May Panahon sa Lahat ng Bagay
“Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga para sa bawat pangyayari sa silong ng langit,” ang sabi ng Bibliya. Sinabi pa nga ng manunulat ng mga salitang iyon, ang sinaunang matalinong hari na si Solomon, na may panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan, panahon ng pagtatayo at panahon ng paggiba, panahon ng pag-ibig at panahon ng pagkapoot. Bilang panghuli, sinabi niya: “Ano ang pakinabang ng manggagawa sa kaniyang pinagpapagalan?”—Eclesiastes 3:1-9.
KAPAG nabasa ng ilan ang mga salitang iyon, iniisip nila na talagang itinuturo ng Bibliya ang tungkol sa tadhana. Gayon nga ba? Itinuturo nga ba ng Bibliya na ang lahat ng bagay sa buhay ay nakatadhana? Yamang “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos,” ang nababasa natin sa isang bahagi ng Bibliya ay dapat na kasuwato ng sinasabi sa iba pang bahagi nito. Kaya alamin natin kung ano ang sinasabi hinggil dito ng iba pang bahagi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.—2 Timoteo 3:16.
Panahon at Di-inaasahang Pangyayari
Sa aklat ng Eclesiastes, ganito pa ang isinulat ni Solomon: “Ako ay nagbalik upang makita sa ilalim ng araw na ang takbuhan ay hindi sa matutulin, ni ang pagbabaka ay sa mga makapangyarihan, ni ang pagkain man ay sa marurunong, ni ang kayamanan man ay sa mga may-unawa, ni ang lingap man ay sa mga may kaalaman.” Bakit? Sinabi niya: “Sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.”—Eclesiastes 9:11.
Sa halip na sabihing ang lahat ng bagay sa buhay ay nakatadhana, binabanggit ni Solomon na hindi patiunang masasabi ng mga tao nang tumpak kung ano ang kalalabasan ng anumang bagay na sinisikap nilang gawin “sapagkat ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” Kadalasan, may nangyayari sa isang tao dahil naroon siya sa tamang lugar sa tamang panahon, o maaari nating sabihing naroon siya sa maling lugar sa maling panahon.
Halimbawa, pansinin ang pananalitang ito: “Ang takbuhan ay hindi sa matutulin.” Maaaring naalaala o nabasa mo ang tungkol sa napabantog, pero pambihirang, 3000-metrong takbuhan ng mga babae sa 1984 Olympics na ginanap sa Los Angeles, California, E.U.A. Dalawang mananakbo, ang isa’y kumakatawan sa Britanya at ang isa naman ay sa Estados Unidos, ang parehong umaasang mananalo ng gintong medalya. Ngunit sa kalagitnaan ng takbuhan, nagkabanggaan sila. Natumba ang isa at hindi na nakapagpatuloy sa pagtakbo; ang isa naman ay labis na nasiraan ng loob anupat pampito lamang siya sa nakatapos sa takbuhan.
Nakatadhana ba itong mangyari? Maaaring sabihin ng ilan na gayon nga. Pero maliwanag na dahil sa banggaan—isang aksidente na hindi inaasahan ng sinuman—kaya pareho silang natalo sa takbuhan. Kung gayon, nakatadhana ba na magkabanggaan sila? Muli, baka sabihin ng ilan na gayon nga. Pero ipinalalagay ng mga komentarista na ang aksidente ay dahil sa matinding kompetisyon sa pagitan ng dalawang magagaling na atleta na bawat isa’y nagsisikap na manalo. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” Gaano man kahanda ang isa, laging may di-inaasahang mga bagay na maaaring makaapekto sa kalalabasan ng isang pagsisikap, at wala itong kaugnayan sa tadhana.
Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng Bibliya nang sabihin nito: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon”? May magagawa ba tayo na makaaapekto sa mangyayari sa ating buhay—sa kahihinatnan natin?
Ang Pinakamabuting Panahon Para sa Bawat Pagsisikap
Ang sinabing iyon ng kinasihang manunulat ng Bibliya ay hindi tumutukoy sa kapalaran ng bawat indibiduwal o sa kahihinatnan ng isa, kundi tumutukoy ito sa layunin ng Diyos at kung paano ito makaaapekto sa mga tao. Paano natin nalaman iyan? Una sa lahat, iyan ang sinasabi sa atin ng konteksto. Pagkatapos banggitin ang maraming bagay na waring may “takdang panahon,” sumulat si Solomon: “Nakita ko ang kaabalahang ibinigay ng Diyos sa mga anak ng sangkatauhan upang pagkaabalahan. Ang lahat ng bagay ay ginawa niyang maganda sa kapanahunan nito.”—Eclesiastes 3:10, 11.
Binigyan ng Diyos ang tao ng maraming gawain, o pagkakaabalahan—itinala ni Solomon ang ilan sa mga ito. Binigyan din tayo ng Diyos ng kalayaang pumili kung ano ang gusto nating gawin. Gayunman, may angkop na panahon para sa bawat gawain, na magdudulot ng pinakamainam na resulta. Kuning halimbawa ang sinabi ni Solomon sa Eclesiastes 3:2 na “may panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot sa itinanim.” Alam ng mga magsasaka na may tamang panahon ng pagtatanim sa bawat pananim. Paano kung wawaling-bahala ng magsasaka ang katotohanang ito at magtatanim siya sa maling panahon? Dapat ba niyang sisihin ang tadhana kung hindi maging maganda ang kaniyang ani, kahit pa nga pinagpagalan niya ito? Siyempre hindi! Kasi hindi siya nagtanim sa tamang panahon. Nagkaroon sana ng magandang ani ang magsasaka kung sinunod lamang niya ang likas na kaayusan ng mga bagay na ginawa ng Maylalang.
Kaya hindi ang kapalaran ng mga indibiduwal o ang kahihinatnan ng lahat ng bagay ang itinakda ng Diyos, kundi ang ilang simulaing umuugit sa mga gawain ng tao na kaayon ng Kaniyang layunin. Upang magtagumpay ang mga tao sa mga bagay na nais nilang gawin, dapat nilang maunawaan ang layunin ng Diyos at kumilos kasuwato nito at ng Kaniyang itinakdang panahon. Kaya ang nakatakda at ang hindi na mababago pa ay ang layunin ng Diyos, at hindi ang kapalaran ng mga indibiduwal. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi ni Jehova: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig [ay] hindi . . . babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”—Isaias 55:11.
Kung gayon, ano ang “salita” o inihayag na layunin ng Diyos sa lupa at sa kinabukasan ng tao na “tiyak na magtatagumpay”?
Unawain ang Takdang Panahon ng Diyos
Bilang pahiwatig, pagkatapos sabihin ni Solomon, “Ang lahat ng bagay ay ginawa [ng Diyos na] maganda sa kapanahunan nito,” sinabi niya, “Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso, upang hindi kailanman matuklasan ng mga tao ang gawa na ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan.” Ganito naman ang pagkakasalin sa talatang ito ng Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino: “Naglagay din siya ng kawalang-hanggan sa puso ng mga tao; gayunman, hindi nila natarok kung ano ang ginawa ng Diyos mula sa simula hanggang sa wakas.”—Eclesiastes 3:11.
Marami na ang naisulat hinggil sa talatang ito. Ngunit ang totoo, sa kaibuturan ng ating puso, lahat tayo sa paanuman ay nagtatanong tungkol sa kahulugan ng buhay at sa ating kahihinatnan. Sa buong kasaysayan, hindi matanggap ng tao na nabubuhay lamang tayo para magtrabaho at pagkatapos ay mamatay. Tayong mga tao ay naiiba sa lahat ng nabubuhay na nilalang dahil iniisip natin hindi lamang ang kasalukuyang buhay, kundi pati na rin ang hinaharap. Nais pa nga nating mabuhay nang walang hanggan. Bakit? Gaya ng sinasabi ng kasulatan, ang Diyos ay “naglagay ng kawalang-hanggan sa puso ng mga tao.”
Upang masapatan ang hangaring iyon, kadalasang nagtatanong ang tao kung may kabilang-buhay ba. Iniisip ng ilan na may isang bagay sa loob natin na patuloy na nabubuhay pagkamatay natin. Naniniwala naman ang iba na tayo ay muling ipanganganak sa walang-katapusang mga reinkarnasyon. Ang iba pa ay nag-aakalang ang lahat ng bagay sa buhay ay nakatadhana at wala nang magagawa pa rito. Nakalulungkot, wala isa man sa mga paliwanag na ito ang talagang kasiya-siya. Dahil kung sa sariling pagsisikap lamang, “hindi kailanman matutuklasan ng mga tao ang ginawa ng tunay na Diyos mula sa pasimula hanggang sa katapusan,” ang sabi ng Bibliya.
Sa buong kasaysayan ng tao, matagal nang hinahangad ng mga pilosopo at mga intelektuwal ang kasagutan pero anumang pagsisikap ang gawin nila, wala naman silang kakayahang masumpungan ito. Gayunman, yamang inilagay ng Diyos ang hangaring iyon sa ating puso, hindi ba makatuwirang umasa tayo sa kaniya na ibibigay niya sa atin ang kailangan natin upang masapatan ang hangaring iyon? Tutal, ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:16) Kung pag-aaralan natin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, masusumpungan natin ang kasiya-siyang mga paliwanag hinggil sa buhay at kamatayan at tungkol sa walang-hanggang layunin ng Diyos may kaugnayan sa lupa at sa sangkatauhan.—Efeso 3:11.
[Blurb sa pahina 5]
“Ang takbuhin ay hindi sa matutulin.”—Eclesiastes 9:11
[Blurb sa pahina 6]
Kung ang magsasaka ay hindi magtatanim sa tamang panahon, dapat ba niyang sisihin ang tadhana kung hindi maging maganda ang kaniyang ani?
[Blurb sa pahina 7]
Iniisip natin ang hinggil sa buhay at kamatayan dahil ‘inilagay ng Diyos ang kawalang-hanggan sa puso ng mga tao’