Maging Masigasig sa Bahay ni Jehova!
“Uubusin ako ng sigasig para sa iyong bahay.”—JUAN 2:17.
1, 2. Noong 30 C.E., ano ang ginawa ni Jesus sa templo? Bakit niya ito ginawa?
GUNIGUNIHIN ang eksena. Paskuwa noon ng 30 C.E., anim na buwan na ang nakalilipas nang simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo sa lupa. Ngayon ay papunta siya sa Jerusalem. Sa templo ng Looban ng mga Gentil, nakita ni Jesus ang “mga nagtitinda ng mga baka at mga tupa at mga kalapati at ang mga mangangalakal ng salapi sa kanilang mga upuan.” Sa pamamagitan ng panghagupit na lubid, itinaboy niya ang lahat ng hayop na tiyak namang sinundan ng mga mangangalakal. Ibinuhos niya ang mga barya ng mga tagapagpalit ng salapi at itinaob ang kanilang mga mesa. Inutusan niya ang mga nagtitinda ng kalapati na kunin ang kanilang paninda at umalis.—Juan 2:13-16.
2 Ipinakita ni Jesus sa kaniyang ginawa ang matinding pagmamalasakit niya sa templo. “Huwag na ninyong gawing bahay ng pangangalakal ang bahay ng aking Ama!” ang utos niya. Nang makita ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang ginawa, naalaala nila ang isinulat ng salmistang si David ilang siglo na ang nakararaan: “Uubusin ako ng sigasig para sa iyong bahay.”—Juan 2:16, 17; Awit 69:9.
3. (a) Ano ang sigasig? (b) Ano ang maaari nating itanong sa ating sarili?
3 Napakilos si Jesus ng kaniyang sigasig na gawin iyon. Ang sigasig ay nangangahulugang “marubdob na pagnanais na isakatuparan ang isang bagay.” Nitong ika-21 siglo, mahigit pitong milyong Kristiyano ang nagpakita ng sigasig sa bahay ng Diyos. Kaya maitatanong natin sa ating sarili, ‘Paano ko mapasisidhi ang aking sigasig para sa bahay ni Jehova?’ Para masagot iyan, suriin muna natin kung ano ang tinutukoy na bahay ng Diyos sa ngayon. Pagkatapos, isaalang-alang natin ang halimbawa ng tapat na mga lalaki na nagpakita ng sigasig. Ang kanilang halimbawa ay isinulat para “sa ating ikatututo” at para mapasidhi ang ating sigasig.—Roma 15:4.
Bahay ng Diyos—Noon at Ngayon
4. Para saan ang templo na itinayo ni Solomon?
4 Sa sinaunang Israel, ang templo sa Jerusalem ang bahay ng Diyos. Pero hindi literal na tumahan si Jehova roon. Sinabi niya: “Ang langit ay aking trono, at ang lupa ay aking tuntungan. Nasaan nga ang bahay na maitatayo ninyo para sa akin, at nasaan nga ang dako na magiging aking pahingahang-dako?” (Isa. 66:1) Gayunman, ang templo na itinayo ni Solomon ang naging sentro ng pagsamba kay Jehova kung saan sila nananalangin.—1 Hari 8:27-30.
5. Sa ano tumutukoy ngayon ang pagsamba sa templo ni Solomon?
5 Sa ngayon, ang bahay ni Jehova ay hindi na isang gusaling matatagpuan sa Jerusalem o saanmang dako. Sa halip, ito ay tumutukoy sa paglalaan ng Diyos para makalapit tayo sa kaniya salig sa haing pantubos ni Kristo. Lahat ng tapat na lingkod ng Diyos sa lupa ay nagkakaisa sa pagsamba kay Jehova sa espirituwal na templong ito.—Isa. 60:4, 8, 13; Gawa 17:24; Heb. 8:5; 9:24.
6. Sinu-sino ang hari ng Juda na nagpakita ng sigasig sa tunay na pagsamba?
6 Pagkatapos mahati ang kaharian ng Israel noong 997 B.C.E., 4 sa 19 na hari ng Juda, ang kaharian sa timog, ay nagpakita ng pantanging sigasig sa tunay na pagsamba. Sila ay sina Asa, Jehosapat, Hezekias, at Josias. Anong mahahalagang aral ang matututuhan natin sa kanila?
Nagdudulot ng mga Pagpapala ang Buong-Pusong Paglilingkod
7, 8. (a) Anong uri ng paglilingkod ang pinagpapala ni Jehova? (b) Anong aral ang matututuhan natin kay Haring Asa?
7 Noong panahon ni Haring Asa, nagsugo si Jehova ng mga propeta para akayin ang Kaniyang bansa sa tamang landasin. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na nakinig si Asa kay propeta Azarias na anak ni Oded. (Basahin ang 2 Cronica 15:1-8.) Dahil sa mga ginawang pagbabago ni Asa, napagkaisa niya ang Juda at ang maraming tao mula sa kaharian ng Israel. Nagsama-sama sila sa isang malaking pagtitipon sa Jerusalem. Ipinahayag nila ang kanilang determinasyong maging tapat sa pagsamba kay Jehova. Mababasa natin: “Sumumpa sila kay Jehova na may malakas na tinig at may mga sigaw ng kagalakan at may mga trumpeta at may mga tambuli. At ang buong Juda ay nagsaya dahil sa bagay na ipinanumpa; sapagkat sumumpa sila nang kanilang buong puso at hinanap nila siya nang may ganap na kaluguran sa ganang kanila, kung kaya hinayaan niyang siya ay masumpungan nila; at si Jehova ay patuloy na nagbigay sa kanila ng kapahingahan sa buong palibot.” (2 Cro. 15:9-15) Pagpapalain din tayo ni Jehova kung buong-puso tayong maglilingkod sa kaniya.—Mar. 12:30.
8 Nakalulungkot na nang maglaon, ikinagalit ni Asa ang pagtutuwid ni Hanani na tagakita. (2 Cro. 16:7-10) Kapag nagbibigay si Jehova ng payo o tagubilin sa pamamagitan ng mga Kristiyanong elder, paano tayo tumutugon? Kaagad ba nating tinatanggap at ikinakapit ang kanilang salig-Bibliyang payo sa halip na magalit?
9. Anong banta ang hinarap ni Jehosapat at ng Juda? Paano nila ito hinarap?
9 Naghari si Jehosapat sa Juda noong ikasampung siglo B.C.E. Hinarap niya at ng buong Juda ang pagbabanta ng pinagsama-samang puwersa ng Amon, Moab, at ng mga bayan sa bulubunduking rehiyon ng Seir. Ano ang ginawa ng hari sa kabila ng nadarama niyang takot? Siya at ang kaniyang mga tauhan, kasama na ang kanilang mga asawa at anak, ay nagtipon sa bahay ni Jehova para manalangin. (Basahin ang 2 Cronica 20:3-6.) Kasuwato ng mga salita ni Solomon noong ialay ang templo, taos-pusong nanalangin si Jehosapat kay Jehova: “O aming Diyos, hindi ka ba maglalapat ng kahatulan sa kanila? Sapagkat sa amin ay walang kapangyarihan sa harap ng malaking pulutong na ito na dumarating laban sa amin; at hindi namin alam kung ano ang dapat naming gawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.” (2 Cro. 20:12, 13) Pagkatapos nito, pinakilos ng espiritu ni Jehova ang Levitang si Jahaziel na nasa “gitna ng kongregasyon” upang aliwin at patibayin ang bayan.—Basahin ang 2 Cronica 20:14-17.
10. (a) Paano tumanggap noon ng tagubilin si Jehosapat at ang Juda? (b) Paano natin maipapakita ang ating pagpapahalaga sa ibinibigay na tagubilin ni Jehova ngayon?
10 Mula noon, tumanggap si Jehosapat at ang kaharian ng Juda ng mga tagubilin mula kay Jehova sa pamamagitan ni Jahaziel. Sa ngayon, tumatanggap tayo ng pang-aaliw at tagubilin sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin. Kaya nga dapat tayong patuloy na makipagtulungan at magpakita ng paggalang sa mga hinirang na elder na siyang nagpapagal para pastulan tayo at ipatupad ang mga tagubilin ng “tapat at maingat na alipin.”—Mat. 24:45; 1 Tes. 5:12, 13.
11, 12. Ano ang matututuhan natin sa ginawa ni Jehosapat at ng Juda?
11 Gaya ng ginawa ni Jehosapat at ng kaniyang bayan nang humingi sila ng patnubay kay Jehova, huwag din nating pababayaan ang ating regular na pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon kasama ang ating mga kapatid. Kapag napapaharap tayo sa mahihirap na situwasyon at hindi natin alam ang ating gagawin, tularan natin ang mabuting halimbawa ni Jehosapat at ng bayan ng Juda na lumapit kay Jehova sa panalangin at naglagak ng kanilang buong pagtitiwala sa Kaniya. (Kaw. 3:5, 6; Fil. 4:6, 7) Kahit na tayo ay nag-iisa, ang ating pagsusumamo kay Jehova ang magbubuklod sa atin sa “buong samahan ng [ating] mga kapatid sa sanlibutan.”—1 Ped. 5:9.
12 Sinunod ni Jehosapat at ng kaniyang bayan ang ibinigay na tagubilin ng Diyos sa pamamagitan ni Jahaziel. Ano ang resulta? Nagtagumpay sila sa mga digmaan at bumalik sa Jerusalem na “may pagsasaya” at “may mga panugtog na de-kuwerdas at may mga alpa at may mga trumpeta patungo sa bahay ni Jehova.” (2 Cro. 20:27, 28) Sinusunod din natin ang mga tagubilin ni Jehova na ibinibigay niya sa kaniyang alulod, at nakikisama sa pagpuri sa kaniya.
Pangalagaan ang Ating mga Dako ng Pagsamba
13. Anong gawain ang sinimulan ni Hezekias sa unang buwan ng kaniyang paghahari?
13 Sa unang buwan ng kaniyang paghahari, ipinakita ni Hezekias ang kaniyang sigasig sa pagsamba kay Jehova sa pamamagitan ng pagkukumpuni at muling pagbubukas ng templo. Inorganisa niya ang mga saserdote at Levita para linisin ang bahay ng Diyos. Ginawa nila ito sa loob ng 16 na araw. (Basahin ang 2 Cronica 29:16-18.) Ipinaaalaala nito sa atin ang pagmamantini at pagkukumpuni na ginagawa natin sa ating mga dako ng pagsamba na nagpapakita ng ating sigasig sa pagsamba kay Jehova. Tiyak na nakarinig ka na ng mga karanasan tungkol sa paghanga ng mga tao sa nakikita nilang sigasig ng ating mga kapatid sa gayong gawain. Oo, ang kanilang pagsisikap ay nagbibigay ng kapurihan kay Jehova.
14, 15. Anong gawain sa ngayon ang nagbibigay ng kapurihan kay Jehova? Magbigay ng halimbawa.
14 Sa isang lunsod sa hilaga ng Inglatera, isang lalaki ang tumutol sa planong pagkukumpuni sa Kingdom Hall na katabi ng kaniyang pag-aari. Gayunpaman, mabait pa ring nakitungo sa kaniya ang ating mga kapatid. Nang mapansin ng mga kapatid na kailangang ayusin ang pader sa pagitan ng Kingdom Hall at ng pag-aari ng lalaki, nagboluntaryo sila na gawin ito nang walang bayad. Sa laki ng trabahong ginawa nila, para na rin silang nagtayo ng bagong pader. Dahil sa kanilang ginawa, nagbago ang saloobin ng lalaki. Sa ngayon, may malasakit na rin siya sa Kingdom Hall.
15 Ang bayan ni Jehova ay nakikibahagi sa gawaing pagtatayo sa buong daigdig. Nagboboluntaryo ang lokal na mga kapatid kasama ng buong-panahong internasyonal na mga lingkod para magtayo hindi lamang ng mga Kingdom Hall kundi pati na rin ng mga Assembly Hall at Bethel. Si Sam ay isang inhinyero na may kasanayan sa heating, ventilation, at air-conditioning. Nagpunta siya at ang kaniyang asawang si Ruth sa iba’t ibang bansa sa Europa at Aprika para tumulong sa mga proyekto ng pagtatayo. Saanmang bansa sila magpunta, nasisiyahan din silang mangaral kasama ng mga lokal na kapatid. Ipinaliwanag ni Sam kung ano ang nag-udyok sa kaniya na makibahagi sa ganitong gawain: “Napasigla ako ng mga naglilingkod sa tahanang Bethel sa iba’t ibang bansa na pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Talagang nakapagpapatibay na makita ang kanilang sigasig at kagalakan.”
Sundin ang mga Tagubilin ng Diyos
16, 17. Sa anong pantanging gawain naging masigasig ang bayan ng Diyos? Ano ang naging resulta?
16 Bukod pa sa pagkukumpuni ng templo, ibinalik ni Hezekias ang pagdiriwang ng Paskuwa na iniutos ni Jehova. (Basahin ang 2 Cronica 30:1, 4, 5.) Inanyayahan ni Hezekias at ng mga naninirahan sa Jerusalem ang buong bansa—pati na ang mga nasa hilagang kaharian—na dumalo. Nagparoo’t parito sa lupain ang mga mananakbo para magdala ng mga paanyaya.—2 Cro. 30:6-9.
17 Sa nagdaang mga taon, nakibahagi rin tayo sa halos nakakatulad na gawain. Gumamit tayo ng magagandang imbitasyon para anyayahan ang mga tao sa ating teritoryo na alalahanin ang Hapunan ng Panginoon, gaya ng iniutos ni Jesus. (Luc. 22:19, 20) Bilang pagtugon sa mga tagubiling tinatanggap natin sa Pulong sa Paglilingkod, masigasig tayong nakibahagi sa gawaing ito. At talaga namang pinagpala ni Jehova ang ating pagsisikap! Aba, noong nakaraang taon, mga pitong milyon ang namahagi ng imbitasyong ito, at 17,790,631 ang dumalo sa Memoryal!
18. Bakit mahalaga para sa iyo ang sigasig sa tunay na pagsamba?
18 Ganito ang sinabi tungkol kay Hezekias: “Nagtiwala siya kay Jehova na Diyos ng Israel; at pagkatapos niya ay walang sinumang naging tulad niya sa lahat ng hari ng Juda, maging yaong mga nauna sa kaniya. At patuloy siyang nanatili kay Jehova. Hindi siya lumihis mula sa pagsunod sa kaniya, kundi patuloy niyang tinupad ang kaniyang mga utos na iniutos ni Jehova kay Moises.” (2 Hari 18:5, 6) Gayon din sana ang ating gawin. Makatutulong sa atin ang ating sigasig sa bahay ng Diyos na ‘manatili kay Jehova’ at patuloy na umasa sa buhay na walang hanggan.—Deut. 30:16.
Tumugon Agad sa Tagubilin
19. Anong pagsisikap ang ginagawa sa panahon ng Memoryal?
19 Nang maghari si Josias, isinaayos din niyang mabuti ang pagdiriwang ng Paskuwa. (2 Hari 23:21-23; 2 Cro. 35:1-19) Tinitiyak din nating nakapaghahanda tayong mabuti para sa pandistritong kombensiyon, pansirkitong asamblea, pantanging araw na asamblea, at Memoryal. Naisasapanganib pa nga ng mga kapatid sa ilang bansa ang kanilang buhay para lamang makapagtipon upang alalahanin ang kamatayan ni Kristo. Tinitiyak ng masisigasig na elder na lahat ng kapatid, lalo na ang mga may-edad na at may-sakit, ay nakadadalo sa ganitong mga okasyon.
20. (a) Ano ang nangyari noong naghahari si Josias? Ano ang naging reaksiyon niya sa pangyayaring ito? (b) Anong aral ang dapat nating seryosong pag-isipan?
20 Sa panahong isinasauli ni Haring Josias ang tunay na pagsamba, “nasumpungan ni Hilkias na [Mataas na Saserdote] ang aklat ng kautusan ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises.” Ibinigay niya ito sa kalihim ng hari, si Sapan, na nagbasa naman nito kay Josias. (Basahin ang 2 Cronica 34:14-18.) Ano ang naging reaksiyon ng hari? Sa labis na lungkot, hinapak ng hari ang kasuutan niya at iniutos sa mga lalaki na sumangguni kay Jehova. Sa pamamagitan ng propetisang si Hulda, hinatulan ni Jehova ang ilang relihiyosong gawain sa Juda. Pero pinahalagahan naman ni Jehova ang mga pagsisikap ni Josias na alisin ang mga idolatrosong gawain. Patuloy na sinang-ayunan ni Jehova si Josias sa kabila ng inihulang kapahamakan na sasapitin ng bayan. (2 Cro. 34:19-28) Ano ang matututuhan natin dito? Tulad ni Josias, dapat tayong tumugon agad sa mga tagubilin ni Jehova. Dapat din nating seryosong pag-isipan kung ano ang mangyayari kapag hinayaan natin ang apostasya at pagiging di-tapat na makaapekto sa ating pagsamba. Kung gagawin natin iyan, makatitiyak tayo na pahahalagahan din ni Jehova ang ating sigasig sa tunay na pagsamba, gaya ng ginawa niya kay Josias.
21, 22. (a) Bakit dapat tayong magpakita ng sigasig sa bahay ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
21 Ang apat na hari ng Juda na sina Asa, Jehosapat, Hezekias, at Josias ay nagbigay ng mainam na halimbawa ng sigasig sa bahay ng Diyos at pagsamba sa Kaniya. Dapat din tayong mapakilos ng ating sigasig na magtiwala kay Jehova at ibigay ang ating buong makakaya sa pagsamba sa kaniya. Tiyak na isang karunungan ang pagsunod sa mga tagubilin ng Diyos at pagtanggap sa maibiging pagmamalasakit at pagtutuwid mula sa kongregasyon at sa mga elder. Magdudulot din ito sa atin ng kaligayahan.
22 Tatalakayin sa susunod na artikulo ang tungkol sa sigasig sa ministeryo. Pasisiglahin nito ang mga kabataan na maging masigasig sa paglilingkod sa ating maibiging Ama. Isasaalang-alang din natin kung paano maiiwasan ang isa sa pinakamabisang silo ni Satanas. Habang masigasig nating sinusunod ang lahat ng paalaala ni Jehova, matutularan natin ang Kaniyang Anak, si Jesus. Ganito ang sinabi tungkol kay Jesus: “Inuubos ako ng sigasig para sa iyong bahay.”—Awit 69:9; 119:111, 129; 1 Ped. 2:21.
Naaalaala Mo Ba?
• Anong uri ng paglilingkod ang pinagpapala ni Jehova, at bakit?
• Paano natin maipapakita ang ating pagtitiwala kay Jehova?
• Paano tayo mapapakilos ng ating sigasig na sundin ang mga tagubilin ng Diyos?
[Mga larawan sa pahina 9]
Paano nagpakita ng sigasig sa bahay ni Jehova sina Asa, Jehosapat, Hezekias, at Josias?