Armagedon—Isang Maligayang Pasimula
ANG salitang “Armagedon” ay galing sa salitang Hebreo na “Har-Magedon,” o “Bundok ng Megido.” Masusumpungan ito sa Apocalipsis 16:16, na nagsasabi: “Kanilang tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Har-Magedon.” Sinu-sino ang tinitipon sa Armagedon, at bakit? Sa naunang dalawang talata, sa Apocalipsis 16:14, mababasa natin: “[Ang] mga hari ng buong tinatahanang lupa” ay tinitipon “sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Sabihin pa, ang mga pananalitang iyan ay nagbabangon ng karagdagang mga tanong na nakapupukaw ng kaisipan. Saan makikipaglaban ang “mga hari[ng]” ito? Anong usapin ang kanilang paglalabanan, at kanino sila makikipaglaban? Gagamit kaya sila ng mga sandata para sa lansakang paglipol, gaya ng paniwala ng marami? May maliligtas kaya sa Armagedon? Hayaan nating ang Bibliya ang sumagot.
Ang pagtukoy ba sa “Bundok ng Megido” ay nangangahulugan na sa isang espesipikong bundok sa Gitnang Silangan magaganap ang labanan sa Armagedon? Hindi. Una sa lahat, walang umiiral na gayong bundok—sa lugar ng sinaunang Megido, mayroon lamang isang gulod na mga 20 metro ang taas mula sa katabing kapatagang libis. Karagdagan pa, hindi magkakasya sa palibot ng Megido ang lahat ng “mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo.” (Apocalipsis 19:19) Gayunman, ang Megido ang pinangyarihan ng pinakamalulupit at pinakamahahalagang digmaan sa kasaysayan ng Gitnang Silangan. Kaya ang pangalang Armagedon ay sumasagisag sa pangwakas na labanan, na may isang tiyak na magtatagumpay.—Tingnan ang kahong “Megido—Isang Angkop na Sagisag,” sa pahina 5.
Ang Armagedon ay hindi maaaring labanan lamang ng mga bansa sa lupa, dahil sinasabi sa Apocalipsis 16:14 na ang “mga hari sa buong tinatahanang lupa” ay nagkaisa sa pakikipaglaban sa “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Sa kaniyang kinasihang hula, sinabi ni Jeremias na “ang mga mapapatay ni Jehova” ay mangangalat “mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.” (Jeremias 25:33) Samakatuwid, ang Armagedon ay hindi isang digmaan ng tao na magaganap sa isang partikular na lugar sa Gitnang Silangan. Ito ay digmaan ni Jehova, at ito ay pambuong-daigdig.
Gayunman, pansinin na sa Apocalipsis 16:16, ang Armagedon ay tinatawag na isang “dako.” Sa Bibliya, ang “dako” ay maaaring mangahulugan ng isang kalagayan o situwasyon—sa kasong ito, nangangahulugan ito na ang buong daigdig ay magkakaisa laban kay Jehova. (Apocalipsis 12:6, 14) Sa Armagedon, magkakaisa ang lahat ng bansa sa lupa laban sa “mga hukbo na nasa langit” sa ilalim ng militar na pangunguna ng “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” si Jesu-Kristo.—Apocalipsis 19:14, 16.
Kumusta naman ang pag-aangkin na ang Armagedon daw ay magiging isang malawakang pagpuksa na nagsasangkot ng mga sandata para sa lansakang paglipol o isang pagbangga ng isang bagay na nasa kalangitan? Pahihintulutan kaya ng maibiging Diyos ang gayong kahila-hilakbot na wakas ng mga tao at ng kanilang tahanan, ang lupa? Hindi. Espesipiko niyang sinasabi na hindi niya nilalang ang lupa “na walang kabuluhan” kundi ‘inanyuan niya ito upang tahanan.’ (Isaias 45:18; Awit 96:10) Sa Armagedon, hindi wawasakin ni Jehova ang ating daigdig sa pamamagitan ng isang kapaha-pahamak na pagkatupok. Sa halip, ‘ipapahamak niya yaong mga nagpapahamak sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.
Armagedon—Kailan?
Sa nakalipas na mga siglo, ang nananatiling tanong na naging sanhi ng walang-katapusang espekulasyon ay, Kailan darating ang Armagedon? Ang pagsusuri sa aklat ng Apocalipsis sa liwanag ng iba pang bahagi ng Bibliya ay makatutulong sa atin na matiyak kung kailan magaganap ang napakahalagang digmaang ito. Iniuugnay ng Apocalipsis 16:15 ang Armagedon sa pagdating ni Jesus na gaya ng isang magnanakaw. Ang ilustrasyong iyan ay ginamit din ni Jesus sa paglalarawan sa kaniyang pagdating upang maglapat ng hatol sa sistemang ito ng mga bagay.—Mateo 24:43, 44; 1 Tesalonica 5:2.
Gaya ng ipinakita ng katuparan ng mga hula sa Bibliya, nabubuhay na tayo sa mga huling araw ng sistemang ito ng mga bagay mula pa noong 1914.a Ang palatandaan ng dulong bahagi ng mga huling araw ay ang yugto na tinatawag ni Jesus na “malaking kapighatian.” Hindi sinasabi ng Bibliya kung gaano katagal ang yugtong iyon, ngunit ang mga kapahamakang dulot nito ay magiging mas malubha kaysa sa anumang naranasan na ng daigdig. Ang malaking kapighatiang iyon ay magtatapos sa Armagedon.—Mateo 24:21, 29.
Yamang ang Armagedon ay “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” walang magagawa ang mga tao upang pigilin ito. Naglagay si Jehova ng “takdang panahon” kung kailan magsisimula ang digmaang iyon. “Hindi iyon maaantala.”—Habakuk 2:3.
Makikipagdigma sa Makatarungang Paraan ang Diyos ng Katuwiran
Subalit bakit pambuong daigdig ang pakikipagdigma ng Diyos? Ang Armagedon ay may malapit na kaugnayan sa isa sa kaniyang mga pangunahing katangian, ang katarungan. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay maibigin sa katarungan.” (Awit 37:28) Nakita niya ang lahat ng kawalang-katarungan na isinagawa sa buong kasaysayan ng tao. Likas lamang na mapukaw nito ang kaniyang matuwid na galit. Kaya inatasan niya ang kaniyang Anak upang makipagdigma sa makatarungang paraan para puksain ang buong balakyot na sistemang ito.
Tanging si Jehova lamang ang may kakayahang makipagdigma sa tunay na makatarungan at tunay na mapamiling paraan anupat maililigtas ang matuwid-pusong mga indibiduwal, saanman sila naroroon sa lupa. (Mateo 24:40, 41; Apocalipsis 7:9, 10, 13, 14) At siya lamang ang may karapatang magpatupad ng kaniyang soberanya sa buong lupa, sapagkat nilalang niya ito.—Apocalipsis 4:11.
Anu-anong puwersa ang gagamitin ni Jehova laban sa kaniyang mga kaaway? Hindi natin alam iyan. Ang alam lamang natin ay na may magagamit siya upang lubusang wasakin ang balakyot na mga bansa. (Job 38:22, 23; Zefanias 1:15-18) Gayunman, hindi makikilahok sa digmaan ang mga mananamba ng Diyos sa lupa. Ipinahihiwatig ng pangitain sa Apocalipsis kabanata 19 na tanging ang makalangit na mga hukbo lamang ang makikibahagi sa digmaan kasama ni Jesu-Kristo. Hindi makikibahagi ang sinumang Kristiyanong lingkod ni Jehova sa lupa.—2 Cronica 20:15, 17.
Nagbibigay ng Sapat na Babala ang Diyos ng Karunungan
Mayroon bang makaliligtas? Ang totoo, wala sanang dapat mamatay sa Armagedon. Sinabi ni apostol Pedro: “Hindi . . . nais [ni Jehova] na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) At sinabi ni apostol Pablo na “kalooban [ng Diyos] na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.
Sa layuning iyan, may-katalinuhang tiniyak ni Jehova na ang ‘mabuting balita ng kaharian’ ay maipahayag sa buong lupa, sa daan-daang wika. Ang mga tao sa lahat ng dako ay binibigyan ng pagkakataong manatiling buháy at makaligtas. (Mateo 24:14; Awit 37:34; Filipos 2:12) Yaong mga tumutugon nang may pagsang-ayon sa mabuting balita ay maaaring makaligtas sa Armagedon at mabuhay magpakailanman sa kasakdalan sa isang paraisong lupa. (Ezekiel 18:23, 32; Zefanias 2:3; Roma 10:13) Hindi ba’t ito ang aasahan ng isa mula sa Diyos ng pag-ibig?—1 Juan 4:8.
Maaari Bang Makipaglaban ang Isang Diyos ng Pag-ibig?
Gayunman, marami ang nagtataka kung bakit ang isang Diyos na mismong larawan ng pag-ibig ay papatay at pupuksa sa kalakhang bahagi ng sangkatauhan. Maihahambing ang situwasyon sa isang bahay na punô ng ipis. Hindi ba’t sasang-ayon ka na dapat ipagsanggalang ng isang maingat na may-ari ng bahay ang kalusugan at kapakanan ng kaniyang pamilya sa pamamagitan ng paglipol sa mga pesteng iyon?
Sa katulad na paraan, ang masidhing pagmamahal ni Jehova sa mga tao ang dahilan kung kaya kailangang maganap ang digmaan ng Armagedon. Layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa at maging sakdal at mapayapa ang sangkatauhan, anupat “walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Mikas 4:3, 4; Apocalipsis 21:4) Kung gayon, ano ang dapat gawin sa mga nagsasapanganib sa kapayapaan at katiwasayan ng kanilang kapuwa tao? Kailangang lipulin ng Diyos ang gayong “mga peste”—ang hindi na magbabagong mga balakyot—alang-alang sa mga matuwid.—2 Tesalonica 1:8, 9; Apocalipsis 21:8.
Ang karamihan ng alitan at pagbububo ng dugo sa ngayon ay bunga ng pamamahala ng di-sakdal na tao at ng sakim na pagsisikap alang-alang sa kapakanang pambansa. (Eclesiastes 8:9) Palibhasa’y naghahangad na palawakin pa ang kanilang impluwensiya, lubusang ipinagwawalang-bahala ng mga pamahalaan ng tao ang nakatatag na Kaharian ng Diyos. Walang pahiwatig na tatalikuran nila ang kanilang soberanya at magpapasakop sa Diyos at kay Kristo. (Awit 2:1-9) Kung gayon, dapat alisin ang gayong mga pamahalaan upang bigyang-daan ang matuwid na pamamahala ng Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Kristo. (Daniel 2:44) Kailangang maganap ang Armagedon upang malutas nang minsan at magpakailanman ang usapin hinggil sa kung sino ang may karapatang mamahala sa planetang ito at sa sangkatauhan.
Ang aktibong pakikisangkot ni Jehova sa Armagedon ay para sa ikabubuti ng sangkatauhan. Sa harap ng lumalalang mga kalagayan sa daigdig, tanging ang sakdal na pamamahala lamang ng Diyos ang lubusang makasasapat sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Tanging sa pamamagitan lamang ng kaniyang Kaharian mamamayani ang tunay na kapayapaan at kasaganaan. Ano ang mangyayari sa mga kalagayan sa daigdig kung hindi na kikilos ang Diyos magpakailanman? Hindi ba’t patuloy na sasalutin ng pagkakapootan, karahasan, at mga digmaan ang sangkatauhan gaya ng nangyari sa maraming siglong pamamahala ng tao? Ang totoo, ang digmaan ng Armagedon ang isa sa pinakamabubuting bagay na maaaring mangyari sa atin!—Lucas 18:7, 8; 2 Pedro 3:13.
Ang Digmaan na Tatapos sa Lahat ng Digmaan
Maisasagawa ng Armagedon ang isang bagay na hindi kailanman naisagawa ng alinmang digmaan—ang wakas ng lahat ng digmaan. Sino ang hindi umaasam na mawawala na ang pagdidigmaan balang araw? Gayunman, nabigo ang pagsisikap ng tao na wakasan ang digmaan. Ang gayong paulit-ulit na pagkabigo ng tao sa pagtatangkang wakasan ang digmaan ay nagdiriin lamang sa katotohanan ng sinabi ni Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Hinggil sa maisasagawa ni Jehova, nangangako ang Bibliya: “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy.”—Awit 46:8, 9.
Habang ginagamit ng mga bansa ang kani-kanilang nakamamatay na mga sandata laban sa isa’t isa at isinasapanganib na masira ang kapaligiran, kikilos ang Maygawa ng lupa—sa panahon ng Armagedon ng Bibliya! (Apocalipsis 11:18) Samakatuwid, isasagawa ng digmaang ito ang malaon nang pinapangarap ng mga taong may-takot sa Diyos. Ipagbabangong-puri nito ang karapat-dapat na pamamahala ng May-ari ng lupa, ang Diyos na Jehova, sa lahat ng kaniyang nilalang.
Kung gayon, ang Armagedon ay hindi dapat katakutan ng mga taong umiibig sa katuwiran. Sa halip, naglalaan ito ng saligan para umasa. Lilinisin ng digmaan ng Armagedon ang lupa mula sa lahat ng katiwalian at kabalakyutan at bibigyang-daan ang matuwid na bagong sistema ng mga bagay sa ilalim ng pamamahala ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. (Isaias 11:4, 5) Sa halip na isang nakatatakot at kapaha-pahamak na wakas, ang Armagedon ay magiging hudyat ng isang maligayang pasimula para sa matuwid na mga indibiduwal, na mabubuhay mapagkailanman sa isang paraisong lupa.—Awit 37:29.
[Talababa]
a Tingnan Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, kabanata 11, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
MEGIDO—ISANG ANGKOP NA SAGISAG
Ang sinaunang Megido ay matatagpuan sa isang estratehikong lugar na mula roon ay matatanaw ang kanlurang bahagi ng mabungang Libis ng Jezreel, sa hilagang Israel. Kontrolado nito ang nagsasalubong doon na mga ruta ng internasyonal na kalakalan at ng militar. Kaya ang Megido ay naging isang lugar ng mahahalagang digmaan. Ganito ang isinulat ni Propesor Graham Davies sa kaniyang aklat na Cities of the Biblical World—Megiddo: “Ang lunsod ng Megido . . . ay madaling nadaraanan ng mga mangangalakal at mga nandarayuhan mula sa iba’t ibang dako; ngunit kung may sapat na kapangyarihan, mapamamahalaan din nito ang pagdaan sa mga rutang ito anupat makokontrol ang takbo ng kalakalan at digmaan. Kung gayon, hindi nga kataka-taka na ito . . . ay isang importanteng lugar na pinag-aagawan at kapag nakuha na ay buong-sikap na ipinagtatanggol.”
Ang mahabang kasaysayan ng Megido ay nagsimula mahigit 3,500 taon na ang nakalilipas nang talunin doon ng tagapamahala ng Ehipto na si Thutmose III ang mga tagapamahalang Canaanita. Nagpatuloy ito sa loob ng maraming siglo hanggang noong 1918, nang dumanas ng masaklap na pagkatalo ang hukbo ng mga Turko sa kamay ni Heneral Edmund Allenby ng Britanya. Sa Megido pinangyari ng Diyos na dumanas ng kapaha-pahamak na pagkatalo ang Canaanitang hari na si Jabin mula sa kamay ni Hukom Barak. (Hukom 4:12-24; 5:19, 20) Sa lugar na iyon, lubusang tinalo ni Hukom Gideon ang mga Midianita. (Hukom 7:1-22) Doon din napatay sina Haring Ahazias at Haring Josias.—2 Hari 9:27; 23:29, 30.
Kaya angkop na iugnay ang Armagedon sa gayong lugar, yamang iyon ang pinangyarihan ng napakaraming mahahalagang digmaan. Isa itong angkop na sagisag ng ganap na tagumpay ng Diyos laban sa lahat ng sumasalansang na puwersa.
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Mga larawan sa pahina 7]
Sa buong daigdig, ang mga tao ay binibigyan ng babala at ng pagkakataon upang makaligtas sa Armagedon
[Larawan sa pahina 7]
Ang Armagedon ay magiging hudyat ng isang maligayang pasimula