nakita ko na ginawa iyon ng ilan dahil lamang sa emosyon, at di-nagtagal pagkatapos nito, naglaho ang kanilang kasigasigan sa mga gawaing pang-Kaharian. Sa kaso ko naman, hindi ako ginipit ng aking mga magulang na magpasiyang ialay ang aking sarili kay Jehova. Ito ay personal na pasiya.”
Ang Papel ng Kongregasyon
Natutuhan ng ilang kabataan ang katotohanan ng Salita ng Diyos sa ganang sarili nila, nang walang tulong mula sa kanilang mga magulang. Tunay na isang hamon sa gayong mga kalagayan na matutuhang gawin kung ano ang tama at magpatuloy sa paggawa nito.
Naalaala ni Noé kung paano siya nakinabang sa katotohanan. Nang siya ay napakabata pa, madali siyang magalit at gumamit ng dahas. Nang magsimula siyang mag-aral ng Bibliya sa edad na 14 na taon, bumuti ang kaniyang disposisyon, anupat ang kaniyang mga magulang, na hindi interesado sa Bibliya noong panahong iyon, ay lubhang nagpapasalamat. Habang sumusulong si Noé sa espirituwal, nais niyang gamitin ang kaniyang buhay nang lalong lubusan sa paglilingkod sa Diyos. Siya ngayon ay nasa buong-panahong ministeryo.
Sa katulad na paraan, nagsimulang maging interesado sa katotohanang Kristiyano si Alejandro nang siya ay napakabata pa, bagaman ang kaniyang mga magulang ay hindi interesado rito. Bilang kapahayagan ng kaniyang pagpapahalaga sa katotohanan, sinabi niya: “Pinalaki ako sa isang tradisyonal na Katolikong tahanan. Ngunit higit akong nahilig sa ateismo ng Komunismo, yamang hindi naman nasagot ng simbahan ang mga tanong na nakabagabag sa akin mula nang ako’y musmos pa. Tinulungan ako ng organisasyon ni Jehova na magtamo ng kaalaman sa Diyos. Literal na iniligtas nito ang aking buhay dahil kung hindi ako nag-aral ng Bibliya, malamang na nasangkot ako sa imoralidad, alkoholismo, o droga. Baka naging bahagi pa nga ako ng isang rebolusyonaryong grupo, na may kaakibat na kapaha-pahamak na mga resulta.”
Paano makapagpapatuloy ang isang kabataan sa kaniyang paghahanap ng katotohanan at makapanghahawakan dito nang walang suporta ng kaniyang mga magulang? Maliwanag na ang matatanda at ang iba pa sa kongregasyon ay gumanap ng napakahalagang papel. Nagugunita ni Noé: “Hindi ko kailanman nadamang ako ay nag-iisa, yamang si Jehova ay palaging napakalapit sa akin. Gayundin, taglay ko ang suporta ng maraming maibiging kapatid na lalaki at babae na naging mga ama, ina, at kapatid ko sa espirituwal.” Siya ngayon ay naglilingkod sa Bethel at ginagamit niya ang kaniyang panahon sa paglilingkod sa Diyos. Gayundin, sinabi ni Alejandro: “Ang lagi kong ipinagpapasalamat ay ang pagkakaroon ng pagpapala na maging bahagi ng isang kongregasyon na may lupon ng matatanda na nagpakita ng maibiging interes sa akin bilang indibiduwal. Lalo na akong nagpapasalamat dito dahil nang magsimula akong mag-aral ng Bibliya, sa edad na 16 na taon, naapektuhan din ako ng kaligaligang karaniwan sa mga kabataan. Hindi ako kailanman pinabayaan ng mga pamilya sa kongregasyon. Palaging may isa na mapagpatuloy na tumatanggap sa akin at ibinabahagi sa akin hindi lamang ang kaniyang tahanan at pagkain kundi pati rin ang kaniyang puso.” Si Alejandro ay 13 taon na ngayong naglilingkod nang buong-panahon.
Inaakala ng ilang tao na ang relihiyon ay para lamang sa mga may-edad. Gayunman, maraming kabataan ang nakaalam ng katotohanan ng Bibliya sa murang edad at umibig kay Jehova at nanatiling tapat sa kaniya. Sa mga kabataang ito ay maikakapit ang mga salita ni David na nakaulat sa Awit 110:3: “Ang iyong bayan ay kusang-loob na maghahandog ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong militar. Sa mga karilagan ng kabanalan, mula sa bahay-bata ng bukang-liwayway, ikaw ay may pulutong ng mga kabataan na gaya ng mga patak ng hamog.”
Isang hamon para sa mga kabataan na malaman ang katotohanan at manatili rito. Tunay na isang kagalakan na makitang marami ang nananatiling napakalapit sa organisasyon ni Jehova, regular na dumadalo sa mga pulong, at masikap na nag-aaral ng Bibliya. Sa paggawa nito, kanilang nalilinang ang tunay na pag-ibig sa Salita ng Diyos at sa paglilingkod sa kaniya!—Awit 119:15, 16.
[Talababa]
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova sa Tagalog noong 1960; hindi na iniimprenta ngayon.