Bakit Dapat Mong Ialay ang Iyong Sarili kay Jehova?
“Nang gabing ito ay tumayong malapit sa akin ang isang anghel ng Diyos na nagmamay-ari sa akin.”—GAWA 27:23.
1. Anong mga hakbang ang nagawa na ng mga kandidato sa bautismo? Anong mga tanong ang bumabangon?
“SALIG sa hain ni Jesu-Kristo, pinagsisihan mo na ba ang iyong mga kasalanan at inialay ang iyong sarili kay Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban?” Ito ang isa sa dalawang tanong na sinasagot ng mga kandidato sa bautismo sa pagtatapos ng pahayag sa bautismo. Bakit dapat ialay ng mga Kristiyano ang kanilang sarili kay Jehova? Paano tayo nakikinabang sa pagiging nakaalay sa Diyos? Bakit hindi magiging kaayaaya ang pagsamba natin sa Diyos kung hindi tayo nakaalay sa kaniya? Para maunawaan ang mga sagot, kailangan muna nating pag-usapan ang ibig sabihin ng pag-aalay.
2. Ano ang ibig sabihin ng pag-aalay ng sarili kay Jehova?
2 Ano ang ibig sabihin ng pag-aalay ng sarili sa Diyos? Pansinin ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa kaugnayan niya sa Diyos. Sa harap ng maraming pasaherong kasama niya sa barkong nanganganib lumubog, tinawag niya si Jehova na “Diyos na nagmamay-ari sa akin.” (Basahin ang Gawa 27:22-24.) Ang lahat ng tunay na Kristiyano ay pagmamay-ari ni Jehova. Pero ang buong sanlibutan ay “nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Nagiging pag-aari ni Jehova ang mga Kristiyano pagkatapos ng katanggap-tanggap na pag-aalay ng kanilang sarili sa pamamagitan ng panalangin. Ang gayong pag-aalay ay isang personal na panata na sinusundan ng bautismo sa tubig.
3. Ano ang isinasagisag ng bautismo ni Jesus? Paano matutularan ng kaniyang mga tagasunod ang kaniyang halimbawa?
3 Nagpakita si Jesus ng halimbawa nang magpasiya siyang gawin ang kalooban ng Diyos. Yamang isinilang siya sa nakaalay na bansang Israel, nakaalay na siya sa Diyos. Kaya ang ginawa niyang pagpapabautismo ay higit pa sa hinihiling ng Kautusan. Ipinakikita ng Salita ng Diyos na sinabi niya: “Narito! Ako ay dumating . . . upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.” (Heb. 10:7; Luc. 3:21) Kaya ang bautismo ni Jesus ay sumasagisag sa paghaharap ng kaniyang sarili sa Diyos upang gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. Matutularan ng mga tagasunod niya ang kaniyang halimbawa kung ihaharap nila ang kanilang sarili para sa bautismo. Pero sa kaso nila, ang bautismo ay pangmadlang kapahayagan na nag-alay na sila sa Diyos sa panalangin.
Kung Paano Tayo Nakikinabang sa Pag-aalay
4. Ano ang matututuhan natin sa pagkakaibigan nina David at Jonatan tungkol sa pagkadama ng obligasyon sa isa’t isa?
4 Ang Kristiyanong pag-aalay ay isang seryosong bagay. Hindi ito basta pangako lang. Pero paano naman tayo nakikinabang dito? Bilang paghahambing, isaalang-alang natin kung paano nagdudulot ng kapakinabangan ang isang kasunduan o pangakong binitiwan sa isang tao. Ang isang halimbawa nito ay ang pakikipagkaibigan. Para masiyahan sa pagkakaroon ng kaibigan, dapat mong tanggapin ang responsibilidad ng pagiging isang kaibigan. Nangangahulugan iyan na pinapasok mo ang isang pananagutan—nakadarama ka ng obligasyong pagmalasakitan ang iyong kaibigan. Ang isa sa pinakamagandang halimbawa ng pagkakaibigan na nakaulat sa Bibliya ay ang kina David at Jonatan. Pinagtibay pa nga nila ang isang tipan ng pagkakaibigan. (Basahin ang 1 Samuel 17:57; 18:1, 3.) Bagaman bihira na ang ganiyang ugnayan, karaniwan nang tumitibay ang samahan ng magkakaibigan kapag nakadarama sila ng obligasyon sa isa’t isa.—Kaw. 17:17; 18:24.
5. Ano ang gagawin ng isang alipin kung gusto niyang maging habambuhay na pag-aari ng isang mabait na panginoon?
5 Makikita sa Kautusan ng Diyos sa Israel ang isa pang ugnayan kung saan nakikinabang ang mga tao dahil sa pagpasok sa isang kasunduan. Kung gusto ng isang alipin na maging habambuhay na pag-aari ng isang mabait na panginoon, puwede nilang pagtibayin ang isang panghabambuhay na kasunduan. Sinasabi ng Kautusan: “Kung ang alipin ay mapilit na magsasabi, ‘Talagang iniibig ko ang aking panginoon, ang aking asawa at ang aking mga anak; hindi ko nais na umalis bilang isa na pinalaya,’ kung magkagayon ay ilalapit siya ng kaniyang panginoon sa tunay na Diyos at dadalhin siya sa tapat ng pinto o ng poste ng pinto; at bubutasan ng kaniyang panginoon ang kaniyang tainga sa pamamagitan ng balibol, at siya ay magiging alipin niya hanggang sa panahong walang takda.”—Ex. 21:5, 6.
6, 7. (a) Paano nakikinabang ang mga tao kapag mayroon silang kasunduan? (b) Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa ating kaugnayan kay Jehova?
6 Ang pag-aasawa ay isang mas seryosong kasunduan. Ito’y pananagutan sa isang tao at hindi basta sa isang kontrata lamang. Ang dalawang taong nagsasama nang di-kasal ay hindi kailanman makadarama ng tunay na kapanatagan; pati na rin ang kanilang mga anak. Pero ang dalawang taong pumasok sa marangal na pag-aasawa ay nakadarama ng maka-Kasulatang obligasyon na lutasin ang mga problema sa maibiging paraan.—Mat. 19:5, 6; 1 Cor. 13:7, 8; Heb. 13:4.
7 Noong panahon ng Bibliya, nakikinabang ang mga tao kapag mayroon silang kontrata sa negosyo at trabaho. (Mat. 20:1, 2, 8) Ganiyan din sa ngayon. Halimbawa, nakikinabang tayo sa pagkakaroon ng nasusulat na kasunduan, o kontrata, bago pumasok sa isang negosyo o magtrabaho sa isang kompanya. Kaya kung ang kasunduan ay importante sa trabaho at nagpapatibay sa ugnayan ng mag-asawa at magkaibigan, ang buong-pusong pag-aalay kay Jehova ay lalo nang mahalaga sa ating kaugnayan sa kaniya! Isaalang-alang natin ngayon kung paano nakinabang ang mga tao noon sa pagiging nakaalay sa Diyos na Jehova at kung bakit masasabing hindi lang ito basta isang pangako, o kasunduan.
Kung Paano Nakinabang ang Israel sa Kanilang Pag-aalay sa Diyos
8. Para sa mga Israelita, ano ang ibig sabihin ng pagiging nakaalay sa Diyos?
8 Nang manata sa Diyos ang mga Israelita, sila ay naging isang bansang nakaalay kay Jehova. Tinipon sila ni Jehova malapit sa Bundok Sinai, at sinabi: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kayo ay tiyak na magiging aking pantanging pag-aari mula sa lahat ng iba pang bayan.” Sumagot ang buong bayan: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin.” (Ex. 19:4-8) Para sa mga Israelita, ang pagiging nakaalay sa Diyos ay hindi lang basta isang pangakong gagawin ang isang bagay. Nangangahulugan ito na sila ay kay Jehova na, at itinuturing naman sila ni Jehova bilang kaniyang “pantanging pag-aari.”
9. Paano nakinabang ang Israel sa kanilang pag-aalay sa Diyos?
9 Nakinabang ang mga Israelita nang maging pag-aari sila ni Jehova. Naging tapat siya sa kanila at pinangalagaan sila, gaya ng isang maibiging magulang sa kaniyang anak. Sinabi ng Diyos sa Israel: “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan? Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.” (Isa. 49:15) Binigyan sila ni Jehova ng patnubay mula sa Kautusan, ng pampatibay-loob mula sa mga propeta, at ng proteksiyon mula sa mga anghel. Isinulat ng isang salmista: “Sinasabi niya ang kaniyang salita sa Jacob, ang kaniyang mga tuntunin at ang kaniyang mga hudisyal na pasiya sa Israel. Hindi niya ginawa ang gayon sa alinpamang bansa.” (Awit 147:19, 20; basahin ang Awit 34:7, 19; 48:14.) Kung paanong pinangalagaan noon ni Jehova ang bansang pag-aari niya, pangangalagaan din niya ngayon ang mga nag-aalay ng kanilang sarili sa kaniya.
Bakit Dapat Nating Ialay ang Ating Sarili sa Diyos?
10, 11. Isinilang ba tayo na bahagi ng pansansinukob na pamilya ng Diyos? Ipaliwanag.
10 Habang pinag-iisipan ang Kristiyanong pag-aalay at bautismo, baka maitanong ng ilan, ‘Bakit dapat ko pang ialay ang sarili ko sa Diyos para tanggapin niya ang aking pagsamba?’ Malalaman natin ang sagot kung isasaalang-alang natin ang ating katayuan ngayon sa harap ng Diyos. Tandaan na dahil sa pagkakasala ni Adan, tayong lahat ay isinilang na hindi bahagi ng pamilya ng Diyos. (Roma 3:23; 5:12) Ang pag-aalay ng ating sarili sa Diyos ay isang napakahalagang kahilingan para tanggapin niya tayo sa kaniyang pansansinukob na pamilya. Tingnan natin kung bakit.
11 Walang sinumang ama sa lupa ang makapagpapasa ng buhay na walang hanggan na siyang nilayon ng Diyos. (1 Tim. 6:19) Hindi tayo isinilang bilang mga anak ng Diyos dahil nang magkasala ang unang mag-asawa, napahiwalay ang mga tao sa kanilang maibiging Ama at Maylalang. (Ihambing ang Deuteronomio 32:5.) Mula noon, ang sangkatauhan ay hindi na bahagi ng pansansinukob na pamilya ni Jehova.
12. (a) Paano magiging bahagi ng pamilya ng Diyos ang di-sakdal na mga tao? (b) Anong mga hakbang ang kailangang gawin bago magpabautismo?
12 Gayunman, bilang mga indibiduwal, maaari nating hilingin sa Diyos na tanggapin tayo sa kaniyang pamilya ng sinang-ayunang mga lingkod.a Posible nga kaya iyon para sa mga makasalanang tulad natin? Sumulat si apostol Pablo: “Noong tayo ay mga kaaway pa, naipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.” (Roma 5:10) Sa bautismo, hinihiling natin sa Diyos ang isang mabuting budhi para maging katanggap-tanggap tayo sa kaniya. (1 Ped. 3:21) Pero bago magpabautismo, may mga hakbang na kailangang gawin. Kailangan muna nating makilala ang Diyos, matutong magtiwala sa kaniya, magsisi, at magbago. (Juan 17:3; Gawa 3:19; Heb. 11:6) Pero hindi lang iyan. Ano pa kaya ang kailangan?
13. Bakit makatuwiran lang na gumawa muna ng panata ng pag-aalay sa Diyos ang isang tao bago maging bahagi ng Kaniyang pamilya ng sinang-ayunang mga mananamba?
13 Bago maging miyembro ng pamilya ng sinang-ayunang mga lingkod ng Diyos, ang isang taong hiwalay sa Diyos ay kailangan munang gumawa ng taimtim na pangako kay Jehova. Para maunawaan kung bakit, gumamit tayo ng isang ilustrasyon. Isang ama ang naawa sa isang batang ulila at gusto niya itong ampunin. Bagaman kilala ang amang ito sa kaniyang kabaitan, gusto pa rin niyang mangako muna sa kaniya ang bata bago ito tanggapin bilang bahagi ng kaniyang pamilya. Kaya sinabi niya, “Bago kita tanggapin bilang anak, ipangako mo munang mamahalin mo ako at igagalang bilang ama.” Aampunin lang ng lalaki ang bata kung taimtim itong mangangako. Makatuwiran lang iyan, hindi ba? Sa katulad na paraan, tatanggapin lang ni Jehova sa kaniyang pamilya ang mga tao kung gagawa sila ng panata ng pag-aalay sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya: “Ihandog ninyo ang inyong sarili sa kaniya: isang haing buháy, nakaalay at kaayaaya sa kaniya.”—Roma 12:1, The New English Bible.
Kapahayagan ng Pag-ibig at Pananampalataya
14. Bakit masasabing kapahayagan ng pag-ibig ang pag-aalay?
14 Ang ating panata ng pag-aalay sa Diyos ay kapahayagan ng ating taos-pusong pag-ibig kay Jehova. Puwede natin itong ihambing sa sumpaan, o panata, ng ikinakasal. Ipinahahayag ng lalaki ang pag-ibig niya sa kaniyang kasintahan kapag nananata siyang magiging tapat sa kaniya anuman ang mangyari. Panata ito sa isang tao at hindi lang basta pangakong gagawin ang isang bagay. Nauunawaan ng lalaking Kristiyano na hindi sila puwedeng magsama ng kaniyang kasintahan kung hindi siya gagawa ng panata sa pag-aasawa. Sa katulad na paraan, hindi tayo magiging miyembro ng pamilya ni Jehova kung hindi tayo gagawa ng panata ng pag-aalay. Kaya kahit hindi tayo sakdal, iniaalay natin ang ating sarili sa Diyos dahil gusto nating siya ang magmay-ari sa atin at determinado tayong manatiling tapat sa kaniya anuman ang mangyari.—Mat. 22:37.
15. Bakit masasabing kapahayagan ng pananampalataya ang pag-aalay?
15 Ang pag-aalay ng ating sarili sa Diyos ay kapahayagan din ng ating pananampalataya. Sa anong paraan? Yamang may pananampalataya tayo kay Jehova, nagtitiwala tayo na ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa atin. (Awit 73:28) Alam nating hindi madaling lumakad na kasama ng Diyos sa gitna ng “isang liko at pilipit na salinlahi,” pero nagtitiwala tayo sa pangako ng Diyos na tutulungan niya tayo. (Fil. 2:15; 4:13) Alam nating hindi tayo sakdal, pero nagtitiwala tayo na magiging maawain si Jehova kahit pa magkamali tayo. (Basahin ang Awit 103:13, 14; Roma 7:21-25.) Nananampalataya tayo na gagantimpalaan ni Jehova ang ating pasiya na manatiling tapat.—Job 27:5.
Maligaya ang mga Nakaalay sa Diyos
16, 17. Bakit maligaya ang mga nakaalay kay Jehova?
16 Maligaya tayo kapag nakaalay kay Jehova dahil nangangahulugan ito ng pagbibigay ng ating sarili. Binanggit ni Jesus ang isang saligang katotohanan: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Sa pagmiministeryo ni Jesus sa lupa, lubusan niyang nadama ang kaligayahan sa pagbibigay. Kung kinakailangan, hindi muna siya nagpapahinga o kumakain para matulungan ang iba na masumpungan ang daan tungo sa buhay. (Juan 4:34) Nalugod si Jesus na mapasaya ang puso ng kaniyang Ama. Sinabi niya: “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.”—Juan 8:29; Kaw. 27:11.
17 Kaya itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod kung paano magiging maligaya nang sabihin niya: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili.” (Mat. 16:24) Sa paggawa nito, lalo tayong mápapalapít kay Jehova. May iba pa kayang makapangangalaga sa atin nang higit kaysa sa kaniya?
18. Bakit ang pamumuhay ayon sa ating pag-aalay kay Jehova ay nagdudulot ng higit na kaligayahan kaysa sa pag-aalay sa anumang bagay o sa sinumang tao?
18 Ang pag-aalay ng sarili kay Jehova at pamumuhay ayon dito sa pamamagitan ng paggawa ng kaniyang kalooban ay nagdudulot sa atin ng higit na kaligayahan kaysa sa pag-aalay sa anumang bagay o sa sinumang tao. Halimbawa, bagaman ginugugol ng maraming tao ang kanilang buhay sa pagpapayaman, hindi pa rin sila talaga kontento at masaya. Ngunit ang mga nag-aalay ng kanilang sarili kay Jehova ay nagtatamasa ng namamalaging kaligayahan. (Mat. 6:24) Nagpapaligaya sa kanila ang karangalan na maging “mga kamanggagawa ng Diyos.” Pero hindi nila inialay ang kanilang sarili sa isang gawain kundi sa ating mapagpahalagang Diyos. (1 Cor. 3:9) Walang sinumang makahihigit sa pagpapahalaga niya sa ating mga pagsasakripisyo. Ibabalik pa nga niya sa kabataan ang mga tapat sa kaniya para makinabang sila sa kaniyang pangangalaga magpakailanman.—Job 33:25; basahin ang Hebreo 6:10.
19. Ano ang pribilehiyo ng mga nakaalay kay Jehova?
19 Magkakaroon ka ng malapít na kaugnayan kay Jehova kung iaalay mo ang iyong buhay sa kaniya. Sinasabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8; Awit 25:14) Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung bakit tayo makapagtitiwalang tama ang pasiya natin na mag-alay ng ating sarili kay Jehova.
[Talababa]
a Magiging mga anak lamang ng Diyos ang “ibang mga tupa” ni Jesus pagkatapos ng sanlibong taon. Pero dahil naialay na nila ang kanilang sarili sa Diyos, maaari nilang tawaging “Ama” ang Diyos at maituturing na silang miyembro ng pamilya ng mga mananamba ni Jehova.—Juan 10:16; Isa. 64:8; Mat. 6:9; Apoc. 20:5.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang ibig sabihin ng pag-aalay ng sarili sa Diyos?
• Paano tayo nakikinabang sa pagiging nakaalay sa Diyos?
• Bakit dapat ialay ng mga Kristiyano ang kanilang sarili kay Jehova?
[Larawan sa pahina 6]
Makadarama tayo ng namamalaging kaligayahan kung mamumuhay tayo ayon sa ating pag-aalay