Kaligtasan Mula sa mga Bitag ng Manghuhuli ng Ibon
“[Si Jehova] ang magliligtas sa iyo mula sa bitag ng manghuhuli ng ibon.”—AWIT 91:3.
1. Sino ang “manghuhuli ng ibon,” at bakit siya mapanganib?
LAHAT ng tunay na Kristiyano ay napapaharap sa isang maninilang mas matalino at mas tuso kaysa sa mga tao. Tinutukoy siya sa Awit 91:3 bilang “manghuhuli ng ibon.” Sino ang kaaway na ito? Mula pa noong isyu ng Hunyo 1, 1883, tinukoy na siya ng magasing ito bilang si Satanas na Diyablo at wala nang iba. Wala nang iniisip ang makapangyarihang kaaway na ito kundi ang iligaw at siluin sa tusong paraan ang mga lingkod ni Jehova gaya ng pagsilo ng isang manghuhuli ng ibon.
2. Bakit inihalintulad si Satanas sa manghuhuli ng ibon?
2 Noong unang panahon, ang mga ibon ay hinuhuli dahil sa kanilang magandang paghuni, makukulay na balahibo, at gayundin para kainin at gamitin sa paghahain. Pero likas na mailap at mahirap hulihin ang mga ibon. Dahil dito, maingat munang pinag-aaralan ng manghuhuli ng ibon noong panahon ng Bibliya ang mga katangian at paggawi ng mga ibong gusto niyang hulihin. Pagkatapos, gumagawa siya ng mga tusong pamamaraan para masilo ang mga ito. Inihahalintulad ng Bibliya si Satanas sa manghuhuli ng ibon kung kaya matutulungan tayo nito na maunawaan ang kaniyang mga pamamaraan. Bawat isa sa atin ay pinag-aaralan ng Diyablo. Minamanmanan niya ang ating mga paggawi at katangian at nag-uumang siya ng mga bitag upang mahuli niya tayo nang buháy. (2 Timoteo 2:26) Kapag nahuli niya tayo, masisira ang ating kaugnayan sa Diyos at maaari itong humantong sa ating lubusang pagkapuksa. Kaya para maprotektahan tayo, kailangan nating malaman ang iba’t ibang pakana ng “manghuhuli ng ibon.”
3, 4. Kailan masasabing ang mga taktika ni Satanas ay katulad ng sa leon? sa kobra?
3 Para sa malinaw na paglalarawan, inihalintulad din ng salmista ang mga taktika ni Satanas sa taktika ng batang leon o ng kobra. (Awit 91:13) Tulad ng leon, kung minsan ay gumagawa si Satanas ng harapang pagsalakay sa pamamagitan ng pag-uusig o pagbabawal ng pamahalaan laban sa mga lingkod ni Jehova. (Awit 94:20) Maaaring may ilang nadaraig ng gayong tulad-leong mga pagsalakay. Pero madalas na nababaligtad ang mga pangyayari at nagiging dahilan pa nga ito upang magkaisa ang mga lingkod ng Diyos. Kumusta naman ang di-namamalayan at tulad-kobrang pagsalakay ni Satanas?
4 Ginagamit ng Diyablo ang kaniyang talinong nakahihigit sa tao para sumalakay sa paraang mapandaya at nakamamatay gaya ng makamandag na ahas mula sa isang tagóng lugar. Sa ganitong paraan, nagtatagumpay siya sa paglason sa isip ng ilang lingkod ng Diyos, anupat nadadaya niya ang mga ito na siya ang sundin sa halip na si Jehova, na hahantong sa kanilang kamatayan. Mabuti na lamang at hindi tayo masasabing walang alam sa mga pakana ni Satanas. (2 Corinto 2:11) Talakayin natin ngayon ang apat sa mga nakamamatay na bitag na ginagamit ng “manghuhuli ng ibon.”
Pagkatakot sa Tao
5. Bakit napakabisa ng silo ng “panginginig sa harap ng mga tao”?
5 Alam ng “manghuhuli ng ibon” na likas sa mga tao ang pagnanais na sila’y tanggapin at ayunan ng iba. Hindi naman manhid ang mga Kristiyano sa iniisip at damdamin ng ibang mga tao. Dahil dito, sinasamantala ng Diyablo ang pagkabahala nila sa maaaring isipin ng tao tungkol sa kanila. Halimbawa, sinisilo niya ang ilang lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng “panginginig sa harap ng mga tao.” (Kawikaan 29:25) Kung dahil sa takot sa tao, ang mga lingkod ng Diyos ay nakisama na sa paggawa ng mga bagay na ipinagbabawal ni Jehova o ayaw nang sumunod sa ipinag-uutos ng Salita ng Diyos, nasilo na sila ng “manghuhuli ng ibon.”—Ezekiel 33:8; Santiago 4:17.
6. Anong halimbawa ang nagpapakita kung paano maaaring masilo ng “manghuhuli ng ibon” ang isang kabataan?
6 Halimbawa, baka ang isang kabataan ay mapilit ng mga kaeskuwela niya na manigarilyo. Maaaring walang-wala naman sa isip niya ang paninigarilyo nang pumasok siya sa paaralan nang araw na iyon. Pero maya-maya lamang, gumawa na siya ng isang bagay na makasasamâ sa kaniyang kalusugan at di-nakalulugod sa Diyos. (2 Corinto 7:1) Bakit siya nahikayat? Marahil ay napabarkada siya sa mga maling kasama at natakot siyang makantiyawan ng mga ito. Kayong mga kabataan, huwag kayong magpahikayat at magpasilo sa “manghuhuli ng ibon”! Upang hindi mahuli nang buháy, mag-ingat kahit sa maliliit na pakikipagkompromiso. Sundin ang babala ng Bibliya na umiwas sa masasamang kasama.—1 Corinto 15:33.
7. Paano maaaring masilo ni Satanas ang ilang magulang?
7 Dinidibdib ng tapat na mga magulang na Kristiyano ang kanilang maka-Kasulatang pananagutan na paglaanan ang kanilang pamilya sa materyal na paraan. (1 Timoteo 5:8) Pero gusto ni Satanas na mabitag ang mga Kristiyano pagdating sa bagay na ito. Marahil ay nakagawian na nilang lumiban sa mga pulong dahil napipilit sila ng kanilang mga amo na mag-obertaym. Baka natatakot silang humiling ng bakasyon para makadalo sa lahat ng sesyon ng pandistritong kombensiyon bilang pagsamba kay Jehova kasama ng kanilang mga kapatid. Ang proteksiyon laban sa silong ito ay ang ‘pagtitiwala kay Jehova.’ (Kawikaan 3:5, 6) At kung tatandaan natin na tayong lahat ay miyembro ng sambahayan ni Jehova at binabalikat niya ang pangangalaga sa atin, hindi tayo basta-basta masisilo. Kayong mga magulang, naniniwala ba kayong si Jehova sa paanuman ay mangangalaga sa inyo at sa inyong pamilya kapag ginawa ninyo ang kaniyang kalooban? O mahuhuli kayo ng Diyablo nang buháy at mapasusunod sa gusto niya dahil sa takot sa tao? Hinihimok namin kayong pag-isipan ang mga tanong na ito sa tulong ng panalangin.
Silo ng Materyalismo
8. Paano ginagamit ni Satanas ang pang-akit ng materyalismo?
8 Ginagamit din ni Satanas ang pang-akit ng materyalismo para tayo masilo. Malimit na isinusulong ng komersiyo ng sanlibutang ito ang mga pakanang biglang-yaman, anupat maging ang mga lingkod ng Diyos ay nadadaya rin. Kung minsan, hinihimok ang mga indibiduwal: “Magtrabaho ka nang magtrabaho. Kapag mayaman ka na, puwede ka nang magrelaks at magpasarap sa buhay. Puwede ka pa ngang magpayunir.” Ito’y maling pangangatuwiran ng ilang nagsasamantala sa pinansiyal na paraan sa kanilang mga kakongregasyon. Pag-isipang mabuti ang pang-aakit na iyan. Hindi ba’t ganiyan din ang pag-iisip ng ‘di-makatuwirang’ taong mayaman sa talinghaga ni Jesus?—Lucas 12:16-21.
9. Bakit maaaring masilo ang ilang Kristiyano na maghangad ng mga bagay-bagay?
9 Pinakikilos ni Satanas ang kaniyang masamang sistema sa paraang humihikayat sa mga tao na maghangad ng mga bagay-bagay. Ang paghahangad na iyan sa bandang huli ay maaaring makapasok sa buhay ng isang Kristiyano, anupat sumasakal ito sa salita at nagiging “di-mabunga.” (Marcos 4:19) Pinasisigla tayo ng Bibliya na makontento na sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit. (1 Timoteo 6:8) Pero marami pa rin ang nasisilo ng “manghuhuli ng ibon” dahil hindi nila ikinakapit ang payong ito. Hindi kaya dahil sa labis na pagtingin sa sarili kung kaya iniisip nilang dapat silang sumunod sa isang istilo ng pamumuhay? Kumusta naman tayo? Dahil ba sa paghahangad na magkaroon ng mga pag-aari ay nagiging pangalawahin na lamang sa atin ang tunay na pagsamba? (Hagai 1:2-8) Nakalulungkot, kapag mahirap ang panahon, pinababayaan na ng ilan ang kanilang espirituwalidad upang mapanatili ang istilo ng pamumuhay na kinasanayan na nila. Tuwang-tuwa ang “manghuhuli ng ibon” sa gayong materyalistikong saloobin!
Bitag ng Masasamang Libangan
10. Anong pagsusuri sa sarili ang dapat gawin ng bawat Kristiyano?
10 Ang isa pang taktika ng “manghuhuli ng ibon” ay ang pahinain ang likas na kakayahan ng tao na makilala kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Ang mentalidad na katulad ng sa mga taga-Sodoma at Gomorra ay nagkaroon ng malaking impluwensiya sa industriya ng libangan. Itinatampok maging sa mga balita sa telebisyon at mga magasin ang karahasan at pagbibigay-kasiyahan sa nakapangingilabot na pagnanasa sa sekso. Karamihan sa itinuturing ng media na libangan ay nakahahadlang sa kakayahan ng tao na “makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Pero alalahanin ang mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Sa aba ng mga nagsasabi na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti!” (Isaias 5:20) Unti-unti na bang naiimpluwensiyahan ng “manghuhuli ng ibon” ang iyong pag-iisip dahil sa masasamang libangan? Mahalagang suriin natin ang ating sarili.—2 Corinto 13:5.
11. Anong babala tungkol sa mga telenobela ang ibinigay sa magasing ito?
11 Halos 25 taon na ang nakalilipas, buong-pagmamalasakit na binalaan ng Ang Bantayan ang mga lingkod ng Diyos tungkol sa mga telenobela.a Ganito ang sinabi ng magasing ito tungkol sa di-namamalayang epekto ng mga nauusong telenobela: “Nagagawa ang lahat sa ngalan ng pag-ibig. Halimbawa, isang kabataang nabuntis ang nagsabi sa kaniyang kaibigan: ‘Pero mahal ko si Victor. Wala akong pakialam. . . . Siya ang ama ng dinadala ko at iyon ang pinakamahalaga sa akin!’ Dahil sa banayad na musikang ginamit, hindi na makitang napakasama na pala ng kaniyang ginagawa. Gusto mo rin si Victor. Naaawa ka sa kabataang babae. ‘Nauunawaan’ mo siya. ‘Nakapagtataka ang naiisip mong pangangatuwiran,’ ang sabi ng isang mánonóod na natauhan nang bandang huli. ‘Alam nating masama ang imoralidad. . . . Pero sa isip ko, nakikisimpatiya na pala ako.’”
12. Anu-anong pangyayari ang nagpapahiwatig na naaangkop ngayon ang babala tungkol sa ilang programa sa TV?
12 Mula nang ilathala ang mga artikulong iyon, parami na nang parami ang ganitong nakasasamang programa. Sa maraming lugar, ang mga programang ito ay ipinalalabas sa loob ng 24 na oras sa isang araw. Madalas na binubusog ng mga lalaki, babae, at maraming tin-edyer ang kanilang isip at puso ng ganitong mga libangan. Pero hindi tayo dapat magpadaya sa maling pangangatuwiran. Maling ikatuwiran na ang mga telenobela ay wala namang ipinagkaiba sa nakikita natin sa tunay na buhay. May katuwiran nga ba ang isang Kristiyano na pumayag na libangin siya ng mga taong ni sa guniguni ay hindi niya kailanman papapasukin sa kanilang bahay?
13, 14. Ayon sa ilan, paano sila nakinabang sa mga babala tungkol sa mga palabas sa TV?
13 Marami ang nakinabang nang dibdibin nila ang babalang iyon ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Matapos basahin ang tuwiran at salig-Bibliyang payo, isinulat ng ilan kung paano sila naapektuhan ng mga artikulong iyon.b Nagtapat ang isa: “Labintatlong taon akong nalulong sa telenobela. Akala ko’y hindi na ako maaapektuhan dahil dumadalo naman ako sa mga Kristiyanong pagpupulong at paminsan-minsang naglilingkod sa larangan. Pero natangay pa rin ako ng makasanlibutang saloobin ng telenobela na kapag minamaltrato ka na ng iyong asawa o hindi ka na niya mahal, puwede ka nang mangalunya—siya ang dapat sisihin. Kaya nang maisip kong ‘puwede na,’ nakagawa ako ng pangangalunya at nagkasala ako kay Jehova at sa aking asawa.” Natiwalag ang babaing ito. Nang bandang huli, natauhan siya, nagsisi, at nakabalik sa kongregasyon. Ang mga babala ng artikulo laban sa mga telenobela ang nagpalakas sa kaniya na huwag gawing libangan ang mga kinamumuhian ni Jehova.—Amos 5:14, 15.
14 Ganito naman ang sinabi ng isa pang mambabasa na naapektuhan: “Napaiyak ako nang mabasa ko ang mga artikulo. Natuklasan kong hati na pala ang puso ko para kay Jehova. Nangako ako sa aking Diyos na hindi na ako magpapaalipin sa ganitong mga telenobela.” Matapos magpasalamat dahil sa mga artikulo, inamin ng isang babaing Kristiyano na siya ay nalulong, at sumulat siya: “Inisip ko . . . kung maaapektuhan ang kaugnayan ko kay Jehova. Paano ko nga ba masasabing kaibigan ako ni Jehova kung kaibigan ko rin ‘sila’?” Kung nailigaw ng gayong mga palabas sa TV ang puso ng mga tao 25 taon na ang nakalilipas, ano na ang epekto nito sa ngayon? (2 Timoteo 3:13) Dapat tayong maging alisto sa bitag ni Satanas na masasamang libangan anumang uri ito, ito man ay mga telenobela, mararahas na video game, o mga imoral na music video.
Bitag ng Di-pagkakaunawaan
15. Paano nagagawa ng Diyablo na mahuli nang buháy ang ilan?
15 Ginagamit ni Satanas ang di-pagkakaunawaan bilang bitag para mag-away-away ang mga lingkod ni Jehova. Posible tayong mabitag nito anuman ang ating mga pribilehiyo sa paglilingkod. Ang ilan ay nahuhuli ng Diyablo nang buháy dahil hinahayaan nilang sirain ng di-pagkakaunawaan ang kapayapaan at pagkakaisa at ang magandang espirituwal na paraisong pinaiiral ni Jehova.—Awit 133:1-3.
16. Paano tinatangka ni Satanas na sirain sa tusong paraan ang ating pagkakaisa, at saan ito maaaring humantong?
16 Noong Digmaang Pandaigdig I, tinangka ni Satanas na sirain ang organisasyon ni Jehova sa lupa sa pamamagitan ng harapang pagsalakay, pero nabigo siya. (Apocalipsis 11:7-13) Mula noon, naging tuso na siya sa pagsira sa ating pagkakaisa. Kapag hinayaan nating magdulot ng pagkakawatak-watak ang di-pagkakaunawaan, binibigyan natin ng pagkakataon ang “manghuhuli ng ibon.” Sa gayon ay nahahadlangan natin ang pagdaloy ng banal na espiritu sa atin mismo at sa kongregasyon. Kapag nangyari iyan, matutuwa si Satanas sapagkat anumang pagkasira ng kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon ay hahadlang sa pangangaral.—Efeso 4:27, 30-32.
17. Ano ang makatutulong para malutas ang di-pagkakaunawaan?
17 Ano ang puwede mong gawin kapag mayroon kayong di-pagkakaunawaan ng kapuwa mo Kristiyano? Oo nga’t iba-iba ang situwasyon. Pero kung marami mang dahilang pinagmumulan ng mga problema, wala namang dahilan para hindi malutas ang di-pagkakaunawaan. (Mateo 5:23, 24; 18:15-17) Ang mga payo sa Salita ng Diyos ay kinasihan at sakdal. Kapag ikinapit ang mga simulain sa Bibliya, hinding-hindi ito mabibigo. Palaging maaasahan ang mga ito!
18. Bakit makatutulong sa paglutas ng di-pagkakaunawaan ang pagtulad natin kay Jehova?
18 Si Jehova ay “handang magpatawad” at nagkakaloob ng “tunay na kapatawaran.” (Awit 86:5; 130:4) Ipinakikita nating tayo ay mahal na mga anak ni Jehova kapag tinutularan natin siya. (Efeso 5:1) Tayong lahat ay makasalanan at kailangang-kailangan natin ang pagpapatawad ni Jehova. Kaya mag-ingat tayo na hindi natin mapatawad ang iba. Baka makatulad natin ang alipin sa talinghaga ni Jesus na ayaw magpatawad sa utang ng kaniyang kapuwa alipin gayong napakaliit lamang nito kung ihahambing sa utang niya sa kaniyang panginoon na ipinatawad na sa kaniya. Nang mabalitaan ito ng panginoon, ipinabilanggo niya ang aliping ayaw magpatawad. Tinapos ni Jesus ang talinghaga sa pagsasabi: “Sa katulad na paraan din makikitungo sa inyo ang aking makalangit na Ama kung hindi kayo magpapatawad mula sa inyong mga puso, ang bawat isa sa kaniyang kapatid.” (Mateo 18:21-35) Kung bubulay-bulayin natin ang ilustrasyong iyon at iisipin ang maraming ulit na pagpapatawad ni Jehova sa atin, tiyak na matutulungan tayo nito sa pagsisikap na ayusin ang di-pagkakaunawaan sa pagitan natin at ng ating kapatid!—Awit 19:14.
Ligtas sa “Lihim na Dako ng Kataas-taasan”
19, 20. Paano natin dapat ituring ang “lihim na dako” at “pinakalilim” ni Jehova sa mapanganib na panahong ito?
19 Nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon. Kung hindi dahil sa maibiging proteksiyon ni Jehova, tiyak na nalipol na tayong lahat ni Satanas. Kung gayon, para makaiwas sa bitag ng “manghuhuli ng ibon,” dapat tayong manatili sa proteksiyon ng makasagisag na dako, anupat “tumatahan sa lihim na dako ng Kataas-taasan,” na nakasusumpong ng “matutuluyan sa pinakalilim ng Makapangyarihan-sa-lahat.”—Awit 91:1.
20 Ituring sana nating proteksiyon at hindi restriksiyon ang mga paalaala at patnubay ni Jehova. Tayong lahat ay napapaharap sa isang maninilang mas matalino kaysa sa atin. Kung wala ang maibiging tulong ni Jehova, walang sinumang makaliligtas sa bitag. (Awit 124:7, 8) Kaya manalangin tayo na sana’y iligtas tayo ni Jehova mula sa mga bitag ng “manghuhuli ng ibon”!—Mateo 6:13.
[Mga talababa]
a Ang Bantayan, Disyembre 1, 1982, pahina 3-7.
b Ang Bantayan, Disyembre 1, 1983, pahina 23.
Naaalaala Mo Ba?
• Bakit nakamamatay na bitag ang “panginginig sa harap ng mga tao”?
• Paano ginagamit ng Diyablo ang pang-akit ng materyalismo?
• Paano nasilo ni Satanas ang ilan sa bitag ng masasamang libangan?
• Anong bitag ang ginagamit ng Diyablo para sirain ang ating pagkakaisa?
[Larawan sa pahina 27]
Ang ilan ay nasilo ng “panginginig sa harap ng mga tao”
[Larawan sa pahina 28]
Ginagawa mo bang libangan ang mga kinamumuhian ni Jehova?
[Larawan sa pahina 29]
Ano ang puwede mong gawin kapag mayroon kayong di-pagkakaunawaan ng kapuwa mo Kristiyano?