“Ang Tolda ng mga Matuwid ay Uunlad”
KAPAG sumiklab ang Har–Magedon at winakasan nito ang balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas, “ang bahay ng mga taong balakyot ay wawasakin.” Kumusta naman “ang tolda ng mga matuwid”? Aba, sa bagong sanlibutan ng Diyos, ito ay “uunlad.”—Kawikaan 14:11.
Gayunman, hangga’t hindi pa sumasapit ang panahong ‘lilipulin ang mga balakyot mula sa mismong lupa at ang mga mapandaya ay bubunutin mula rito,’ ang mga walang kapintasan ay mamumuhay kasama ng mga balakyot. (Kawikaan 2:21, 22) Maaari bang umunlad ang mga matuwid sa ilalim ng ganitong mga kalagayan? Ipinakikita ng mga talata 1 hanggang 11 ng kabanata 14 ng aklat ng Bibliya na Kawikaan na kahit ngayon pa lamang ay matatamasa na natin ang isang antas ng kasaganaan at katatagan kung hahayaan nating patnubayan ng karunungan ang ating pananalita at mga pagkilos.
Kapag Karunungan ang Nagpapatibay sa Sambahayan
Bilang komento hinggil sa impluwensiya ng asawang babae sa kapakanan ng pamilya, si Haring Solomon ng sinaunang Israel ay nagsabi ng ganito: “Ang babaing tunay na marunong ay nagpapatibay ng kaniyang bahay, ngunit ginigiba iyon ng mangmang ng sarili niyang mga kamay.” (Kawikaan 14:1) Paano pinatitibay ng babaing may karunungan ang kaniyang sambahayan? Iginagalang ng isang babaing marunong ang kaayusan ng Diyos sa pagkaulo. (1 Corinto 11:3) Hindi siya naiimpluwensiyahan ng espiritu ng pagsasarili na laganap sa sanlibutan ni Satanas. (Efeso 2:2) Nagpapasakop siya sa kaniyang asawang lalaki at nagsasalita ng mabuti hinggil sa kaniya, anupat pinasisidhi ang paggalang ng iba para sa kaniyang asawa. Ang isang babaing marunong ay gumaganap din ng kaniyang bahagi sa espirituwal at kapaki-pakinabang na pagtuturo sa kaniyang mga anak. Nagpapagal siyang mabuti para sa kapakanan ng kaniyang sambahayan, anupat ginagawang kaayaaya at komportableng lugar ang tahanan para sa pamilya. Makikita sa paraan niya ng pangangasiwa ang pagiging maingat at matalino sa paggamit ng salapi. Ang babaing tunay na marunong ay tumutulong upang mapanatiling sagana at matatag ang kaniyang sambahayan.
Hindi naman iginagalang ng isang babaing mangmang ang kaayusan ng Diyos sa pagkaulo. Hindi siya nangingiming pintasan ang kaniyang asawang lalaki. Palibhasa’y bulagsak, nilulustay niya ang salaping pinaghirapang kitain ng sambahayan. Inaaksaya rin niya ang panahon. Bunga nito, marumi at magulo ang bahay, kung kaya’t nagdurusa ang mga anak sa pisikal at espirituwal. Oo, sinisira ng isang mangmang ang kaniyang sambahayan.
Gayunman, paano malalaman kung marunong o mangmang ang isang tao? Sinasabi sa Kawikaan 14:2: “Ang lumalakad sa kaniyang katuwiran ay natatakot kay Jehova, ngunit ang liko sa kaniyang mga lakad ay humahamak sa Kaniya.” Natatakot sa tunay na Diyos ang isa na matuwid, at “ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” (Awit 111:10) Alam ng isang taong tunay na marunong na obligasyon niyang ‘matakot sa tunay na Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos.’ (Eclesiastes 12:13) Sa kabilang panig, ang isang mangmang ay tumatahak sa landasing salungat sa pamantayan ng katuwiran na itinakda ng Diyos. Liko ang kaniyang mga lakad. Hinahamak ng gayong tao ang Diyos, anupat sinasabi sa kaniyang puso: “Walang Jehova.”—Awit 14:1.
Kapag ang mga Labi ay Napapatnubayan ng Karunungan
Ano ang masasabi hinggil sa pananalita ng isang taong natatakot kay Jehova at ng isa na humahamak sa Kaniya? “Ang tungkod ng kapalaluan ay nasa bibig ng mangmang,” ang sabi ng hari, “ngunit ang mga labi ng marurunong ang magbabantay sa kanila.” (Kawikaan 14:3) Palibhasa’y walang taglay na karunungan mula sa itaas, ang isang taong mangmang ay hindi mapagpayapa ni makatuwiran man. Ang karunungang pumapatnubay sa kaniyang mga hakbang ay makalupa, makahayop, makademonyo. Bumibigkas siya ng mga salitang nakagagalit at mapagmataas. Ang kapalaluan sa kaniyang bibig ay nagdudulot sa kaniya at sa iba ng maraming problema.—Santiago 3:13-18.
Ang labi naman ng isang taong marunong ang nagbabantay, o nagsasanggalang, sa kaniya, anupat nadaragdagan ang kaniyang pagkakontento at kaligayahan. Paano? Sinasabi sa Kasulatan: “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Hindi padalus-dalos ni mapanuya man ang pananalita ng isang taong marunong. Nagbubulay-bulay ang kaniyang puso upang makasagot. (Kawikaan 15:28) Ang kaniyang pananalita na pinag-isipang mabuti ay kagalingan—napasisigla nito ang nanlulumong mga kaluluwa at napagiginhawa ang mga naaapi. Sa halip na makayamot sa iba, itinataguyod ng kaniyang mga labi ang kapayapaan at kahinahunan.
Kapag Pinapatnubayan ng Karunungan ang mga Pagsisikap ng Tao
Inihaharap naman ni Solomon ang isang kawili-wiling kawikaan na waring tumatalakay sa pangangailangang timbangin ang mga bentaha at disbentaha ng ilang gawain. Ang sabi niya: “Kung saan walang mga baka ay malinis ang sabsaban, ngunit ang ani ay sagana dahil sa kalakasan ng toro.”—Kawikaan 14:4.
Bilang komento sa kahulugan ng kawikaang ito, ganito ang sabi ng isang reperensiyang akda: “Ang isang walang lamang labangan [sabsaban] ay nagpapahiwatig na walang mga barakong baka na kailangang pakainin, kaya hindi na kailangang magpakaabala ang isa sa paglilinis at pag-aalaga ng mga hayop, at kakaunti ang magiging mga gastusin. Ngunit ang ‘bentahang’ ito ay pinawawalang-saysay sa t[alata] 4b: ipinahihiwatig na kung hindi gagamit ng mga barakong baka, hindi magiging sagana ang ani.” Kailangang pumili nang may katalinuhan ang magsasaka.
Hindi ba’t maikakapit din ang simulain ng kawikaang ito kung pinag-iisipan nating lumipat ng trabaho, pumili ng isang uri ng pabahay, bumili ng sasakyan, mag-alaga ng hayop, at iba pa? Titimbangin ng isang taong marunong ang mga bentaha at disbentaha at susuriin niya kung sulit bang pagsikapan at gastusan ang isang gawain.
Kapag Marunong ang Isang Saksi
“Ang saksing tapat ay yaong hindi magsisinungaling,” ang patuloy pa ni Solomon, “ngunit ang bulaang saksi ay nagbubunsod ng mga kasinungalingan.” (Kawikaan 14:5) Malaking pinsala ang maidudulot ng mga kasinungalingan ng isang bulaang saksi. Si Nabot na Jezreelita ay binato hanggang sa mamatay dahil dalawang walang-kabuluhang tao ang tumestigo nang may kabulaanan laban sa kaniya. (1 Hari 21:7-13) At hindi ba bulaang mga saksi ang humarap laban kay Jesus, na umakay sa kaniyang kamatayan? (Mateo 26:59-61) Bulaang mga saksi rin ang tumestigo laban kay Esteban—ang unang alagad ni Jesus na pinatay dahil sa kaniyang pananampalataya.—Gawa 6:10, 11.
Maaaring magbalatkayo nang ilang panahon ang isang taong bulaan, subalit isaalang-alang ang kaniyang kinabukasan. Kinapopootan ni Jehova ang “bulaang saksi na nagbubunsod ng mga kasinungalingan,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 6:16-19) Ang magiging bahagi ng gayong tao ay sa lawa na nagniningas sa apoy at asupre—ang ikalawang kamatayan—kasama ng mga manggagawa ng kamalian gaya ng mga mamamaslang, mga mapakiapid, at mga mananamba sa idolo.—Apocalipsis 21:8.
Ang saksing tapat ay hindi lumalabag sa sinumpaang pahayag kapag nagpapatotoo. Hindi nababahiran ng kasinungalingan ang kaniyang patotoo. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na obligado siyang isiwalat ang lahat ng impormasyon sa mga gustong magpahamak sa bayan ni Jehova sa ilang paraan. Hindi isiniwalat ng patriyarkang sina Abraham at Isaac ang ilang impormasyon sa ilang tao na hindi sumasamba kay Jehova. (Genesis 12:10-19; 20:1-18; 26:1-10) Iniligaw ni Rahab ng Jerico ang mga tauhan ng hari. (Josue 2:1-7) Si Jesu-Kristo mismo ay tumatangging magsiwalat ng lahat ng impormasyon kapag ang paggawa nito ay magbubunga ng di-kinakailangang kapinsalaan. (Juan 7:1-10) Sinabi niya: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal.” Bakit? Upang ‘hindi sila bumaling at kayo ay lapain.’—Mateo 7:6.
Kapag “Madali ang Kaalaman”
Taglay ba ng lahat ng tao ang kaalaman? Sinasabi sa Kawikaan 14:6: “Ang manunuya ay naghahangad na makasumpong ng karunungan, at wala naman; ngunit sa may-unawa ay madali ang kaalaman.” Maaaring hangarin ng manunuya, o manlilibak, ang karunungan, subalit mailap sa kaniya ang tunay na karunungan. Palibhasa’y may kapalaluang nililibak ng manunuya ang mga bagay ng Diyos, hindi niya natatamo ang saligang kahilingan para sa karunungan—ang tumpak na kaalaman sa tunay na Diyos. Ang pagmamataas at kapalaluan ay humahadlang sa kaniya na matuto hinggil sa Diyos at magtamo ng karunungan. (Kawikaan 11:2) Bakit pa niya hinahanap ang karunungan? Hindi ibinibigay ng kawikaan ang sagot, subalit malamang na ginagawa niya ito upang isipin ng iba na marunong siya.
“Madali ang kaalaman” para sa isang taong may-unawa. Binibigyang-katuturan ang unawa bilang “pagkaintindi: pag-unawa,” “ang kakayahang maunawaan ang kaugnayan ng espesipikong mga detalye sa pangkalahatang ideya.” Ito ang kakayahang pag-ugnay-ugnayin ang iba’t ibang aspekto ng isang paksa at makita ang kabuuan ng isang bagay, hindi ang paisa-isang bahagi lamang. Ipinakikita ng kawikaang ito na ang kaalaman ay madaling natatamo ng isang tao na may ganitong kakayahan.
Hinggil dito, isaalang-alang ang sarili mong karanasan sa pagkuha ng kaalaman sa katotohanan ng Kasulatan. Nang magsimula kang mag-aral ng Bibliya, malamang na ang una mong natutuhan ay ang saligang mga turo hinggil sa Diyos, sa kaniyang mga pangako, at sa kaniyang Anak. Noong una, naunawaan mo lamang ang mga ito bilang di-magkakaugnay na mga detalye. Subalit habang nagpapatuloy ka sa pag-aaral, nagiging magkakaugnay ang magkakahiwalay na mga detalye at malinaw mo nang nakikita ang koneksiyon ng mga ito sa pangkalahatang layunin ni Jehova para sa tao at sa lupa. Ang katotohanan sa Bibliya ay naging lohikal at magkakasuwato. Mas madali mo nang matutuhan at maalaala ang bagong mga detalye dahil alam mo na kung paano nauugnay ang mga ito sa pangkalahatang ideya.
Nagbababala ang matalinong hari kung kanino hindi masusumpungan ang kaalaman. “Umalis ka sa harap ng taong hangal,” ang sabi niya, “sapagkat tiyak na wala kang mapapansing mga labi ng kaalaman.” (Kawikaan 14:7) Walang tunay na kaalaman ang isang taong hangal. Hindi bumibigkas ng kaalaman ang kaniyang mga labi. Ang payo ay layuan ang gayong tao, at katalinuhan na manatiling hiwalay sa kaniya. Sinumang “nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”—Kawikaan 13:20.
“Ang karunungan ng matalino ay ang pagkaunawa sa kaniyang lakad,” ang patuloy pa ni Solomon, “ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay panlilinlang.” (Kawikaan 14:8) Pinag-iisipang mabuti ng taong marunong ang kaniyang mga gagawin. Isinasaalang-alang niya ang kaniyang mga mapagpipilian at maingat na sinusuri ang posibleng kalalabasan ng bawat isa sa mga ito. Pinipili niya ang kaniyang landasin nang may katalinuhan. Kumusta naman ang isang hangal? Pinipili niya ang mangmang na paraan, anupat inaakalang alam niya ang kaniyang ginagawa at na pinakamahusay na pagpili ang kaniyang ginagawa. Nililinlang siya ng kaniyang kamangmangan.
Kapag Inuugitan ng Karunungan ang mga Ugnayan
May mapayapang pakikipag-ugnayan sa iba ang isa na pinapatnubayan ng karunungan. “Mangmang yaong mga humahamak sa pagkakasala,” ang sabi ng hari ng Israel, “ngunit sa gitna ng mga matuwid ay may pagkakasundo.” (Kawikaan 14:9) Ang panunumbat ng budhi, o taos na pagsisisi, ay isang katawa-tawang bagay para sa mga mangmang. Hindi niya makasundo ang kaniyang pamilya at ang ibang mga tao “dahil masyado siyang palalo upang magsisi” at makipagpayapaan. (The New English Bible) Handa namang palampasin ng taong matuwid ang mga pagkukulang ng iba. Handa siyang humingi ng tawad at magsisi kapag nagkamali siya. Palibhasa’y itinataguyod niya ang kapayapaan, nagtatamasa siya ng maligaya at matatag na pakikipag-ugnayan sa iba.—Hebreo 12:14.
Pagkatapos ay tinukoy ni Solomon ang isang limitasyon sa ugnayan ng mga tao. Sinabi niya: “Nababatid ng puso ang kapaitan ng kaluluwa ng isa, at sa pagsasaya nito ay walang ibang taong manghihimasok.” (Kawikaan 14:10) Lagi ba nating naipahahayag sa iba ang ating niloloob—kalungkutan man o kagalakan—at nasasabi sa kanila ang talagang nararanasan natin? At lagi bang lubusang nauunawaan ng isa kung ano ang nadarama ng ibang tao? Ang sagot sa dalawang tanong na ito ay hindi.
Bilang halimbawa, isaalang-alang ang pagnanais na magpatiwakal. Kadalasang hindi malinaw na naipagtatapat ng isa na may ganitong damdamin ang kaniyang nadarama sa isang miyembro ng pamilya o kaibigan. At hindi laging napapansin ng iba ang mga palatandaan ng gayong damdamin sa kanilang mga kasamahan. Hindi natin dapat sisihin ang ating sarili kung hindi natin napansin ang mga palatandaang ito at kung hindi tayo nakatulong. Itinuturo rin ng kawikaang ito na bagaman nakaaaliw na bumaling sa isang madamaying kaibigan para sa emosyonal na suporta, limitado lamang ang kaaliwang maibibigay ng mga tao. Baka tanging si Jehova lamang ang maaasahan natin kapag binabata ang ilang mahihirap na kalagayan.
“Mahahalagang Pag-aari at Kayamanan ay Nasa Kaniyang Bahay”
“Ang bahay ng mga taong balakyot ay wawasakin,” ang sabi ng hari ng Israel, “ngunit ang tolda ng mga matuwid ay uunlad.” (Kawikaan 14:11) Ang taong balakyot ay maaaring managana sa sistemang ito ng mga bagay at manirahan sa isang magandang bahay, subalit ano ang magiging pakinabang niya rito kapag namatay siya? (Awit 37:10) Sa kabilang panig, baka napakasimple lamang ng tirahan ng isang matuwid. Subalit ang “mahahalagang pag-aari at kayamanan ay nasa kaniyang bahay,” ang sabi ng Awit 112:3. Anu-ano ang mga ito?
Kapag pinapatnubayan ng karunungan ang ating mga salita at gawa, nagtatamasa tayo ng ‘kayamanan at kaluwalhatian’ na kaakibat ng karunungan. (Kawikaan 8:18) Kasama rito ang mapayapang pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa ating kapuwa tao, mabuting kalusugan at kaligayahan, at isang antas ng katatagan. Oo, maaaring umunlad “ang tolda ng mga matuwid” kahit ngayon pa lamang.
[Larawan sa pahina 27]
Pinatitibay ng babaing marunong ang kaniyang bahay
[Larawan sa pahina 28]
“Ang dila ng marurunong ay kagalingan”