Ituro Kung Ano Talaga ang Itinuturo ng Bibliya
‘Gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, at turuan sila.’—MATEO 28:19, 20.
1. Ano ang masasabi hinggil sa sirkulasyon ng Bibliya?
ANG Salita ni Jehova, ang Banal na Bibliya, ay isa sa pinakamatanda at pinakamalawak na naipamahaging aklat sa buong daigdig. Naisalin na ang kabuuan o ang bahagi nito sa mahigit 2,300 wika. Mahigit 90 porsiyento ng populasyon ng lupa ang nakababasa nito sa kanilang katutubong wika.
2, 3. (a) Bakit may kalituhan hinggil sa mga turo ng Bibliya? (b) Anu-anong tanong ang tatalakayin natin?
2 Milyun-milyong tao ang nagbabasa ng isang bahagi ng Bibliya araw-araw. Nabasa na ng ilang indibiduwal ang buong Bibliya nang maraming ulit. Libu-libong relihiyosong grupo ang nagsasabing nakasalig daw sa Bibliya ang kanilang mga turo, pero sila mismo ay hindi magkasundo sa kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Idagdag pa sa kalituhang ito ang matitinding di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga miyembro ng iisang relihiyon. Pinagdududahan ng ilan ang Bibliya, ang pinagmulan nito, at ang kahalagahan nito. Itinuturing naman ito ng marami na isang sagradong aklat na ginagamit lamang sa mga seremonya sa paggawa ng mga panata o sa panunumpa na ang isa ay magsasabi ng katotohanan sa hukuman.
3 Ang totoo, mababasa sa Bibliya ang mapuwersang salita, o mensahe, ng Diyos para sa sangkatauhan. (Hebreo 4:12) Kung gayon, bilang mga Saksi ni Jehova, nais natin na matutuhan ng mga tao kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Nalulugod tayong tuparin ang atas na ibinigay ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod nang sabihin niya: ‘Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, at turuan sila.’ (Mateo 28:19, 20) Sa ating pangmadlang ministeryo, nakakatagpo tayo ng tapat-pusong mga tao na nababalisa dahil sa kalituhan sa relihiyon na laganap sa daigdig. Nais nilang malaman ang katotohanan tungkol sa ating Maylalang at kung ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa kahulugan ng buhay. Isaalang-alang natin ang tatlong katanungan na pinag-iisipan ng maraming tao. Sa bawat paksa, titingnan natin kung ano ang may-kamaliang sinasabi ng mga lider ng relihiyon, at pagkatapos ay rerepasuhin natin kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Ang mga katanungan ay: (1) Nagmamalasakit ba sa atin ang Diyos? (2) Bakit tayo naririto? (3) Ano ang nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay?
Nagmamalasakit ba ang Diyos?
4, 5. Bakit iniisip ng mga tao na hindi nagmamalasakit sa atin ang Diyos?
4 Magsimula tayo sa tanong na, Nagmamalasakit ba sa atin ang Diyos? Nakalulungkot, iniisip ng marami na ang sagot sa tanong na iyan ay hindi. Bakit kaya ganoon ang kanilang nadarama? Ang isang dahilan ay nakatira sila sa isang daigdig na lipos ng poot, digmaan, at pagdurusa. ‘Kung talagang nagmamalasakit ang Diyos,’ ang katuwiran nila, ‘tiyak na hindi niya papayagang mangyari ang gayong masasamang bagay.’
5 May isa pang dahilan kung bakit iniisip ng mga tao na ang Diyos ay walang malasakit. Iyan kasi ang ipinadama sa kanila ng mga lider ng relihiyon. Ano ba ang madalas na sinasabi ng mga klerigo kapag may nangyayaring trahedya? Nang mamatayan ng dalawang maliliit na anak ang isang babae dahil sa aksidente sa sasakyan, ganito ang sinabi ng kanilang ministro: “Kalooban iyan ng Diyos. Kailangan ng Diyos ng dalawa pang anghel.” Ang totoo, kapag nagkokomento ng ganiyan ang mga klerigo, isinisisi nila sa Diyos ang masasamang bagay na nangyayari. Subalit sumulat ang alagad na si Santiago: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Kahit kailan, hindi ang Diyos na Jehova ang dahilan ng kabalakyutan. Sa katunayan, “malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos.”—Job 34:10.
6. Sino ang nasa likod ng kabalakyutan at pagdurusa sa sanlibutang ito?
6 Kung gayon, bakit labis-labis ang kabalakyutan at pagdurusa? Ito ay dahil sa tinanggihan ng sangkatauhan sa pangkalahatan ang Diyos bilang Tagapamahala, anupat ayaw nilang magpasakop sa kaniyang matuwid na mga kautusan at mga simulain. Ang mga tao ay walang kamalay-malay na nagpapasakop sa Kaaway ng Diyos, si Satanas, yamang “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Sa pagkaalam sa katotohanang ito, madaling maunawaan kung bakit umiiral ang masasamang kalagayan. Si Satanas ay masama, lipos ng pagkapoot, mapanlinlang, at malupit. Kaya talagang maaasahan natin na makikita sa sanlibutang ito ang personalidad ng tagapamahala nito. Hindi nga kataka-takang napakalaganap ng kabalakyutan!
7. Ano ang ilang dahilan ng pagdurusang nararanasan natin?
7 Ang isa pang dahilan ng pagdurusang nararanasan natin ay ang di-kasakdalan ng tao. Ang makasalanang mga tao ay may hilig na makipagkompetensiya, at iyon ay kadalasang nagdudulot ng mga digmaan, paniniil, at pagdurusa. Angkop ang sinasabi ng Eclesiastes 8:9: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” Ang isa pang dahilan ng pagdurusa ay ang “panahon at ang di-inaasahang pangyayari.” (Eclesiastes 9:11) Kadalasan, napapahamak ang mga tao dahil nagkataong naroon sila sa isang lugar nang maganap doon ang masamang pangyayari.
8, 9. Paano natin nalaman na talagang nagmamalasakit sa atin si Jehova?
8 Nakaaaliw malaman na hindi si Jehova ang sanhi ng pagdurusa. Pero talaga bang nagmamalasakit ang Diyos sa nangyayari sa ating buhay? Ang nakaaaliw na sagot sa tanong na iyan ay oo! Alam natin na nagmamalasakit si Jehova dahil sinasabi sa atin ng kaniyang kinasihang Salita kung bakit niya pinahihintulutan ang mga tao na itaguyod ang masamang landasin. Dalawang isyu ang nasasangkot sa mga dahilan ng Diyos: ang kaniyang soberanya at ang katapatan ng tao. Yamang siya ang Maylalang na makapangyarihan-sa-lahat, hindi obligado si Jehova na sabihin sa atin kung bakit niya pinahihintulutan ang pagdurusa. Subalit ipinaalam niya ito sa atin dahil nagmamalasakit siya sa atin.
9 Isaalang-alang ang karagdagang ebidensiya na nagmamalasakit sa atin ang Diyos. Siya ay “nasaktan sa kaniyang puso” nang mapunô ng kasamaan ang lupa noong panahon ni Noe. (Genesis 6:5, 6) Iba kaya ang nadarama ng Diyos sa ngayon? Hindi, sapagkat hindi siya nagbabago. (Malakias 3:6) Kinapopootan niya ang kawalang-katarungan at ayaw niyang makitang nagdurusa ang mga tao. Itinuturo ng Bibliya na malapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng pinsalang idinulot ng pamamahala ng tao at ng impluwensiya ng Diyablo. Hindi ba’t nakakakumbinsing patotoo iyan na nagmamalasakit sa atin ang Diyos?
10. Ano ang nadarama ni Jehova tungkol sa pagdurusa ng tao?
10 Ang mga relihiyosong lider ay nagbibigay ng maling impresyon hinggil sa Diyos kapag sinasabi nilang kalooban niya ang mga trahedyang nararanasan natin. Sa kabaligtaran, nananabik si Jehova na wakasan ang pagdurusa ng tao. “Siya ay nagmamalasakit sa inyo,” ang sabi sa 1 Pedro 5:7. Iyan ang talagang itinuturo ng Bibliya!
Bakit Tayo Naririto?
11. Ano ang madalas na sinasabi ng mga relihiyon sa daigdig tungkol sa buhay ng tao sa lupa?
11 Isaalang-alang natin ang ikalawang katanungan na pinag-iisipan ng marami, Bakit tayo naririto? Madalas isagot ng mga relihiyon sa daigdig na pansamantala lamang ang buhay ng tao dito sa lupa. Ang ating lupa ay itinuturing nila na isa lamang hintuang-dako, o tuntungang-bato, patungo sa buhay sa ibang lugar. May-kamaliang itinuturo ng ilang klerigo na wawasakin ng Diyos ang planetang ito balang-araw. Dahil diyan, maraming tao ang nagpasiyang magpakasasa na lamang sa buhay yamang mamamatay rin naman sila sa bandang huli. Ano ba talaga ang itinuturo ng Bibliya kung bakit tayo naririto?
12-14. Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan?
12 Ang Diyos ay may kamangha-manghang layunin para sa lupa at sa sangkatauhan. “Hindi niya nilalang [ang lupa] na walang kabuluhan” kundi ‘inanyuan niya ito upang tahanan.’ (Isaias 45:18) Bukod diyan, “itinatag [ni Jehova] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Ang pagkabatid sa layuning ito ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan ay makatutulong sa atin na maunawaan kung bakit tayo naririto.
13 Ipinakikita ng Genesis kabanata 1 at 2 na inihandang mabuti ni Jehova ang lupa upang maging tirahan ng tao. Sa pagwawakas ng yugto ng paglalang sa ating lupa, ang lahat ng bagay ay “napakabuti.” (Genesis 1:31) Inilagay ng Diyos ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, sa magandang hardin ng Eden at pinaglaanan niya sila ng sagana at masasarap na pagkain. Sinabi sa unang mag-asawang tao: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” Magkakaroon sila ng sakdal na mga anak, palalawakin nila ang kanilang harding tahanan hanggang sa masaklaw nito ang buong lupa, at maibigin nilang pamamahalaan ang mga hayop.—Genesis 1:26-28.
14 Layunin ni Jehova na manahanan magpakailanman sa lupa ang isang sakdal na pamilya ng tao. Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Oo, nilayon ang sangkatauhan na tamasahin ang buhay na walang hanggan sa Paraiso sa lupa. Iyan ang layunin ng Diyos, at iyan ang talagang itinuturo ng Bibliya!
Ano ang Nangyayari sa Atin Kapag Tayo ay Namatay?
15. Ano ang itinuturo ng karamihan sa mga relihiyon sa daigdig tungkol sa nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay?
15 Talakayin natin ngayon ang pangatlong tanong na pinag-iisipan ng marami: Ano ang nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay? Itinuturo ng karamihan sa mga relihiyon sa daigdig na may isang bagay sa loob ng katawan ng isang tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan. Ang ilang relihiyon ay nanghahawakan pa rin sa ideya na pinarurusahan ng Diyos ang mga balakyot sa pamamagitan ng walang-hanggang pagpapahirap sa kanila sa isang maapoy na impiyerno. Pero iyan ba ang katotohanan? Ano ba talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kamatayan?
16, 17. Ayon sa Bibliya, ano ang kalagayan ng patay?
16 Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, ni mayroon pa man silang kabayaran.” Yamang ang mga patay “ay walang anumang kabatiran,” hindi sila nakaririnig, nakakakita, nakapagsasalita, nakadarama, o nakapag-iisip. Hindi na sila magkakaroon ng kabayaran o kita. Paano nga naman sila kikita? Hindi na nila kayang magtrabaho! Karagdagan pa, “ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang paninibugho ay naglaho na,” sapagkat hindi na nila kayang magpahayag ng anumang damdamin.—Eclesiastes 9:5, 6, 10.
17 Ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa paksang ito ay simple at maliwanag—ang patay ay hindi patuloy na nabubuhay sa ibang lugar. Walang anumang humihiwalay sa ating katawan kapag namatay tayo at nananatiling buháy upang isilang na muli sa ibang katawan, gaya ng sinasabi ng mga naniniwala sa reinkarnasyon. Maaari natin itong ilarawan sa ganitong paraan: Ang buhay na tinatamasa natin ay kagaya ng apoy sa kandila. Kapag pinatay ang apoy, hindi ito napunta sa kung saan. Hindi na ito umiiral.
18. Kapag natutuhan ng isang estudyante sa Bibliya na ang mga patay ay wala nang malay, ano ang mga mahihinuha niya?
18 Isip-isipin ang kahalagahan ng isang simple ngunit mapuwersang katotohanang iyan. Kapag natutuhan ng isang estudyante sa Bibliya na ang mga patay ay wala nang malay, madali niyang mahihinuha na gaanuman katindi ang poot ng kaniyang namatay nang mga ninuno noong nabubuhay pa ang mga ito, hindi na nila siya kayang gambalain ngayon. Madali rin niyang mauunawaan na ang kaniyang namatay na mga mahal sa buhay ay hindi na nakaririnig, nakakakita, nakapagsasalita, nakadarama, o nakapag-iisip. Kaya hindi sila nakadarama ng labis-labis na kalungkutan sa purgatoryo o nagdurusa sa isang dako ng maapoy na pagpapahirap. Gayunman, itinuturo ng Bibliya na ang mga namatay na nasa alaala ng Diyos ay muling bubuhayin. Tunay na isang kamangha-manghang pag-asa!—Juan 5:28, 29.
Isang Bagong Aklat na Magagamit Natin sa Ating Ministeryo
19, 20. Bilang mga Kristiyano, ano ang pananagutan natin, at anong pantulong sa pag-aaral ng Bibliya ang pantanging dinisenyo para gamitin natin sa ating ministeryo?
19 Isinaalang-alang natin ang tatlo lamang sa mga tanong na pinag-iisipan ng maraming tao. Sa bawat katanungan, nakita natin na ang itinuturo ng Bibliya ay malinaw at tuwiran. Kaylaking kagalakan na ibahagi ang gayong mga katotohanan sa mga taong nagnanais makaalam kung ano ang itinuturo ng Bibliya! Subalit marami pang ibang mahahalagang bagay na itinatanong ang tapat-pusong mga tao na nangangailangan ng kasiya-siyang mga sagot. Bilang mga Kristiyano, pananagutan nating tulungan sila na masumpungan ang mga sagot sa gayong mga katanungan.
20 Isang hamon na ituro ang mga katotohanan sa Kasulatan sa paraang malinaw at nakaaantig ng puso. Upang magawa iyan, inihanda ng “tapat at maingat na alipin” ang isang aklat na pantanging dinisenyo para magamit natin sa ating ministeryong Kristiyano. (Mateo 24:45-47) Ang 224-na-pahinang aklat na ito ay pinamagatang Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
21, 22. Anu-ano ang ilang kapansin-pansing bahagi ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
21 Ang aklat na ito, na inilabas noong 2005/06 “Makadiyos na Pagkamasunurin” na mga Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, ay mayroong iba’t ibang kapansin-pansing mga bahagi. Halimbawa, mayroon itong limang-pahinang paunang salita na lubhang makatutulong sa pagpapasimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Tiyak na magiging madali para sa iyo na talakayin ang mga larawan at tekstong masusumpungan sa paunang salita. Maaari mo ring gamitin ang materyal sa seksiyong ito upang ipakita sa mga estudyante kung paano hahanapin ang mga kabanata at mga talata sa Bibliya.
22 Simple at malinaw ang istilo ng pagkakasulat ng aklat na ito. Sinikap talagang abutin ang puso ng estudyante sa pamamagitan ng pagsasangkot sa kaniya hangga’t maaari. Ang bawat kabanata ay may pambungad na mga tanong at sa dulo ng bawat kabanata ay may kahon na pinamagatang “Kung Ano ang Itinuturo ng Bibliya.” Makikita sa kahong ito ang maka-Kasulatang mga sagot sa pambungad na mga tanong. Ang maiinam na larawan at mga kapsiyon gayundin ang mga ilustrasyon sa publikasyong ito ay tutulong sa estudyante na maunawaan ang bagong mga ideya. Bagaman ang mga pananalita ng pangunahing bahagi ng aklat na ito ay lubhang pinasimple, may apendise ito na tutulong sa iyo na talakayin nang mas detalyado ang 14 na mahahalagang paksa kung kailangan pa ng estudyante ng karagdagang impormasyon.
23. Anu-ano ang mungkahi hinggil sa paggamit ng aklat na Itinuturo ng Bibliya sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya?
23 Dinisenyo ang aklat na Itinuturo ng Bibliya upang tulungan tayo na turuan ang mga taong may iba’t ibang antas ng edukasyon at nagmula sa iba’t ibang relihiyon. Kung wala pang kaalaman sa Bibliya ang isang estudyante, baka higit sa isang sesyon ng pag-aaral ang kailangan para masaklaw ang isang kabanata. Huwag madaliin ang pagtalakay sa materyal, kundi sikaping abutin ang puso ng estudyante. Kung hindi niya maunawaan ang isang ilustrasyong ginamit sa aklat, ipaliwanag ito sa kaniya o gumamit ng ibang ilustrasyon. Maghandang mabuti, sikaping gamitin ang aklat sa pinakamabisang paraan, at manalangin ukol sa tulong ng Diyos upang ‘magamit mo nang wasto ang salita ng katotohanan.’—2 Timoteo 2:15.
Pahalagahan ang Iyong Di-matutumbasang mga Pribilehiyo
24, 25. Anong di-matutumbasang mga pribilehiyo ang ipinagkaloob ni Jehova sa kaniyang bayan?
24 Binigyan ni Jehova ang kaniyang bayan ng di-matutumbasang mga pribilehiyo. Tinulungan niya tayong malaman ang katotohanan tungkol sa kaniya. Huwag na huwag nating maliitin ang pribilehiyong iyan! Sa katunayan, itinago ng Diyos ang kaniyang mga layunin mula sa mga palalo at isiniwalat ang mga ito sa mga mapagpakumbaba. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol dito: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” (Mateo 11:25) Isang pambihirang karangalan na mapabilang sa mga mapagpakumbaba na naglilingkod sa Soberano ng Sansinukob, si Jehova.
25 Binigyan din tayo ng Diyos ng pribilehiyo na turuan ang iba tungkol sa kaniya. Tandaan na may mga taong nagbibigay ng maling impresyon hinggil sa Diyos at nagtuturo ng mga kasinungalingan tungkol sa kaniya. Kaya naman maling-mali ang pagkakilala ng marami tungkol kay Jehova, anupat iniisip nilang siya ay walang malasakit at manhid. Handa ka ba, at nananabik pa nga, na iwasto ang maling pagkakilala kay Jehova? Gusto mo bang malaman ng tapat-pusong mga tao sa lahat ng dako ang katotohanan tungkol sa Diyos? Kung gayon, ipakita ang iyong makadiyos na pagkamasunurin sa pamamagitan ng pagiging masigasig sa pangangaral at pagtuturo sa iba kung ano ang sinasabi ng Kasulatan hinggil sa napakahalagang mga paksa. Kailangang malaman ng mga naghahanap ng katotohanan kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya.
Anu-ano ang Iyong Sagot?
• Paano natin nalaman na nagmamalasakit sa atin ang Diyos?
• Bakit tayo naririto sa lupa?
• Ano ang nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay?
• Anu-anong bahagi ng aklat na Itinuturo ng Bibliya ang partikular mong pinahahalagahan?
[Mga larawan sa pahina 22]
Itinuturo ng Bibliya na magwawakas ang pagdurusa
[Credit Lines]
Kanan sa itaas, batang babae: © Bruno Morandi/age fotostock; kaliwa, babae: AP Photo/Gemunu Amarasinghe; kanan sa ibaba, mga lumikas: © Sven Torfinn/Panos Pictures
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga matuwid ay mabubuhay magpakailanman sa Paraiso