“Noong mga Araw ni Herodes na Hari”
SA PAGTATANGKANG patayin ang batang si Jesus, nagsugo si Herodes na Dakila, hari ng Judea, ng mga tauhan upang ipapatay ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem. Iniulat ng kasaysayan ang maraming pangyayari “noong mga araw ni Herodes na hari,” mga pangyayaring tumutulong sa atin na maunawaan ang mga kalagayan noong nabubuhay si Jesus sa lupa at sa panahon ng kaniyang ministeryo.—Mateo 2:1-16.
Bakit gustong ipapatay ni Herodes si Jesus? Nang isilang si Jesus, ang mga Judio ay pinamamahalaan ng isang hari. Pero bakit nang mamatay siya, isang Romano, si Poncio Pilato, ang namamahala sa kanila? Upang lubusang maunawaan ang papel ni Herodes sa kasaysayan at kung bakit mahalaga siya sa mga mambabasa ng Bibliya, kailangan nating magbalik-tanaw mga ilang dekada bago isilang si Jesus.
Agawan ng Kapangyarihan sa Judea
Noong unang kalahatian ng ikalawang siglo B.C.E., ang Judea ay pinamamahalaan ng mga Seleucido ng Sirya, isa sa apat na dinastiyang nabuo pagkatapos mabuwag ang imperyo ni Alejandrong Dakila. Pero noong mga 168 B.C.E., nang tangkain ng haring Seleucido na palitan ang pagsamba kay Jehova ng pagsamba kay Zeus sa kanilang templo sa Jerusalem, naghimagsik ang mga Judio sa pangunguna ng pamilyang Macabeo. Ang mga Macabeo, o Hasmoneano, ang namahala sa Judea mula 142-63 B.C.E.
Noong 66 B.C.E., nag-agawan sa trono ang dalawang magkapatid na prinsipeng Hasmoneano, sina Hyrcanus II at Aristobulus. Nagkaroon ng gera sibil at pareho silang humingi ng tulong kay Pompey, isang Romanong heneral na nasa Sirya noon. Sinamantala ni Pompey ang pagkakataong ito.
Sa katunayan, pinalalawak ng mga Romano ang kanilang impluwensiya pasilangan, at kontrolado na nila ang kalakhang bahagi ng Asia Minor nang panahong iyon. Subalit dahil sa sunud-sunod na mahinang tagapamahala ng Sirya, nagkaroon ng kaguluhan sa lupain anupat naging banta ito sa kapayapaan na isinusulong ng mga Romano sa Silangan. Kaya nakialam na si Pompey upang sakupin ang Sirya.
Upang matigil na ang agawan ng mga Hasmoneano sa kapangyarihan, kinampihan niya si Hyrcanus, at noong 63 B.C.E., sumalakay ang mga Romano sa Jerusalem at itinalagang hari si Hyrcanus. Pero hindi siya mamamahalang mag-isa. Ito na ang pagkakataon ng mga Romano at hindi na nila ito palalampasin. Si Hyrcanus ay naging etnarka o isa na itinalaga ng Roma na mamahala. Mananatili lamang siya sa trono hangga’t ipinahihintulot ng Roma. Maaari niyang pangasiwaan ang mga gawain sa kaniyang nasasakupan kung gusto niya, pero ang mga ugnayan sa labas ng kaniyang nasasakupan ay dapat kaayon ng patakarang Romano.
Ang Paglitaw ni Herodes sa Kapangyarihan
Mahinang tagapamahala si Hyrcanus. Pero suportado siya ni Antipater, isang Idumeano at ama ni Herodes na Dakila. Napigilan ni Antipater ang pag-aalsa ng mga pangkat na Judio at di-nagtagal nakontrol niya ang Judea. Tinulungan niya si Julio Cesar na labanan ang mga kaaway nito sa Ehipto. Dahil dito, ibinigay ng Roma ang posisyong prokurador kay Antipater, pero nasa ilalim pa rin siya ng awtoridad nito. Ginawa naman niyang gobernador ang kaniyang mga anak, si Phasael sa Jerusalem at si Herodes sa Galilea.
Itinuro ni Antipater sa kaniyang mga anak na makakakilos lamang sila kung may pahintulot ng Roma. Tinandaan iyan ni Herodes. Sa kaniyang pamamahala, nanimbang siya sa mga kahilingan ng mga Romano na nagluklok sa kaniya sa kapangyarihan at ng kaniyang nasasakupang Judio. Nakatulong sa kaniya ang kasanayan niya bilang organisador at heneral. Nang mahirang na gobernador ang 25-anyos na si Herodes, natamo niya agad ang paghanga ng mga Judio at mga Romano dahil lubusan niyang naalis ang mga grupo ng bandido sa kaniyang teritoryo.
Noong 43 B.C.E., nilason ng mga kaaway si Antipater, kaya si Herodes na ang naging pinakamakapangyarihan sa Judea. Pero nagkaroon siya ng mga kaaway. Itinuring siya ng mga aristokrata sa Jerusalem na mang-aagaw ng kapangyarihan at hinikayat nila ang Roma na patalsikin siya. Pero bigo sila kasi tapat ang Roma kay Antipater at hanga sila sa kakayahan ng kaniyang anak.
Ginawang Hari ng Judea
Nagalit ang marami sa naging solusyon ni Pompey sa problema ng mga tagapamahalang Hasmoneano mga 20 taon na ang nakalipas. Paulit-ulit na tinangkang bawiin ng mga tagasuporta ni Aristobulus ang kapangyarihan, at noong 40 B.C.E., nagtagumpay sila sa tulong ng mga taga-Parthia na kaaway ng Roma. Sinamantala ng mga taga-Parthia ang kaguluhang dulot ng gera sibil sa Roma, sinakop nila ang Sirya, pinatalsik si Hyrcanus, at itinalaga ang isang Hasmoneano na laban sa Roma.
Tumakas si Herodes patungo sa Roma, kung saan mainit siyang tinanggap. Gusto ng mga Romano na patalsikin ang mga taga-Parthia mula sa Judea at mabawi ang kanilang teritoryo. Nakita nilang maaasahang kakampi si Herodes kaya ginawa siya ng Senado ng Roma na hari ng Judea. Upang manatili sa kapangyarihan, nakipagkompromiso si Herodes sa pamamagitan ng pangunguna sa prusisyon mula sa Senado hanggang sa templo ni Jupiter, at naghandog doon sa mga paganong diyos.
Sa tulong ng hukbong Romano, natalo ni Herodes ang kaniyang mga kaaway sa Judea at nabawi ang kaniyang trono. Malupit ang kaniyang naging paghihiganti sa mga lumaban sa kaniya. Pinatay niya ang mga Hasmoneano at ang mga aristokratang Judio na sumusuporta sa mga ito, pati na ang sinumang umaayaw sa mga tagapamahala na kakampi ng Roma.
Pinalakas ni Herodes ang Kaniyang Kapangyarihan
Noong 31 B.C.E., naging tagapamahala ng Roma si Octavio nang talunin niya si Mark Antony sa Actium. Naisip ni Herodes na pagsususpetsahan ang matagal na niyang pakikipagkaibigan kay Mark Antony, kaya tiniyak ni Herodes kay Octavio na tapat siya rito. Pinalakas naman ni Octavio si Herodes bilang hari ng Judea at pinalawak ang teritoryo nito.
Nang sumunod na mga taon, pinatatag at pinagyaman ni Herodes ang kaniyang kaharian, anupat ginawang sentro ng kulturang Gresya ang Jerusalem. Nagkaroon siya ng malalaking proyekto ng pagtatayo—mga palasyo, daungang lunsod sa Cesarea, at mga bago at mariringal na gusali sa templo sa Jerusalem. Pero mula’t sapol, ang kaniyang mga patakaran at kapangyarihan ay nakadepende sa pakikipagkaibigan niya sa Roma.
Lubus-lubusan ang pamamahala at awtoridad ni Herodes sa Judea. Kontrolado rin niya ang pag-aatas ng mataas na saserdote, anupat hinihirang ang sinumang gusto niya.
Pagpaslang Dahil sa Paninibugho
Walang katahimikan ang buhay ni Herodes. Gusto ng marami sa kaniyang sampung asawa na magmana ng trono ang isa sa kanilang mga anak. Nagsuspetsa at naging malupit si Herodes dahil sa mga intriga sa palasyo. Ipinapatay niya ang kaniyang paboritong asawa, si Mariamne, dahil sa sobrang selos at nang maglaon ipinabigti niya ang dalawang anak nito dahil sa hinalang may masamang balak ang mga ito laban sa kaniya. Ang ugaling ito ni Herodes at ang kaniyang pasiyang alisin ang sinumang aagaw sa kaniyang kapangyarihan ay kasuwato ng ulat ni Mateo tungkol sa ginawang pagpatay sa mga batang lalaki sa Betlehem.
Sinasabi ng ilan na dahil alam ni Herodes na marami ang ayaw sa kaniya, determinado siya na sa kaniyang kamatayan dapat magdalamhati ang bayan sa halip na magsaya. Para mangyari iyan, ipinaaresto niya ang tanyag na mga mamamayan ng Judea at ipinag-utos na patayin ang mga ito sa mismong araw ng kaniyang kamatayan. Hindi kailanman natupad ang utos na ito.
Ang Pamana ni Herodes na Dakila
Nang mamatay si Herodes, iniutos ng Roma na ang anak niyang si Arquelao ang humalili sa kaniya bilang tagapamahala ng Judea. Ang dalawa pa niyang anak ay ginawang mga prinsipe, o mga tagapamahala ng distrito—si Antipas sa Galilea at Perea, at si Felipe naman sa Iturea at Traconite. Hindi nagustuhan ng mga nasasakupan at ng Roma ang pamamahala ni Arquelao. Kaya pagkaraan ng isang dekada ng kaniyang bigong pamamahala, inalis siya ng mga Romano. Pagkatapos, nagtalaga sila ng mga Romanong gobernador at isa na rito si Poncio Pilato. Samantala, si Antipas—na tinatawag ni Lucas na Herodes—at si Felipe ay patuloy na namahala sa kani-kanilang mga distrito. Ganito ang sitwasyon sa pulitika sa simula ng ministeryo ni Jesus.—Lucas 3:1.
Si Herodes na Dakila ay isang tusong pulitiko at walang-awang mamamatay-tao. Marahil ang pinakamasama niyang ginawa ay ang kaniyang tangkang pagpatay sa sanggol na si Jesus. Ang pag-aaral tungkol sa papel ni Herodes sa kasaysayan ay kapaki-pakinabang sa mga mambabasa ng Bibliya—ipinaliliwanag nito ang mahahalagang pangyayari noong mga panahong iyon, kung paano naging mga tagapamahala ng mga Judio ang mga Romano, at ang mga kalagayan noong nabubuhay si Jesus sa lupa at sa panahon ng kaniyang ministeryo.
[Mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Palestina at ang mga lugar sa palibot nito noong panahon ni Herodes
SIRYA
ITUREA
GALILEA
TRACONITE
Dagat ng Galilea
Ilog Jordan
Cesarea
SAMARIA
PEREA
Jerusalem
Betlehem
JUDEA
Dagat Asin
IDUMEA
[Mga larawan sa pahina 13]
Isa lamang si Herodes sa mga naging tagapamahala ng Judea sa loob ng dalawang siglo bago ang ministeryo ni Jesus