Ang Karilagan ng Paglalang ni Jehova
“Ang Napakasaganang Yaman ng Dagat”
PAGLUBOG ng araw, pinakikilos ng banayad na hangin ang ibabaw ng dagat, at marahang humahampas ang alon sa tabing-dagat. Lubhang nakaaakit ang nakagiginhawang tunog ng alon sa marami na dumaragsa sa dalampasigan para mamahinga at magkaroon ng katahimikan.a
Libu-libong kilometro ng mga tabing-dagat sa buong daigdig ay binubuo ng gayong mga dalampasigan. Tinatakdaan ng pabagu-bagong linyang ito na naghihiwalay sa buhangin at tubig ang saklaw ng dagat. Ganiyan ang pagkakadisenyo rito ng Maylalang. Sa pagtukoy sa kaniyang sarili, sinasabi ng Diyos na siya ang “naglagay ng buhanginan bilang hangganan ng dagat.” Sinabi pa niya: “Umalimbukay man ang mga alon nito ay hindi pa rin sila makapananaig; at dumaluyong man ang mga iyon ay hindi pa rin sila makalalampas doon.”—Jeremias 5:22; Job 38:8; Awit 33:7.
Tunay ngang matubig ang ating planeta, walang katulad sa ibang mga planeta sa ating sistema solar. Mahigit na 70 porsiyento ng daigdig ay natatakpan ng tubig. Nang inihahanda ni Jehova ang lupa para tirahan ng tao, inutos niya: “Matipon ang tubig na nasa ilalim ng langit sa isang dako at lumitaw ang tuyong lupa.” At “nagkagayon nga.” Sinasabi pa ng ulat: “Pinasimulan ng Diyos na tawaging Lupa ang tuyong lupa, ngunit ang kalipunan ng tubig ay tinawag niyang Dagat. Gayundin, nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.” (Genesis 1:9, 10) Ano ang nagagawa ng karagatan?
Sa maraming kamangha-manghang paraan, ang tubig sa karagatan ay dinisenyo upang tustusan ang buhay. Halimbawa, ang tubig ay may kakayahang mag-imbak ng init. Sa gayon, ang karagatan ay parang pagkalaki-laking imbakan ng init, anupat ginagawang katamtaman ang matinding ginaw sa taglamig.
Ang tubig ay may isa pang kakayahan na tumutustos ng buhay. Higit sa anumang ibang likido, madali nitong natutunaw ang ibang mga substansiya. Yamang nagiging posible ang mga prosesong nauugnay sa buhay dahil sa kemikal na mga reaksiyon, mahalaga ang tubig upang matunaw ang mga substansiya at pagsamahin ang kanilang mga molekula upang bumuo ng mga timplada (compound). Marami sa kemikal na mga timplada ang masusumpungan sa nabubuhay na mga himaymay na nasa tubig. Ganito ang sabi ng aklat na The Sea: “Kailangan ng lahat ng mga anyo ng buhay ang tubig—na pangunahin nang nanggagaling sa karagatan, maging para sa mga halaman at hayop na nakatira sa lupa.”
Gumaganap din ng mahalagang papel ang karagatan ng lupa upang dalisayin ang atmospera. Sinasagap ng maliliit na hayop at halaman sa karagatan ang carbon dioxide at inilalabas naman ang oksiheno. Ayon sa isang mananaliksik, “70 porsiyento ng karagdagang oksiheno sa atmospera taun-taon ang nanggagaling sa maliliit na hayop at halaman sa dagat.”
Nakagagawa rin ang karagatan ng natural na mga gamot para lunasan ang mga karamdaman. Sa loob ng mga dantaon, ginagamit bilang gamot ang mga sangkap na kinuha sa isda. Malaon nang ginagamit ng tao ang langis mula sa atay ng isdang bakalaw (cod-liver oil). Kamakailan lamang, ginagamit na ang mga kemikal na galing sa mga isda at iba pang nilalang sa dagat upang gamutin ang hika at labanan ang mga virus at kanser.
Gumawa na ng mga pagsisikap na tayahin ang halaga sa ekonomiya ng mga nakukuha sa karagatan. Bagaman walang magagawang tumpak na mga konklusyon, tinataya ng mga mananaliksik na halos dalawang-katlo ng halaga ng mga paglilingkod ng pangglobong ekosistema ay galing sa karagatan. Patotoo iyan ng bagay na ang mga dagat ay nilalang para sa isang layunin—upang tustusan ang mga pangangailangan sa buhay. Kasuwato nga ito ng tinatawag ng Bibliya na “ang pinakasaganang yaman ng dagat”!—Deuteronomio 33:19.
Si Jehova ay naluluwalhati bilang ang Dakilang Disenyador at Maylikha ng yamang ito. Naudyukan si Nehemias na purihin siya sa pagsasabing: “Ikaw ang tanging si Jehova; ikaw ang gumawa ng mga langit, . . . ng mga dagat at ng lahat ng naroroon; at iniingatan mong buháy ang lahat ng mga iyon.”—Nehemias 9:6.
[Talababa]
a Tingnan ang 2004 Calendar of Jehovah’s Witnesses, September/October.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 9]
Tubig, Hangin, at Alon
Ang tubig at hangin ay lumilikha ng pagkalaki-laking alon na humahampas nang may nakabibinging dagundong sa mabatong mga dalisdis, gaya nitong nasa California, sa Estados Unidos. Laging kahanga-hangang bahagi ng karagatan ang alon, anupat itinatanghal ang kagila-gilalas na kapangyarihan nito. Ang mga ito ay kahanga-hangang paalaala rin ng maringal na lakas ng Maylalang. Si Jehova ang isa na “tumutuntong sa matataas na alon sa dagat.” “Sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan ay pinukaw niya ang dagat, at sa pamamagitan ng kaniyang unawa ay pinagdurug-durog niya ang mananalakay.” (Job 9:8; 26:12) Tunay, “higit sa mga ugong ng malalawak na tubig, ang mariringal na dumadaluyong na alon sa dagat, si Jehova ay maringal sa kaitaasan.”—Awit 93:4.
Mga Eskultura sa Buhangin
Paminsan-minsan, kitang-kita ang kahanga-hangang mga eskultura ng buhangin sa baybay-dagat, gaya ng mga burol ng buhangin na makikita rito sa baybayin ng Namibia, sa timog Aprika. Ang hangin ang pangunahing puwersa na nagbibigay ng natatanging hugis sa buhangin. Bagaman ang ilang burol ng buhangin ay waring maliliit na umbok lamang, ang iba ay tumataas nang 400 metro. Tinutulungan tayo ng napakalawak na buhanginan na maunawaan ang ekspresyon sa Bibliya na “mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat.” Ginagamit ito upang tumukoy sa isang bagay na di-mabilang at mahirap sukatin. (Genesis 22:17) Manghang-mangha tayo sa Maylalang, na nagdisenyo sa gayong mistulang mabuhanging kuta laban sa pananalakay ng dumadaluyong na dagat.
[Larawan sa pahina 9]
Baybayin sa paglubog ng araw, Bight of Biafra, Cameroon