Kaya Mong Harapin ang Kawalang-Katarungan!
SINO sa atin ang hindi pa kailanman naging biktima ng kawalang-katarungan? Bagaman ang ilan sa mga kawalang-katarungang ito ay nasa isip lamang, ang iba naman ay talagang nangyayari.
Kapag nabibiktima tayo ng kawalang-katarungan, sumasamâ ang ating loob at nanghihina ang ating espirituwalidad. Maaaring gustung-gusto nating ituwid ang situwasyon. Bakit? Ang isang dahilan ay sapagkat itinanim ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, “na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan,” ang katarungan sa puso ng mga tao. (Deuteronomio 32:4; Genesis 1:26) Gayunman, posibleng mapaharap tayo sa mga situwasyong sa tingin natin ay di-makatarungan. Minsan ay sinabi ng isang marunong na tao: “Ako ay nagbalik upang makita ko ang lahat ng paniniil na ginagawa sa ilalim ng araw, at, narito! ang mga luha niyaong mga sinisiil, ngunit wala silang mang-aaliw; at sa panig ng kanilang mga maniniil ay may kapangyarihan, anupat wala silang mang-aaliw.” (Eclesiastes 4:1) Kung gayon, paano natin haharapin ang kawalang-katarungan?
Ano ba Talaga ang Kawalang-Katarungan?
Ang kawalang-katarungan ay isang kalagayan o gawaing labag sa pamantayan ng pagiging makatuwiran. Ano kaya ang pamantayan ng katarungan para sa mga tao? Maliwanag na may karapatan ang ating matuwid at di-nagbabagong Maylalang na gumawa ng pamantayan kung ano ang makatarungan at di-makatarungan. Para sa kaniya, ang paglakad sa “mismong mga batas ng buhay” ay nangangahulugan ng “hindi paggawa ng kawalang-katarungan.” (Ezekiel 33:15) Kaya nang lalangin ni Jehova ang unang tao, itinanim Niya sa kaniya ang isang budhi—na nagsasabi kung ano ang tama at mali. (Roma 2:14, 15) Bukod diyan, isinaad ni Jehova sa kaniyang Salita, ang Bibliya, kung ano ang makatarungan o di-makatarungan.
Paano kung sa tingin natin ay nagawan tayo ng kawalang-katarungan? Makabubuting suriin muna natin sa makatuwirang paraan kung talaga nga bang hindi makatarungan ang ginawa sa atin. Kuning halimbawa ang naging situwasyon ng Hebreong propetang si Jonas. Inatasan siya ni Jehova na sabihin sa mga taga-Nineve na may darating na kasakunaan sa kanilang lugar. Noong una, tumakas si Jonas sa halip na gampanan ang iniatas sa kaniya. Pero nang dakong huli, pumunta na rin siya sa Nineve at binalaan ang mga tagaroon tungkol sa nalalapit na kasakunaan. Dahil sa kanilang magandang pagtugon, ipinasiya ni Jehova na huwag nang puksain ang lunsod at ang mga tagaroon. Ano kaya ang nadama ni Jonas? “Lubhang di-kalugud-lugod iyon kay Jonas, at siya ay nag-init sa galit.” (Jonas 4:1) Inisip niyang isang malaking kawalang-katarungan ang ginawa ni Jehova.
Mangyari pa, si Jehova, na nakababasa ng puso at “maibigin sa katuwiran at katarungan,” ay hindi maaaring magkamali. (Awit 33:5) Dapat sanang naunawaan ni Jonas na ang desisyon ni Jehova ay kasuwato ng sakdal na katarungan. Kung sa pakiramdam natin ay nagawan tayo ng kawalang-katarungan, itanong natin sa ating sarili, ‘Iba kaya ang tingin dito ni Jehova?’
Pagharap sa Kawalang-Katarungan
Maraming ulat sa Bibliya tungkol sa ilang nakaranas ng kawalang-katarungan. Marami tayong matututuhan kung susuriin natin kung paano nila hinarap ang kanilang mahihirap na problema. Tingnan natin si Jose, na ipinagbili ng kaniyang mga inggiterong kapatid bilang alipin sa Ehipto. Doon, sinikap na akitin ng asawa ng kaniyang panginoon si Jose, at nang tumanggi ito, may kasinungalingan niyang inakusahan si Jose na tinangka raw nitong sipingan siya. Dahil dito, nabilanggo si Jose. Pero mas matibay ang kaniyang pananampalataya kaysa sa bakal na pangaw na ipinanggapos sa kaniya. Hindi niya pinahintulutang pahinain ng kawalang-katarungan ang kaniyang espirituwalidad ni ang kaniyang pagtitiwala kay Jehova.—Genesis 37:18-28; 39:4-20; Awit 105:17-19.
Ang isa pang napaharap sa kawalang-katarungan ay si Nabot. Naging biktima siya ng napakasamang pakana ni Jezebel, asawa ni Haring Ahab ng Israel. Gustung-gustong maangkin ng hari ang minanang lupa ni Nabot na malapit sa palasyo. Yamang bawal sa isang Israelita na ipagbili ang kaniyang minanang pag-aari, tinanggihan ni Nabot ang alok ng hari na bilhin ang lupa. (Levitico 25:23) Dahil dito, kumuha ang masamang asawa ni Ahab ng mga bulaang saksi na nagparatang kay Nabot ng pamumusong sa Diyos at sa hari. Ang resulta, pinapatay si Nabot at ang kaniyang mga anak. Isipin na lamang ang maaaring nadama ni Nabot habang dinadampot ng mga tao ang mga bato para patayin siya!—1 Hari 21:1-14; 2 Hari 9:26.
Pero bale-wala ang mga ito kung ihahambing sa kawalang-katarungang dinanas ni Kristo Jesus. Dahil sa kasinungalingan at ilegal na paglilitis, sinentensiyahan siya ng kamatayan. Ang Romanong gobernador na humatol sa kaniya ay hindi nagkaroon ng lakas ng loob na panindigan kung ano ang tama. (Juan 18:38-40) Oo, pinaranas ni Satanas kay Kristo Jesus ang pinakamatinding kawalang-katarungan kaysa sa naranasan ninuman!
Ipinahihiwatig ba ng mga pangyayaring ito na hindi nababahala si Jehova sa kawalang-katarungan? Hindi! Iba kasi ang pangmalas ni Jehova sa pangmalas ng mga tao. (Isaias 55:8, 9) Dahil ipinagbili si Jose sa pagkaalipin, nailigtas niya ang kanilang pamilya. Siya ay naging administrador ng pagkain sa Ehipto bago sumapit ang taggutom na dinanas ng kanilang pamilya. Pag-isipan ito, kung hindi ipinahintulot ni Jehova ang kawalang-katarungan, hindi mabibilanggo si Jose. Doon niya binigyang-kahulugan ang panaginip ng dalawang bilanggo, anupat isa rito ang nagbalita sa Paraon tungkol kay Jose, na naging dahilan upang si Jose ay maging administrador ng pagkain.—Genesis 40:1; 41:9-14; 45:4-8.
Kumusta naman si Nabot? Muli, tingnan natin ang pangyayaring ito ayon sa pangmalas ni Jehova. Para kay Jehova, na may kakayahang bumuhay ng mga patay, si Nabot ay buháy pa rin, kahit nakahandusay na sa lupa ang kaniyang bangkay. (1 Hari 21:19; Lucas 20:37, 38) Kailangang maghintay si Nabot hanggang sa buhaying-muli siya ni Jehova, pero parang sandali lamang ito, dahil ang mga patay ay walang anumang kabatiran. (Eclesiastes 9:5) Bukod diyan, ipinaghiganti ni Jehova si Nabot sa pamamagitan ng paghatol kay Ahab at sa kaniyang sambahayan.—2 Hari 9:21, 24, 26, 35, 36; 10:1-11; Juan 5:28, 29.
Sa kaso naman ni Jesus, siya ay namatay. Pero binuhay siyang muli ng Diyos at inilagay sa isang posisyong “lubhang mataas pa sa bawat pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan at pagkapanginoon at bawat pangalang ipinangalan.” (Efeso 1:20, 21) Ang kawalang-katarungang ipinaranas ni Satanas kay Kristo Jesus ay hindi makahahadlang sa gantimpalang ibibigay ni Jehova sa kaniyang Anak. Alam ni Jesus na kayang ituwid agad ni Jehova ang kawalang-katarungan ng ilegal na pag-aresto sa kaniya kung iyon ang Kaniyang kalooban. Pero alam din ni Kristo na may takdang panahon si Jehova sa pagtupad sa Kasulatan at sa pag-aalis ng anumang kawalang-katarungan.
Oo nga’t pinararanas ni Satanas at ng kaniyang mga kampon ang kawalang-katarungan sa mga matuwid, ngunit itinuwid iyon ni Jehova nang dakong huli at permanente niyang inalis o aalisin ang kawalang-katarungan. Kaya hintayin natin na ang Diyos ang siyang magtuwid sa kawalang-katarungan.—Deuteronomio 25:16; Roma 12:17-19.
Kung Bakit May mga Panahong Pinahihintulutan ni Jehova ang Kawalang-Katarungan
May mga dahilan nga si Jehova kung bakit hindi niya itinutuwid ang isang situwasyon. Bilang bahagi ng ating Kristiyanong pagsasanay, maaaring ipahintulot niyang dumanas tayo ng kawalang-katarungan. Mangyari pa, ‘sa masasamang bagay ay hindi sinusubok ng Diyos ang sinuman.’ (Santiago 1:13) Pero maaari niyang ipahintulot ang isang situwasyon nang hindi siya namamagitan, at kaya niyang alalayan ang mga tumutugon sa gayong pagsasanay. “Pagkatapos ninyong magdusa nang kaunting panahon,” tinitiyak sa atin ng Bibliya, “ang Diyos ng buong di-sana-nararapat na kabaitan . . . ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo.”—1 Pedro 5:10.
Isa pa, ang pagpapahintulot ni Jehova sa kawalang-katarungan ay maaaring magbigay ng panahon sa mga nagkakasala na magsisi. Ilang linggo lamang matapos patayin si Jesus, may mga Judio na ‘nasugatan ang puso’ matapos nilang marinig ang payo ni Pedro. Niyakap nila ang salita ng Diyos nang buong puso at sila’y nabautismuhan.—Gawa 2:36-42.
Mangyari pa, hindi naman lahat ng gumagawa ng kawalang-katarungan ay magsisisi. Baka lalo pa ngang gumawa ng matitinding kawalang-katarungan ang ilan. Pero ang Kawikaan 29:1 ay nagsasabi: “Ang taong paulit-ulit na sinasaway ngunit nagpapatigas ng kaniyang leeg ay biglang mababali, at wala nang kagalingan.” Oo, darating ang panahon na kikilos si Jehova at pupuksain niya ang mga taong patuloy sa paggawa ng masama.—Eclesiastes 8:11-13.
Makabawi man tayo agad o hindi mula sa kawalang-katarungan, si Jehova ang nakaaalam kung paano niya tayo tutulungan. At tiyak na aalisin niya ang anumang kawalang-katarungang dinaranas natin sa masamang sistemang ito ng mga bagay. Isa pa, ipinangako niya sa atin ang huling gantimpala, ang walang-hanggang buhay sa bagong sanlibutan kung saan “tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ano kaya ang nadama ni Nabot nang mapaharap siya sa matinding kawalang-katarungan?