Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Dapat bang magbigay ng tip o regalo ang isang Kristiyano sa isang empleado ng gobyerno alang-alang sa mga serbisyo nito, o mamalasin kaya ito na panunuhol?
Saanman sila nakatira, sinisikap ng mga Kristiyano na gamitin ang praktikal na karunungan sa pagharap sa lokal na mga situwasyon, anupat isinasaisip na ang katanggap-tanggap at legal sa isang lupain ay maaaring ganap na di-katanggap-tanggap at ilegal sa ibang lugar. (Kawikaan 2:6-9) Siyempre pa, dapat na laging tandaan ng isang Kristiyano na sinumang nagnanais maging ‘panauhin sa tolda ni Jehova’ ay kailangang umiwas sa panunuhol.—Awit 15:1, 5; Kawikaan 17:23.
Ano ba ang panunuhol? Ayon sa The World Book Encyclopedia, “ang panunuhol ay nangangahulugan ng pagbibigay o pag-aalok ng isang bagay na mahalaga sa isang . . . opisyal ng bayan, anupat kapalit nito ay lalabagin niya ang kaniyang tungkulin o ang batas upang makinabang ang nagbibigay.” Kaya, saanman nakatira ang isa, ang pagbibigay ng salapi o regalo sa isang hukom o pulis upang baluktutin ang katarungan o sa isang inspektor upang ipagwalang-bahala ang isang depekto o paglabag ay panunuhol. Panunuhol din ang pagbibigay ng regalo para matamasa ang pantanging pakikitungo, tulad ng paglilipat sa isang tao sa unahan ng talaan ng mga naghihintay o paglampas sa ibang mga nauna sa pila. Isinisiwalat din ng gayong landasin ang kawalan ng pag-ibig.—Mateo 7:12; 22:39.
Ngunit panunuhol ba ang pagbibigay ng regalo o tip, tulad halimbawa, sa isang lingkod ng bayan upang makatanggap ng legal na serbisyo o upang maiwasan ang di-patas na pakikitungo? Halimbawa, sa ilang lupain, baka ayaw ng mga opisyal na pahintulutang mag-enrol ang mga bata sa paaralan, tanggapin ang isang tao sa ospital, o tatakan ang mga dokumento para sa pangingibang-bayan hangga’t hindi sila nakatatanggap ng tip. O baka ipagpaliban nila ang pagpoproseso sa mga aplikasyon sa pagpapanibago ng mga lisensiya at permit.
Hindi pare-pareho sa iba’t ibang lugar ang mga kaugalian sa pagbibigay ng tip at ang pangkalahatang saloobin hinggil sa mga ito. Sa mga lugar na doo’y kinasanayan na o inaasahan ang gayong pagbibigay, maaaring madama ng ilang Kristiyano na basta’t naaayon ito sa batas, hindi sila lumalabag sa mga simulain ng Bibliya kapag nagbibigay sila ng tip sa isang opisyal upang gampanan nito ang kaniyang tungkulin. Sa ilang lupain, ang gayong mga pagbibigay ay baka ituring pa nga ng mga tao bilang regalo na pandagdag sa mababang sahod ng isang empleado ng bayan. Tandaan na may pagkakaiba ang pagbibigay ng regalo para sa legal na serbisyo at ang panunuhol para sa ilegal na pabor.
Sa kabilang panig, ang ilang Saksi ni Jehova na may legal na mga kahilingan ay hindi nagbibigay ng tip sa mga inspektor, opisyal ng adwana, o sa iba pa kahit na karaniwan na ang gayong pagbibigay ng regalo. Dahil kilalá ang mga Saksi sa kanilang lugar sa paninindigan salig sa budhi at sa kanilang katapatan, kung minsan ay pinakikitunguhan sila gaya ng pakikitungo sa karamihan na tinatrato nang gayon dahil lamang sa nagbibigay sila ng tip.—Kawikaan 10:9; Mateo 5:16.
Bilang sumaryo, dapat na personal na magpasiya ang bawat lingkod ni Jehova kung magbibigay siya ng tip upang tumanggap ng legal na serbisyo o upang umiwas sa di-patas na pakikitungo. Higit sa lahat, dapat niyang itaguyod ang isang landasin na magdudulot sa kaniya ng mabuting budhi, na hindi makauupasala sa pangalan ni Jehova, at hindi makatitisod sa iba.—Mateo 6:9; 1 Corinto 10:31-33; 2 Corinto 6:3; 1 Timoteo 1:5.