Patuloy na Tularan ang Saloobin ni Kristo
“Magkaroon sa gitna ninyo ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.”—ROMA 15:5.
1. Bakit tayo dapat magsikap na tularan ang saloobin ni Kristo?
“PUMARITO kayo sa akin,” ang sabi ni Jesu-Kristo. “Matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” (Mat. 11:28, 29) Makikita sa maibiging paanyayang ito ang saloobin ni Jesus. Noong narito siya sa lupa, nagbigay siya ng pinakamagandang halimbawa na dapat tularan. Bagaman siya ang makapangyarihang Anak ng Diyos, nagpakita si Jesus ng empatiya at malasakit, lalo na sa mga nangangailangan.
2. Anu-anong aspekto ng saloobin ni Jesus ang tatalakayin natin?
2 Sa artikulong ito at sa dalawa pang susunod na artikulo, tatalakayin kung paano natin malilinang at patuloy na matutularan ang saloobin at “pag-iisip ni Kristo.” (1 Cor. 2:16) Pag-uusapan natin ang limang aspekto ng saloobin ni Jesus: kahinahunan at kapakumbabaan, kabaitan, pagsunod sa Diyos, lakas ng loob, at di-nagmamaliw na pag-ibig.
Matuto sa Kahinahunan ni Kristo
3. (a) Anong aral sa kapakumbabaan ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad? (b) Ano ang naging reaksiyon ni Jesus sa kahinaan ng kaniyang mga alagad?
3 Handang pumarito sa lupa si Jesus, ang sakdal na Anak ng Diyos, upang maglingkod sa di-sakdal at makasalanang mga tao. Papatayin pa nga siya ng ilan sa kanila. Gayunman, napanatili ni Jesus ang kaniyang kagalakan at pagpipigil sa sarili. (1 Ped. 2:21-23) Ang ‘pagtinging mabuti’ sa halimbawa ni Jesus ang tutulong sa atin na magkaroon din ng gayong saloobin kapag naaapektuhan tayo ng di-kasakdalan ng iba. (Heb. 12:2) Inaanyayahan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na pasanin ang pamatok niya at sa gayo’y matuto mula sa kaniyang halimbawa. (Mat. 11:29) Ano ang kanilang natutuhan? Ang isa rito ay ang kahinahunan ni Jesus. Siya ay naging matiyaga sa kaniyang mga alagad sa kabila ng kanilang mga pagkukulang. Noong gabi bago siya mamatay, hinugasan ni Jesus ang paa ng kaniyang mga alagad. Sa gayon, naturuan niya sila na maging “mababa ang puso,” isang aral na hindi nila kailanman malilimutan. (Basahin ang Juan 13:14-17.) Nang mabigo sina Pedro, Santiago, at Juan na “patuloy na magbantay,” inunawa ni Jesus ang kanilang kahinaan. Nagtanong siya: “Simon, natutulog ka ba?” Idinagdag pa niya: “Mga lalaki, patuloy kayong magbantay at manalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso. Sabihin pa, ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”—Mar. 14:32-38.
4, 5. Paano makatutulong sa atin ang halimbawa ni Jesus para mapakitunguhan nang wasto ang iba sa kabila ng kanilang kapintasan?
4 Ano ang ating reaksiyon kapag ang isang kapananampalataya ay palaban, maramdamin, o nahihirapang magkapit ng payo mula sa mga elder o sa “tapat at maingat na alipin”? (Mat. 24:45-47) Bagaman itinuturing nating normal sa sanlibutan ni Satanas ang ganitong ugali, baka nahihirapan tayong tanggapin ito kapag nakikita natin ito sa ating mga kapatid. Kung madali tayong mairita sa kapintasan ng iba, dapat itanong natin sa ating sarili, ‘Paano ko ba higit na matutularan ang “pag-iisip ni Kristo”?’ Tandaan na hindi nagalit si Jesus sa kaniyang mga alagad kahit na may mga pagkakataong nagpakita sila ng kahinaan sa espirituwal.
5 Isaalang-alang ang nangyari kay apostol Pedro nang sabihin ni Jesus sa kaniya na bumaba sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig. Sa simula, nagawa ito ni Pedro. Pero nang makita niya ang buhawi, nagsimula siyang lumubog. Nagalit ba sa kaniya si Jesus at sinabi, ‘Buti nga sa ‘yo! Maging aral ‘yan sa ‘yo’? Hindi! “Pagkaunat kaagad ng kaniyang kamay ay sinunggaban siya ni Jesus at sinabi sa kaniya: ‘Ikaw na may kakaunting pananampalataya, bakit ka nagbigay-daan sa pag-aalinlangan?’” (Mat. 14:28-31) Kung nagkukulang sa pananampalataya ang isang kapatid, maiuunat din ba natin ang ating kamay, wika nga, para tulungan siyang mas tumibay ang kaniyang pananampalataya? Oo, iyan ang matututuhan natin sa ipinakitang kahinahunan ni Jesus kay Pedro.
6. Ano ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga apostol tungkol sa pagnanais na maging dakila?
6 Kasama rin si Pedro nang magtalu-talo ang mga apostol kung sino sa kanila ang pinakadakila. Gusto nina Santiago at Juan na maupo sa tabi ni Jesus sa kaniyang Kaharian. Nagalit si Pedro at ang ibang mga apostol nang malaman nila ito. Batid ni Jesus na malamang na nakuha nila ang ugaling iyon sa lugar na kanilang kinalakhan. Tinawag niya sila, at sinabi: “Alam ninyo na ang mga tagapamahala ng mga bansa ay namamanginoon sa kanila at ang mga dakilang tao ay gumagamit ng awtoridad sa kanila. Hindi ganito ang paraan sa inyo; kundi ang sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo, at ang sinumang nagnanais na maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.” Pagkatapos ay binanggit ni Jesus ang kaniya mismong halimbawa: “Kung paanong ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.”—Mat. 20:20-28.
7. Ano ang maaari nating gawin para maitaguyod ang pagkakaisa sa kongregasyon?
7 Ang pagbubulay-bulay sa kapakumbabaan ni Jesus ay makatutulong sa atin na ‘gumawi bilang isang nakabababa’ sa ating mga kapatid. (Luc. 9:46-48) Nagdudulot ito ng pagkakaisa. Tulad ng ama sa isang malaking pamilya, nais ni Jehova na ang kaniyang mga anak ay “manahanang magkakasama sa pagkakaisa.” (Awit 133:1) Idinalangin ni Jesus sa kaniyang Ama na magkaisa ang lahat ng tunay na Kristiyano, upang “ang sanlibutan ay magkaroon ng kaalaman na isinugo mo ako at na inibig mo sila kung paanong inibig mo ako.” (Juan 17:23) Kaya ang ating pagkakaisa ay nagpapakilalang mga tagasunod tayo ni Kristo. Para tamasahin ang gayong pagkakaisa, dapat nating tularan ang pananaw ni Kristo hinggil sa di-kasakdalan ng iba. Mapagpatawad si Jesus, at itinuro niyang mapatatawad lamang tayo kung nagpapatawad din tayo sa iba.—Basahin ang Mateo 6:14, 15.
8. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng matatagal nang lingkod ng Diyos?
8 Marami rin tayong matututuhan sa mga tapat na gumugol ng maraming taon sa pagtulad kay Kristo. Gaya ni Jesus, inuunawa rin nila ang kapintasan ng iba. Nalaman nila na ang pagpapakita ng pagkamahabagin tulad ni Kristo ay hindi lamang nakatutulong sa atin na ‘dalhin ang kahinaan ng hindi malalakas’ kundi nagdudulot din ito ng pagkakaisa. Bukod diyan, napasisigla din nito ang buong kongregasyon na ipakita ang saloobin ni Kristo. Nais nilang ganiyan din ang mangyari sa kanilang mga kapatid gaya ng gusto ni apostol Pablo na mangyari sa mga Kristiyano sa Roma: “Ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan na magkaroon sa gitna ninyo ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus, upang may-pagkakaisa ninyong luwalhatiin sa pamamagitan ng iisang bibig ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (Roma 15:1, 5, 6) Oo, ang ating nagkakaisang pagsamba ay nagbibigay ng kapurihan kay Jehova.
9. Bakit natin kailangan ang banal na espiritu para matularan si Jesus?
9 Iniugnay ni Jesus ang pagiging “mababa ang puso” sa kahinahunan, na isa sa mga bunga ng banal na espiritu ng Diyos. Kung gayon, para matularan si Jesus, kailangan nating pag-aralan ang halimbawa niya at hingin ang banal na espiritu ni Jehova sa panalangin. Dapat tayong magsikap na malinang ang mga bunga nito—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.” (Gal. 5:22, 23) Kung susundin natin ang halimbawa ni Jesus sa kapakumbabaan at kahinahunan, mapaluluguran natin ang ating Ama sa langit, si Jehova.
Nagpakita si Jesus ng Kabaitan
10. Paano ipinakita ni Jesus ang kabaitan?
10 Bunga rin ng banal na espiritu ang kabaitan. Laging mabait si Jesus sa pakikitungo sa iba. Nadama ng lahat ng tapat-pusong tao na lumapit kay Jesus na “tinanggap niya sila nang may kabaitan.” (Basahin ang Lucas 9:11.) Ano ang matututuhan natin sa kabaitang ipinakita ni Jesus? Ang isang mabait na tao ay palakaibigan, mahinahon, madamayin, at magandang-loob. Ganiyan si Jesus. Nahabag siya sa mga tao “sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.”—Mat. 9:35, 36.
11, 12. (a) Magbigay ng halimbawa kung paano ipinakita ni Jesus ang habag. (b) Ano ang natutuhan mo rito?
11 Hindi lamang nahabag si Jesus sa mga tao kundi kumilos din siya para tulungan sila. Isaalang-alang natin ang nangyari sa isang babae na 12 taon nang inaagasan ng dugo. Alam niya na sa Kautusang Mosaiko, siya ay itinuturing na marumi pati na ang sinumang humipo sa kaniya. (Lev. 15:25-27) Pero dahil sa reputasyon at pakikitungo ni Jesus sa mga tao, kumbinsido siyang pagagalingin siya ni Jesus. Inisip niya: “Kung mahihipo ko kahit man lamang ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay gagaling ako.” Nang makaipon ng lakas ng loob, hinipo niya si Jesus at kaagad niyang nadamang gumaling siya.
12 Naramdaman ni Jesus na may humipo sa kaniya kaya inalam niya kung sino ito. Malamang na nakadama ng takot ang babae dahil nilabag niya ang Kautusan. Kaya lumuhod siya at sinabi ang buong katotohanan. Pinagalitan ba ni Jesus ang kaawa-awang babae? Hinding-hindi! Sinabi niya: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Yumaon kang payapa.” (Mar. 5:25-34) Tiyak na gumaan ang kalooban ng babae nang marinig niya ang nakaaaliw na mga salitang ito!
13. (a) Paano naiiba ang saloobin ni Jesus sa mga Pariseo? (b) Paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga bata?
13 Di-tulad ng walang-awang mga Pariseo, hindi ginamit ni Kristo ang kaniyang awtoridad para pabigatan ang iba. (Mat. 23:4) Mabait at matiyaga niyang itinuro sa iba ang kalooban ni Jehova. Si Jesus ay mapagmahal sa kaniyang mga tagasunod at isang tunay na kaibigan. (Kaw. 17:17; Juan 15:11-15) Palagay rin ang loob ng mga bata kay Jesus at gayundin siya sa kanila. Lagi siyang may panahon sa mga bata kahit gaano pa siya kaabala. Minsan, tinangka ng mga alagad ni Jesus na pigilan ang mga magulang na dalhin sa kaniya ang kanilang mga anak para mahawakan niya. Gaya ng mga lider ng relihiyon, naiisip pa rin ng kaniyang mga alagad na unahin ang sarili nilang kapakanan. Hindi natuwa si Jesus sa ginawa ng mga alagad. Sinabi niya: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan, sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nauukol sa mga tulad nito.” Pagkatapos ay ginawa niyang halimbawa ang mga bata at sinabi: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na tulad ng isang bata ay hindi sa anumang paraan makapapasok dito.”—Mar. 10:13-15.
14. Paano nakikinabang ang mga bata kapag pinagpakitaan sila ng kabaitan?
14 Isipin na lamang kung ano ang nadama ng ilan sa mga batang ito nang lumaki na sila habang naaalaalang ‘kinuha sila ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga bisig at pinagpala sila.’ (Mar. 10:16) Sa ngayon, tiyak na maaalaala rin ng mga bata ang mga elder at ang iba pang nagpakita sa kanila ng kabaitan kapag sila ay malaki na. Higit pa riyan, mula sa pagkabata, matututuhan nila na ang espiritu ni Jehova ay nasa kaniyang bayan.
Magpakita ng Kabaitan sa Malupit na Sanlibutan
15. Bakit hindi natin dapat ipagtaka na marami ang hindi nagpapakita ng kabaitan sa ngayon?
15 Maraming tao ngayon ang nag-iisip na wala silang panahon para magpakita ng kabaitan sa iba. Kaya araw-araw sa paaralan, trabaho, paglalakbay, at sa ministeryo, kailangang harapin ng bayan ni Jehova ang saloobin ng sanlibutang ito. Maaari tayong malungkot dahil sa malupit na pakikitungo sa atin ng iba. Pero hindi natin ito dapat ipagtaka. Kinasihan ni Jehova si Pablo upang babalaan tayo na sa mapanganib na “mga huling araw” na ito, makakasama ng mga tunay na Kristiyano ang mga taong “maibigin sa kanilang sarili, . . . walang likas na pagmamahal.”—2 Tim. 3:1-3.
16. Paano natin maipakikita ang tulad-Kristong kabaitan sa kongregasyon?
16 Sa kabilang dako naman, ibang-iba ang tunay na kongregasyong Kristiyano sa sanlibutang ito. Kung tutularan natin si Jesus, magkakaroon tayo ng bahagi sa magandang samahang ito sa loob ng kongregasyon. Paano? Una, marami sa kongregasyon ang nangangailangan ng ating tulong at pampatibay-loob dahil sa kanilang karamdaman o iba pang problema. Sa “mga huling araw” na ito, baka dumami ang mga problemang ito. Noong panahon ng Bibliya, naranasan din ito ng mga Kristiyano, at tiyak na ang ginawa nila noon ay makatutulong sa atin ngayon. Halimbawa, hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.” (1 Tes. 5:14) Nangangahulugan ito ng pagpapakita ng tulad-Kristong kabaitan.
17, 18. Ano ang ilang paraan upang matularan ang kabaitan ni Jesus?
17 May pananagutan tayong ‘tanggapin ang ating mga kapatid nang may kabaitan.’ Dapat nating pakitunguhan ang mga ito gaya ng ginawa ni Jesus, anupat nagpapakita ng tunay na malasakit sa matatagal na nating kakilala at maging sa mga hindi pa natin kilala. (3 Juan 5-8) Dapat tayong magkusa sa pagpapakita ng habag sa iba at laging magdulot ng kaginhawahan sa kanila gaya ni Jesus.—Isa. 32:2; Mat. 11:28-30.
18 Ipinakikita natin ang kabaitan kapag nagmamalasakit tayo sa kanila at inuunawa ang kanilang mga problema. Humanap ng paraan para magawa ito. Hinihimok tayo ni Pablo: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Nangangahulugan ito ng pagtulad kay Kristo, anupat pinakikitunguhan ang iba nang may kabaitan at “pag-ibig na walang pagpapaimbabaw.” (2 Cor. 6:6) Ganito inilarawan ni Pablo ang tulad-Kristong pag-ibig: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki.” (1 Cor. 13:4) Sa halip na magtanim ng sama ng loob sa ating mga kapatid, sundin natin ang payo: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo.”—Efe. 4:32.
19. Anong mga pagpapala ang ating tatanggapin kung magpapakita tayo ng tulad-Kristong kabaitan?
19 Marami tayong tatanggaping pagpapala kung lagi nating sisikaping magpakita ng tulad-Kristong kabaitan. Malayang dadaloy sa kongregasyon ang espiritu ni Jehova anupat matutulungan ang bawat isa na magkaroon ng mga bunga nito. Karagdagan pa, kung tutularan natin ang halimbawa ni Jesus at tutulungan natin ang iba na gawin din ito, matutuwa ang Diyos sa ating maligaya at nagkakaisang pagsamba. Kaya patuloy nawa nating sikapin na tularan ang kahinahunan at kabaitan ni Jesus.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Paano ipinakita ni Jesus na siya ay “mahinahong-loob at mababa ang puso”?
• Paano nagpakita si Jesus ng kabaitan?
• Ano ang ilang paraan upang maipakita natin ang tulad-Kristong kahinahunan at kabaitan sa di-sakdal na sanlibutang ito?
[Larawan sa pahina 8]
Handa ba nating iunat ang ating kamay para tulungan ang ating kapatid na humina ang pananampalataya, gaya ni Pedro?
[Larawan sa pahina 10]
Ano ang maaari mong gawin para itaguyod ang kabaitan sa loob ng kongregasyon?