Mayroon Ka Bang Imortal na Kaluluwa?
Tayo ba’y basta laman at dugo lamang? O may iba pang elemento na bumubuo sa atin? Pansamantala lamang ba ang buhay natin? O mayroon bang di-nakikitang bahagi natin na nananatiling buháy pagkamatay natin?
BAGAMAN maraming nakalilitong paniniwala ang mga relihiyon sa daigdig tungkol sa Kabilang-Buhay, karamihan sa kanila ay nagkakatulad sa isang saligang kaisipan: May isang bagay na imortal sa loob ng isang tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay niya. Maraming tao ang naniniwala na ang “bagay” na ito ay ang kaluluwa. Ano ang paniniwala mo? Tayo ba ay binubuo ng laman at kaluluwa? Ano ba ang kaluluwa? May imortal na kaluluwa ba ang mga tao? Napakahalaga ngang malaman ang katotohanan kung ano talaga tayo!
“Ang Tao ay Naging Isang Kaluluwang Buháy”
Ang “kaluluwa” ba ay bahagi ng isang tao na humihiwalay sa katawan at nananatiling buháy pagkamatay niya? Ayon sa Holman Illustrated Bible Dictionary, “madalas na iniuugnay ang kaluluwa sa buong persona.” Halimbawa, sinasabi sa Genesis 2:7: “Pinasimulang anyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa at inihihip sa mga butas ng kaniyang ilong ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” Ang unang tao, si Adan, ay isang kaluluwa.
Sinusuportahan ng iba pang mga teksto sa Bibliya ang ideya na ang salitang “kaluluwa” ay maaaring tumukoy sa buong persona. Halimbawa, binabanggit ng Bibliya na nagtatrabaho ang kaluluwa. (Levitico 23:30) Sinasabi rin na ang kaluluwa ay hindi makatiis, naiinis, napupuyat, natatakot, at nanlulumo. (Hukom 16:16; Job 19:2; Awit 119:28; Gawa 2:43; 1 Tesalonica 5:14) Ganito ang sinasabi sa Roma 13:1 tungkol sa kaluluwa bilang persona: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” At sa 1 Pedro 3:20, mababasa natin: “Noong mga araw ni Noe, . . . iilang tao, samakatuwid nga, walong kaluluwa, ang dinalang ligtas sa tubig.” Walang binabanggit sa mga tekstong ito na nagpapahiwatig na ang kaluluwa ay isang di-pisikal na katauhan na nananatiling buháy pagkamatay ng isa.
Kumusta naman ang mga hayop at halaman? Kaluluwa rin ba ang mga ito? Isaalang-alang kung paano inilalarawan ng Bibliya ang paglalang sa mga hayop. “Bukalan ang tubig ng kulupon ng mga kaluluwang buháy,” ang utos ng Diyos. Nang sumunod na araw ng paglalang, sinabi ng Diyos: “Bukalan ang lupa ng mga kaluluwang buháy ayon sa kani-kanilang uri, maamong hayop at gumagalang hayop at mailap na hayop sa lupa ayon sa uri nito.” (Genesis 1:20, 24) Kaya lahat ng nilalang na buháy—tao man o hayop—ay mga kaluluwa. Hindi tinutukoy ng Bibliya ang mga halaman bilang mga kaluluwa.
Ang salitang “kaluluwa” ay ginagamit sa isa pang diwa. Ganito ang mababasa natin sa Job 33:22: “Ang kaniyang kaluluwa ay nalalapit sa hukay, at ang kaniyang buhay doon sa mga pumapatay.” Sa tekstong ito, magkasingkahulugan ang mga salitang “kaluluwa” at “buhay,” kung saan ang unang termino ay nagbibigay ng karagdagang detalye sa kahulugan ng ikalawang termino. Kung gayon, ang “kaluluwa” ay maaari ding tumukoy sa buhay ng isang persona. Kaya nang banggitin ng Kasulatan ang tungkol sa mga kaaway ni Moises na humahanap sa kaniya para patayin siya, tinukoy sila bilang “ang lahat ng tao na naghahanap sa [kaniyang] kaluluwa.” (Exodo 4:19) At tungkol naman kay Jesu-Kristo, sinasabi ng Bibliya: ‘Ang Anak ng tao ay dumating upang ibigay ang kaniyang kaluluwa [buhay] bilang pantubos na kapalit ng marami.’—Mateo 20:28.
Simple at hindi nagkakasalungatan ang kahulugan ng “kaluluwa” sa Bibliya. Maaaring tumukoy ang salitang ito sa isang tao o sa isang hayop o sa buhay nila. Gaya ng makikita natin, ang ideyang ito ay kasuwato ng sinasabi ng Bibliya na nangyayari sa kaluluwa kapag namatay ang isang tao.
‘Ang Kaluluwa na Nagkakasala ay Mamamatay’
Sinasabi ng Bibliya: “Ang kaluluwa na nagkakasala—iyon mismo ang mamamatay.” (Ezekiel 18:4) Palibhasa’y nababagabag ang propetang si Elias, “pinasimulan niyang hilingin na ang kaniyang kaluluwa ay mamatay na sana.” (1 Hari 19:4) Gayundin si Jonas, ‘patuloy niyang hiniling na mamatay na ang kaniyang kaluluwa.’ (Jonas 4:8) Oo, namamatay ang kaluluwa kapag namatay ang tao; hindi ito imortal. Yamang ang isang tao ay kaluluwa, kapag sinabing namatay ang isa, nangangahulugan itong namatay ang kaniya mismong kaluluwa.
Kumusta naman ang mga teksto sa Bibliya na nagsasabing ang kaluluwa ay naglalaho at nagbabalik? Ganito ang sinasabi ng Bibliya nang magsilang si Raquel ng isang anak na lalaki: “Habang naglalaho ang kaniyang kaluluwa (sapagkat namatay siya) ay tinawag niyang Ben-oni ang pangalan nito; ngunit tinawag itong Benjamin ng kaniyang ama.” (Genesis 35:18) At tungkol naman sa pagkabuhay-muli ng anak na lalaki ng isang babaing balo, sinasabi sa 1 Hari 17:22: “Nakinig si Jehova sa tinig ni Elias [sa panalangin], anupat ang kaluluwa ng bata ay bumalik sa kaniya at siya ay nabuhay.” Ipinakikita ba ng mga tekstong ito na ang kaluluwa ay isang di-nakikita, at tila-aninong bahagi na maaaring umalis o bumalik sa katawan?
Buweno, tandaan na ang isang kahulugan ng salitang “kaluluwa” ay “buhay.” Kaya nang naglaho ang kaluluwa ni Raquel, nangangahulugan ito na naglaho ang kaniyang buhay. Sa katunayan, sa ilang salin ng Bibliya, ang pariralang “naglalaho ang kaniyang kaluluwa” ay isinalin na “unti-unting naglalaho ang kaniyang buhay” (Knox) at “hinugot niya ang kaniyang huling hininga” (Jerusalem Bible). Sa katulad na paraan, ang mismong buhay ang bumalik sa anak na lalaki ng babaing balo.—1 Hari 17:23.
Kung Ano ang Tao
Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya kung ano ang kayarian ng tao. Wala siyang kaluluwa; siya mismo ang kaluluwa. Kaya yamang iyan ang kayarian ng tao—ang kaniyang kalikasan—ang tanging pag-asa para mabuhay sa hinaharap ang isang namatay na ay ang pagkabuhay-muli. Nangangako ang Bibliya: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Jesus] at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga gumawa ng buktot na mga bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa paghatol.” (Juan 5:28, 29) Ang maaasahang pangakong iyan ng pagkabuhay-muli—hindi ang turo ng imortalidad ng kaluluwa—ang saligan ng tunay na pag-asa para sa mga patay.
Napakahalaga ngang magkaroon ng tumpak na kaalaman hinggil sa pagkabuhay-muli at sa kahulugan nito para sa sangkatauhan! Mahalaga rin ang kaalaman sa Diyos at kay Kristo, sapagkat sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong komunidad na tulungan kang mag-aral ng Bibliya upang lumago ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, sa kaniyang Anak, at sa Kaniyang mga pangako. Inaanyayahan ka naming makipag-ugnayan sa mga Saksi o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Mga larawan sa pahina 4]
Ang lahat ng ito ay kaluluwa
[Credit Line]
Kambing: CNPC—Centro Nacional de Pesquisa de Caprinos (Sobral, CE, Brasil)