Tanong ng mga Mambabasa
Magkano ang Dapat Kong Ibigay?
“Iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Corinto 9:7) Milyun-milyon sa buong daigdig ang pamilyar sa pananalitang ito. Gayunman, naoobliga ang ilang nagsisimba na magbigay ng donasyon na higit sa kanilang makakaya. Sa katunayan, hinihiling ng ilang relihiyon sa kanilang mga miyembro na magbigay ng espesipikong halaga. Ito ang tinatawag na ikapu, ang ibig sabihin, pagbibigay sa simbahan ng ikasampung bahagi ng kita.
Talaga bang hinihiling ng Bibliya na magbigay tayo ng espesipikong halaga bilang donasyon? Ikaw, magkano ba ang dapat mong ibigay na donasyon?
Mga Kahilingan at Kusang-Loob na mga Donasyon Noong Panahon ng Bibliya
May malinaw na mga tagubilin ang Bibliya para sa bansang Israel tungkol sa halagang hinihiling ng Diyos na ibigay nila. (Levitico 27:30-32; Bilang 18:21, 24; Deuteronomio 12:4-7, 11, 17, 18; 14:22-27) Pero makatuwiran ang mga kahilingang ito. Nangako si Jehova na dahil sa kanilang pagsunod sa kaniyang mga kautusan, ang bansa ay kaniyang ‘papaapawin sa kasaganaan.’—Deuteronomio 28:1, 2, 11, 12.
Sa ibang pagkakataon, ang mga Israelita ay maaaring magbigay ng kusang-loob na donasyon. Halimbawa, nang magplano si Haring David na magtayo ng templo para kay Jehova, ang mga sakop niya ay nagbigay ng “ginto na nagkakahalaga ng limang libong talento.”a (1 Cronica 29:7) Iba naman ang napansin ni Jesus nang nasa lupa siya. Nakita niya “ang isang nagdarahop na babaing balo na naghulog doon ng dalawang maliit na barya na napakaliit ng halaga” sa kabang-yaman ng templo. Magkano ito? Mga 1/64 ng isang araw na suweldo. Pero sinabi ni Jesus na katanggap-tanggap ang maliit na halagang ito.—Lucas 21:1-4.
Hinihiling ba sa mga Kristiyano na Magbigay ng Isang Espesipikong Halaga?
Ang mga Kristiyano ay wala na sa ilalim ng tipang Kautusang ibinigay sa Israel. Kaya hindi sila obligadong magbigay ng espesipikong halaga sa Diyos. Gayunman, sa tunay na kongregasyong Kristiyano, malaking kagalakan ang pagbibigay. Sinabi mismo ni Jesu-Kristo: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
Sinusuportahan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pambuong-daigdig na pangangaral sa pamamagitan ng kusang-loob na mga donasyon. Ang mga donasyong ito ay ginagamit upang ilimbag ang mga literatura, gaya ng magasing binabasa mo ngayon, at upang magtayo at magmantini ng kanilang mga dako ng pagsamba, na tinatawag na mga Kingdom Hall. Hindi ito ginagamit na pansuweldo. Ang ilang boluntaryo na gumugugol ng kanilang malaking panahon sa gawaing pangangaral at pagtuturo ay nakatatanggap ng tulong para sa transportasyon at sa iba pang personal na gastusin. Pero hindi nila iginigiit na sila’y bayaran. Sa katunayan, karamihan sa mga Saksi ni Jehova ay walang tinatanggap na pinansiyal na tulong para suportahan ang kanilang gawaing pangangaral. Sa halip, ang karamihan sa kanila ay nagtatrabaho para suportahan ang kanilang sarili, gaya ng ginawa ni Pablo nang siya’y nagtrabaho bilang tagagawa ng tolda.—2 Corinto 11:9; 1 Tesalonica 2:9.
Kung gustong magbigay ng isang tao ng donasyon sa gawain ng mga Saksi ni Jehova, magkano ang dapat niyang ibigay? Sumulat si apostol Pablo: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”—2 Corinto 8:12; 9:7.
[Talababa]
a Noong 2008, ang average na halaga ng ginto ay $871 isang onsa, kaya ang kontribusyong ito ay nagkakahalaga ng mga $4,794,855,000.