Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya kay Nicodemo: “Walang taong umakyat sa langit maliban sa kaniya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao”?—Juan 3:13.
Si Jesus ay nasa lupa noon, at hindi pa siya umaakyat, o bumabalik, sa langit. Gayunman, matutulungan tayo ng nalalaman natin tungkol kay Jesus at ng konteksto ng kaniyang mga salita upang maunawaan natin ang kaniyang punto.
Si Jesus ay “bumaba mula sa langit” sa diwa na dati siyang nabuhay sa dako ng mga espiritu kasama ng kaniyang Ama, pero nang sumapit ang takdang panahon, ang buhay ng Anak ay inilipat sa bahay-bata ni Maria, kung kaya naisilang si Jesus bilang tao. (Lucas 1:30-35; Galacia 4:4; Hebreo 2:9, 14, 17) Pagkamatay ni Jesus, siya ay bubuhaying muli bilang espiritung nilalang at babalik sa langit upang makasama ni Jehova. Kaya noong malapit na siyang patayin, ipinanalangin ni Jesus: “Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan.”—Juan 17:5; Roma 6:4, 9; Hebreo 9:24; 1 Pedro 3:18.
Noong makipag-usap si Jesus kay Nicodemo, isang Pariseo at guro sa Israel, hindi pa nakababalik si Jesus sa langit. Sabihin pa, walang iba pang tao ang namatay at umakyat sa langit sa dako ng mga espiritu. Sinabi mismo ni Jesus na si Juan Bautista ay isang namumukod-tanging propeta ng Diyos, pero ang “isa na nakabababa sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa sa kaniya.” (Mateo 11:11) At ipinaliwanag ni apostol Pedro na maging ang tapat na si Haring David ay namatay at nasa libingan pa rin; hindi umakyat si David sa langit. (Gawa 2:29, 34) May dahilan kung bakit hindi umakyat sa langit ang mga namatay bago namatay si Jesus sa lupa, gaya nina David, Juan Bautista, at iba pang tapat na tao. Namatay sila bago pa pasinayaan ni Jesus ang daan o pagkakataon para sa mga tao na buhaying muli tungo sa langit. Sumulat si apostol Pablo na si Jesus, gaya ng isang tagapagpauna, ang ‘nagpasinaya ng isang bago at buháy na daan’ tungo sa langit.—Hebreo 6:19, 20; 9:24; 10:19, 20.
Yamang hindi pa noon namamatay at binubuhay-muli si Jesus, ano ang ibig niyang sabihin nang banggitin niya kay Nicodemo: “Walang taong umakyat sa langit maliban sa kaniya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao”? (Juan 3:13) Isaalang-alang ang konteksto, o kung ano ang ipinakikipag-usap ni Jesus kay Nicodemo.
Nang magpunta kay Jesus ang Judiong tagapamahalang iyon sa kadiliman ng gabi upang walang makakita sa kaniya, sinabi sa kaniya ni Jesus: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa iyo, Malibang maipanganak muli ang isa, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.” (Juan 3:3) Bilang tugon, nagtanong si Nicodemo: ‘Paano mangyayari iyon? Paano maipanganganak ang isang tao sa ikalawang pagkakataon?’ Hindi niya maunawaan ang turong ito ng Diyos hinggil sa pagpasok sa Kaharian ng Diyos. May paraan ba para maunawaan niya ito? Oo, pero hindi salig sa pananaw ng tao; walang tao ang makapagtuturo nito sa kaniya sapagkat wala pang nakapunta sa langit at sa gayon ay makapagpapaliwanag hinggil sa pagpasok sa Kaharian. Tanging si Jesus lamang ang makapagpapaliwanag nito. Maaari niyang turuan si Nicodemo at ang iba pa dahil galing na Siya sa langit at sa gayon ay kuwalipikadong magturo sa mga tao hinggil sa gayong mga bagay.
Kaya ipinakikita ng tanong hinggil sa tekstong ito ang isang mahalagang punto hinggil sa pag-aaral sa Salita ng Diyos. Hindi makatuwirang pag-alinlanganan ang isang teksto dahil lamang sa waring mahirap itong maunawaan. Ang isang bahagi ng Bibliya ay dapat unawain alinsunod sa iba pang mga teksto at dapat na maging kasuwato ng mga ito. Karagdagan pa, kadalasan nang ang konteksto—ang kalagayan o ang pinag-uusapan sa teksto—ay makatutulong sa atin na masumpungan ang makatuwiran at lohikal na paliwanag hinggil sa isang tila nakalilitong teksto.