Salitain ang Salita ng Diyos Nang May Katapangan
‘Yumaon ka, manghula ka sa aking bayan.’—AMOS 7:15.
1, 2. Sino si Amos, at ano ang isinisiwalat ng Bibliya hinggil sa kaniya?
HABANG nasa ministeryo, isang saksi ni Jehova ang kinumpronta ng isang saserdote. Sumigaw ang saserdote: ‘Tumigil ka na sa pangangaral! Umalis ka na rito!’ Ano ang ginawa ng saksi? Sinunod ba niya ang utos na ito, o patuloy niyang sinalita ang salita ng Diyos nang may katapangan? Malalaman mo ang nangyari sapagkat isinulat ng saksing iyon ang kaniyang mga karanasan sa aklat na ipinangalan sa kaniya. Ito ang aklat ng Bibliya na Amos. Subalit bago natin malaman kung ano pa ang nangyari sa paghaharap nila ng saserdote, isaalang-alang muna natin ang ilang impormasyon tungkol kay Amos.
2 Sino ba si Amos? Kailan siya nabuhay at saan siya tumira? Masusumpungan natin ang sagot sa mga tanong na ito sa Amos 1:1, na ganito ang mababasa: “Ang mga salita ni Amos, na nakasama ng mga tagapag-alaga ng tupa mula sa Tekoa, . . . noong mga araw ni Uzias na hari ng Juda at noong mga araw ni Jeroboam na anak ni Joas, na hari ng Israel.” Tumira si Amos sa Juda. Ang sarili niyang bayan ay ang Tekoa, 16 na kilometro ang layo sa gawing timog ng Jerusalem. Nabuhay siya noong bandang katapusan ng ikasiyam na siglo B.C.E. nang maghari si Haring Uzias sa Juda at si Jeroboam II naman sa sampung-tribong kaharian ng Israel. Si Amos ay tagapag-alaga ng tupa. Sa katunayan, sinasabi sa Amos 7:14 na hindi lamang siya “tagapag-alaga ng kawan” kundi “tagaputi [rin] ng mga igos ng mga puno ng sikomoro.” Kaya ginugol niya ang ilang bahagi ng taon bilang manggagawa sa panahon ng ani. Siya ay tagaputi, o tagatusok, ng mga igos. Ginagawa ito upang mapabilis ang paghinog ng mga igos. Nakapapagod na trabaho ito.
“Yumaon Ka, Manghula Ka”
3. Paano makatutulong sa atin ang matututuhan natin tungkol kay Amos kapag nadarama nating hindi tayo kuwalipikadong mangaral?
3 Tahasang sinabi ni Amos: “Ako noon ay hindi propeta, ni ako man ay anak ng propeta.” (Amos 7:14) Hindi siya isinilang na anak ng propeta ni sinanay man siya bilang propeta. Gayunman, sa lahat ng taga-Juda, si Amos ang pinili ni Jehova upang ganapin ang Kaniyang gawain. Nang panahong iyon, hindi pinili ng Diyos ang makapangyarihang hari, ni ang saserdoteng may pinag-aralan, ni ang mayamang pinuno. Nagtuturo ito sa atin ng nakapagpapatibay na aral. Baka hindi mataas ang ating sekular na katayuan o wala tayong gaanong pormal na edukasyon. Ngunit dapat ba nating madama na hindi tayo kuwalipikadong mangaral ng salita ng Diyos dahil dito? Hinding-hindi! Masasangkapan tayo ni Jehova upang ipahayag ang kaniyang mensahe—maging sa mahihirap na teritoryo. Yamang ganiyan mismo ang ginawa ni Jehova kay Amos, may matututuhan ang lahat ng nagnanais magsalita ng salita ng Diyos nang may katapangan kung isasaalang-alang nila ang halimbawang ipinakita ng matapang na propetang ito.
4. Bakit isang hamon para kay Amos na manghula sa Israel?
4 Iniutos ni Jehova kay Amos: “Yumaon ka, manghula ka sa aking bayang Israel.” (Amos 7:15) Mahirap ang atas na iyon. Nang panahong iyon, ang sampung-tribong kaharian ng Israel ay nagtatamasa ng kapayapaan, katiwasayan, at kasaganaan sa materyal. Marami sa kanila ang may mga “bahay na pantaglamig” at mga “bahay na pantag-araw,” na hindi gawa sa ordinaryong laryong putik, kundi sa mamahaling “tinabas na bato.” Ang iba ay may eleganteng mga muwebles na kinalupkupan ng garing at umiinom ng alak na nagmula sa “kanais-nais na mga ubasan.” (Amos 3:15; 5:11) Bunga nito, maraming tao ang mapagwalang-bahala. Sa katunayan, ang teritoryong iniatas kay Amos ay maaaring katulad ng mga lugar kung saan ginaganap ng ilan sa atin ang ministeryo natin sa ngayon.
5. Anong di-tapat na mga bagay ang ginagawa ng ilang Israelita?
5 Hindi naman mali para sa mga Israelita na magkaroon ng materyal na mga pag-aari. Gayunman, ang ilang Israelita ay nagkakamal ng kayamanan sa di-tapat na mga paraan. Ang mayayaman ay “nandaraya sa mga maralita” at “naniniil sa mga dukha.” (Amos 4:1) Nagsasabuwatan ang makapangyarihang mga mangangalakal, hukom, at saserdote upang nakawan ang mga dukha. Balikan natin ang kahapon at pagmasdan ang ginagawa ng mga taong ito.
Nilabag ang Kautusan ng Diyos
6. Paano pinagsamantalahan ng mga mangangalakal na Israelita ang iba?
6 Magtungo muna tayo sa pamilihan. ‘Pinaliliit ng di-tapat na mga mangangalakal doon ang epa’ at ‘pinalalaki ang siklo,’ anupat ipinagbibili pa nga bilang butil ang “pinagbistayan” lamang. (Amos 8:5, 6) Dinadaya ng mga mangangalakal ang kanilang mga parokyano dahil may bawas ang kanilang ipinagbibili, napakataas ng presyo, at mababa ang kalidad. Pagkatapos pagsamantalahan ng mga mangangalakal ang mga dukha hanggang sa mamulubi ang mga ito, kailangan na ngayong ipagbili ng mga ito ang kanilang sarili bilang mga alipin. Pagkatapos nito, binibili sila ng mga mangangalakal “kapalit ng halaga ng isang pares ng sandalyas.” (Amos 8:6) Akalain mo! Itinuturing ng sakim na mga mangangalakal na iyon na kasinghalaga lamang ng sandalyas ang kanilang mga kapuwa Israelita! Kaysakit na panghihiya sa mga nagdarahop, at kaybigat na paglabag sa Kautusan ng Diyos! Ngunit ipinangingilin ng mga mangangalakal ding iyon “ang sabbath.” (Amos 8:5) Oo, relihiyoso sila ngunit sa panlabas lamang.
7. Bakit nagagawang labagin ng mga mangangalakal sa Israel ang Kautusan ng Diyos?
7 Paano nakaiiwas ang mga mangangalakal sa parusa kahit na nilalabag nila ang Kautusan ng Diyos, na nag-uutos: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili”? (Levitico 19:18) Nakaiiwas sila sapagkat ang mga taong nagpapatupad sana ng Kautusan—ang mga hukom—ay kasabuwat nila. Sa pintuang-daan ng lunsod, kung saan inaayos ang legal na mga usapin, ang mga hukom ay ‘tumatanggap ng lagay at nagtataboy sa mga taong dukha.’ Sa halip na ipagsanggalang ang mga dukha, ipinagkakanulo sila ng mga hukom kapalit ng lagay. (Amos 5:10, 12) Kaya winawalang-bahala rin ng mga hukom ang Kautusan ng Diyos.
8. Sa anong paggawi nagbubulag-bulagan ang balakyot na mga saserdote?
8 Samantala, anong papel naman ang ginagampanan ng mga saserdote sa Israel? Upang malaman ito, dapat nating ibaling ang ating pansin sa ibang dako. Tingnan mo ang mga kasalanang kinukunsinti ng mga saserdote “sa bahay ng kanilang mga diyos”! Sa pamamagitan ni Amos, sinabi ng Diyos: “Ang isang lalaki at ang kaniyang sariling ama ay pumaroon sa iisang babae, sa layuning lapastanganin ang aking banal na pangalan.” (Amos 2:7, 8) Akalain mo! Ang mag-amang Israelita ay gumagawa ng seksuwal na imoralidad sa iisang patutot sa templo. At nagbubulag-bulagan ang balakyot na mga saserdoteng iyon sa gayong imoralidad!—Levitico 19:29; Deuteronomio 5:18; 23:17.
9, 10. Anu-ano ang nilalabag ng mga Israelita sa Kautusan ng Diyos, at ano ang katulad nito sa ating panahon?
9 Tinutukoy ang iba pang makasalanang paggawi, sinabi ni Jehova: “Sa mga kasuutang inagaw bilang panagot ay humihiga sila sa tabi ng bawat altar; at ang alak niyaong mga pinagmulta ay iniinom nila sa bahay ng kanilang mga diyos.” (Amos 2:8) Oo, ipinagwawalang-bahala ng mga saserdote at ng mga tao sa pangkalahatan ang batas na nasa Exodo 22:26, 27, na nagsasabing ang kasuutan na kinuha bilang panagot ay kailangang ibalik bago gumabi. Sa halip, ginagamit nila iyon bilang saping mahihiligan habang nagpipiging at umiinom sa huwad na mga diyos. At mula sa mga multang kinuha nila sa mga dukha, bumibili sila ng alak na maiinom sa huwad na relihiyosong mga kapistahan. Napakalayo na ng kanilang paglihis mula sa landas ng dalisay na pagsamba!
10 Hindi man lamang nahiya ang mga Israelita sa paglabag sa dalawang pinakadakilang utos sa Kautusan—ang ibigin si Jehova at ibigin ang kanilang kapuwa-tao. Kaya ipinadala ng Diyos si Amos upang hatulan sila sa kanilang kawalan ng katapatan. Sa ngayon, masasalamin ang tiwaling kalagayan ng sinaunang Israel sa mga bansa sa sanlibutan, pati na sa Sangkakristiyanuhan. Samantalang yumayaman ang ilang tao, marami naman ang naghihirap sa pinansiyal at nasisiraan ng loob dahil sa imoral na mga gawain ng di-tapat na mga lider ng malalaking negosyo, pulitika, at huwad na relihiyon. Subalit nagmamalasakit si Jehova sa mga nagdurusa at sa mga humahanap sa kaniya. Kaya naman, inatasan niya ang kaniyang makabagong-panahong mga lingkod na ganapin ang gawaing tulad ng kay Amos—ipangaral ang Kaniyang salita nang may katapangan.
11. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Amos?
11 Dahil may pagkakatulad ang gawain natin at ang kay Amos, makikinabang tayo nang malaki sa pagsasaalang-alang sa kaniyang halimbawa. Sa katunayan, ipinakikita sa atin ni Amos (1) kung ano ang dapat nating ipangaral, (2) kung paano tayo dapat mangaral, at (3) kung bakit hindi mapahihinto ng mga mananalansang ang ating gawaing pangangaral. Isa-isa nating talakayin ang mga puntong ito.
Kung Paano Natin Matutularan si Amos
12, 13. Paano ipinakita ni Jehova na hindi siya nalulugod sa mga Israelita, at ano ang naging reaksiyon nila?
12 Bilang mga Saksi ni Jehova, nakasentro ang ating ministeryong Kristiyano sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. (Mateo 28:19, 20; Marcos 13:10) Gayunman, itinatawag-pansin din natin ang mga babala ng Diyos, kung paanong ipinahayag ni Amos na hahatulan ni Jehova ang mga balakyot. Halimbawa, ipinakikita ng Amos 4:6-11 na paulit-ulit na niliwanag ni Jehova na hindi siya nalulugod sa Israel. Pinasapit niya sa bayan ang “kakapusan sa tinapay,” “ipinagkait [sa kanila] ang ulan,” sinaktan sila ng “pagkatuyot at amag,” at pinasapit sa kanila ang “salot.” Naudyukan ba nito ang Israel na magsisi? “Hindi kayo nanumbalik sa akin,” ang sabi ng Diyos. Sa katunayan, paulit-ulit na itinakwil ng mga Israelita si Jehova.
13 Pinarusahan ni Jehova ang di-nagsisising mga Israelita. Gayunman, tumanggap muna sila ng makahulang babala. Kasuwato nito, ipinahayag ng Diyos: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng anumang bagay malibang naisiwalat na niya ang kaniyang lihim na bagay sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.” (Amos 3:7) Isiniwalat ng Diyos kay Noe na darating ang Baha at inutusan siyang magbabala. Sa katulad na paraan, sinabi ni Jehova kay Amos na magbigay ng panghuling babala. Nakalulungkot, winalang-bahala ng Israel ang mensaheng iyan mula sa Diyos at hindi sila gumawa ng tamang hakbang.
14. Anu-ano ang mga pagkakatulad ng panahon ni Amos at ng sa atin?
14 Walang-alinlangang sasang-ayon ka na may kapansin-pansing mga pagkakatulad ang panahon ni Amos at ang sa atin. Inihula ni Jesu-Kristo na maraming kalamidad ang magaganap sa panahon ng kawakasan. Inihula rin niya ang pandaigdig na gawaing pangangaral. (Mateo 24:3-14) Gayunman, gaya noong panahon ni Amos, ipinagwawalang-bahala ng karamihan sa mga tao sa ngayon ang mga tanda ng panahon at ang mensahe ng Kaharian. Para sa mga taong ito, ang kahihinatnan nila ay kapareho niyaong sa di-nagsising mga Israelita. Binabalaan sila ni Jehova: “Humanda [kayong] harapin ang [inyong] Diyos.” (Amos 4:12) Naranasan ng mga Israelita ang hatol ng Diyos, o ‘humarap sila sa Diyos,’ nang lupigin sila ng Asirya. Sa ngayon, ‘haharap sa Diyos’ ang di-makadiyos na sanlibutang ito sa Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Gayunman, habang nagtitiis pa si Jehova, hinihimok natin ang pinakamaraming tao hangga’t maaari: “Hanapin ninyo si Jehova, at patuloy kayong mabuhay.”—Amos 5:6.
Pagharap sa Pagsalansang Gaya ni Amos
15-17. (a) Sino si Amazias, at ano ang naging reaksiyon niya sa mga kapahayagan ni Amos? (b) Anu-ano ang ipinaratang ni Amazias laban kay Amos?
15 Matutularan natin si Amos hindi lamang sa kung ano ang ating ipinangangaral kundi maging sa kung paano tayo nangangaral. Ang puntong iyan ay itinatampok sa kabanata 7, kung saan mababasa natin ang tungkol sa saserdote na binanggit sa simula ng ating talakayan. Siya ay “si Amazias na saserdote ng Bethel.” (Amos 7:10) Ang lunsod ng Bethel ay sentro ng apostatang relihiyon ng Israel, na nagsasagawa ng pagsamba sa guya. Kaya si Amazias ay saserdote ng relihiyon ng Estado. Ano ang naging reaksiyon niya sa tahasang mga kapahayagan ni Amos?
16 Sinabi ni Amazias kay Amos: “O tagapangitain, yumaon ka, tumakbo kang patungo sa lupain ng Juda, at doon ay kumain ka ng tinapay, at doon ay makapanghuhula ka. Ngunit sa Bethel ay huwag ka nang gagawa pa ng anumang panghuhula, sapagkat iyon ang santuwaryo ng isang hari at iyon ang bahay ng isang kaharian.” (Amos 7:12, 13) Sa diwa, sinabi ni Amazias: ‘Umuwi ka na! May relihiyon na kami.’ Tinangka rin niyang sulsulan ang pamahalaan upang ipagbawal nito ang mga gawain ni Amos, anupat sinabi kay Haring Jeroboam II: “Si Amos ay nakipagsabuwatan laban sa iyo sa loob mismo ng sambahayan ng Israel.” (Amos 7:10) Oo, pinaratangan ni Amazias si Amos ng pagtataksil sa bayan! Sinabi niya sa hari: “Ito ang sinabi ni Amos, ‘Sa pamamagitan ng tabak ay mamamatay si Jeroboam; at kung tungkol sa Israel, iyon ay walang pagsalang yayaon sa pagkatapon mula sa sarili nitong lupa.’ ”—Amos 7:11.
17 Sa mga salitang iyon, pinagsama-sama ni Amazias ang tatlong mapanlinlang na pangungusap. Sinabi niya: “Ito ang sinabi ni Amos.” Subalit hindi naman kailanman inangkin ni Amos na siya ang pinagmulan ng hula. Sa halip, lagi niyang sinasabi: “Ito ang sinabi ni Jehova.” (Amos 1:3) Pinaratangan din si Amos na sinabi raw niya: “Sa pamamagitan ng tabak ay mamamatay si Jeroboam.” Gayunman, gaya ng nakaulat sa Amos 7:9, inihula ni Amos: “Ako [si Jehova] ay titindig laban sa sambahayan ni Jeroboam taglay ang isang tabak.” Inihula ng Diyos ang kalamidad na iyon para sa “sambahayan” ni Jeroboam, sa kaniyang mga inapo. Karagdagan pa, binanggit ni Amazias na sinabi raw ni Amos: ‘Ang Israel ay walang pagsalang yayaon sa pagkatapon.’ Ngunit inihula rin naman ni Amos na sinumang Israelita na manunumbalik sa Diyos ay tatanggap ng mga pagpapala. Maliwanag, hindi sinabi ni Amazias ang buong katotohanan tungkol sa mga bagay-bagay sa pagtatangkang opisyal na maipagbawal ang gawaing pangangaral ni Amos.
18. Anu-ano ang mga pagkakahawig ng mga pamamaraang ginamit ni Amazias at ng ginagamit ng mga klero sa ngayon?
18 Napansin mo ba ang mga pagkakahawig ng mga pamamaraang ginamit ni Amazias at ng ginagamit ng mga mananalansang ng bayan ni Jehova sa ngayon? Kung paanong sinikap ni Amazias na patahimikin si Amos, sinisikap ding hadlangan ng mga pari, prelado, at patriyarka sa ating panahon ang gawaing pangangaral ng mga lingkod ni Jehova. May-kabulaanang nagparatang si Amazias na nagtataksil si Amos sa bayan. Sa ngayon, may-kabulaanan ding nagpaparatang ang ilang klerigo na banta raw sa pambansang seguridad ang mga Saksi ni Jehova. At kung paanong nagpatulong si Amazias sa hari upang labanan si Amos, ang mga klero ay madalas ding humingi ng suporta sa mga kaalyado nila sa pulitika upang usigin ang mga Saksi ni Jehova.
Hindi Mapahihinto ng mga Mananalansang ang Ating Gawaing Pangangaral
19, 20. Ano naman ang naging reaksiyon ni Amos sa pagsalansang ni Amazias?
19 Ano naman ang naging reaksiyon ni Amos sa pagsalansang ni Amazias? Una, tinanong ni Amos ang saserdote: “Sinasabi mo ba: ‘Huwag kang manghuhula laban sa Israel’?” Walang pag-aatubiling sinambit ng matapang na propeta ng Diyos ang mga salitang tiyak na ayaw marinig ni Amazias. (Amos 7:16, 17) Hindi natakot si Amos. Napakainam na halimbawa para sa atin! May kinalaman sa pagsasalita ng salita ng Diyos, hindi natin susuwayin ang ating Diyos, maging sa mga lupain kung saan nanunulsol ng malupit na pag-uusig ang makabagong-panahong mga Amazias. Tulad ni Amos, patuloy nating ipahahayag: “Ito ang sinabi ni Jehova.” At hindi kailanman mapahihinto ng mga mananalansang ang ating gawaing pangangaral, sapagkat sumasaatin ang “kamay ni Jehova.”—Gawa 11:19-21.
20 Dapat sana ay batid na ni Amazias na mabibigo ang kaniyang mga banta. Naipaliwanag na ni Amos kung bakit walang sinuman sa lupa ang makapipigil sa kaniya sa pagsasalita—at iyan ang ikatlong punto na isasaalang-alang natin. Ayon sa Amos 3:3-8, gumamit si Amos ng serye ng mga tanong at ilustrasyon upang ipakita na ang bawat epekto ay may sanhi. Pagkatapos ay ganito ang pagkakapit niya: “Isang leon ang umungal! Sino ang hindi matatakot? Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ay nagsalita! Sino ang hindi manghuhula?” Sa ibang salita, sinabi ni Amos sa kaniyang mga tagapakinig: ‘Kung paanong imposibleng hindi kayo matakot kapag narinig ninyo ang ungal ng leon, imposible ring hindi ako mapakilos na mangaral ng salita ng Diyos, yamang narinig ko ang utos ni Jehova na gawin ito.’ Ang makadiyos na pagkatakot, o matinding pagpipitagan kay Jehova, ang nagtulak kay Amos na magsalita nang may katapangan.
21. Paano tayo tumutugon sa utos ng Diyos na ipangaral natin ang mabuting balita?
21 Naririnig din natin ang pag-aatas ni Jehova na mangaral. Paano tayo tumutugon? Tulad ni Amos at ng sinaunang mga tagasunod ni Jesus, sinasalita rin natin nang may katapangan ang salita ni Jehova sa tulong Niya. (Gawa 4:23-31) Hindi tayo mapatatahimik ng pag-uusig na udyok ng mga mananalansang ni ng pagwawalang-bahala ng mga pinangangaralan natin. Taglay ang sigasig na gaya ng kay Amos, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nauudyukang magpatuloy sa pagpapahayag ng mabuting balita nang may katapangan. Pananagutan nating babalaan ang mga tao hinggil sa dumarating na paghatol ni Jehova. Ano ang sangkot sa paghatol na iyon? Sasagutin ang tanong na ito sa susunod na artikulo.
Paano Mo Sasagutin?
• Sa ilalim ng anu-anong kalagayan tinupad ni Amos ang kaniyang bigay-Diyos na atas?
• Tulad ni Amos, ano ang dapat nating ipangaral?
• Ano ang dapat nating maging saloobin kapag ginaganap natin ang ating gawaing pangangaral?
• Bakit hindi mapahihinto ng mga mananalansang ang ating gawaing pagpapatotoo?
[Larawan sa pahina 10]
Pinili ng Diyos si Amos, na tagaputi ng igos, upang ganapin ang Kaniyang gawain
[Mga larawan sa pahina 13]
Tulad ni Amos, may-katapangan mo bang ipinahahayag ang mensahe ni Jehova?