Maaari Ka Bang Magkaroon ng Kapayapaan sa Magulong Daigdig na Ito?
MAPAYAPA ba ang buhay mo? Hindi, ang sagot ng marami. Nakatira sila sa mga lugar na sinasalot ng mga digmaan, kaguluhan sa pulitika, karahasan dahil sa lahi, o terorismo. Kahit na hindi mo nararanasan ang mga ito, naaapektuhan ka pa rin ng krimen, panliligalig, at away sa pagitan ng mga kasosyo sa negosyo o kapitbahay, kaya hindi ka rin mapayapa. Madalas din ang away sa loob ng pamilya anupat wala ring kapayapaan.
Hangad ng maraming tao ang kapayapaan ng puso, samakatuwid nga, ang maging panatag. Hinahanap nila ito sa relihiyon, sa mga seminar, o sa pagyoyoga. Hinahanap naman ng iba ang kapayapaan sa kalikasan—nagbabakasyon, naglalakad sa kabundukan at ilang, o pumupunta sa mga hot spring. Kahit na parang panatag sila, di-nagtatagal, nakikita nilang panandalian lamang ito.
Kaya saan ka makahahanap ng tunay na kapayapaan? Ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan ay ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Bakit? Siya “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.” (Roma 15:33) Sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian na kaylapit nang dumating, magkakaroon ng ‘saganang kapayapaan.’ (Awit 72:7; Mateo 6:9, 10) Higit pa ito sa kapayapaang dulot ng mga pagsisikap ng tao dahil kadalasan nang panandalian lamang iyon. Pero aalisin ng kapayapaan ng Diyos ang lahat ng sanhi ng digmaan at alitan. Sa katunayan, wala nang mag-aaral pa ng pakikipagdigma. (Awit 46:8, 9) Sa wakas, tunay na kapayapaan para sa lahat!
Maganda man ang pag-asang ito, inaasam mong magkaroon ngayon sa paanuman ng kapayapaan. Paano ka magkakaroon ng kapanatagan na tutulong sa iyo na mabata ang magulong panahong ito? Nakatutuwa naman, nasa Bibliya ang sagot. Isaalang-alang ang ilang panuntunan na nasa ika-4 na kabanata ng liham ni apostol Pablo sa mga taga-Filipos. Basahin mo ang talata 4 hanggang 13 sa iyong Bibliya.
“Ang Kapayapaan ng Diyos”
Mababasa natin sa talata 7: “Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Ang kapayapaang ito ay hindi nagmumula sa basta pagbubulay-bulay o pagpapakabait. Sa halip, mula ito sa Diyos. Gayon na lamang ang kapangyarihan nito anupat “nakahihigit [ito] sa lahat ng kaisipan.” Madaraig nito ang lahat ng ating kabalisahan, limitadong kaalaman, at maling pangangatuwiran. Parang wala tayong nakikitang lunas sa ating mga problema, pero ang kapayapaan ng Diyos ay magbibigay sa atin ng pag-asang salig sa Bibliya na balang araw, mawawala na ang lahat ng ating problema.
Imposible ba ito? Imposible ito sa mga tao; ngunit “ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos.” (Marcos 10:27) Ang pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos ay tutulong sa atin na huwag labis na mabahala. Ipagpalagay nang may isang batang nawawala sa isang malaking supermarket. Tiyak na maaalis ang takot niya kapag nakita na niya ang kaniyang nanay at niyakap siya nito. Gaya ng batang iyon, tiyak na maaalis ang ating pangamba kapag nasumpungan na natin ang Diyos, at niyakap Niya tayo, wika nga. Makapagtitiwala tayo na aaliwin tayo ng Diyos at aalisin ang lahat ng ating pangamba.
Naranasan ng maraming mananamba ni Jehova ang kapayapaan ng Diyos sa ilalim ng pinakamatitinding pagsubok. Halimbawa, isang babaing nagngangalang Nadine ang nakunan. Sinabi niya: “Hindi ko masabi ang nadarama ko, at lagi kong sinisikap na ipakitang okey lang ako. Pero ang totoo, ang sakit-sakit ng loob ko. Halos araw-araw akong nananalangin kay Jehova at nagsusumamo na tulungan niya ako. Nadama kong malaking tulong ang panalangin, dahil kapag masyado akong depres at parang hindi ko na kaya, nagkakaroon ako ng kapayapaan. Napapanatag ang loob ko.”
Proteksiyon sa Iyong Puso at Isip
Balikan natin ang Filipos 4:7. Sinasabi nito na ang kapayapaan ng Diyos ang magbabantay sa ating puso at kakayahang pangkaisipan. Kung paanong binabantayan ng guwardiya ang lugar na iniatas sa kaniya, ang kapayapaan ng Diyos ay nagbabantay sa ating puso upang hindi makapasok ang masasamang ugali, materyalistikong kaisipan, at pagkabalisa sa di-gaanong mahahalagang bagay. Isaalang-alang ang isang halimbawa.
Maraming tao sa magulong daigdig na ito ang naniniwala na kailangang marami silang pera para maging maligaya at tiwasay. Sinusunod nila ang payo ng mga eksperto na gamitin sa pamumuhunan ang kanilang mga naipon. Talaga bang nagdudulot ito sa kanila ng kapanatagan? Hindi nga. Dahil nababahala sila, tinitingnan nila araw-araw ang halaga ng kanilang stock, anupat iniisip kung bibili ba sila, o magbebenta, o basta pananatilihin ito. Kapag bumagsak ang stock market, nagpapanik sila. Tiyak na hindi naman hinahatulan ng Bibliya ang pamumuhunan, ngunit makatuwiran ang sinasabi nito: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita. Ito rin ay walang kabuluhan. Matamis ang tulog ng isang naglilingkod, kaunti man o marami ang kaniyang kinakain; ngunit ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan.”—Eclesiastes 5:10, 12.
Ang Filipos 4:7 ay nagtatapos sa pagsasabi na ang kapayapaan ng Diyos ay nagbabantay sa ating mga puso at mga kakayahang pangkaisipan “sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” Ano ang kaugnayan ni Kristo Jesus sa kapayapaan ng Diyos? May mahalagang papel si Jesus sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay upang mailigtas tayo sa kasalanan at kamatayan. (Juan 3:16) Siya rin ang iniluklok na Hari ng Kaharian ng Diyos. Ang pagkaalam sa papel ni Jesus ay makatutulong nang malaki para magkaroon tayo ng kapayapaan ng isip at puso. Paano?
Kung taimtim nating pagsisisihan ang ating mga kasalanan at hihingi tayo ng kapatawaran salig sa hain ni Jesus, patatawarin tayo ng Diyos, na magdudulot sa atin ng kapayapaan ng isip at puso. (Gawa 3:19) Dahil alam nating sa Kaharian ni Kristo pa natin lubusang matatamasa ang maligayang buhay, hindi tayo labis-labis na nag-aalala na para bang wala nang bukas. (1 Timoteo 6:19) Sabihin pa, nagkakaproblema pa rin tayo, pero maaaliw tayo sa tiyak na pag-asa na malapit na ang isang napakagandang buhay.
Kung Paano Mo Masusumpungan ang Kapayapaan ng Diyos
Kaya paano mo masusumpungan ang kapayapaan ng Diyos? May ilang mungkahi na mababasa sa Filipos 4:4, 5: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo! Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran. Ang Panginoon ay malapit na.” Nang isulat ni Pablo ang mga salitang iyon, nakakulong siya sa Roma nang walang matibay na dahilan. (Filipos 1:13) Sa halip na malungkot dahil sa di-makatuwirang pakikitungo sa kaniya, pinalakas-loob niya ang kaniyang mga kapananampalataya na laging magsaya sa Panginoon. Maliwanag na ang kaniyang kagalakan ay nakadepende sa kaniyang kaugnayan sa Diyos at hindi sa kaniyang kalagayan. Kailangan din nating matutuhang maglingkod sa Diyos nang may kagalakan anuman ang ating kalagayan. Habang lalo nating nakikilala si Jehova at lubusang ginagawa ang kaniyang kalooban, lalo tayong nagagalak sa paglilingkod sa kaniya. Iyan naman ang magbibigay sa atin ng kasiyahan at kapayapaan ng puso.
Bukod diyan, pinasisigla rin tayong maging makatuwiran. Kung lilinangin natin ang pagkamakatuwiran, hindi tayo aasa nang higit sa ating sarili. Alam nating hindi tayo sakdal; hindi maaaring tayo ang laging pinakamagaling. Kaya bakit ka mag-aalala kung paano ka magiging sakdal o mas magaling kaysa sa iba? Hindi rin natin dapat asahan na maging sakdal ang iba. Kaya maaari tayong manatiling mahinahon kapag may ginawa silang nakaiinis sa atin. Ang orihinal na salitang Griego na isinaling “pagkamakatuwiran” ay nangangahulugan ding “pagiging mapagparaya.” Kung tayo’y mapagparaya sa iba, naiiwasan natin ang away, na walang naidudulot sa ating mabuti kundi nag-aalis lamang ng kapayapaan sa loob ng ilang panahon.
Ang susunod na pananalita sa Filipos 4:5, “ang Panginoon ay malapit na,” ay maaaring tila walang kaugnayan sa konteksto. Malapit nang palitan ng Diyos ang matandang sistemang ito ng mga bagay ng isang bagong sistema sa ilalim ng kaniyang Kaharian. Pero maaari na siyang maging malapít ngayon pa lamang sa sinumang lumalapit sa kaniya. (Gawa 17:27; Santiago 4:8) Ang pagkaalam dito ay tutulong sa atin na magsaya, maging makatuwiran, at huwag mabalisa sa mga problema sa ngayon o sa hinaharap, gaya ng sinasabi sa talata 6.
Ipinakikita naman ng talata 6 at 7 na maaari tayong magkaroon ng kapayapaan ng Diyos pagkatapos nating manalangin. Itinuturing ng ilan ang panalangin na isang anyo lamang ng pagbubulay-bulay, anupat iniisip na ang anumang anyo ng panalangin ay tutulong sa kanila na maging lalong mahinahon. Gayunman, binabanggit ng Bibliya na ito ay pakikipag-usap talaga kay Jehova, gaya ng pagsasabi ng isang bata sa isang maibiging magulang ng kaniyang mga kagalakan at pangamba. Nakagiginhawang malaman na makalalapit tayo sa Diyos “sa lahat ng bagay.” Anuman ang nasa ating isipan o nasa kaibuturan ng ating puso, masasabi natin ito sa ating makalangit na Ama.
Pinasisigla tayo ng talata 8 na magbigay-pansin sa positibong mga kaisipan. Pero hindi sapat ang basta pag-iisip ng positibong mga bagay. Gaya ng ipinaliliwanag sa talata 9, kailangan din nating sundin ang mabuting payo ng Bibliya. Sa paggawa natin nito, magkakaroon tayo ng isang malinis na budhi. Tama nga ang sinasabi ng kawikaan: Mahimbing ang tulog ng taong may mabuting budhi!
Oo, maaari kang magkaroon ng kapanatagan. Ibinibigay ito ng Diyos na Jehova sa mga lumalapit sa kaniya at nagnanais sumunod sa kaniyang patnubay. Kung susuriin mo ang kaniyang Salita, ang Bibliya, magiging pamilyar ka sa kaniyang mga kaisipan. Hindi laging madali ang pagsunod sa kaniyang mga tagubilin. Ngunit sulit naman ang lahat ng pagsisikap dahil ‘ang Diyos ng kapayapaan ay sasaiyo.’—Filipos 4:9.
[Blurb sa pahina 10]
“Ang kapayapaan ng Diyos . . . ay magbabantay sa inyong mga puso.”—FILIPOS 4:7
[Blurb sa pahina 12]
Nakagiginhawang malaman na makalalapit tayo sa Diyos “sa lahat ng bagay”