Sino ang Diyos?
PAANO mo sasagutin ang tanong na iyan? Nadarama ng ilan na kilalang-kilala nila ang Diyos—na siya ay isang malapít na kaibigan. Para naman sa iba, ang Diyos ay parang isang malayong kamag-anak. Naniniwala sila na umiiral siya pero kaunti lamang ang alam nila tungkol sa kaniya. Kung naniniwala ka sa Diyos, paano mo sasagutin ang sumusunod na mga tanong?
1. Tunay na persona ba ang Diyos?
2. May pangalan ba ang Diyos?
3. Si Jesus ba ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat?
4. Nagmamalasakit ba sa akin ang Diyos?
5. Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang lahat ng uri ng pagsamba?
Kung itatanong mo sa iba ang mga tanong na ito, malamang na magkakaiba ang sagot nila. Kaya hindi tayo magtataka kung bakit may mga kathang-isip at maling ideya tungkol sa Diyos.
Kung Bakit Napakahalaga ng mga Sagot
Habang nakikipag-usap si Jesu-Kristo sa isang babaing relihiyosa na nakilala niya sa may balon, idiniin Niya ang pangangailangang malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos. Kinikilala ng Samaritanang ito na si Jesus ay isang propeta pero may bumabagabag sa kaniya. Magkaiba sila ni Jesus ng relihiyon. Nang ipahayag niya ang kaniyang pagkabahala, tuwirang sinabi sa kaniya ni Jesus: “Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala.” (Juan 4:19-22) Maliwanag na itinuro ni Jesus na hindi lahat ng relihiyosong tao ay tunay na nakakakilala sa Diyos.
Ibig bang sabihin ni Jesus na walang sinuman ang talagang makakakilala sa Diyos? Hindi. Ganito pa ang sinabi ni Jesus sa babaing ito: “Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:23) Isa ka ba sa mga taong sumasamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan”?
Napakahalaga na matiyak mo ang sagot sa tanong na ito. Bakit? Sa kaniyang panalangin, idiniin ni Jesus na kailangan ang tumpak na kaalaman, nang sabihin niya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Oo, ang pag-asa mong mabuhay sa hinaharap ay nakasalalay sa pagkaalam mo ng katotohanan tungkol sa Diyos!
Posible ba talagang malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos? Aba, siyempre! Kung gayon, paano mo ito masusumpungan? Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang sarili: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Sinabi rin niya: “Kung sino ang Ama ay walang nakaaalam kundi ang Anak, at yaong sa kaniya ay nais ng Anak na isiwalat siya.”—Lucas 10:22.
Kaya ang susi para makilala ang Diyos ay masusumpungan sa mga turo ni Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos. Sa katunayan, nangangako sa atin si Jesus: “Kung patuloy kayong susunod sa aking aral, tunay ngang kayo’y mga alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:31, 32, Magandang Balita Biblia.
Kung gayon, paano kaya sasagutin ni Jesus ang limang tanong na ibinangon sa pasimula?
[Larawan sa pahina 4]
Kilala mo ba talaga ang Diyos na sinasamba mo?