Manalig sa Espiritu ng Diyos sa Pagharap sa mga Pagbabago sa Buhay
“Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan.”—2 TIMOTEO 2:15.
1. Anu-anong pagbabago ang naghaharap ng hamon sa ating espirituwal na kapakanan?
PATULOY na nagbabago ang sanlibutang nakapalibot sa atin. Nakikita natin ang kahanga-hangang mga pagsulong sa siyensiya at teknolohiya kasabay ng pagbagsak ng mga pamantayang moral. Gaya ng tinalakay natin sa naunang artikulo, dapat labanan ng mga Kristiyano ang espiritu ng sanlibutan na salungat sa Diyos. Gayunman, habang nagbabago ang sanlibutan, nagbabago rin tayo sa maraming paraan. Mula sa pagiging bata ay nagiging adulto tayo. Maaari tayong magkaroon o mawalan ng kayamanan, mabuting kalusugan, at mga mahal sa buhay. Hindi natin kontrolado ang marami sa gayong pagbabago, at maaari magharap ang mga ito ng bago at mahihirap na hamon sa ating espirituwal na kapakanan.
2. Paano dumanas ng pagbabago ang buhay ni David?
2 Iilang tao lamang ang nakararanas ng malalaking pagbabago sa kanilang buhay na gaya ni David, ang anak ni Jesse. Mabilis na nagbago ang kalagayan ni David mula sa pagiging karaniwang batang pastol tungo sa pagiging tanyag na pambansang bayani. Nang maglaon ay naging isa siyang takas, anupat tinugis na parang hayop ng isang mapanibughuing hari. Pagkatapos noon, naging hari at manlulupig si David. Nagbata siya ng masasaklap na bunga ng malubhang kasalanan. Dumanas siya ng trahedya at nagkawatak-watak ang kaniyang pamilya. Nagkamal siya ng kayamanan, tumanda, at dumanas ng mga kapansanang dulot ng pagtanda. Gayunman, sa kabila ng maraming pagbabago sa kaniyang buhay, nagpamalas si David ng habambuhay na pananalig at pagtitiwala kay Jehova at sa Kaniyang espiritu. Ginawa niya ang kaniyang buong makakaya upang iharap ang kaniyang sarili bilang ‘sinang-ayunan ng Diyos,’ at pinagpala siya ng Diyos. (2 Timoteo 2:15) Bagaman naiiba ang mga kalagayan natin sa naging kalagayan ni David, may matututuhan tayo sa paraan ng pagharap niya sa mga bagay-bagay sa kaniyang buhay. Makatutulong sa atin ang kaniyang halimbawa para maunawaan kung paano natin patuloy na matatamo ang tulong ng espiritu ng Diyos habang napapaharap tayo sa mga pagbabago sa ating buhay.
Ang Kapakumbabaan ni David—Isang Mainam na Halimbawa
3, 4. Paano naging tanyag sa buong bansa si David mula sa pagiging pangkaraniwang batang pastol?
3 Noong bata pa siya, hindi prominente si David kahit sa loob ng kaniyang sariling pamilya. Nang magtungo sa Betlehem ang propetang si Samuel, ipinakilala ng ama ni David ang pito sa kaniyang walong anak na lalaki. Si David, ang bunso, ay iniwan upang magbantay sa mga tupa. Gayunman, pinili ni Jehova si David na maging hari ng Israel sa hinaharap. Ipinatawag si David mula sa parang. Pagkatapos, sinasabi ng ulat ng Bibliya: “Kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid. At ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang kumilos kay David magmula nang araw na iyon.” (1 Samuel 16:12, 13) Nanalig si David sa espiritung iyon sa buong buhay niya.
4 Di-nagtagal at naging tanyag sa buong bansa ang batang pastol na ito. Ipinatawag siya upang maglingkod sa hari at tumugtog ng musika para sa kaniya. Pinatay niya ang mandirigmang si Goliat, isang higanteng napakabangis anupat maging ang makaranasang mga kawal ng Israel ay takot na humarap sa kaniya. Nang hirangin siya bilang pinuno ng mga lalaking mandirigma, nagtagumpay si David sa pakikidigma sa mga Filisteo. Mahal na mahal siya ng mga tao. Kumatha sila ng mga awiting nagbibigay-papuri sa kaniya. Una pa rito, inilarawan ng isang tagapayo ni Haring Saul ang kabataang si David hindi lamang bilang ‘dalubhasang manunugtog’ ng alpa kundi bilang “isang magiting at makapangyarihang lalaki at isang lalaking mandirigma at isang matalinong tagapagsalita at isang lalaking may makisig na anyo.”—1 Samuel 16:18; 17:23, 24, 45-51; 18:5-7.
5. Ano sana ang maaaring maging dahilan ng pagiging arogante ni David, at paano natin nalalaman na hindi siya naging gayon?
5 Katanyagan, kagandahang lalaki, kabataan, kahusayang magsalita, kasanayan sa musika, kahusayan sa militar, paglingap ng Diyos—waring taglay na ni David ang lahat. Naging dahilan sana ang alinman sa mga bagay na ito para maging arogante siya, subalit ni isa sa mga ito ay hindi nagtulak sa kaniya na maging gayon. Pansinin ang tugon ni David kay Haring Saul, na nag-alok kay David na maging asawa ng kaniyang anak na babae. Taglay ang totoong kapakumbabaan, sinabi ni David: “Sino ako at sino ang aking mga kaanak, ang pamilya ng aking ama, sa Israel, anupat magiging manugang ako ng hari?” (1 Samuel 18:18) Sa pagkokomento sa talatang ito, isang iskolar ang sumulat: “Ang ibig sabihin ni David ay, kahit sa personal na mga kuwalipikasyon, ni sa kaniyang katayuan sa lipunan, ni maging sa kaniyang pinagmulang angkan, hindi niya maaangkin na karapat-dapat siya sa karangalan na maging manugang ng hari.”
6. Bakit natin dapat linangin ang kapakumbabaan?
6 Nakasalig ang kapakumbabaan ni David sa kaniyang pagkilala na lubhang nakatataas si Jehova sa di-sakdal na mga tao sa lahat ng paraan. Ikinamangha ni David ang pagbibigay-pansin ng Diyos maging sa tao. (Awit 144:3) Alam din ni David na anumang kadakilaan na maaaring taglay niya ay dahil lamang sa ipinakitang kapakumbabaan ni Jehova, anupat ibinaba ang Kaniyang sarili upang palakasin, ipagsanggalang, at pangalagaan siya. (Awit 18:35) Kaygandang aral para sa atin! Hindi tayo dapat magpalalo dahil sa ating talento, pambihirang mga nagawa, at mga pribilehiyo. “Sa katunayan, ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap?” ang sulat ni apostol Pablo. “Ngayon, kung talagang tinanggap mo iyon, bakit ka naghahambog na para bang hindi mo tinanggap?” (1 Corinto 4:7) Upang tumanggap ng banal na espiritu ng Diyos at magtamasa ng kaniyang pagsang-ayon, dapat nating linangin at panatilihin ang kapakumbabaan.—Santiago 4:6.
“Huwag Ipaghiganti ang Inyong Sarili”
7. Anong pagkakataon ang napaharap kay David upang patayin si Haring Saul?
7 Bagaman hindi naging mapagmapuri si David dahil sa kaniyang katanyagan, nakapukaw naman ito ng nakamamatay na paninibugho kay Haring Saul, na sa kaniya ay lumisan na ang espiritu ng Diyos. Bagaman walang masamang ginawa si David, tumakas siya upang iligtas ang kaniyang buhay at nanirahan sa ilang. Minsan, noong walang-tigil na tinutugis si David, pumasok sa isang yungib si Haring Saul nang hindi namamalayan na doon pala nagtatago si David at ang kaniyang mga kasamahan. Si David ay hinimok ng kaniyang mga tauhan na samantalahin ang waring bigay-Diyos na pagkakataon upang patayin si Saul. Maguguniguni natin sila na nasa kadiliman ng yungib na iyon habang bumubulong kay David: “Narito ang araw na sinasabi sa iyo ni Jehova, ‘Narito! Ibinibigay ko sa iyong kamay ang kaaway mo, at gawin mo sa kaniya kung ano ang waring mabuti sa iyong paningin.’ ”—1 Samuel 24:2-6.
8. Bakit pinigilan ni David ang kaniyang sarili na maghiganti?
8 Tumanggi si David na saktan si Saul. Palibhasa’y nananampalataya at nagtitiis, kontento na siyang ipaubaya ang mga bagay-bagay sa kamay ni Jehova. Nang makaalis sa yungib ang hari, sumigaw si David sa kaniya at nagsabi: “Humatol nawa si Jehova sa akin at sa iyo; at ipaghihiganti ako ni Jehova mula sa iyo, ngunit hindi ka pagbubuhatan ng aking sariling kamay.” (1 Samuel 24:12) Bagaman alam niyang mali si Saul, hindi ipinaghiganti ni David ang kaniyang sarili; ni nagsalita man siya nang may pang-aabuso kay Saul o tungkol kay Saul. Sa ilang pagkakataon, pinigilan ni David ang kaniyang sarili na maghiganti. Sa halip, nanalig siya na si Jehova ang magtutuwid ng mga bagay-bagay.—1 Samuel 25:32-34; 26:10, 11.
9. Bakit hindi tayo dapat maghiganti kapag sinalansang o inusig tayo?
9 Katulad ni David, baka masumpungan mo ang iyong sarili na nasa mahihirap na situwasyon. Marahil ay sinasalansang ka o pinag-uusig ng iyong mga kaeskuwela, katrabaho, kapamilya, o ng iba na hindi mo kapananampalataya. Huwag kang gumanti. Hintayin mo si Jehova, anupat hinihingi ang kaniyang banal na espiritu upang tulungan ka. Posibleng humanga ang mga di-sumasampalatayang iyon sa iyong mabuting paggawi at maging mananampalataya pa nga sila. (1 Pedro 3:1) Anuman ang mangyari, makatitiyak ka na nakikita ni Jehova ang iyong situwasyon at kikilos siya hinggil dito sa kaniyang takdang panahon. Sumulat si apostol Pablo: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyan ninyo ng dako ang poot; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ”—Roma 12:19.
“Makinig Kayo sa Disiplina”
10. Paano nagkasala si David, at paano niya sinikap na pagtakpan ito?
10 Lumipas ang mga taon. Minahal si David bilang isang hari na kilalang-kilala. Ang landasin ng kaniyang buhay na kakikitaan ng pambihirang katapatan, lakip na ang magagandang awitin na kinatha niya bilang papuri kay Jehova, ay madaling magbigay ng impresyon na siya ang lalaki na hindi magkakasala nang malubha. Gayunman, nakagawa siya ng gayon. Isang araw, nakita ng hari mula sa itaas ng kaniyang bubong ang isang magandang babae na naliligo. Ipinagtanong niya kung sino iyon. Nang malaman niya na ang babae ay si Bat-sheba at nasa digmaan ang asawa nitong si Uria, ipinatawag ni David si Bat-sheba at nakipagtalik dito. Nang maglaon, natuklasan niya na nagdalang-tao ito. Kaylaking iskandalo nga nito kapag ito’y nahayag! Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang pangangalunya ay isang krimen na may parusang kamatayan. Malamang na inisip ng hari na mapagtatakpan ang kasalanan. Kaya nagpadala siya ng mensahe sa hukbo, na nag-uutos na pauwiin si Uria sa Jerusalem. Umasa si David na makikipagtalik si Uria kay Bat-sheba nang gabing iyon, ngunit hindi ito nangyari. Palibhasa’y desperado na noon, pinabalik ni David si Uria sa digmaan dala ang isang liham para kay Joab, ang kumandante ng militar. Sinabi sa liham na ilagay si Uria sa isang situwasyon sa digmaan na magiging dahilan ng kaniyang kamatayan. Sumunod si Joab, at napatay nga si Uria. Matapos ipangilin ni Bat-sheba ang nakaugaliang yugto ng pagdadalamhati, kinuha siya ni David bilang kaniyang asawa.—2 Samuel 11:1-27.
11. Anong situwasyon ang inilahad ni Natan kay David, at paano tumugon si David?
11 Waring umubra ang pakanang iyon, bagaman dapat sana’y alam ni David na hayagang nakalantad kay Jehova ang buong pangyayari. (Hebreo 4:13) Lumipas ang mga buwan, at naisilang ang sanggol. Pagkatapos, sa utos ng Diyos, nagtungo si propeta Natan kay David. Inilahad ng propeta sa hari ang isang situwasyon na doo’y kinuha at pinatay ng isang mayamang lalaki na may maraming tupa ang kaisa-isa at minamahal na tupa ng isang dukhang lalaki. Naantig ng salaysay ang unawa ni David sa katarungan ngunit hindi siya naghinala na mayroon itong lihim na kahulugan. Kaagad na hinatulan ni David ang mayamang lalaki. Palibhasa’y nagpupuyos sa galit, sinabi niya kay Natan: “Ang taong gumagawa nito ay dapat mamatay!”—2 Samuel 12:1-6.
12. Anong hatol ang ipinahayag ni Jehova laban kay David?
12 “Ikaw mismo ang taong iyon!” ang tugon ng propeta. Hinatulan ni David ang kaniyang sarili. Walang alinlangan, agad nauwi ang galit ni David sa matinding hiya at lungkot. Habang natitigilan, nakinig siya samantalang ipinapahayag ni Natan ang di-matatakasang hatol ni Jehova. Walang nakagiginhawa o nakaaaliw na mga salita. Hinamak ni David ang salita ni Jehova sa pamamagitan ng paggawa ng masama. Hindi ba’t pinatay niya si Uria sa pamamagitan ng tabak ng kaaway? Hindi mahihiwalay ang tabak sa sambahayan ni David. Hindi ba’t palihim niyang kinuha ang asawa ni Uria? Mararanasan niya ang gayunding kasamaan, hindi sa paraang palihim, kundi hayagan.—2 Samuel 12:7-12.
13. Paano tumugon si David sa disiplina ni Jehova?
13 Mabuti na lamang, hindi ikinaila ni David ang kaniyang kasalanan. Hindi niya sinigawan ang propetang si Natan. Hindi niya sinisi ang iba o binigyang-katuwiran ang kaniyang ginawa. Nang itawag-pansin sa kaniya ang mga kasalanan niya, inamin ni David ang mga ito, anupat nagsabi: “Ako ay nagkasala laban kay Jehova.” (2 Samuel 12:13) Ipinakikita ng Awit 51 ang panggigipuspos ng kaniyang damdamin at ang tindi ng kaniyang pagsisisi. Nagsumamo siya kay Jehova: “Huwag mo akong itaboy mula sa iyong harapan; at ang iyong banal na espiritu ay huwag mo sanang alisin sa akin.” Naniniwala siya na dahil sa awa ni Jehova ay hindi Niya hahamakin “ang pusong wasak at durog” dahil sa pagkakasala. (Awit 51:11, 17) Patuloy na nanalig si David sa espiritu ng Diyos. Bagaman hindi ipinagsanggalang ni Jehova si David mula sa masasaklap na bunga ng kaniyang kasalanan, pinatawad naman Niya si David.
14. Paano tayo dapat tumugon sa disiplina ni Jehova?
14 Tayong lahat ay di-sakdal, at tayong lahat ay nagkakasala. (Roma 3:23) Kung minsan ay nagkakasala tayo nang malubha, gaya ni David. Kung paanong dinidisiplina ng isang maibiging ama ang kaniyang mga anak, itinutuwid din ni Jehova ang mga nagsisikap na maglingkod sa kaniya. Gayunman, bagaman kapaki-pakinabang ang disiplina, hindi ito madaling tanggapin. Sa katunayan, “nakapipighati” ito kung minsan. (Hebreo 12:6, 11) Gayunman, kung ‘makikinig tayo sa disiplina,’ maaari tayong makipagkasundo kay Jehova. (Kawikaan 8:33) Upang patuloy na matamasa ang pagpapala ng espiritu ni Jehova, dapat nating tanggapin ang pagtutuwid at sikaping maging sinang-ayunan ng Diyos.
Huwag Umasa sa Walang-Katiyakang Kayamanan
15. (a) Sa anu-anong paraan ginagamit ng ilang tao ang kanilang kayamanan? (b) Paano ninais ni David na gamitin ang kaniyang kayamanan?
15 Walang pahiwatig na may mataas na katayuan si David sa lipunan o na mayaman ang kaniyang pamilya. Gayunman, noong naghahari siya, nagkamal ng malaking kayamanan si David. Gaya ng alam mo na, marami ang nag-iimbak ng kanilang kayamanan, anupat buong-kasakimang nagsisikap na paramihin ito, o ginagastos ito sa makasariling paraan. Ginagamit naman ng iba ang salapi nila sa pagluwalhati sa kanilang sarili. (Mateo 6:2) Ginamit ni David sa ibang paraan ang kaniyang kayamanan. Minithi niyang parangalan si Jehova. Ipinahayag ni David kay Natan ang kaniyang hangaring ipagtayo ng templo si Jehova upang paglagyan ng kaban ng tipan, na nasa Jerusalem noon at “tumatahan sa gitna ng mga telang pantolda.” Nalugod si Jehova sa mga intensiyon ni David ngunit sinabihan siya sa pamamagitan ni Natan na ang anak ni David na si Solomon ang magtatayo ng templo.—2 Samuel 7:1, 2, 12, 13.
16. Anu-anong paghahanda ang ginawa ni David para sa pagtatayo ng templo?
16 Nagtipon ng mga materyales si David upang magamit sa malaking proyektong ito ng pagtatayo. Sinabi ni David kay Solomon: “Naghanda ako para sa bahay ni Jehova ng isang daang libong talento na ginto at isang milyong talento na pilak, at walang paraan upang timbangin ang tanso at ang bakal dahil sa karamihan niyaon; at mga troso at mga bato ay inihanda ko, ngunit sa mga iyon ay magdaragdag ka.” Mula sa kaniyang personal na kayamanan, nagbigay siya ng 3,000 talento na ginto at 7,000 talento na pilak.a (1 Cronica 22:14; 29:3, 4) Hindi pakitang-tao ang bukas-palad na pagbibigay ni David kundi isang kapahayagan ng pananampalataya at debosyon sa Diyos na Jehova. Bilang pagkilala sa Pinagmumulan ng kaniyang kayamanan, sinabi niya kay Jehova: “Ang lahat ng bagay ay mula sa iyo, at mula sa iyong sariling kamay ay nagbigay kami sa iyo.” (1 Cronica 29:14) Pinakilos si David ng kaniyang bukas-palad na puso upang gawin ang lahat ng magagawa niya para itaguyod ang tunay na pagsamba.
17. Paano kumakapit kapuwa sa mayayaman at mahihirap ang payo na nasa 1 Timoteo 6:17-19?
17 Sa katulad na paraan, gamitin nawa natin ang ating materyal na mga pag-aari sa paggawa ng mabuti. Sa halip na magtaguyod ng materyalistikong paraan ng pamumuhay, mas mabuting sikaping matamo ang pagsang-ayon ng Diyos—ito ang daan ng tunay na karunungan at kaligayahan. Sumulat si Pablo: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas ang pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan; na gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi, maingat na nag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.” (1 Timoteo 6:17-19) Anuman ang kalagayan ng ating kabuhayan, manalig tayo sa espiritu ng Diyos at itaguyod ang landasin ng buhay na tutulong sa atin na maging “mayaman sa Diyos.” (Lucas 12:21) Wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sinang-ayunang katayuan sa harap ng ating maibigin at makalangit na Ama.
Iharap sa Diyos ang Iyong Sarili Bilang Sinang-ayunan
18. Sa anong paraan nagpakita ng mainam na halimbawa si David para sa mga Kristiyano?
18 Sa buong buhay niya, sinikap ni David na matamo ang pagsang-ayon ni Jehova. Humiyaw siya sa pag-awit: “Pagpakitaan mo ako ng lingap, O Diyos, pagpakitaan mo ako ng lingap, sapagkat sa iyo nanganganlong ang aking kaluluwa.” (Awit 57:1) Hindi nawalan ng kabuluhan ang kaniyang pagtitiwala kay Jehova. Tumanda si David, na “puspos ng mga araw.” (1 Cronica 23:1) Bagaman nakagawa ng malulubhang pagkakamali si David, naaalaala siya bilang isa sa maraming saksi ng Diyos na nagpamalas ng pambihirang pananampalataya.—Hebreo 11:32.
19. Paano natin maihaharap sa Diyos ang ating sarili bilang sinang-ayunan?
19 Habang napapaharap ka sa nagbabagong mga kalagayan sa buhay, tandaan na kung paanong tinustusan, pinalakas, at itinuwid ni Jehova si David, magagawa rin Niya ang gayon sa iyo. Si apostol Pablo, katulad ni David, ay napaharap sa maraming pagbabago sa buhay. Subalit siya man ay nanatiling tapat sa pamamagitan ng pananalig sa espiritu ng Diyos. Sumulat siya: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:12, 13) Kung mananalig tayo kay Jehova, tutulungan niya tayong magtagumpay. Gusto niyang magtagumpay tayo. Kung makikinig tayo sa kaniya at lalapit sa kaniya, pagkakalooban niya tayo ng lakas upang magawa ang kaniyang kalooban. At kung patuloy tayong mananalig sa espiritu ng Diyos, magagawa nating ‘iharap sa Diyos ang ating sarili bilang sinang-ayunan’ ngayon at magpakailanman.—2 Timoteo 2:15.
[Talababa]
a Ang halaga ng kontribusyon ni David, kung ibabatay sa mga pamantayan sa ngayon, ay mahigit sa $1,200,000,000, U.S.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano tayo magiging mapagbantay laban sa pagmamapuri?
• Bakit hindi natin dapat ipaghiganti ang ating sarili?
• Anong pangmalas hinggil sa disiplina ang dapat nating taglayin?
• Bakit tayo dapat magtiwala sa Diyos at hindi sa kayamanan?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Nanalig si David sa espiritu ng Diyos at nagsikap na matamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Gayundin ba ang ginagawa mo?
[Larawan sa pahina 18]
“Ang lahat ng bagay ay mula sa iyo, at mula sa iyong sariling kamay ay nagbigay kami sa iyo”