Susi sa Maligayang Pamilya
Manatiling Tapat sa Inyong Sumpaan Bilang Mag-asawa
Sabi ng babae: “Napansin ko na nagiging malayo ang loob sa akin ng asawa kong si Michael, at malamig ang pakikitungo niya sa aming mga anak.a Nagbago siya nang magkaroon kami ng Internet, at ang suspetsa ko, tumitingin siya ng pornograpya sa computer. Isang gabi nang tulog na ang mga bata, tinanong ko siya hinggil dito at inamin niyang matagal na siyang tumitingin ng pornograpya sa Internet. Lumung-lumo ako. Hindi ako makapaniwala na nangyayari ito sa akin. Nawalan ako ng tiwala sa kaniya. Ang masama pa nito, kailan lang, nagsimulang magpakita ng romantikong interes sa akin ang katrabaho ko.”
Sabi ng lalaki: “Ilang panahon na ang nakalilipas, may nakitang malaswang larawan sa aming computer ang asawa kong si Maria at tinanong niya ako hinggil dito. Nang aminin ko na lagi akong tumitingin ng pornograpya sa Internet, galit na galit siya. Hiyang-hiya ako at sising-sisi. Akala ko, maghihiwalay na kami.”
ANO kaya ang nangyari sa pagsasama nina Michael at Maria? Baka isipin mo na ang pagtingin sa pornograpya ang pangunahing problema ni Michael. Pero gaya ng natanto niya, ang bisyong ito ay sintomas ng mas malalang problema—hindi siya tapat sa sumpaan nilang mag-asawa.b Nang magpakasal sina Michael at Maria, inaasam nilang magkaroon ng isang buhay na punung-puno ng pagmamahalan at masasayang karanasan. Pero gaya ng karamihan ng mag-asawa, hindi na sila nagiging tapat sa kanilang sumpaan sa paglipas ng panahon, at tila unti-unti na silang nawawalan ng interes sa isa’t isa.
Nadarama mo bang lumalamig ang pagtitinginan ninyong mag-asawa habang lumilipas ang panahon? Gusto mo bang mabago ito? Kung oo, kailangan mong malaman ang sagot sa tatlong tanong: Ano ang ibig sabihin ng pagiging tapat sa sumpaan ninyong mag-asawa? Anu-anong problema ang maaaring magpahina sa inyong sumpaan? At ano ang maaari mong gawin para manatili kang tapat sa sinumpaan mo sa iyong asawa?
Pagiging Tapat sa Sumpaan—Ano ang Kahulugan Nito?
Ano ang nasasangkot sa pagiging tapat sa sumpaan? Marami ang nananatiling tapat sa kanilang sumpaan dahil lamang sa pagkadama ng obligasyon. Halimbawa, patuloy na nagsasama ang mag-asawa dahil sa kanilang mga anak o kaya nama’y iniisip nilang pananagutan nila ito sa Diyos, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa. (Genesis 2:22-24) Oo, kapuri-puri naman ang mga dahilang iyan at tutulong pa nga iyan para malampasan ang mga problema sa pag-aasawa. Pero higit pa sa pagkadama ng obligasyon ang kailangan para maging masaya ang pag-aasawa.
Dinisenyo ng Diyos na Jehova ang pag-aasawa para magdulot ng masidhing kagalakan at kasiyahan. Layunin niya para sa lalaki na ‘magsaya sa kaniyang asawa’ at para sa babae naman na ibigin ang kaniyang asawang lalaki at makadama na iniibig siya ng kaniyang asawa gaya ng sarili nitong katawan. (Kawikaan 5:18; Efeso 5:28) Para magkaroon ng ganitong ugnayan ang mag-asawa, dapat matuto silang magtiwala sa isa’t isa. Mahalaga rin na maging magkaibigan sila habang-buhay. Kapag sinisikap itong gawin ng mag-asawa, lalong titibay ang sumpaan nila sa isa’t isa. Magiging malapít sila sa isa’t isa anupat silang dalawa ay parang “isang laman” gaya ng paglalarawan ng Bibliya.—Mateo 19:5.
Kung gayon, ang pagiging tapat sa sumpaan ay maihahalintulad sa halo ng semento na nagdidikit sa mga bloke para tumibay ang pagkakatayo sa bahay. Upang makabuo ng gayong halo, kailangan ng buhangin, semento, at tubig. Sa katulad na paraan, para maging tapat ang mag-asawa sa kanilang sumpaan, kailangan ang tatlong bagay na ito: pananagutan, katapatan, at pakikipagkaibigan. Ano naman ang maaaring magpahina sa ugnayan ng mag-asawa?
Ano ang mga Problema?
Ang pagiging tapat sa sumpaan ay nangangailangan ng pagsisikap at pagsasakripisyo. Baka kailangan mong isaisantabi ang iyong sariling mga kagustuhan alang-alang sa iyong asawa. Gayunman, ang pagpaparaya—na walang inaasahang kapalit—ay hindi na ginagawa ng marami at hindi pa nga katanggap-tanggap para sa ilan. Pero tanungin mo ang iyong sarili, ‘Ilang taong makasarili na kilala ko ang masaya sa kanilang pag-aasawa?’ Malamang na kaunti lang, kung mayroon man. Bakit? Ang isang taong makasarili ay malamang na hindi manatiling tapat sa sumpaan ng pag-aasawa kapag kailangan na niyang magsakripisyo, lalo na kung wala naman siyang makukuha agad na pakinabang sa kaniyang pagpaparaya. Kung hindi magiging tapat sa sumpaan ang mag-asawa, lalamig ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa, gaanuman katindi ang kanilang pag-ibig noong una.
Sinabi mismo ng Bibliya na kailangan ng pagsisikap sa pag-aasawa. Sinasabi nito na “ang lalaking may asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng kaniyang asawa,” at na “ang babaing may asawa ay nababalisa para sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya makakamit ang pagsang-ayon ng kaniyang asawa.” (1 Corinto 7:33, 34) Nakalulungkot, maging sa mga mag-asawang hindi naman makasarili, may mga pagkakataong naisasaisantabi pa rin nila ang mga ikinababahala ng kanilang kabiyak o ang pagsasakripisyo nito. Kapag hindi napahalagahan ng mag-asawa ang isa’t isa, ang kanilang pagsasama ay hahantong sa higit na “kapighatian sa kanilang laman” sa halip na makatulong sa kanila.—1 Corinto 7:28.
Para lalong maging maligaya ang inyong pag-aasawa at malampasan nito ang mahihirap na kalagayan, kailangan mong isipin na ang inyong pagsasama ay pangmatagalan. Paano ka magkakaroon ng gayong saloobin, at paano mo mapasisigla ang iyong kabiyak na manatiling tapat sa iyo?
Pagiging Tapat sa Sumpaan—Paano Ito Patitibayin?
Ang isang mahalagang paraan ay ang ikapit ang mga payo sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa paggawa nito, ‘makikinabang ka’ pati na rin ang iyong kabiyak. (Isaias 48:17) Isaalang-alang ang dalawang praktikal na hakbang na magagawa mo.
1. Unahin ang iyong asawa. ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga,’ ang sulat ni apostol Pablo. (Filipos 1:10) Sa paningin ng Diyos, napakahalaga ng paraan ng pakikitungo ng mag-asawa sa isa’t isa. Ang isang lalaki na nagpaparangal sa kaniyang asawa ay pararangalan din ng Diyos. At ang isang babae na may paggalang sa kaniyang asawa ay “malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.”—1 Pedro 3:1-4, 7.
Gaano kahalaga sa iyo ang inyong pagsasama? Kadalasan, miyentras na mas mahalaga sa iyo ang isang gawain, mas marami kang panahong ginugugol dito. Tanungin ang iyong sarili: ‘Nitong nakaraang buwan, gaano kalaking panahon ang ginugol ko kasama ang aking asawa? Anong espesipikong mga bagay ang ginawa ko para tiyakin sa aking asawa na matalik na magkaibigan pa rin kami?’ Kung kaunting panahon lamang ang naiuukol mo sa iyong kabiyak o kung wala kang panahon para sa kaniya, mahihirapan siyang maniwala na tapat ka sa inyong ugnayan.
Iniisip ba ng iyong kabiyak na tapat ka sa sumpaan ninyong mag-asawa? Paano mo malalaman?
SUBUKIN ITO: Ilista sa isang pirasong papel ang sumusunod na limang kategorya: pera, trabaho, pag-aasawa, libangan, at mga kaibigan. Lagyan mo ng bilang ang inilista mo na sa tingin mo ay pangunahin sa iyong asawa. Ipagawa rin ito sa iyong asawa; ipalista sa kaniya ang sa tingin niya’y pangunahin sa iyo. Pagkatapos, makipagpalit ng papel sa iyong kabiyak. Kung nadarama ng iyong kabiyak na kulang ang panahon at atensiyon na ibinibigay mo sa kaniya, pag-usapan ninyo ang mga pagbabagong kailangan ninyong gawin para patibayin ang inyong sumpaan sa isa’t isa. Tanungin din ang iyong sarili, ‘Ano ang kailangan kong gawin para maging higit na interesado ako sa mga bagay na mahalaga sa aking asawa?’
2. Iwasan ang anumang uri ng pagtataksil. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Kapag ang isa ay nakipagtalik sa hindi niya asawa, malaking dagok ito sa kanilang pagsasama, na ayon sa Bibliya ay saligan ng pagdidiborsiyo. (Mateo 5:32) Subalit ipinakikita ng kababanggit na mga salita ni Jesus na maaaring magkaroon ang isa ng maling pagnanasa sa kaniyang puso bago pa man siya gumawa ng aktuwal na pangangalunya. Kapag hindi inalis agad sa isip ang ganitong maling pagnanasa, isa na itong uri ng pagtataksil.
Para manatiling tapat sa sumpaan ninyong mag-asawa, taimtim na mangako na hindi ka titingin sa pornograpya. Anuman ang maaaring sabihin ng marami, nakalalason sa pag-aasawa ang pornograpya. Pansinin kung ano ang damdamin ng isang asawang babae tungkol sa panonood ng kaniyang asawa ng pornograpya: “Sinabi ng asawa ko na ang panonood ng pornograpya ay nakadaragdag ng init sa aming pagmamahalan. Pero ipinadarama lang nito sa akin na wala akong kuwenta, na hindi ako sapat sa kaniya. Kapag nanonood siya nito, umiiyak na lang ako hanggang sa makatulog ako.” Masasabi mo bang ang ginagawa ng lalaking iyon ay nakatutulong para patibayin ang kanilang pagsasama o sinisira niya iyon? Sa tingin mo kaya’y nagiging mas madali para sa asawang babae na manatiling tapat sa kanilang sumpaan? Itinuturing kaya ng lalaking ito ang kaniyang asawa bilang pinakamatalik niyang kaibigan?
Ipinahayag ng tapat na lalaking si Job ang kaniyang katapatan sa kaniyang asawa at sa kaniyang Diyos sa pamamagitan ng ‘pakikipagtipan sa kaniyang mga mata.’ Determinado siyang hindi ‘magbigay-pansin sa isang dalaga.’ (Job 31:1) Paano mo matutularan si Job?
Bukod pa sa pag-iwas sa pornograpya, kailangan mo ring ingatan ang iyong puso mula sa pagkakaroon ng di-wastong pagkagiliw sa isang di-kasekso. Totoo, iniisip ng marami na hindi nakapipinsala sa pag-aasawa ang pakikipagligaw-biro sa mga di-kasekso. Pero nagbabala sa atin ang Salita ng Diyos: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib. Sino ang makakakilala nito?” (Jeremias 17:9) Nalinlang ka na ba ng iyong puso? Tanungin ang iyong sarili: ‘Sino ang higit kong pinagtutuunan ng pansin—ang asawa ko o ang ibang di-kasekso? Kanino ko unang ikinukuwento ang magagandang bagay—sa asawa ko, o sa iba? Kung hiniling ng asawa ko na limitahan ko ang pakikisama sa isang di-kasekso, ano ang magiging reaksiyon ko? Magagalit ba ako, o maluwag sa loob kong gagawin ang hinihiling niya?’
SUBUKIN ITO: Kung nagkakagusto ka sa isa na hindi mo asawa, limitahan ang iyong pakikipag-usap sa kaniya. Makipag-usap sa kaniya kung kailangan lamang at hindi tungkol sa personal na mga bagay. Huwag mong isipin na mas mahusay ang taong iyon kaysa sa iyong asawa. Sa halip, ituon mo ang iyong pansin sa magagandang katangian ng iyong asawa. (Kawikaan 31:29) Alalahanin kung bakit nahulog ang loob mo sa iyong asawa. Tanungin ang iyong sarili, ‘Talaga bang nagbago na ang mga katangian ng asawa ko, o hindi ko lang nakikita ang mga ito?’
Kumilos
Sina Michael at Maria, na binanggit kanina, ay nagpasiyang humingi ng payo kung paano mapagtatagumpayan ang kanilang mga problema. Sabihin pa, hindi lamang paghingi ng payo ang kailangan. At dahil handa sina Michael at Maria na harapin ang kanilang problema at humingi ng tulong, ipinakikita lamang nito na tapat sila sa kanilang sumpaan bilang mag-asawa, at handa nilang gawin ang lahat para magtagumpay ang kanilang pagsasama.
Matibay man o may problema ang inyong pag-aasawa, kailangan mong ipakita sa iyong kabiyak na determinado kang gawin ang lahat para magtagumpay ang inyong pag-aasawa. Gumawa ng kinakailangang mga hakbang para patunayan sa iyong asawa na tapat ka sa inyong sumpaan. Handa ka bang gawin iyan?
[Mga talababa]
a Binago ang mga pangalan.
b Bagaman lalaki ang ginamit ditong halimbawa, ang isang babae na tumitingin ng pornograpya ay hindi rin nagiging tapat sa sumpaan nilang mag-asawa.
TANUNGIN ANG IYONG SARILI . . .
▪ Anu-anong gawain ang puwede kong limitahan para magkaroon ako ng higit na panahon sa aking asawa?
▪ Ano ang maaari kong gawin para patunayan sa aking asawa na tapat ako sa aming sumpaan?
[Larawan sa pahina 20]
Maglaan ng panahon sa iyong asawa
[Larawan sa pahina 21]
Ang pagtataksil ay nagsisimula sa puso