Dapat Bang Lumitaw ang Pangalang Jehova sa Bagong Tipan?
MAHALAGA bang lumitaw ang pangalan ng Diyos sa Bibliya? Maliwanag na gayon ang gusto ng Diyos. Ang pangalan niya, na kinakatawan ng apat na titik Hebreo na kilala bilang Tetragrammaton, ay lumitaw nang halos 7,000 ulit sa orihinal na tekstong Hebreo ng tinatawag na Matandang Tipan.a
Kinikilala ng mga iskolar ng Bibliya na lumitaw ang mismong pangalan ng Diyos sa Matandang Tipan, o Hebreong Kasulatan. Pero iniisip ng marami na hindi ito lumitaw sa orihinal na mga manuskritong Griego ng tinatawag na Bagong Tipan.
Ano kaya ang ginawa ng mga manunulat ng Bagong Tipan nang sumipi sila ng mga teksto mula sa Matandang Tipan kung saan lumitaw ang Tetragrammaton? Kapag isinasalin ang mga tekstong ito, naging kaugalian ng karamihan sa mga tagapagsalin na gamitin ang salitang “Panginoon” sa halip na ang mismong pangalan ng Diyos. Hindi ganiyan ang ginawa ng mga tagapagsalin ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Sa saling ito, mababasa nang 237 ulit ang pangalang Jehova sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, o Bagong Tipan.
Anu-anong problema ang napaharap sa mga tagapagsalin ng Bibliya hinggil sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa Bagong Tipan? Ano ang basehan para gamitin ang pangalan ng Diyos sa bahaging ito ng Banal na Kasulatan? At paano makatutulong sa iyo ang mga salin ng Bibliyang gumamit ng pangalan ng Diyos?
Problema sa Pagsasalin
Hindi na orihinal ang mga manuskrito ng Bagong Tipan na makukuha sa ngayon. Ang orihinal na mga manuskritong isinulat nina Mateo, Juan, Pablo, at ng iba pa ay gamít na gamít noon at malamang na nasira agad. Kaya iginawa ng kopya ang mga ito, at nang maluma na rin ang mga ginawang kopya, gumawa pa ng mga panibago. Karamihan sa libu-libong kopya ng Bagong Tipan na makukuha sa ngayon ay ginawa mga dalawang daang taon matapos isulat ang orihinal na mga manuskrito. Lumilitaw na noong panahong iyon, pinalitan ng mga tagakopya ng mga manuskrito ang Tetragrammaton ng Kuʹri·os o Kyʹri·os, ang salitang Griego para sa “Panginoon,” o kumopya sila mula sa mga manuskrito kung saan pinalitan na ang Tetragrammaton.b
Kung gayon, kailangang alamin ng isang tagapagsalin kung mayroong matibay na ebidensiya na talagang lumitaw ang Tetragrammaton sa orihinal na mga manuskritong Griego. Mayroon bang gayong katibayan? Pansinin ang sumusunod na mga argumento:
◼ Ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos nang sumipi siya o magbasa ng mga teksto mula sa Matandang Tipan. (Deuteronomio 6:13, 16; 8:3; Awit 110:1; Isaias 61:1, 2; Mateo 4:4, 7, 10; 22:44; Lucas 4:16-21) Noong panahon ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, ang Tetragrammaton ay lumitaw sa mga kopya ng tekstong Hebreo ng tinatawag na Matandang Tipan, gaya rin naman sa ngayon. Pero sa loob ng maraming siglo, inakala ng mga iskolar na hindi lumitaw ang Tetragrammaton sa mga manuskrito ng Griegong Septuagint na salin ng Matandang Tipan, pati na sa mga manuskrito ng Bagong Tipan. Gayunman, pagsapit ng kalagitnaan ng ika-20 siglo, may pambihirang natuklasan ang mga iskolar—may umiiral pa palang napakatandang mga piraso ng manuskrito ng bersiyong Griegong Septuagint na mula pa noong panahon ni Jesus. Makikita sa mga pirasong ito ng manuskrito ang mismong pangalan ng Diyos na nakasulat sa mga titik Hebreo.
◼ Ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos at ipinaalam ito sa iba. (Juan 17:6, 11, 12, 26) Maliwanag na sinabi ni Jesus: “Ako ay pumarito sa pangalan ng aking Ama.” Bukod diyan, idiniin niya na ang kaniyang mga gawa ay ginawa “sa pangalan ng [kaniyang] Ama.” Sa katunayan, ang mismong pangalan ni Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.”—Juan 5:43; 10:25.
◼ Makikita ang pinaikling anyo ng pangalan ng Diyos sa Griegong Kasulatan. Ang pangalan ng Diyos ay bahagi ng ekspresyong “Aleluya,” o “Hallelujah,” na mababasa sa Apocalipsis 19:1, 3, 4, 6. Ang ekspresyong ito ay literal na nangangahulugang “Purihin ninyo si Jah!” Ang Jah ay pinaikling anyo ng pangalang Jehova.
◼ Ipinakikita ng sinaunang mga akdang Judio na ginamit ng mga Judiong Kristiyano ang pangalan ng Diyos sa mga isinulat nila. Ang The Tosefta, isang nasusulat na koleksiyon ng mga bibigang kautusan na natapos isulat noong 300 C.E., ay nagsabi ng ganito hinggil sa mga kasulatang Kristiyano na nasunog sa panahon ng Sabbath: “Ang mga aklat ng mga Ebanghelista at ang mga aklat ng minim [sinasabing mga Judiong Kristiyano] ay hindi nila iniligtas sa apoy. Sa halip, hinayaan lamang nilang masunog ang mga ito . . . pati na ang Pangalan ng Diyos na nasusulat dito.” Sa The Tosefta, sinipi rin ang mga pananalita ni Rabbi Yosé, isang taga-Galilea na nabuhay noong unang mga taon ng ikalawang siglo C.E. Sinabi niya na sa karaniwang mga araw ng sanlinggo, “dapat gupitin ang Pangalan ng Diyos sa [mga kasulatang Kristiyano] at itago ang mga ito, at saka sunugin ang iba pang natitirang bahagi ng [kasulatan].” Kaya may matibay na ebidensiya na ang mga Judio noong ikalawang siglo C.E. ay naniwalang ginamit ng mga Kristiyano ang pangalan ni Jehova sa kanilang mga isinulat.
Paano Hinarap ng mga Tagapagsalin ang Isyung Ito?
Ang Bagong Sanlibutang Salin lamang ba ang tanging bersiyon ng Bibliya na nagsauli sa pangalan ng Diyos sa Griegong Kasulatan? Hindi. Batay sa mga ebidensiyang nabanggit sa itaas, nadama ng maraming tagapagsalin ng Bibliya na dapat isauli ang pangalan ng Diyos kapag isinasalin ang Bagong Tipan.
Halimbawa, maraming bersiyon ng Bagong Tipan na isinalin sa iba’t ibang wika sa Amerika, Aprika, Asia, at mga isla sa Pasipiko ang maraming beses na gumamit ng pangalan ng Diyos. (Tingnan ang tsart sa pahina 21.) Ang ilan sa mga ito ay bagong mga salin, gaya ng Bibliyang Rotuman (1999), na 51 ulit na gumamit ng pangalang Jihova sa 48 talata ng Bagong Tipan. Ang isa pa ay ang bersiyong Batak-Toba (1989) ng Indonesia, na 110 ulit na gumamit ng pangalang Jahowa sa Bagong Tipan. Ang pangalan ng Diyos ay lumitaw rin sa mga saling Aleman, Kastila, at Pranses. Halimbawa, isinalin ni Pablo Besson ang Bagong Tipan sa wikang Kastila noong unang mga taon ng ika-20 siglo. Sa kaniyang salin, ginamit niya ang pangalang Jehová sa Judas 14. Ang ilang talata ng saling ito ay mayroon ding mga talababa (100 sa kabuuan) kung saan ipinahihiwatig na maaaring gamitin dito ang pangalan ng Diyos.
Ang sumusunod ay ilan sa mga halimbawa ng salin sa Ingles na gumamit ng pangalan ng Diyos sa Bagong Tipan:
A Literal Translation of the New Testament . . . From the Text of the Vatican Manuscript, ni Herman Heinfetter (1863)
The Emphatic Diaglott, ni Benjamin Wilson (1864)
The Epistles of Paul in Modern English, ni George Barker Stevens (1898)
St. Paul’s Epistle to the Romans, ni W. G. Rutherford (1900)
The Christian’s Bible—New Testament, ni George N. LeFevre (1928)
The New Testament Letters, ni J.W.C. Wand, Obispo ng London (1946)
Sa paunang salita ng kilaláng salin na New Living Translation, edisyong 2004, ganito ang mababasa sa ilalim ng uluhang “The Rendering of Divine Names”: “Karaniwan na, ang tetragrammaton (YHWH) ay lagi naming isinasaling ‘ang PANGINOON,’ na ginagamit ang anyo ng pinaliit na malalaking titik, gaya ng karaniwang ginagawa sa mga salin sa Ingles. Sa gayon, hindi ito maipagkakamali sa ʹadonai, na isinasalin naming ‘Panginoon.’” Hinggil naman sa Bagong Tipan, ganito ang mababasa natin: “Ang salitang Griego na kurios ay laging isinasalin na ‘Panginoon,’ pero isinasalin itong ‘PANGINOON’ kapag ang Bagong Tipan ay tuwirang sumisipi mula sa Matandang Tipan, at doon ay nakasulat ito sa pinaliit na malalaking titik.” (Amin ang italiko.) Kaya kinikilala ng mga tagapagsalin ng Bibliyang ito na dapat palitawin ang pagkakaiba ng Tetragrammaton (YHWH) at ng Kuʹri·os sa mga pagsiping ito ng Bagong Tipan.
Kapansin-pansin, ganito ang naging komento ng The Anchor Bible Dictionary sa ilalim ng uluhang “Tetragrammaton in the New Testament”: “May mga katibayan na noong unang isulat ang dokumento ng B[agong] T[ipan], ang Tetragrammaton na siyang Pangalan ng Diyos, na Yahweh, ay lumitaw sa ilan o sa lahat ng pagsipi ng BT mula sa M[atandang] T[ipan].” At ganito naman ang sinabi ng iskolar na si George Howard: “Yamang nakasulat pa rin ang Tetragram sa mga kopya ng Bibliyang Griego [ang Septuagint] na siyang Kasulatang ginagamit ng sinaunang simbahan, makatuwirang isipin na kapag sumisipi ang mga manunulat ng B[agong] T[ipan] mula sa Kasulatan, ginamit nila ang Tetragram sa mga teksto ng Bibliya.”
Dalawang Nakakukumbinsing Dahilan
Maliwanag, hindi ang Bagong Sanlibutang Salin ang kauna-unahang Bibliya na gumamit ng pangalan ng Diyos sa Bagong Tipan. Gaya ng isang hukom na hinilingang humatol sa isang kaso kung saan walang nabubuhay na mga saksi, maingat na sinuri ng New World Bible Translation Committee ang lahat ng mahalagang ebidensiya. Batay sa nakuhang mga impormasyon, ipinasiya nilang gamitin ang pangalan ni Jehova sa kanilang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Pansinin ang dalawang nakakukumbinsing dahilan kung bakit nila ginawa ito.
(1) Kumbinsido ang mga tagapagsalin na yamang ipinasulat ng Diyos ang Kristiyanong Griegong Kasulatan bilang karagdagan sa Hebreong Kasulatan, hindi lohikal na bigla na lamang mawala dito ang pangalan ni Jehova.
Bakit makatuwiran ang konklusyong ito? Noong mga kalagitnaan ng unang siglo C.E., sinabi ng alagad na si Santiago sa matatanda sa Jerusalem: “Inilahad ni Symeon nang lubusan kung paanong sa unang pagkakataon ay ibinaling ng Diyos ang kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Sa palagay mo, masasabi kaya ito ni Santiago kung walang sinumang nakaaalam at gumagamit ng pangalan ng Diyos noong unang siglo?
(2) Nang matuklasan ang mga kopya ng Septuagint kung saan ginamit ang pangalan ng Diyos sa halip na Kyʹri·os (Panginoon), naging malinaw sa mga tagapagsalin na noong panahon ni Jesus, lumitaw nga ang pangalan ng Diyos sa mga kopya ng mas naunang Kasulatan sa wikang Griego—at siyempre, sa wikang Hebreo.
Lumilitaw na ang tradisyon na pag-aalis ng pangalan ng Diyos sa mga manuskritong Griego ay nagsimula lamang pagkatapos ng panahon ni Jesus. Ano sa palagay mo? Itataguyod kaya ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang tradisyong iyon na hindi nagpaparangal sa Diyos?—Mateo 15:6-9.
Tumawag “sa Pangalan ni Jehova”
Oo, ang Kasulatan mismo ay matibay nang ebidensiya na ginamit ng unang mga Kristiyano ang pangalan ng Diyos sa kanilang mga isinulat, lalo na kapag sumisipi sila ng mga teksto mula sa Matandang Tipan kung saan lumitaw ang pangalang iyon. Kung gayon, matibay ang saligan ng Bagong Sanlibutang Salin para isauli ang pangalan ng Diyos na Jehova sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Ano ang epekto sa iyo ng impormasyong ito? Sumipi si apostol Pablo sa Hebreong Kasulatan nang paalalahanan niya ang mga Kristiyano sa Roma: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Saka siya nagtanong: “Paano sila tatawag sa kaniya na hindi nila sinampalatayanan? Paano naman sila mananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan?” (Roma 10:13, 14; Joel 2:32) Ang mga salin ng Bibliya na gumamit sa pangalan ng Diyos sa angkop na mga dako nito ay makatutulong sa iyo na mapalapít sa Diyos. (Santiago 4:8) Oo, napakalaking pribilehiyo nga na malaman natin ang pangalan ng Diyos na Jehova, at tumawag sa kaniya.
[Mga talababa]
a Ang Tetragrammaton ay tumutukoy sa apat na titik na YHWH, na siyang kumakatawan sa pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo. Sa Tagalog, karaniwan itong isinasalin na Jehova o Yahweh.
b Para sa higit na impormasyon hinggil dito, tingnan ang pahina 23-27 ng brosyur na Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon sa pahina 21]
TALAAN NG 99 NA WIKA NA GUMAMIT NG KATUMBAS NA ANYO NG TETRAGRAMMATON SA BAGONG TIPAN
CHIHOWA: Choctaw
IÁHVE: Portuges
IEHOUA: Mer
IEHOVA: Gilbertese; Hawaiian; Hiri Motu; Kerewo; Kiwai; Marquesas; Motu; Panaieti (Misima); Rarotongan; Tahitiano; Toaripi
IEHOVAN: Saibai
IEOVA: Kuanua; Wedau
IHOVA: Aneityum
IHVH: Pranses
IOVA: Malekula (Kuliviu); Malekula (Pangkumu); Malekula (Uripiv)
JAHOWA: Batak-Toba
JAHUÈ: Chacobo
JAKWE: (Ki)Sukuma
JAHVE: Hungaryo
JEHOBA: Kipsigis; Mentawai
JEHOFA: Tswana
JEHOVA: Aleman; Croatiano; Kélé (Gabon); Lele (Manus Island); Nandi; Nauruan; Nukuoro
JEHOVÁ: Kastila
JEHÔVA: Fang; Tsimihety
JEHOVAH: Efik; Ingles; Kalenjin; Malagasy; Narrinyeri; Ojibwa; Olandes
JEOVA: Kusaie (Kosraean)
JIHOVA: Naga (Angami); Naga (Konyak); Naga (Lotha); Naga (Mao); Naga (Ntenyi); Naga (Sangtam); Rotuman
JIOUA: Mortlock
JIOVA: Fijiano
JIWHEYẸWHE: Gu (Alada)
SIHOVA: Tongan
UYEHOVA: Zulu
YAHOWA: Thai
YAHVE: Ila
YAVE: Kongo
YAWE: Bobangi; Bolia; Dholuo; Lingala; Mongo (Lolo); (Lo)Ngandu; (Lo)Ntumba; (Ke)Sengele
YEHÓA: Awabakal
YEHOFA: Timugang Sotho
YEHOVA: Chokwe; Chuana (Tlapi); (Ki)Kalanga; Logo; Luba; Lugbara; (Chi)Luimbi; (Chi)Lunda (Ndembu); (Chi)Luvale; Santo (Hog Harbor); Tiv; Umbundu; (Isi)Xhosa
YEHOVAH: Bube; Mohawk; Nguna (Efate); Nguna (Tongoa)
YEHOWA: Ga; Laotian; (Ki)Songe; Tshiluba
YEKOVA: Zande
YEOBA: Kuba (Inkongo)
YEOHOWA: Koreano
YHWH: Hebreo
YOWO: Lomwe
ZAHOVA: Chin (Haka-Lai)
[Kahon/Mga larawan sa pahina 23]
ISANG TAGAPAGSALIN NA NAGPARANGAL SA PANGALAN NG DIYOS
Noong Nobyembre 1857, dumating sa Gilbert Islands (tinatawag ngayong Kiribati) ang 26-na-taóng gulang na misyonerong si Hiram Bingham II kasama ang kaniyang asawa. Nagbigay ang mga batang mag-aarál sa American Sunday School ng maliit na donasyon para pondohan ang barkong sinakyan ng mga misyonero. Morning Star ang ipinangalan sa barkong ito ng mga nag-isponsor dito para ipakitang naniniwala sila sa Sanlibong Taóng Pamamahala ni Kristo.
“Mahina ang katawan ni Bingham,” ang sabi ni Barrie Macdonald sa kaniyang aklat na Cinderellas of the Empire. “Madalas sumumpong ang sakit niya sa bituka, at mayroon siyang pabalik-balik na sakit sa lalamunan kaya nahihirapan siyang magsalita sa publiko; napakalabo ng mata niya kaya dalawa hanggang tatlong oras lamang siyang nakapagbabasa sa isang araw.”
Sa kabila nito, determinado si Bingham na matuto ng wikang Gilbertese. Hindi biro ito. Nagtanung-tanong muna siya sa mga tagaroon kung ano ang tawag sa mga bagay na nakikita niya sa paligid hanggang sa makapaglista siya ng mga dalawang libong salita. Pagkatapos, binayaran niya ng isang dolyar ang isa sa mga nakumberte niya para sa bawat isandaang bagong salita na naidagdag nito sa listahan.
Nagbunga ang pagtitiyaga ni Bingham. Noong 1865, nang kinailangan na niyang umalis sa Gilbert Islands dahil sa humihina niyang kalusugan, maaari nang matutong magsulat ang mga taga-isla gamit ang wikang Gilbertese. Naisalin na rin niya ang mga aklat ng Mateo at Juan sa wikang ito. Nang magbalik siya sa isla noong 1873, dala na niya ang kumpletong salin ng Bagong Tipan sa wikang Gilbertese. Ipinagpatuloy pa niya ang pagsasalin sa sumunod na 17 taon, at pagsapit ng 1890, natapos na niyang isalin ang buong Bibliya sa wikang ito.
Ginagamit pa rin ngayon sa Kiribati ang Bibliyang ito na isinalin ni Bingham. Mapapansin ng mga nagbabasa nito na ginamit niya ang pangalan ni Jehova (Iehova sa Gilbertese) nang libu-libong ulit sa Matandang Tipan at mahigit 50 ulit naman sa Bagong Tipan. Oo, si Hiram Bingham ay isang tagapagsalin na nagparangal sa pangalan ng Diyos!
[Chart/Mga larawan sa pahina 18, 19]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
200
NASH PAPYRUS
Ikalawa o unang siglo B.C.E.
[Larawan]
Sinaunang tekstong Hebreo kung saan dalawang beses na lumitaw ang pangalan ng Diyos
100
PIRASO NG MANUSKRITO KUNG SAAN MABABASA ANG DEUTERONOMIO 18:15, 16
P. FOUAD INV. 266
Unang siglo B.C.E.
[Larawan]
Salin ng Griegong Septuagint kung saan nakasulat ang pangalan ng Diyos sa titik Hebreo
[Credit Line]
Société Royale de Papyrologie du Caire
↑
B.C.E.
C.E.
↓
100
300
400
CODEX ALEXANDRINUS
Ika-5 siglo C.E.
[Larawan]
Ang pangalan ng Diyos ay inalis at pinalitan ng K̇Ċ at KY, mga pinaikling anyo ng salitang Griego na Kyʹri·os (“Panginoon”)
[Credit Line]
From The Codex Alexandrinus in Reduced Photographic Facsimile, 1909, by permission of the British Library
500
1900
1950
GAWA 3:22, KUNG SAAN SINIPI ANG DEUTERONOMIO 18:15
BAGONG SANLIBUTANG SALIN
Ika-20 siglo C.E.
[Larawan]
Isinauli ng “Bagong Sanlibutang Salin” ang pangalan ng Diyos
2000
[Mga larawan sa pahina 20]
Iba’t ibang salin kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos sa Roma 10:13
Bibliyang Aleman, Griego, Hebreo, at Latin ni Hutter
Bibliyang Rotuman
Bibliyang Batak-toba
Bagong Sanlibutang Salin
[Mga larawan sa pahina 23]
Hiram Bingham II
[Credit Line]
Photo from Alfred M. Bingham’s book: “The Tiffany Fortune”
[Mga larawan]
Bibliyang isinalin ni Bingham sa wikang Gilbertese