“Patuloy Kayong Magbantay”—Sumapit Na ang Oras ng Paghatol!
Ang impormasyon sa araling artikulong ito ay batay sa brosyur na Patuloy na Magbantay! na inilabas sa pandistritong mga kombensiyon na ginanap sa buong daigdig noong 2004/05.
“Patuloy kayong magbantay . . . dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.”—MATEO 24:42.
1, 2. Sa ano angkop na inihalintulad ni Jesus ang kaniyang pagdating?
ANO ang gagawin mo kapag nalaman mong may isang magnanakaw na lihim na nagmamanman at nanloloob sa inyong pamayanan? Upang maingatan ang iyong mga mahal sa buhay at mahahalagang ari-arian, mananatili kang alisto at mapagbantay. Kasi, ang magnanakaw ay hindi naman nagpapadala ng liham para sabihin kung kailan siya darating. Sa kabaligtaran, tahimik at di-inaasahan ang kaniyang pagdating.
2 Hindi lamang miminsang ginamit ni Jesus ang mga paraan ng magnanakaw bilang ilustrasyon. (Lucas 10:30; Juan 10:10) Hinggil sa mga pangyayaring magaganap sa panahon ng kawakasan na hahantong sa kaniyang pagdating upang maglapat ng hatol, nagbabala si Jesus: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. Ngunit alamin ninyo ang bagay na ito, na kung nalaman lamang ng may-bahay kung sa anong pagbabantay darating ang magnanakaw, nanatili sana siyang gising at hindi pumayag na malooban ang kaniyang bahay.” (Mateo 24:42, 43) Kaya inihalintulad ni Jesus ang kaniyang pagdating sa pagdating ng isang magnanakaw—di-inaasahan.
3, 4. (a) Ano ang nasasangkot sa pakikinig sa babala ni Jesus tungkol sa kaniyang pagdating? (b) Anu-anong tanong ang bumabangon?
3 Angkop lamang ang ilustrasyong ito sapagkat hindi malalaman ang eksaktong petsa ng pagdating ni Jesus. Sa hula ring ito, sinabi muna ni Jesus: “May kinalaman sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:36) Kaya naman hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig: “Maging handa . . . kayo.” (Mateo 24:44) Ang mga nakikinig sa babala ni Jesus ay magiging handa, anupat gumagawi nang tama, kailanman siya dumating bilang Tagapaglapat ng Hatol ni Jehova.
4 Bumabangon ang ilang mahahalagang tanong: Ang babala ba ni Jesus ay para lamang sa mga tagasanlibutan, o kailangan ding ‘patuloy na magbantay’ ang tunay na mga Kristiyano? Bakit kailangang-kailangang ‘patuloy na magbantay,’ at ano ang nasasangkot dito?
Isang Babala Para Kanino?
5. Paano natin nalalaman na ang babalang “patuloy kayong magbantay” ay kapit sa tunay na mga Kristiyano?
5 Talaga ngang magiging gaya ng magnanakaw ang pagdating ng Panginoon para sa mga tagasanlibutan, na nagtatakip ng kanilang mga tainga sa babala tungkol sa dumarating na kalamidad. (2 Pedro 3:3-7) Subalit kumusta naman para sa tunay na mga Kristiyano? Sumulat si apostol Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya: “Kayo mismo ang lubusang nakaaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi.” (1 Tesalonica 5:2) Hindi tayo nag-aalinlangan na ‘ang araw ni Jehova ay darating.’ Ngunit nababawasan ba nito ang pangangailangang patuloy na magbantay? Pansinin na ang kaniyang mga alagad ang sinabihan ni Jesus: “Sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mateo 24:44) Nauna rito, nang himukin ni Jesus ang kaniyang mga alagad na patuluyang hanapin ang Kaharian, nagbabala siya: “Manatiling handa, sapagkat sa oras na hindi ninyo sukat akalain ang Anak ng tao ay darating.” (Lucas 12:31, 40) Hindi ba’t maliwanag na ang mga tagasunod niya ang nasa isip ni Jesus nang magbabala siya: “Patuloy kayong magbantay”?
6. Bakit kailangan tayong ‘patuloy na magbantay’?
6 Bakit kailangan tayong ‘patuloy na magbantay’ at “manatiling handa”? Nagpaliwanag si Jesus: “Dalawang lalaki ang mapapasabukid: ang isa ay kukunin at ang isa naman ay iiwan; dalawang babae ang maggigiling sa gilingang pangkamay: ang isa ay kukunin at ang isa naman ay iiwan.” (Mateo 24:40, 41) Yaong napatunayang handa ay “kukunin,” o ililigtas, kapag pinuksa ang di-makadiyos na sanlibutan. Ang iba naman ay “iiwan” sa pagkapuksa dahil buong-kasakiman nilang itinataguyod ang kanilang sariling paraan ng pamumuhay. Malamang na kabilang sa mga ito ang mga indibiduwal na dating naliwanagan ngunit hindi patuloy na nagbantay.
7. Ano ang pagkakataon nating gawin yamang hindi natin alam kung kailan darating ang wakas?
7 Yamang hindi natin alam ang eksaktong araw ng kawakasan ng matandang sistemang ito, nabibigyan tayo ng pagkakataong maipamalas ang kadalisayan ng ating motibo sa paglilingkod sa Diyos. Paano? Baka waring matagal pa naman bago dumating ang wakas. Nakalulungkot sabihin, hinayaan ng ilang Kristiyanong may ganitong damdamin na lumamig ang kanilang sigasig sa paglilingkod kay Jehova. Subalit sa ating pag-aalay, walang-pasubali nating iniharap kay Jehova ang ating sarili upang paglingkuran siya. Batid niyaong mga nakakakilala kay Jehova na hindi makapagpapahanga sa kaniya ang huling-sandaling pagpapamalas ng sigasig. Tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.—1 Samuel 16:7.
8. Paano tayo pinakikilos ng pag-ibig kay Jehova na patuloy na magbantay?
8 Dahil tunay ang ating pag-ibig kay Jehova, lubos nating kinalulugdan ang paggawa ng kaniyang kalooban. (Awit 40:8; Mateo 26:39) At nais nating paglingkuran si Jehova magpakailanman. Hindi nababawasan ang kahalagahan ng pag-asang iyan dahil lamang sa dapat pa tayong maghintay nang mas mahabang panahon kaysa sa inaasahan natin. Higit sa lahat, patuloy tayong nagbabantay sapagkat may-pananabik nating hinihintay ang magiging kahulugan ng araw ni Jehova sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Ang ating taimtim na hangaring mapalugdan ang Diyos ay nagpapakilos sa atin na ikapit ang payo ng kaniyang Salita at unahin ang kaniyang Kaharian sa ating buhay. (Mateo 6:33; 1 Juan 5:3) Isaalang-alang natin kung paano dapat maimpluwensiyahan ng patuloy na pagbabantay ang ating mga desisyon at paraan ng pamumuhay sa araw-araw.
Saan Patungo ang Iyong Buhay?
9. Bakit kailangang-kailangan nang magising ang mga tagasanlibutan sa kahulugan ng ating panahon?
9 Batid ng maraming tao sa ngayon na karaniwan na lamang na nagaganap sa araw-araw ang malulubhang problema at nakagigimbal na mga pangyayari, at maaaring hindi nila gusto ang direksiyon ng kanila mismong buhay. Gayunman, alam ba nila ang tunay na kahulugan ng mga kalagayan sa daigdig? Batid ba nilang nabubuhay na tayo sa “katapusan ng sistema ng mga bagay”? (Mateo 24:3) Nauunawaan ba nila na ang paglaganap ng sakim, marahas, maging ng di-makadiyos na mga saloobin ay nagpapakilala sa mga panahong ito bilang “mga huling araw”? (2 Timoteo 3:1-5) Kailangang-kailangan na nilang magising sa kahulugan ng lahat ng ito at isaalang-alang kung saan patungo ang kanilang buhay.
10. Ano ang dapat nating gawin upang makatiyak na patuloy tayong nagbabantay?
10 Kumusta naman tayo? Araw-araw tayong napapaharap sa mga desisyong nagsasangkot sa ating trabaho, kalusugan, pamilya, at pagsamba. Alam natin ang sinasabi ng Bibliya, at sinisikap nating ikapit ito. Kung gayon, makabubuting tanungin natin ang ating sarili: ‘Hinahayaan ko bang mapalihis ako ng landas dahil sa mga kabalisahan sa buhay? Pinahihintulutan ko bang diktahan ako ng mga pilosopiya ng sanlibutan at ng kaisipan nito sa dapat kong piliin?’ (Lucas 21:34-36; Colosas 2:8) Kailangang patuloy nating ipakita na nagtitiwala tayo kay Jehova nang buong puso natin at na hindi nananalig sa ating sariling pagkaunawa. (Kawikaan 3:5) Sa ganiyang paraan, patuloy tayong ‘makapanghahawakang mahigpit sa tunay na buhay’—buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos.—1 Timoteo 6:12, 19.
11-13. Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawa ng nangyari (a) noong panahon ni Noe? (b) noong panahon ni Lot?
11 Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming babalang halimbawa na makatutulong sa atin upang patuloy na magbantay. Tingnan natin ang nangyari noong panahon ni Noe. Matagal pa bago kumilos ang Diyos, tiniyak muna Niya na naibigay na ang babala. Subalit maliban kay Noe at sa kaniyang sambahayan, hindi nagbigay-pansin ang mga tao. (2 Pedro 2:5) Hinggil dito, sinabi ni Jesus: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:37-39) Ano ang matututuhan natin mula rito? Kung ang sinuman sa atin ay nagpapahintulot na matabunan ng pangkaraniwang mga álalahanín—maging ng mga pang-araw-araw na gawain sa buhay—ang espirituwal na mga gawain na hinihimok ng Diyos na patuloy nating unahin, kailangan nating pag-isipang mabuti ang ating kalagayan.—Roma 14:17.
12 Pag-isipan din natin ang tungkol sa panahon ni Lot. Ang lunsod ng Sodoma, na pinaninirahan ni Lot at ng kaniyang pamilya, ay sagana sa materyal ngunit salat sa moral. Isinugo ni Jehova ang kaniyang mga anghel upang wasakin ang lugar na iyon. Hinimok ng mga anghel si Lot at ang kaniyang pamilya na tumakas mula sa Sodoma at huwag lumingon. Dahil sa panghihimok ng mga anghel, nilisan nga nila ang lunsod. Subalit lumilitaw na nanghinayang ang asawa ni Lot sa kanilang bahay sa Sodoma. Bilang pagsuway, lumingon siya, at pinagbayaran niya ito ng kaniyang buhay. (Genesis 19:15-26) Sa makahulang paraan, nagbabala si Jesus: “Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot.” Kumikilos ba tayo ayon sa babalang iyan?—Lucas 17:32.
13 Yaong mga nakinig sa mga babala ng Diyos ay nakaligtas. Ganiyan ang nangyari kay Noe at sa kaniyang pamilya at kay Lot at sa kaniyang mga anak na babae. (2 Pedro 2:9) Habang binubulay-bulay natin ang babala sa mga halimbawang ito, napalalakas din ang loob natin sa kalakip nitong mensahe ng pagliligtas para sa mga umiibig sa katuwiran. Nalilipos nito ang ating puso ng tiyak na pag-asa sa katuparan ng pangako ng Diyos tungkol sa “mga bagong langit at isang bagong lupa” na sa mga ito ay “tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
“Dumating Na ang Oras ng Paghatol”!
14, 15. (a) Ano ang kalakip sa “oras” ng paghatol? (b) Ano ang nasasangkot sa ‘pagkatakot sa Diyos at pagbibigay sa kaniya ng kaluwalhatian’?
14 Habang patuloy tayong nagbabantay, ano ang maaasahan natin? Inisa-isa ng aklat na Apocalipsis ang mga mangyayari bilang katuparan ng layunin ng Diyos. Napakahalaga na kumilos tayo ayon sa sinasabi nito upang mapatunayan na tayo’y nakahanda. Maliwanag na inilarawan ng hula ang mga pangyayaring magaganap sa “araw ng Panginoon,” na nagsimula nang iluklok si Kristo sa langit noong 1914. (Apocalipsis 1:10) Itinatawag-pansin sa atin ng Apocalipsis ang isang anghel na pinagkatiwalaan ng “walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag.” Ipinahahayag niya sa malakas na tinig: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang oras ng paghatol niya.” (Apocalipsis 14:6, 7) Ang “oras” na iyan ng paghatol ay maikling yugto lamang; kalakip dito ang kapahayagan at paglalapat ng mga hatol na ipinaliliwanag sa hulang iyan. Nabubuhay na tayo ngayon sa yugtong iyan.
15 Sa ngayon, bago magwakas ang oras ng paghatol, tayo ay hinihimok: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.” Ano ang nasasangkot dito? Ang wastong pagkatakot sa Diyos ay dapat na maging dahilan upang maiwasan natin ang kasamaan. (Kawikaan 8:13) Kung pinararangalan natin ang Diyos, makikinig tayo sa kaniya nang may matinding paggalang. Hindi tayo magiging masyadong abala anupat wala na tayong panahon para regular na basahin ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Hindi natin ipagwawalang-bahala ang kaniyang payo na dumalo sa mga pulong Kristiyano. (Hebreo 10:24, 25) Pahahalagahan natin ang pribilehiyo ng paghahayag ng mabuting balita ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos at gagawin natin ito nang buong-kasigasigan. Magtitiwala tayo kay Jehova sa lahat ng panahon at nang ating buong puso. (Awit 62:8) Dahil kinikilala natin na si Jehova ang Soberano ng Sansinukob, pinararangalan natin siya sa pamamagitan ng kusang pagpapasakop sa kaniya bilang Soberano ng ating buhay. Talaga nga bang natatakot ka sa Diyos at nagbibigay sa kaniya ng kaluwalhatian sa lahat ng paraang ito?
16. Bakit natin masasabing natupad na ang paghatol laban sa Babilonyang Dakila na binabanggit sa Apocalipsis 14:8?
16 Patuloy ang Apocalipsis kabanata 14 sa paglalarawan sa kasunod na mga mangyayari sa oras ng paghatol. Ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang unang binanggit: “Isa pa, ang ikalawang anghel, ang sumunod, na nagsasabi: ‘Siya ay bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na!’ ” (Apocalipsis 14:8) Oo, sa pangmalas ng Diyos, ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na. Noong 1919, napalaya na ang pinahirang mga lingkod ni Jehova mula sa pagkaalipin sa maka-Babilonyang mga doktrina at mga gawain, na umalipin sa mga tao at mga bansa sa loob ng maraming milenyo. (Apocalipsis 17:1, 15) Kaya naman simula noon ay naitalaga na nila ang kanilang sarili sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba. Ang pangglobong pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay nagsimula na mula noon.—Mateo 24:14.
17. Ano ang nasasangkot sa paglabas sa Babilonyang Dakila?
17 Hindi lamang iyan ang nasasangkot sa paghatol ng Diyos laban sa Babilonyang Dakila. Malapit na rin ang pangwakas na pagpuksa sa kaniya. (Apocalipsis 18:21) Makatuwiran lamang na himukin ng Bibliya ang mga tao saanmang lugar: “Lumabas kayo sa kaniya [sa Babilonyang Dakila] . . . kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya.” (Apocalipsis 18:4, 5) Paano kaya tayo makalalabas sa Babilonyang Dakila? Nasasangkot dito hindi lamang ang pagputol sa anumang kaugnayan sa huwad na relihiyon. Ang maka-Babilonyang impluwensiya ay makikita sa maraming popular na pagdiriwang at kaugalian, sa kunsintidor na saloobin ng sanlibutan tungkol sa sekso, sa pagtataguyod ng mga libangang may bahid ng espiritismo, at marami pang iba. Upang patuloy na makapagbantay, napakahalagang makita sa ating mga kilos at sa mga hangarin ng ating puso na talagang hiwalay tayo sa Babilonyang Dakila sa anumang paraan.
18. Dahil sa inilalarawan sa Apocalipsis 14:9, 10, ano ang maingat na iniiwasan ng alistong mga Kristiyano?
18 Sa Apocalipsis 14:9, 10, may karagdagan pang paglalarawan hinggil sa ‘oras ng paghatol.’ Isa pang anghel ang nagsabi: “Kung ang sinuman ay sasamba sa mabangis na hayop at sa larawan nito, at tatanggap ng marka sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay, iinom din siya ng alak ng galit ng Diyos.” Bakit? ‘Ang mabangis na hayop at ang larawan nito’ ay mga sagisag ng pamamahala ng tao, na hindi kumikilala sa soberanya ni Jehova. Ang alistong mga Kristiyano ay nag-iingat na huwag maimpluwensiyahan o mamarkahan, sa kanilang saloobin o pagkilos, bilang mga alipin ng mga ayaw kumilala sa kataas-taasang soberanya ng tunay na Diyos, si Jehova. Alam ng mga Kristiyano na naitatag na sa langit ang Kaharian ng Diyos, na wawakasan nito ang lahat ng pamamahala ng tao, at na mananatili ito magpakailanman.—Daniel 2:44.
Huwag Iwala ang Iyong Pagkadama ng Pagkaapurahan!
19, 20. (a) Habang papalapit tayo sa mga huling araw, ano ang tiyak natin na pagsisikapang gawin ni Satanas? (b) Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
19 Habang papalapit tayo sa wakas ng mga huling araw, lalo lamang titindi ang mga panggigipit at mga tukso. Habang naririto tayo sa matandang sistemang ito at sinasalot ng ating sariling di-kasakdalan, apektado tayo ng mga bagay gaya ng paghina ng kalusugan, pagtanda, pagpanaw ng mga minamahal, pagdaramdam, pagkasira ng loob kapag ang iba’y walang interes sa ating mga pagsisikap na ipangaral ang Salita ng Diyos, at iba pa. Huwag natin kailanman kalilimutan na walang ibang hangarin si Satanas kundi samantalahin ang mga panggigipit na kinakaharap natin upang mapilitan tayong sumuko—huminto na sa pangangaral ng mabuting balita o huwag nang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos. (Efeso 6:11-13) Hindi ito ang panahon para mawala ang ating pagkadama ng pagkaapurahan hinggil sa panahong kinabubuhayan natin!
20 Alam ni Jesus na daranas tayo ng matitinding panggigipit upang sumuko, kaya pinayuhan niya tayo: “Patuloy kayong magbantay . . . dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” (Mateo 24:42) Kung gayon, patuloy tayong maging alisto kung nasaan na tayo sa agos ng panahon. Maging mapagbantay tayo laban sa mga pakana ni Satanas na maaaring maging dahilan upang tayo ay bumagal o huminto. Maging kapasiyahan natin na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos nang may higit na sigasig at determinasyon. Oo, panatilihin natin ang pagkadama ng pagkaapurahan habang sinusunod ang babala ni Jesus: “Patuloy kayong magbantay.” Sa paggawa nito, tayo ay magdudulot ng kapurihan kay Jehova at mapapabilang sa mga tatanggap ng walang-hanggang pagpapala mula sa kaniya.
Paano Mo Sasagutin?
• Paano natin nalalaman na ang babala ni Jesus na ‘patuloy na magbantay’ ay kapit sa tunay na mga Kristiyano?
• Anong babalang halimbawa sa Bibliya ang makatutulong sa atin upang ‘patuloy na magbantay’?
• Ano ang oras ng paghatol, at ano ang hinihimok na gawin natin bago ito magwakas?
[Larawan sa pahina 23]
Inihalintulad ni Jesus ang kaniyang pagdating sa pagdating ng isang magnanakaw
[Larawan sa pahina 24]
Malapit na ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila
[Mga larawan sa pahina 25]
Maging kapasiyahan natin na mangaral nang may higit pang sigasig at determinasyon