Pagod Ngunit Hindi Nanghihimagod
“Si Jehova, ang Maylalang ng mga dulo ng lupa, . . . ay nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan.”—ISAIAS 40:28, 29.
1, 2. (a) Anong kaakit-akit na paanyaya ang ipinaaabot sa lahat ng nagnanais magsagawa ng tunay na pagsamba? (b) Ano ang maaaring magharap ng isang malubhang panganib sa ating espirituwalidad?
BILANG mga alagad ni Jesus, alam na alam natin ang kaniyang kaakit-akit na paanyaya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. . . . Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mateo 11:28-30) Ang mga Kristiyano ay inaalukan din ng “mga kapanahunan ng pagpapaginhawa . . . mula sa mismong persona ni Jehova.” (Gawa 3:19) Tiyak na naranasan mo mismo ang nakagiginhawang mga epekto ng pagkatuto ng mga katotohanan sa Bibliya, ng pagkakaroon ng masayang pag-asa sa hinaharap, at ng pagkakapit ng mga simulain ni Jehova sa iyong buhay.
2 Gayunman, ang ilang mananamba ni Jehova ay nakararanas ng mga yugto ng emosyonal na pagkapagod. Sa ilang kaso, panandalian lamang ang mga panahong ito ng pagkasira ng loob. Sa ibang pagkakataon naman, ang nakapanghihimagod na damdamin ay maaaring magpatuloy nang mahabang panahon. Sa kalaunan, maaaring madama ng ilan na ang kanilang mga pananagutan bilang Kristiyano ay nagiging isang pabigat sa halip na maging isang nakagiginhawang pasan na gaya ng ipinangako ni Jesus. Ang gayong negatibong damdamin ay maaaring magharap ng isang malubhang panganib sa kaugnayan ng isang Kristiyano kay Jehova.
3. Bakit ibinigay ni Jesus ang payong masusumpungan sa Juan 14:1?
3 Hindi pa natatagalan bago ang pag-aresto at pagpatay sa kaniya, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manampalataya kayo sa Diyos, manampalataya rin kayo sa akin.” (Juan 14:1) Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito yamang malapit nang mapaharap ang mga apostol sa kalunus-lunos na mga pangyayari. Susundan ito ng pagsiklab ng pag-uusig. Alam ni Jesus na maaaring matisod ang kaniyang mga apostol dahil sa ganap na pagkasiphayo. (Juan 16:1) Kung hindi ito kokontrolin, ang pagkalungkot ay maaaring magpahina sa kanilang espirituwalidad at maging dahilan upang mawalan sila ng tiwala kay Jehova. Totoo rin ito sa mga Kristiyano sa ngayon. Ang matagal na pagkasira ng loob ay maaaring magdulot ng labis na pagkahapis, at ang ating puso ay maaaring mapabigatan. (Jeremias 8:18) Maaaring manghina ang ating panloob na pagkatao. Sa ilalim ng ganitong panggigipit, baka maparalisa tayo sa emosyonal at espirituwal na paraan, anupat mawala pa nga ang ating pagnanais na sambahin si Jehova.
4. Ano ang makatutulong sa atin upang hindi manghimagod ang ating makasagisag na puso?
4 Tunay na naaangkop ang payo ng Bibliya: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Ang Bibliya ay nagbibigay ng praktikal na payo na tutulong sa atin na ipagsanggalang ang ating makasagisag na puso mula sa pagkasira ng loob at espirituwal na pagkapagod. Gayunman, kailangan muna nating alamin ang sanhi ng ating panghihimagod.
Hindi Mapaniil ang Kristiyanismo
5. Ano ang waring pagkakasalungatan may kaugnayan sa Kristiyanong pagkaalagad?
5 Sabihin pa, ang pagiging Kristiyano ay humihiling ng puspusang pagpupunyagi. (Lucas 13:24) Sinabi pa nga ni Jesus: “Ang sinumang hindi nagpapasan ng kaniyang pahirapang tulos at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.” (Lucas 14:27) Sa una, ang mga salitang ito ay waring sumasalungat sa pananalita ni Jesus hinggil sa pagiging magaan at nakapagpapaginhawa ng kaniyang pasan, ngunit ang totoo, wala itong pagkakasalungatan.
6, 7. Bakit masasabi na ang ating anyo ng pagsamba ay hindi nakapanghihimagod?
6 Bagaman nakapapagod sa pisikal, ang puspusang pagpupunyagi at pagpapagal ay maaaring maging kasiya-siya at nakagiginhawa kapag may mabuti itong layunin. (Eclesiastes 3:13, 22) At mayroon pa bang nakahihigit na layunin kaysa sa pagbabahagi ng kamangha-manghang mga katotohanan sa Bibliya sa ating kapuwa? Bukod pa rito, ang ating pagpupunyagi na mamuhay alinsunod sa matataas na pamantayang moral ng Diyos ay hindi na nagiging kapansin-pansin kung ihahambing sa mga kapakinabangang natatamasa natin bilang resulta nito. (Kawikaan 2:10-20) Maging sa pag-uusig, itinuturing nating isang karangalan ang magdusa alang-alang sa Kaharian ng Diyos.—1 Pedro 4:14.
7 Talagang nakagiginhawa ang pasan ni Jesus, lalo na kung ihahambing sa espirituwal na kadiliman ng mga nananatili sa ilalim ng pamatok ng huwad na relihiyon. Ang Diyos ay may magiliw na pag-ibig para sa atin at hindi niya tayo pinapatawan ng di-makatuwirang mga kahilingan. ‘Ang mga utos ni Jehova ay hindi pabigat.’ (1 Juan 5:3) Hindi mapaniil ang tunay na Kristiyanismo, gaya ng nakabalangkas sa Kasulatan. Maliwanag, ang ating anyo ng pagsamba ay hindi nagdudulot ng panghihimagod at pagkasira ng loob.
‘Alisin ang Bawat Pabigat’
8. Ano ang kadalasang sanhi ng espirituwal na pagkapagod?
8 Anumang espirituwal na pagkapagod na nararanasan natin ay kadalasan nang resulta ng karagdagang pabigat na ipinapataw sa atin ng tiwaling sistemang ito ng mga bagay. Dahil “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” napalilibutan tayo ng negatibong mga puwersa na maaaring magpahina sa atin at makasira sa ating Kristiyanong pagkatimbang. (1 Juan 5:19) Maaaring magpasalimuot at makagambala sa ating rutin bilang Kristiyano ang mga bagay na di-mahalaga. Ang karagdagang mga pasaning ito ay maaaring magpabigat sa atin at makasira pa nga ng ating espiritu. Angkop naman ang ipinapayo sa atin ng Bibliya na ‘alisin ang bawat pabigat.’—Hebreo 12:1-3.
9. Paano tayo maaaring mapabigatan ng materyal na mga tunguhin?
9 Halimbawa, ang labis na pagbubuhos ng pansin ng sanlibutan sa pagiging prominente, sa salapi, libangan, paglalakbay ukol sa kaluguran, at iba pang materyal na mga tunguhin ay maaaring makaimpluwensiya sa ating kaisipan. (1 Juan 2:15-17) Lubhang naging masalimuot ang buhay ng ilang unang-siglong Kristiyano na nagtaguyod ng kayamanan. Ipinaliwanag ni apostol Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”—1 Timoteo 6:9, 10.
10. Ano ang matututuhan natin tungkol sa kayamanan mula sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa manghahasik?
10 Kapag nakadarama tayo ng pagkapagod at pagkasira ng loob sa ating paglilingkod sa Diyos, hindi kaya ito dahil sa nasasakal ng pagtataguyod ng materyal na mga bagay ang ating espirituwalidad? Puwedeng-puwede itong mangyari, gaya ng ipinahiwatig sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa manghahasik. “Ang mga kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan at ang mga pagnanasa sa iba pang mga bagay” ay inihalintulad ni Jesus sa mga tinik na “nakakapasok at sumasakal” sa binhi ng salita ng Diyos sa ating puso. (Marcos 4:18, 19) Dahil dito, pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat kaniyang sinabi: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’”—Hebreo 13:5.
11. Paano natin maaalis ang mga bagay na makapagpapabigat sa atin?
11 Kung minsan, ang nagpapasalimuot sa ating buhay ay, hindi ang pagtataguyod ng higit pang mga bagay, kundi kung ano ginagawa natin sa mga bagay na taglay na natin. Maaaring makaranas ng emosyonal na pagkapagod ang ilan dahil sa malulubhang problema sa kalusugan, pagkamatay ng mga mahal sa buhay, o iba pang nakaliligalig na mga problema. Nakita nila ang pangangailangang gumawa ng mga pagbabago sa pana-panahon. Ipinasiya ng isang mag-asawa na alisin ang ilan sa kanilang mga libangan at di-mahahalagang personal na proyekto. Aktuwal na sinuri nila ang kanilang mga gamit at literal na binalot ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa gayong mga proyekto at itinapon ang mga ito. Sa pana-panahon, makikinabang tayong lahat sa pamamagitan ng pagsusuri sa ating mga kaugalian at ari-arian, anupat inaalis ang bawat di-kinakailangang pabigat upang hindi tayo manghimagod at manghina sa ating mga kaluluwa.
Mahalaga ang Pagkamakatuwiran at Kahinhinan
12. Ano ang dapat nating kilalanin hinggil sa ating sariling mga pagkakamali?
12 Maaaring unti-unting maging masalimuot ang ating buhay dahil sa ating sariling mga pagkakamali kahit sa maliliit na bagay. Totoo nga ang mga salita ni David: “Ang sarili kong mga kamalian ay dumaan sa ibabaw ng aking ulo; tulad ng mabigat na pasan ay napakabigat ng mga iyon para sa akin.” (Awit 38:4) Kadalasan, ang ilang praktikal na pagbabago ay makapagpapaginhawa sa atin mula sa mabibigat na pasan.
13. Paano tayo matutulungan ng pagkamakatuwiran na magkaroon ng timbang na pangmalas sa ating ministeryo?
13 Pinasisigla tayo ng Bibliya na linangin ang “praktikal na karunungan at ang kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 3:21, 22) ‘Ang karunungan mula sa itaas ay makatuwiran,’ ang sabi ng Bibliya. (Santiago 3:17) Ang ilan ay nakadarama ng panggigipit na tumbasan ang nagagawa ng iba sa ministeryong Kristiyano. Gayunman, pinapayuhan tayo ng Bibliya: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao. Sapagkat ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” (Galacia 6:4, 5) Totoo, ang mabuting halimbawa ng kapuwa mga Kristiyano ay makapagpapasigla sa atin na maglingkod kay Jehova nang buong puso, ngunit ang praktikal na karunungan at pagkamakatuwiran ang tutulong sa atin na magtakda ng makatotohanang mga tunguhin alinsunod sa ating sariling mga kalagayan.
14, 15. Paano natin maipamamalas ang praktikal na karunungan may kinalaman sa pagsapat sa ating pisikal at emosyonal na mga pangangailangan?
14 Ang ating pagkamakatuwiran maging sa mga bagay na waring hindi gaanong mahalaga ay makatutulong sa atin na maiwasan ang pagkadama ng pagkapagod. Halimbawa, nililinang ba natin ang timbang na mga kaugalian na nagdudulot ng mabuting pisikal na kalusugan? Isaalang-alang ang halimbawa ng isang mag-asawang naglilingkod sa isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Nakita nila ang kahalagahan ng praktikal na karunungan upang maiwasan ang pagkapagod. Ganito ang sinabi ng asawang babae: “Gaano man karami ang aming trabaho, sinisikap naming matulog sa halos parehong oras bawat gabi. Regular din kaming nag-eehersisyo. Talagang nakatulong ito sa amin. Natutuhan namin kung ano ang aming mga limitasyon, at ginagawa namin ang mga bagay-bagay alinsunod dito. Sinisikap naming huwag ihambing ang aming sarili sa mga waring walang kapaguran.” Regular ba tayong kumakain ng nakapagpapalusog na pagkain at natutulog nang sapat? Ang makatuwirang pagbibigay-pansin sa ating kalusugan sa pangkalahatan ay makababawas sa pagkadama ng emosyonal at espirituwal na pagkapagod.
15 Ang ilan sa atin ay may naiibang mga pangangailangan. Halimbawa, nakapaglingkod ang isang babaing Kristiyano sa buong-panahong ministeryo sa ilang mapanghamong atas. Nagkaroon siya ng malulubhang problema sa kalusugan, pati na ang kanser. Ano ang nakatutulong sa kaniya na harapin ang maiigting na kalagayan? Sinabi niya: “Mahalaga para sa akin na magkaroon ng panahon upang mapag-isa at magkaroon ng lubos na katahimikan. Kapag nadarama kong lalong tumitindi ang kaigtingan at pagkapagod, lalong kailangang-kailangan ko agad ng mga sandali ng katahimikan at pag-iisa na doo’y makapagbabasa at makapagpapahinga ako.” Tinutulungan tayo ng praktikal na karunungan at ng kakayahang mag-isip na makilala at masapatan ang ating indibiduwal na mga pangangailangan at sa gayo’y maiwasan ang espirituwal na pagkahapo.
Pinalalakas Tayo ng Diyos na Jehova
16, 17. (a) Bakit napakahalaga ng pangangalaga sa ating espirituwal na kalusugan? (b) Ano ang dapat nating ilakip sa ating pang-araw-araw na rutin?
16 Siyempre pa, ang pangangalaga sa ating espirituwal na kalusugan ay napakahalaga. Kapag mayroon tayong malapít na kaugnayan sa Diyos na Jehova, maaari tayong mapagod sa pisikal, ngunit hindi tayo kailanman manghihimagod sa pagsamba sa kaniya. Si Jehova ang “nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan.” (Isaias 40:28, 29) Si apostol Pablo, na personal na nakaranas ng katotohanan ng mga salitang ito, ay sumulat: “Hindi kami nanghihimagod, kundi kahit ang pagkatao namin sa labas ay nanghihina, tiyak namang ang pagkatao namin sa loob ay nababago sa araw-araw.”—2 Corinto 4:16.
17 Pansinin ang pananalitang “sa araw-araw.” Ipinahihiwatig nito na sinasamantala natin ang mga paglalaan ni Jehova sa araw-araw. Kinailangang harapin ng isang misyonera, na tapat na naglingkod sa loob ng 43 taon, ang mga yugto ng pisikal na pagkapagod at pagkasira ng loob. Pero hindi siya nanghimagod. Sinabi niya: “Ginawa kong kaugalian na bumangon nang maaga upang bago ko pasimulan ang anumang trabaho, makagugugol ako ng panahon sa pananalangin kay Jehova at pagbabasa ng kaniyang Salita. Ang pang-araw-araw na rutin na ito ang tumutulong sa akin na makapagbata hanggang sa ngayon.” Tunay ngang makaaasa tayo sa nakapagpapalakas na kapangyarihan ni Jehova kung regular, oo “sa araw-araw,” ay nananalangin tayo sa kaniya at nagbubulay-bulay hinggil sa kaniyang matatayog na katangian at sa kaniyang mga pangako.
18. Anong kaaliwan ang inilalaan ng Bibliya sa tapat na mga indibiduwal na matanda na o may sakit?
18 Lalo nang nakatutulong ito sa mga nasisiraan ng loob dahil sa pagtanda at pagkakasakit. Maaaring nasisiraan ng loob ang gayong mga indibiduwal, hindi naman dahil sa inihahambing nila ang kanilang sarili sa iba, kundi dahil sa inihahambing nila ang kanilang sarili sa nagagawa nila noon. Tunay ngang nakaaaliw malaman na pinararangalan ni Jehova ang mga may-edad na! Sinasabi ng Bibliya: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kawikaan 16:31) Alam ni Jehova ang ating mga limitasyon at lubha niyang pinahahalagahan ang ating buong-pusong pagsamba sa kabila ng ating mga kahinaan. At ang mabubuting bagay na nagawa na natin ay hindi mabubura sa alaala ng Diyos. Tinitiyak sa atin ng Kasulatan: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.” (Hebreo 6:10) Tunay ngang nagagalak tayong makapiling ang mga napatunayang matapat kay Jehova sa loob ng maraming dekada!
Huwag Manghimagod
19. Paano tayo nakikinabang sa pagiging abala sa paggawa ng mabuti?
19 Marami ang naniniwala na ang regular at puspusang pisikal na gawain ay nakababawas ng pagkapagod. Sa katulad na paraan, ang regular na espirituwal na mga gawain ay makatutulong sa atin upang mabawasan ang anumang pagkadama ng emosyonal o espirituwal na pagkahapo. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod. Kung gayon nga, habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:9, 10) Pansinin ang mga pananalitang “paggawa ng kung ano ang mainam” at ‘gumawa ng mabuti.’ Ipinahihiwatig ng mga ito na dapat tayong kumilos. Ang paggawa ng mabubuting bagay para sa iba ay talagang makatutulong sa atin na maiwasan ang panghihimagod sa ating paglilingkod kay Jehova.
20. Upang malabanan ang pagkasira ng loob, kaninong pakikipagsamahan ang dapat nating iwasan?
20 Sa kabaligtaran, ang pakikisama at paggawang kasama ng mga taong nagwawalang-bahala sa mga kautusan ng Diyos ay maaaring maging isang nakapapagod na pasan. Ganito ang babala ng Bibliya sa atin: “Ang bigat ng bato at ang isang kargang buhangin—ngunit ang pagkayamot na dulot ng mangmang ay mas mabigat kaysa sa dalawang iyon.” (Kawikaan 27:3) Upang malabanan ang pagkadama ng pagkasira ng loob at pagkapagod, dapat nating iwasan ang pakikipagsamahan sa mga mahilig mag-isip ng negatibong mga bagay at may tendensiyang maghanap ng pagkakamali at mamintas ng ibang tao.
21. Paano tayo makapagpapatibay-loob sa iba sa Kristiyanong mga pagpupulong?
21 Ang Kristiyanong mga pagpupulong ay isang paglalaan mula kay Jehova na makapagbibigay sa atin ng espirituwal na lakas. Doon ay may mainam tayong pagkakataon na magpatibayang-loob sa isa’t isa na may kalakip na nakagiginhawang tagubilin at pakikipagsamahan. (Hebreo 10:25) Dapat magsikap ang lahat ng nasa kongregasyon na maging nakapagpapatibay kapag nagkokomento sa mga pulong o kapag may bahagi sa programa sa plataporma. Ang mga nangunguna bilang mga guro ay lalo nang may pananagutan na pasiglahin ang iba. (Isaias 32:1, 2) Kahit na may pangangailangan na magpayo o sumaway, dapat na nakagiginhawa ang paraan ng pagpapayo. (Galacia 6:1, 2) Ang ating pag-ibig sa iba ay tunay na tutulong sa atin na maglingkod kay Jehova nang hindi nanghihimagod.—Awit 133:1; Juan 13:35.
22. Bakit tayo maaaring magkaroon ng lakas ng loob sa kabila ng ating di-kasakdalan?
22 Ang pagsamba kay Jehova sa panahong ito ng kawakasan ay nagsasangkot ng pagpapagal. At hindi naman libre ang mga Kristiyano sa mga epekto ng pagkapagod ng isip, emosyonal na kirot, at maiigting na kalagayan. Dahil sa ating di-kasakdalan, tayo ay mahina, kagaya ng sisidlang gawa sa luwad. Gayunman, sinasabi ng Bibliya: “Taglay [natin] ang kayamanang ito sa mga sisidlang luwad, upang ang lakas na higit sa karaniwan ay maging sa Diyos at hindi mula sa [ating] sarili.” (2 Corinto 4:7) Oo, mapapagod tayo, pero huwag nawa tayong manghimagod o sumuko. Sa halip, ‘magkaroon nawa tayo ng lakas ng loob at magsabi: “Si Jehova ang aking katulong.”’—Hebreo 13:6.
Maikling Repaso
• Ano ang ilan sa nakapagpapabigat na mga pasan na maaari nating alisin?
• Paano tayo makakabahagi sa paggawa ng “mabuti” sa ating kapuwa mga Kristiyano?
• Paano tayo pinalalakas ni Jehova kapag nakadarama tayo ng pagkapagod o pagkasira ng loob?
[Larawan sa pahina 23]
Alam ni Jesus na ang matagal na pagkasira ng loob ay maaaring maging suliranin ng mga apostol
[Larawan sa pahina 24]
Inalis ng ilan ang ilan sa kanilang mga libangan at di-mahahalagang personal na proyekto
[Larawan sa pahina 26]
Sa kabila ng ating mga limitasyon, lubhang pinahahalagahan ni Jehova ang ating buong-pusong pagsamba