Nangunguna Ka ba sa Pagpapakita ng Dangal?
“Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”—ROMA 12:10.
1. Ano ang bihira nang makita sa maraming bahagi ng daigdig?
SA ILANG bahagi ng daigdig, isang kaugalian para sa mga kabataan na manatili silang nakaluhod kapag katabi nila ang mga adulto upang hindi sila magmukhang mas mataas kaysa sa mga ito. Sa ganitong paraan, napararangalan nila ang mga nakatatanda sa kanila. Sa mga komunidad na ito, itinuturing din na isang kawalang-galang kapag tinalikuran ng isang bata ang isang adulto. Ang mga paraang ito ng paggalang na makikita sa iba’t ibang kultura ay nagpapaalaala sa atin hinggil sa Kautusang Mosaiko. Kasama rito ang utos: “Sa harap ng may uban ay titindig ka [bilang paggalang], at pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda.” (Lev. 19:32) Nakalulungkot na sa maraming lugar, bihira na ang nagpapakita ng paggalang sa iba. Sa katunayan, nakikita sa ngayon sa lahat ng dako ang kawalan ng paggalang.
2. Ayon sa Salita ng Diyos, sino ang dapat nating parangalan?
2 Sa Salita ng Diyos, napakahalaga ng pagpapakita ng dangal. Sinasabi nito sa atin na dapat nating parangalan si Jehova at si Jesus. (Juan 5:23) Iniuutos din nito sa atin na magpakita ng dangal sa mga miyembro ng ating pamilya at mga kapananampalataya, pati na rin sa ilang di-kapananampalataya. (Roma 12:10; Efe. 6:1, 2; 1 Ped. 2:17) Ano ang ilang paraan para maipakita natin na pinararangalan natin si Jehova? Paano tayo magpapakita ng dangal, o matinding paggalang, sa ating mga kapatid na Kristiyano? Isaalang-alang natin ang mga ito at ang ilang tanong na may kaugnayan dito.
Parangalan si Jehova at ang Kaniyang Pangalan
3. Ano ang isang mahalagang paraan upang parangalan si Jehova?
3 Ang isang mahalagang paraan upang parangalan si Jehova ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng wastong paggalang sa kaniyang pangalan. Tutal, tayo ay “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Tunay na isang karangalan na taglayin ang pangalan ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova. Sinabi ni propeta Mikas: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Mik. 4:5) ‘Lumalakad tayo sa pangalan ni Jehova’ kapag sinisikap nating mamuhay bawat araw sa paraang magbibigay ng karangalan sa pangalan ng Diyos. Gaya ng ipinaalaala ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, kung hindi tayo mamumuhay kasuwato ng mabuting balita na ating ipinangangaral, ang pangalan ng Diyos ay “nalalapastangan,” o nawawalan ng dangal.—Roma 2:21-24.
4. Ano ang iyong pangmalas hinggil sa pribilehiyong magpatotoo tungkol kay Jehova?
4 Napararangalan din natin si Jehova sa pamamagitan ng ating gawaing pagpapatotoo. Noon, inanyayahan ni Jehova ang bansang Israel na maging kaniyang mga saksi, pero nabigo silang gampanan ang papel na ito. (Isa. 43:1-12) Madalas nilang talikuran si Jehova anupat “pinasakitan nila maging ang Banal ng Israel.” (Awit 78:40, 41) Nang bandang huli, lubusang naiwala ng bansa ang lingap ni Jehova. Gayunpaman, nagpapasalamat tayo ngayon dahil nagkaroon tayo ng pribilehiyong magpatotoo tungkol kay Jehova at maipakilala ang kaniyang pangalan. Ginagawa natin ito dahil iniibig natin siya at inaasam-asam natin na mapabanal ang kaniyang pangalan. Paano nga natin magagawang huminto sa pangangaral gayong alam natin ang katotohanan tungkol sa ating makalangit na Ama at sa kaniyang layunin? Nadarama natin ang nadama ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Ang pangangailangan ay iniatang sa akin. Tunay nga, sa aba ko kung hindi ko ipinahayag ang mabuting balita!”—1 Cor. 9:16.
5. Sa anong paraan magkaugnay ang pananampalataya at ang paggalang kay Jehova?
5 Sinabi ng salmistang si David: “Yaong mga nakaaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo, sapagkat tiyak na hindi mo iiwan yaong mga humahanap sa iyo, O Jehova.” (Awit 9:10) Kung talagang kilala natin si Jehova at iginagalang ang kaniyang pangalan, magtitiwala tayo sa kaniya gaya ng mga tapat na lingkod ng Diyos noon. Ang pagkakaroon ng ganitong pagtitiwala at pananampalataya kay Jehova ay isa pang paraan para ipakita na pinararangalan natin siya. Pansinin kung paano pinag-uugnay ng Salita ng Diyos ang pagtitiwala kay Jehova at ang paggalang sa kaniya. Nang mabigo ang sinaunang Israel na magtiwala sa Kaniya, tinanong ni Jehova si Moises: “Hanggang kailan ako pakikitunguhan nang walang paggalang ng bayang ito, at hanggang kailan sila hindi mananampalataya sa akin sa lahat ng tanda na isinagawa ko sa gitna nila?” (Bil. 14:11) Sa kabaligtaran naman, kung magtitiwala tayo kay Jehova na iingatan at tutulungan niya tayo na mabata ang mga pagsubok, ipinapakita natin na iginagalang natin siya.
6. Ano ang nagpapakilos sa atin na ipakita ang matinding paggalang kay Jehova?
6 Ipinahiwatig ni Jesus na ang paggalang kay Jehova ay dapat na nagmumula sa puso. Nang tukuyin niya ang mga sumasamba sa Diyos nang hindi taimtim, sinipi ni Jesus ang sinabi ni Jehova: “Ang bayang ito ay nagpaparangal sa akin sa kanilang mga labi, gayunman ang kanilang puso ay malayung-malayo sa akin.” (Mat. 15:8) Ang taimtim na paggalang natin kay Jehova ay nagmumula sa ating taos-pusong pag-ibig sa kaniya. (1 Juan 5:3) At dapat din nating tandaan ang pangako ni Jehova: “Yaong mga nagpaparangal sa akin ay pararangalan ko.”—1 Sam. 2:30.
Ang mga Tagapangasiwa ng Kongregasyon ay Nagpapakita ng Paggalang sa Iba
7. (a) Bakit dapat magpakita ng dangal sa kanilang pinangangasiwaan ang mga kapatid na lalaki na may mabibigat na pananagutan? (b) Paano nagpakita ng paggalang si Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya?
7 Nagpayo si apostol Pablo sa mga kapananampalataya niya: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Ang mga kapatid na lalaki na may mabibigat na pananagutan sa loob ng kongregasyon ay dapat maging halimbawa—“manguna”—sa pagpapakita ng dangal sa mga pinangangasiwaan nila. Sa bagay na ito, ang mga tagapangasiwa ay dapat tumulad sa halimbawa ni Pablo. (Basahin ang 1 Tesalonica 2:7, 8.) Alam ng mga kapatid na lalaki sa mga kongregasyong dinalaw ni Pablo na hindi niya ipagagawa sa kanila ang mga bagay na kahit siya mismo ay hindi niya kayang gawin. Iginalang ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya, kaya naman iginalang din nila siya. Nang sabihin ni Pablo: “Kaya nga namamanhik ako sa inyo, maging mga tagatulad kayo sa akin,” makatitiyak tayo na marami ang tumulad kay Pablo dahil sa kaniyang mabuting halimbawa.—1 Cor. 4:16.
8. (a) Sa anong mahalagang paraan nagpakita si Jesus ng paggalang sa kaniyang mga alagad? (b) Paano matutularan ng mga tagapangasiwa sa ngayon ang halimbawa ni Jesus?
8 Naipapakita rin ng isang kapatid na lalaki na may pananagutan ang paggalang sa kaniyang pinangangasiwaan kung ipinaliliwanag niya ang mga dahilan kung bakit niya hinihiling sa kanila na gawin ang isang bagay o kung bakit siya nagbigay ng isang partikular na tagubilin. Sa paggawa nito, tinutularan niya si Jesus. Halimbawa, nang sabihin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na manalangin para magpadala ng maraming manggagawa sa pag-aani, binanggit niya ang dahilan. Sinabi niya: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mat. 9:37, 38) Ibinigay rin ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang dahilan kung bakit niya sinabi sa kanila na “patuloy kayong magbantay.” Sinabi niya: “Dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” (Mat. 24:42) Sa maraming pagkakataon, hindi lamang sinasabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung ano ang dapat nilang gawin kundi kung bakit dapat nilang gawin ito. Sa ganitong paraan, nagpakita siya ng paggalang sa kanila. Tunay na isang mabuting halimbawa na dapat tularan ng mga tagapangasiwang Kristiyano!
Igalang ang Kongregasyon ni Jehova at ang Tagubilin Nito
9. Sino ang pinararangalan natin kapag nagpapakita tayo ng paggalang sa pambuong-daigdig na kongregasyong Kristiyano at sa mga kinatawan nito? Ipaliwanag.
9 Para maparangalan si Jehova, kailangan din nating parangalan ang pambuong-daigdig na kongregasyong Kristiyano, kasama ang mga kinatawan nito. Kapag nakikinig tayo sa maka-Kasulatang payo mula sa uring tapat na alipin, nagpapakita tayo ng paggalang sa mga kaayusan ni Jehova. Noong unang siglo, nakita ni apostol Juan sa kongregasyong Kristiyano ang pangangailangan na sawayin ang mga hindi nagpapakita ng paggalang sa mga hinirang. (Basahin ang 3 Juan 9-11.) Makikita sa mga salita ni Juan na hindi lamang winalang-galang ang mga tagapangasiwa kundi ipinagwalang-bahala rin ang kanilang mga turo at tagubilin. Mabuti na lamang, hindi ganito ang ginawa ng karamihan sa mga Kristiyano. Noong nabubuhay pa ang mga apostol, ang kapatiran sa kabuuan ay maliwanag na nagpakita ng matinding paggalang sa mga nangunguna.—Fil. 2:12.
10, 11. Ipaliwanag mula sa Kasulatan kung bakit wastong bigyan ng awtoridad ang ilan sa loob ng kongregasyong Kristiyano.
10 Nangangatuwiran ang ilan na yamang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na “lahat kayo ay magkakapatid,” hindi dapat magkaroon ng posisyon ng awtoridad sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (Mat. 23:8) Pero sa Hebreo at Griegong Kasulatan, marami tayong mababasang halimbawa ng mga lalaking binigyan ng Diyos ng awtoridad. Ang kasaysayan ng mga Hebreong patriyarka, hukom, at hari noong sinaunang panahon ay naglalaan ng sapat na katibayan na nagbibigay si Jehova ng tagubilin sa mga taong kumakatawan sa kaniya. Kapag winalang-galang ng bayan ang mga hinirang ng Diyos, dinidisiplina sila ni Jehova.—2 Hari 1:2-17; 2:19, 23, 24.
11 Sa katulad na paraan, kinilala ng unang-siglong mga Kristiyano ang awtoridad ng mga apostol. (Gawa 2:42) Halimbawa, nagbigay ng tagubilin si Pablo sa kaniyang mga kapatid. (1 Cor. 16:1; 1 Tes. 4:2) Gayunman, handa rin siyang magpasakop sa mga may awtoridad sa kaniya. (Gawa 15:22; Gal. 2:9, 10) Oo, may wastong pananaw si Pablo hinggil sa awtoridad ng kongregasyong Kristiyano.
12. Anong dalawang aral tungkol sa awtoridad ang matututuhan natin mula sa mga halimbawa sa Bibliya?
12 Dalawang aral ang matututuhan natin dito. Una, maka-Kasulatan para sa “tapat at maingat na alipin,” sa pamamagitan ng Lupong Tagapamahala nito, na humirang ng mga lalaki bilang mga tagapangasiwa, at ang ilang lalaki naman ay hinirang upang mangasiwa sa ibang hinirang na lalaki. (Mat. 24:45-47; 1 Ped. 5:1-3) Ikalawa, lahat tayo, pati na ang hinirang na mga lalaki, ay dapat magpakita ng dangal sa mga may awtoridad sa atin. Kung gayon, ano ang ilang praktikal na paraan para maparangalan natin ang mga nangangasiwa sa pambuong-daigdig na kongregasyong Kristiyano?
Pagpapakita ng Paggalang sa mga Naglalakbay na Tagapangasiwa
13. Paano natin maipapakita ang paggalang sa mga kinatawan ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon?
13 Sinabi ni Pablo: “Hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na isaalang-alang yaong mga nagpapagal sa gitna ninyo at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagpapaalaala sa inyo; at bigyan sila ng higit pa kaysa di-pangkaraniwang konsiderasyon sa pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Makipagpayapaan kayo sa isa’t isa.” (1 Tes. 5:12, 13) Tiyak na ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ay kabilang sa “mga nagpapagal.” Kaya naman, ibigay natin sa kanila ang “higit pa kaysa di-pangkaraniwang konsiderasyon.” Ang isang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pagsunod nang buong puso sa kanilang mga tagubilin. Kapag ang gayong tagapangasiwa ay may ibinigay na mga tagubilin mula sa uring tapat na alipin, ang “karunungan mula sa itaas” ang magpapakilos sa atin na maging “handang sumunod.”—Sant. 3:17.
14. Paano ipinapakita ng kongregasyon ang taos-pusong paggalang sa mga naglalakbay na tagapangasiwa, at ano ang resulta nito?
14 Gayunman, paano kung tinagubilinan tayong gawin ang mga bagay na iba sa nakasanayan natin? Kung minsan, para maipakita natin ang paggalang, kailangan nating pigilan ang tendensiyang tumutol sa kanilang tagubilin anupat sinasabi, “Hindi namin ‘yan ginagawa rito” o, “Maaaring umubra ‘yan sa iba pero hindi sa kongregasyon namin.” Sa halip, sinisikap nating sumunod sa tagubilin. Mauudyukan tayo na gawin ito kung tatandaan natin na pag-aari ni Jehova ang kongregasyon at si Jesus ang Ulo nito. Kapag ang tagubilin mula sa isang naglalakbay na tagapangasiwa ay tinanggap nang may kagalakan at sinunod ng kongregasyon, katibayan ito ng taos-pusong paggalang sa inatasan ng Diyos. Pinuri ni apostol Pablo ang mga kapatid sa Corinto dahil sa ipinakita nilang paggalang at pagsunod sa tagubiling ibinigay sa kanila ng dumadalaw na matanda na si Tito. (2 Cor. 7:13-16) Sa ngayon, kapag kusang-loob nating ikinakapit ang mga patnubay na ibinigay sa atin ng mga naglalakbay na tagapangasiwa, makatitiyak din tayo na magdudulot ito sa atin nang masidhing kagalakan sa ating gawaing pangangaral.—Basahin ang 2 Corinto 13:11.
“Parangalan ang Lahat ng Uri ng mga Tao”
15. Ano ang ilang paraan para maipakita natin ang paggalang sa ating mga kapananampalataya?
15 Sumulat si Pablo: “Huwag mong punahin nang may katindihan ang isang matandang lalaki. Sa halip, mamanhik ka sa kaniya gaya ng sa isang ama, sa mga nakababatang lalaki gaya ng sa mga kapatid na lalaki, sa matatandang babae gaya ng sa mga ina, sa mga nakababatang babae gaya ng sa mga kapatid na babae nang may buong kalinisan. Parangalan mo ang mga babaing balo na talagang mga balo.” (1 Tim. 5:1-3) Oo, pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na parangalan ang lahat ng kabilang sa kongregasyong Kristiyano. Pero paano kung mayroong di-pagkakasundo sa pagitan mo at sa iyong kapatid sa kongregasyon? Igagalang mo pa ba ang Kristiyanong kapatid na ito? O hahanapin ang kaniyang mabubuting katangian bilang lingkod ng Diyos? Dapat na palaging igalang lalo na ng mga tagapangasiwa ang kanilang mga kapatid—anupat hindi kailanman “namamanginoon . . . sa kawan.” (1 Ped. 5:3) Sa katunayan, sa loob ng kongregasyong Kristiyano, na kilala dahil sa taos-pusong pag-ibig na makikita sa mga miyembro nito, marami tayong pagkakataon upang parangalan ang isa’t isa.—Basahin ang Juan 13:34, 35.
16, 17. (a) Bakit mahalaga na igalang hindi lamang ang ating pinangangaralan kundi pati na rin ang mga mananalansang? (b) Paano natin ‘mapararangalan ang lahat ng uri ng tao’?
16 Sabihin pa, iginagalang natin hindi lamang ang mga kabilang sa kongregasyong Kristiyano. Sumulat si Pablo sa mga Kristiyano noong panahon niya: “Habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat.” (Gal. 6:10) Totoo naman na mahirap ikapit ang simulaing ito kapag hindi maganda ang pakikitungo sa atin ng isang katrabaho o isang kaklase. Sa gayong mga pagkakataon, kailangan nating tandaan ang mga salitang ito: “Huwag kang mag-init dahil sa mga manggagawa ng kasamaan.” (Awit 37:1) Ang pagkakapit ng payong ito ay tutulong sa atin na tumugon nang may paggalang kahit sa mga mananalansang. Gayundin, habang nangangaral tayo, ang pagiging mapagpakumbaba ay tutulong sa atin na tumugon sa lahat ng tao taglay “ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Ped. 3:15) Makikita kahit sa ating hitsura at pananamit na iginagalang natin ang ating pinangangaralan.
17 Oo, tayo man ay nakikitungo sa ating mga kapananampalataya o sa mga di-kapananampalataya, sikapin nating ikapit ang payo: “Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao, magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid, matakot sa Diyos, magbigay-dangal sa hari.”—1 Ped. 2:17.
Paano Mo Sasagutin?
Paano mo wastong maipapakita ang paggalang:
• Kay Jehova?
• Sa matatanda at mga naglalakbay na tagapangasiwa?
• Sa bawat miyembro ng kongregasyon?
• Sa iyong pinangangaralan?
[Larawan sa pahina 23]
Iginalang ng unang-siglong mga Kristiyano ang pangangasiwa ng lupong tagapamahala
[Larawan sa pahina 24]
Pinararangalan ng matatanda sa kongregasyon mula sa lahat ng lupain ang mga naglalakbay na tagapangasiwa na hinirang ng Lupong Tagapamahala