‘Patuloy Ka Bang Lalakad Ayon sa Espiritu’?
“Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi kayo kailanman magsasagawa ng makalamang pagnanasa.”—GALACIA 5:16.
1. Paano maaalis ang kabalisahan na nagkasala tayo laban sa espiritu?
MAY paraan para maalis ang kabalisahan na nagkasala tayo laban sa banal na espiritu ni Jehova. Ito ay sa pamamagitan ng pagsunod sa sinabi ni apostol Pablo: “Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi kayo kailanman magsasagawa ng makalamang pagnanasa.” (Galacia 5:16) Kung hahayaan nating akayin tayo ng espiritu ng Diyos, hindi tayo madaraig ng maling mga pagnanasa ng laman.—Roma 8:2-10.
2, 3. Paano tayo makikinabang kung patuloy tayong lalakad ayon sa espiritu?
2 Habang ‘patuloy tayong lumalakad ayon sa espiritu,’ pakikilusin tayo ng aktibong puwersa ng Diyos na sundin si Jehova. Maipakikita natin ang makadiyos na mga katangian sa ating ministeryo, sa kongregasyon, sa tahanan, at saanman. Makikita ang mga bunga ng espiritu sa pakikitungo natin sa ating asawa, mga anak, kapananampalataya, at sa iba pa.
3 Ang pamumuhay “ayon sa espiritu mula sa pangmalas ng Diyos” ay tutulong sa atin na huminto sa paggawa ng kasalanan. (1 Pedro 4:1-6) Kung nagpapaakay tayo sa espiritu, tiyak na hindi tayo makagagawa ng di-mapatatawad na kasalanan. Subalit sa anu-ano pang paraan tayo makikinabang kung patuloy tayong lalakad ayon sa espiritu?
Manatiling Malapít sa Diyos at kay Kristo
4, 5. Paano nakaaapekto sa ating pangmalas kay Jesus ang paglakad ayon sa espiritu?
4 Dahil lumalakad tayo ayon sa banal na espiritu, napananatili natin ang malapít na kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang Anak. Hinggil sa espirituwal na mga kaloob, ganito ang isinulat ni Pablo sa mga kapananampalataya sa Corinto: “Nais kong ipaalam sa inyo [mga dating mananamba sa idolo] na walang sinumang nagsasalita sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos ang nagsasabi: ‘Si Jesus ay isinumpa!’ at walang sinuman ang makapagsasabi: ‘Si Jesus ay Panginoon!’ maliban nang sa pamamagitan ng banal na espiritu.” (1 Corinto 12:1-3) Anumang espiritu, o saloobin, na nag-uudyok sa mga tao na sumpain si Jesus ay tiyak na nagmula kay Satanas na Diyablo. Gayunman, bilang mga Kristiyano na lumalakad ayon sa banal na espiritu, kumbinsido tayo na ibinangon ni Jehova si Jesus mula sa mga patay at ginawa siyang nakahihigit kaysa sa lahat ng iba pang nilalang. (Filipos 2:5-11) Nananampalataya tayo sa haing pantubos ni Kristo at tinatanggap natin si Jesus bilang Panginoon na inatasan ng Diyos upang manguna sa atin.
5 Itinanggi ng ilang nag-aangking Kristiyano noong unang siglo C.E. na dumating si Jesus sa laman. (2 Juan 7-11) Dahil sa pagtanggap sa maling pangmalas na iyon, tinanggihan ng ilan ang tunay na mga turo hinggil kay Jesus, ang Mesiyas. (Marcos 1:9-11; Juan 1:1, 14) Hindi tayo madaraig ng gayong apostasya kung lumalakad tayo ayon sa banal na espiritu. Subalit patuloy lamang nating matatanggap ang di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova at ‘patuloy tayong makalalakad sa katotohanan’ kung mananatili tayong mapagbantay sa ating espirituwalidad. (3 Juan 3, 4) Kaya maging determinado nawa tayong tanggihan ang lahat ng uri ng apostasya upang mapanatili natin ang matibay na kaugnayan sa ating makalangit na Ama.
6. Sa tulong ng aktibong puwersa ng Diyos, anu-anong katangian ang makikita sa mga lumalakad ayon sa espiritu?
6 Ang apostasya sa pamamagitan ng muling pagbaling sa idolatriya at ang mga sekta ay itinala ni Pablo kasama ng iba pang “mga gawa ng laman” gaya ng pakikiapid at mahalay na paggawi. Subalit ipinaliwanag niya: “Ibinayubay niyaong mga kay Kristo Jesus ang laman kasama ng mga pita at mga pagnanasa nito. Kung tayo ay nabubuhay ayon sa espiritu, magpatuloy rin tayong lumakad nang maayos ayon sa espiritu.” (Galacia 5:19-21, 24, 25) Sa tulong ng aktibong puwersa ng Diyos, anu-anong katangian ang makikita sa mga namumuhay at lumalakad ayon sa espiritu? Isinulat ni apostol Pablo: “Ang mga bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Galacia 5:22, 23) Isaalang-alang natin ang mga aspektong ito ng mga bunga ng espiritu.
“Mag-ibigan sa Isa’t Isa”
7. Ano ang pag-ibig, at ano ang ilan sa mga katangian nito?
7 Kadalasang nauugnay sa pag-ibig—isa sa mga bunga ng espiritu—ang masidhing pagmamahal, walang-pag-iimbot na pagmamalasakit sa iba, at matalik na kaugnayan sa kanila. Sinasabi ng Kasulatan na “ang Diyos ay pag-ibig” sapagkat siya mismo ang personipikasyon ng katangiang iyon. Ang haing pantubos ni Jesu-Kristo ay katibayan ng dakilang pag-ibig ng Diyos at ng kaniyang Anak para sa sangkatauhan. (1 Juan 4:8; Juan 3:16; 15:13; Roma 5:8) Nakikilala tayo bilang mga tagasunod ni Jesus dahil sa ating pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Sa katunayan, inuutusan tayo na “mag-ibigan sa isa’t isa.” (1 Juan 3:23) At sinabi ni Pablo na ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Hindi ito mapanibughuin, hindi nagyayabang, hindi gumagawi nang hindi disente, o naghahanap ng sarili nitong kapakanan. Ang pag-ibig ay hindi napupukaw sa galit o nagbibilang ng pinsala. Nagsasaya ito sa katotohanan, hindi sa kalikuan. Tinitiis, pinaniniwalaan, inaasahan, at binabata ng pag-ibig ang lahat ng bagay. Bukod diyan, hindi ito kailanman nabibigo.—1 Corinto 13:4-8.
8. Bakit dapat nating ibigin ang ating mga kapananampalataya?
8 Kung hahayaan nating udyukan tayo ng espiritu ng Diyos na magpakita ng pag-ibig, ang katangiang ito ay makikita sa ating kaugnayan sa Diyos at sa kapuwa. (Mateo 22:37-39) “Siya na hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan,” ang sulat ni apostol Juan. “Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan na nananatili sa kaniya.” (1 Juan 3:14, 15) Ang isang mamamatay-tao ay maaari lamang manatili sa isang kanlungang lunsod sa Israel kung hindi niya kinapopootan ang kaniyang napatay. (Deuteronomio 19:4, 11-13) Kung nagpapaakay tayo sa banal na espiritu, magpapakita tayo ng pag-ibig sa Diyos, sa mga kapananampalataya, at sa iba.
“Ang Kagalakan kay Jehova ang Inyong Moog”
9, 10. Ano ang kagalakan, at ano ang ilang dahilan para magalak?
9 Ang kagalakan ay masidhing kaligayahan. Si Jehova ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11; Awit 104:31) Nalulugod ang Anak na gawin ang kalooban ng Ama. (Awit 40:8; Hebreo 10:7-9) At “ang kagalakan kay Jehova ang [ating] moog.”—Nehemias 8:10.
10 Ang kagalakang nagmumula sa Diyos ay nagdudulot sa atin ng matinding kasiyahan kapag ginagawa natin ang kalooban Niya sa kabila ng kahirapan, pighati, o pag-uusig. Masidhing kaligayahan nga ang idinudulot sa atin ng “mismong kaalaman sa Diyos”! (Kawikaan 2:1-5) Ang ating kaugnayan sa Diyos ay nagdudulot ng kagalakan at nakasalig sa tumpak na kaalaman at pananampalataya sa kaniya at sa haing pantubos ni Jesus. (1 Juan 2:1, 2) Ang pagiging bahagi ng nag-iisang tunay na internasyonal na kapatiran ay pinagmumulan din ng kagalakan. (Zefanias 3:9; Hagai 2:7) Ang pag-asa natin hinggil sa Kaharian at ang dakilang pribilehiyo na ihayag ang mabuting balita ay nagpapagalak sa atin. (Mateo 6:9, 10; 24:14) Gayon din ang pag-asang buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Yamang mayroon tayong gayong kamangha-manghang pag-asa, dapat na ‘lubusan tayong magalak.’—Deuteronomio 16:15.
Maging Mapagpayapa at Magpakita ng Mahabang Pagtitiis
11, 12. (a) Ano ang ibig sabihin ng kapayapaan? (b) Ano ang nagiging epekto sa atin ng kapayapaan mula sa Diyos?
11 Ang kapayapaan—isa pang bunga ng espiritu—ay ang pagiging panatag at hindi nababalisa. Ang ating makalangit na Ama ang Diyos ng kapayapaan, at binibigyan tayo ng katiyakan: “Pagpapalain ni Jehova ng kapayapaan ang kaniyang bayan.” (Awit 29:11; 1 Corinto 14:33) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan, ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan.” (Juan 14:27) Paano ito makatutulong sa kaniyang mga tagasunod?
12 Dahil sa kapayapaang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad, naging panatag ang kanilang puso at isip at naibsan ang kanilang takot. Nakadama sila ng higit pang kapayapaan nang tanggapin nila ang ipinangakong banal na espiritu. (Juan 14:26) Dahil sa impluwensiya ng espiritu at bilang sagot sa ating mga panalangin sa ngayon, nakadarama tayo ng walang-kahulilip na “kapayapaan ng Diyos,” anupat nagiging panatag ang ating puso at isip. (Filipos 4:6, 7) Bukod diyan, tinutulungan tayo ng espiritu ni Jehova na maging mahinahon at mapagpayapa sa pakikitungo sa ating mga kapananampalataya at sa iba pa.—Roma 12:18; 1 Tesalonica 5:13.
13, 14. Ano ang mahabang pagtitiis, at bakit dapat nating ipakita ang katangiang ito?
13 Ang mahabang pagtitiis ay nauugnay sa pagiging mapagpayapa sapagkat nangangahulugan ito ng matiyagang pagbabata sa nakayayamot na situwasyon o maling gawa, sa pag-asang bubuti pa ang situwasyon. Ang Diyos ay may mahabang pagtitiis. (Roma 9:22-24) Ipinakikita rin ni Jesus ang katangiang ito. Maaari tayong makinabang sa kabaitan ni Jesus, yamang isinulat ni Pablo: “Ang dahilan kung bakit ako pinagpakitaan ng awa ay upang sa pamamagitan ko bilang pangunahing halimbawa ay maipakita ni Kristo Jesus ang lahat ng kaniyang mahabang pagtitiis bilang isang uliran niyaong mga maglalagak ng kanilang pananampalataya sa kaniya ukol sa buhay na walang hanggan.”—1 Timoteo 1:16.
14 Ang mahabang pagtitiis ay tumutulong sa atin na makapagbata kapag ang iba ay nakapagsabi o nakagawa ng mga bagay na nakasasakit o hindi pinag-iisipan. Hinimok ni Pablo ang mga kapuwa Kristiyano: “Magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.” (1 Tesalonica 5:14) Yamang lahat tayo ay di-sakdal at nagkakamali, tiyak na nanaisin nating pagpasensiyahan tayo ng iba, at na magpakita sila ng mahabang pagtitiis sa atin kapag nagkamali tayo sa pakikitungo sa kanila. Kaya sikapin nawa nating “magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.”—Colosas 1:9-12.
Magpakita ng Kabaitan at Kabutihan
15. Ipaliwanag kung ano ang kabaitan, at magbigay ng mga halimbawa nito.
15 Naipamamalas natin ang kabaitan kapag nagpapakita tayo ng interes sa iba sa pamamagitan ng palakaibigan at makonsiderasyong mga salita at gawa. Mabait si Jehova, gayundin ang kaniyang Anak. (Roma 2:4; 2 Corinto 10:1) Inaasahan na magiging mabait ang mga lingkod ng Diyos at ni Kristo. (Mikas 6:8; Colosas 3:12) Maging ang ilan na walang personal na kaugnayan sa Diyos ay nakapagpakita ng “pambihirang makataong kabaitan.” (Gawa 27:3; 28:2) Kaya tiyak na makapagpapakita tayo ng kabaitan kung ‘patuloy tayong lumalakad ayon sa espiritu.’
16. Ano ang ilang kalagayan na dapat mag-udyok sa atin na magpakita ng kabaitan?
16 Maipakikita natin ang kabaitan kahit na may katuwiran tayong magalit dahil sa nakasasakit na pagsasalita o walang-pakundangang pagkilos ng iba. “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala,” ang sabi ni Pablo. “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit, ni magbigay man ng dako sa Diyablo. . . . Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.” (Efeso 4:26, 27, 32) Lalo nang angkop na magpakita ng kabaitan sa mga dumaranas ng mga pagsubok. Sabihin pa, hindi nagpapakita ng kabaitan ang isang Kristiyanong elder kung iiwasan niyang magbigay ng maka-Kasulatang payo para lamang hindi masaktan ang damdamin ng isa na maliwanag namang nanganganib na lumihis sa landasin ng “kabutihan at katuwiran at katotohanan.”—Efeso 5:9.
17, 18. Ano ang ibig sabihin ng kabutihan, at paano dapat makaapekto sa ating buhay ang katangiang ito?
17 Ang kabutihan ay kagalingan, kahusayan sa moral, o ang katangian o kalagayan ng pagiging mabuti. Ang Diyos ay mabuti sa sukdulang diwa nito. (Awit 25:8; Zacarias 9:17) Si Jesus ay matuwid at walang kapintasan sa moral. Gayunman, ayaw niyang tanggapin ang titulong “Mabuti” nang tawagin siyang “Mabuting Guro.” (Marcos 10:17, 18) Maliwanag, dahil ito sa kinikilala niyang ang Diyos ang pinakamahusay na halimbawa ng kabutihan.
18 Ang ating kakayahang gumawa ng mabuti ay nahahadlangan ng ating minanang di-kasakdalan. (Roma 5:12) Gayunman, maipakikita natin ang katangiang ito kung mananalangin tayo sa Diyos na ‘turuan tayo ng kabutihan.’ (Awit 119:66) Sinabi ni Pablo sa mga kapananampalataya sa Roma: “Ako rin mismo ay naniniwala tungkol sa inyo, mga kapatid ko, na kayo ay puspos din ng kabutihan, yamang pinuspos kayo ng buong kaalaman.” (Roma 15:14) Ang isang tagapangasiwang Kristiyano ay dapat na “maibigin sa kabutihan.” (Tito 1:7, 8) Kung nagpapaakay tayo sa espiritu ng Diyos, makikilala tayo dahil sa ating kabutihan, at ‘aalalahanin tayo ni Jehova sa mabubuting ginagawa natin.’—Nehemias 5:19; 13:31.
“Pananampalatayang Walang Pagpapaimbabaw”
19. Ipaliwanag kung ano ang pananampalataya, ayon sa binabanggit ng Hebreo 11:1.
19 Ang pananampalataya—isa rin sa mga bunga ng espiritu—“ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Kung may pananampalataya tayo, kumbinsido tayo na matutupad ang lahat ng ipinangako ni Jehova. Ang nakakukumbinsing katibayan ng di-nakikitang mga katunayan ay napakatibay anupat ang pananampalataya ay sinasabing katumbas ng mga ebidensiyang iyon. Halimbawa, ang pag-iral ng mga bagay na nilalang ay nakakukumbinsi sa atin na mayroong Maylalang. Iyan ang pananampalatayang ipakikita natin kung patuloy tayong lumalakad ayon sa espiritu.
20. Ano “ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin,” at paano natin maiiwasan ito at ang mga gawa ng laman?
20 Ang kawalan ng pananampalataya “ang kasalanan na madaling nakasasalabid sa atin.” (Hebreo 12:1) Kailangan nating umasa sa espiritu ng Diyos upang maiwasan ang mga gawa ng laman, materyalismo, at huwad na mga turo na makasisira ng pananampalataya. (Colosas 2:8; 1 Timoteo 6:9, 10; 2 Timoteo 4:3-5) Ang espiritu ng Diyos ay tumutulong sa mga lingkod ni Jehova ngayon na magkaroon ng pananampalatayang gaya niyaong sa mga saksi bago ang panahong Kristiyano at niyaong sa iba pang napaulat sa Bibliya. (Hebreo 11:2-40) At ang ating “pananampalatayang walang pagpapaimbabaw” ay maaaring makapagpatibay sa pananampalataya ng iba.—1 Timoteo 1:5; Hebreo 13:7.
Magpakita ng Kahinahunan at Pagpipigil sa Sarili
21, 22. Ano ang ibig sabihin ng kahinahunan, at bakit dapat nating ipakita ang katangiang ito?
21 Ang kahinahunan ay ang pagiging banayad sa pag-uugali at paggawi. Isa sa mga katangian ng Diyos ang pagiging mahinahong-loob. Alam natin ito sapagkat sakdal na tinularan ni Jesus, isang lalaking mahinahong-loob, ang personalidad ni Jehova. (Mateo 11:28-30; Juan 1:18; 5:19) Kung gayon, ano ang hinihiling sa atin bilang mga lingkod ng Diyos?
22 Bilang mga Kristiyano, hinihilingan tayong ‘magpakita ng kahinahunan sa lahat ng tao.’ (Tito 3:2) Nagpapakita tayo ng kahinahunan sa ating ministeryo. Ang mga may espirituwal na kuwalipikasyon ay pinapayuhan na ibalik sa ayos ang isang nagkasalang Kristiyano “sa espiritu ng kahinahunan.” (Galacia 6:1) Maitataguyod nating lahat ang Kristiyanong pagkakaisa at kapayapaan kung magpapakita tayo ng “kababaan ng pag-iisip at kahinahunan.” (Efeso 4:1-3) Maipamamalas natin ang kahinahunan kung lagi tayong lumalakad ayon sa espiritu at nagpapakita ng pagpipigil sa sarili.
23, 24. Ano ang pagpipigil sa sarili, at paano ito nakatutulong sa atin?
23 Ang pagpipigil sa sarili ay tumutulong sa atin na maging maingat sa ating pag-iisip, pagsasalita, at paggawi. Si Jehova ay ‘patuloy na nagpigil ng sarili’ sa pakikitungo sa mga Babilonyo na nagtiwangwang sa Jerusalem. (Isaias 42:14) Ang kaniyang Anak ay ‘nag-iwan sa atin ng huwaran’ sa pamamagitan ng pagpipigil sa sarili noong nagdurusa siya. At pinayuhan ni apostol Pedro ang mga kapuwa Kristiyano na ‘idagdag sa kanilang kaalaman ang pagpipigil sa sarili.’—1 Pedro 2:21-23; 2 Pedro 1:5-8.
24 Kahilingan sa Kristiyanong mga elder na maging mapagpigil sa sarili. (Tito 1:7, 8) Sa katunayan, ang lahat ng nagpapaakay sa banal na espiritu ay makapagpipigil sa sarili at sa gayo’y makaiiwas sa imoralidad, malaswang pananalita, o anupamang bagay na hindi kinalulugdan ni Jehova. Kung hahayaan nating udyukan tayo ng espiritu ng Diyos na magpakita ng pagpipigil sa sarili, makikita ito ng iba dahil sa ating makadiyos na pagsasalita at paggawi.
Patuloy na Lumakad Ayon sa Espiritu
25, 26. Kung lumalakad tayo ayon sa espiritu, paano nito maaapektuhan ang ating mga kaugnayan sa kasalukuyan at ang ating pag-asa sa hinaharap?
25 Kung lumalakad tayo ayon sa espiritu, tayo ay magiging masigasig na tagapaghayag ng Kaharian. (Gawa 18:24-26) Magiging mabubuting kasama tayo, at masisiyahang makisama sa atin lalung-lalo na ang mga taong may makadiyos na debosyon. Dahil pinapatnubayan tayo ng banal na espiritu, makapagbibigay rin tayo ng espirituwal na pampatibay-loob sa mga kapuwa mananamba ni Jehova. (Filipos 2:1-4) Hindi ba’t iyan ang gustong gawin ng lahat ng Kristiyano?
26 Palibhasa’y nasa kontrol ni Satanas ang sanlibutan, hindi madaling lumakad ayon sa espiritu. (1 Juan 5:19) Gayunman, nagagawa ito ng milyun-milyon sa ngayon. Kung nagtitiwala tayo kay Jehova nang ating buong puso, masisiyahan tayo sa buhay ngayon at makalalakad tayo magpakailanman sa matuwid na mga daan ng maibiging Tagapaglaan ng banal na espiritu.—Awit 128:1; Kawikaan 3:5, 6.
Ano ang Iyong Tugon?
• Paano nakaaapekto sa ating kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang Anak ang ‘paglakad ayon sa espiritu’?
• Anu-anong katangian ang bumubuo sa mga bunga ng banal na espiritu?
• Sa anu-anong paraan natin maipakikita ang mga bunga ng espiritu ng Diyos?
• Kung lumalakad tayo ayon sa espiritu, paano nito maaapektuhan ang ating buhay sa kasalukuyan at ang ating pag-asa sa hinaharap?
[Larawan sa pahina 23]
Inuudyukan tayo ng banal na espiritu ni Jehova na ibigin ang ating mga kapananampalataya
[Larawan sa pahina 24]
Magpakita ng kabaitan sa pamamagitan ng makonsiderasyong mga salita at gawa