Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Yamang walang mana ang mga Levita sa sinaunang Israel, paano maipagbibili ng Levitang si Hanamel ang isang bukid sa kaniyang pinsang Levita na si Jeremias, gaya ng binabanggit sa Jeremias 32:7?
May kinalaman sa mga Levita, sinabi ni Jehova kay Aaron: “Hindi ka magkakaroon ng mana, at walang bahagi ang magiging iyo sa gitna nila [ng Israel].” (Bilang 18:20) Gayunpaman, ang mga Levita ay pinaglaanan ng 48 lunsod pati na ng kanilang mga pastulan, na nakakalat sa buong Lupang Pangako. Ang sariling bayan ni Jeremias ay ang Anatot, isa sa mga lunsod na inilaan sa “mga anak ni Aaron, na mga saserdote.”—Josue 21:13-19; Bilang 35:1-8; 1 Cronica 6:54, 60.
Sa Levitico 25:32-34, masusumpungan natin na si Jehova ay nagbigay ng espesipikong mga tagubilin hinggil sa “karapatang tumubos” ng ari-arian na pag-aari ng mga Levita. Maliwanag, ang indibiduwal na mga Levitang pamilya ay magkakaroon ng mga karapatan sa pagmamana may kinalaman sa pag-aari, paggamit, at pagbebenta ng espesipikong mga piraso ng lupa. Makatuwiran lamang na kasali rito ang pagbebenta at pagtubos ng ari-arian.a Sa maraming aspekto, nagmay-ari at gumamit ng ari-arian ang mga Levita sa mga paraang katulad ng mga Israelita sa ibang mga tribo.
Marahil, ang pagmamay-ari ng gayong ari-arian ng Levita ay naipasa sa pamamagitan ng pamana ng pamilya. Subalit kung tungkol sa “karapatang tumubos,” ang mga transaksiyon ay ipinahihintulot lamang sa pagitan ng mga Levita. Gayundin, waring ang pagbebenta at pagtubos ng lupa ay kapit lamang sa ari-ariang nasa loob ng mga lunsod, yamang “ang parang na pastulan ng kanilang mga lunsod” ay hindi dapat ipagbili sapagkat ito ay “isang pag-aari hanggang sa panahong walang takda para sa kanila.”—Levitico 25:32, 34.
Kaya ang bukid na tinubos ni Jeremias mula kay Hanamel ay maliwanag na gayong uri anupat ito ay maipapasa sa pamamagitan ng pagtubos dito. Maaaring ito’y nasa loob ng hangganan ng lunsod. Pinagtibay mismo ni Jehova na “ang bukid” na pinag-uusapan ay pag-aari ni Hanamel at na si Jeremias ang may “karapatang tumubos.” (Jeremias 32:6, 7) Ginamit ni Jehova ang transaksiyong ito sa makasagisag na paraan upang pagtibayin ang kaniyang pangako na ang mga Israelita ay babalik upang bawiin ang kanilang manang lupain pagkatapos ng yugto ng pagkatapon sa Babilonya.—Jeremias 32:13-15.
Walang pahiwatig na di-wasto ang pagmamay-ari ni Hanamel sa ari-ariang nasa Anatot. Walang ipinahihiwatig na nilabag niya ang kautusan ni Jehova sa pag-anyaya kay Jeremias na bilhin ang kaniyang bukid sa Anatot o na di-wastong ginamit ni Jeremias ang kaniyang karapatang tumubos sa pagbili sa bukid.—Jeremias 32:8-15.
[Talababa]
a Noong unang siglo C.E., ipinagbili ng Levitang si Bernabe ang lupang pag-aari niya at iniabuloy ang pinagbilhan upang tulungan ang nangangailangang mga tagasunod ni Kristo sa Jerusalem. Ang ari-arian ay maaaring nasa Palestina o nasa Ciprus. O posibleng ito ay isa lamang loteng libingan na nabili ni Bernabe sa Jerusalem.—Gawa 4:34-37.