Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Anong pagtatatak ang tinutukoy sa Apocalipsis 7:3?
Ganito ang sinasabi sa Apocalipsis 7:1-3: “Nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na hinahawakang mahigpit ang apat na hangin ng lupa, upang walang hanging humihip sa lupa o sa dagat o sa anumang punungkahoy. At nakakita ako ng isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na may tatak ng Diyos na buháy; at sumigaw siya sa malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkaloobang puminsala sa lupa at sa dagat, na nagsasabi: ‘Huwag ninyong pinsalain ang lupa o ang dagat o ang mga punungkahoy, hanggang sa matapos naming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.’”
Kapag pinakawalan ang “apat na hangin,” magsisimula ang “malaking kapighatian,” ang pagpuksa sa huwad na relihiyon at sa iba pang bahagi ng balakyot na sanlibutang ito. (Apocalipsis 7:14) “Ang mga alipin ng ating Diyos” ay ang mga pinahirang kapatid ni Kristo sa lupa. (1 Pedro 2:9, 16) Kaya ipinahihiwatig ng hulang ito na tapos na ang pagtatatak sa mga kapatid ni Kristo kapag nagsimula ang malaking kapighatian. Subalit ipinahihiwatig ng ibang mga talata sa Bibliya na may naunang pagtatatak sa mga pinahiran. Kaya kung minsan, binabanggit natin na may unang pagtatatak at may pangwakas na pagtatatak. Ano ang kaibahan ng dalawa?
Isaalang-alang natin ang kahulugan ng salitang “matatakan.” Noong sinaunang panahon, ang isang pantatak ay ginagamit upang maglagay ng marka sa isang dokumento. Maaaring tumukoy ang salitang tatak sa mismong marka. Noong panahong iyon, karaniwan nang tinatatakan ang isang dokumento o iba pang mga bagay upang ipakita ang pagiging tunay nito o kung sino ang may-ari nito.—1 Hari 21:8; Job 14:17.
Inihambing ni Pablo ang banal na espiritu sa isang tatak nang sabihin niya: “Siya na gumagarantiya na kayo at kami ay kay Kristo at siya na nagpahid sa atin ay ang Diyos. Inilagay rin niya sa atin ang kaniyang tatak at ibinigay sa atin ang palatandaan niyaong darating, samakatuwid nga, ang espiritu, sa ating mga puso.” (2 Corinto 1:21, 22) Kaya pinahiran ni Jehova ang mga Kristiyanong ito ng kaniyang banal na espiritu upang ipakita na pagmamay-ari niya sila.
Subalit may dalawang yugto sa pagtatatak sa mga pinahiran. Ang unang pagtatatak ay naiiba sa pangwakas na pagtatatak (1) sa layunin at (2) kung kailan ito gagawin. Ang unang pagtatatak ay para sa pagpili ng bagong miyembrong idaragdag sa bilang ng mga pinahirang Kristiyano. Ang pangwakas na pagtatatak ay para pagtibayin na ganap nang naipakita ng pinili at tinatakang indibiduwal na ito ang kaniyang katapatan. Sa pangwakas na pagtatatak na ito, saka lamang permanenteng ilalagay ang tatak ‘sa noo’ ng pinahiran, anupat buong-katiyakang nagpapakilala na siya’y isang subók at tapat na “alipin ng ating Diyos.” Ang pagtatatak na binanggit sa Apocalipsis kabanata 7 ay tumutukoy sa pangwakas na yugto ng pagtatatak na ito.—Apocalipsis 7:3.
Hinggil sa panahon ng unang pagtatatak, sumulat si apostol Pablo sa mga pinahirang Kristiyano: “Kayo rin ay umasa sa kaniya pagkatapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang mabuting balita tungkol sa inyong kaligtasan. Sa pamamagitan din niya, pagkatapos ninyong maniwala, kayo ay tinatakan ng ipinangakong banal na espiritu.” (Efeso 1:13, 14) Sa maraming pagkakataon, ipinakikita ng ulat ng Bibliya na tinatakan nga ang unang-siglong mga Kristiyano di-nagtagal pagkatapos nilang marinig ang mabuting balita at naging mga mananampalataya kay Kristo. (Gawa 8:15-17; 10:44) Ipinakikita ng gayong pagtatatak na sinasang-ayunan sila ng Diyos. Subalit hindi iyon ang pangwakas na pagsang-ayon ng Diyos. Bakit hindi?
Sinabi ni Pablo na ang mga pinahirang Kristiyano ay ‘tinatakan ukol sa araw ng pagpapalaya.’ (Efeso 4:30) Ipinahihiwatig nito na kailangang palipasin ang panahon, karaniwan na ang maraming taon, pagkatapos ng unang pagtatatak na iyon. Dapat manatiling tapat ang mga pinahiran mula sa araw na sila’y matatakan ng banal na espiritu hanggang sa ‘araw na sila’y palayain’ mula sa kanilang katawang laman—iyon ay, hanggang sa kanilang kamatayan. (Roma 8:23; Filipos 1:23; 2 Pedro 1:10) Samakatuwid, sa mismong pagwawakas lamang ng buhay ni Pablo saka niya masasabi: “Natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya. Mula ngayon ay nakalaan para sa akin ang korona ng katuwiran.” (2 Timoteo 4:6-8) Karagdagan pa, sinabi ni Jesus sa isang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano: “Patunayan mong tapat ka maging hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.”—Apocalipsis 2:10; 17:14.
Ang salitang “korona” ay nagbibigay ng karagdagang patotoo na may panahong lilipas mula sa unang pagtatatak hanggang sa pangwakas na pagtatatak. Bakit? Noong sinaunang panahon, kaugalian nang bigyan ng korona ang mananakbong nanalo sa isang takbuhan. Upang makamit ang korona, hindi sapat ang basta sumali sa takbuhan. Dapat niyang tapusin ang takbuhan. Sa katulad na paraan, matatanggap lamang ng mga pinahirang Kristiyano ang korona ng imortal na buhay sa langit kapag nakapagbata sila hanggang sa wakas ng kanilang landasin—mula sa unang pagtatatak hanggang sa pangwakas na pagtatatak.—Mateo 10:22; Santiago 1:12.
Kailan tatanggapin ng nalabi sa mga pinahirang Kristiyano na tumanggap na ng unang pagtatatak ang kanilang pangwakas na pagtatatak? Ang sinumang nabubuhay pa sa lupa ay tatatakan “sa kanilang mga noo” bago sumiklab ang malaking kapighatian. Kapag pinakawalan na ang apat na hangin ng kapighatian, ang lahat ng bumubuo sa espirituwal na Israel ay tumanggap na ng kanilang pangwakas na pagtatatak, bagaman ang ilan ay buháy pa sa laman at naghihintay na matapos ang kanilang makalupang landasin.