Alam Mo Ba?
Ano ang pantanging mga karapatan at pananagutan ng panganay na anak na lalaki?
▪ Mula pa noong panahon ng mga patriyarka, ang mga lingkod ng Diyos ay nagbibigay na ng pantanging mga karapatan sa panganay na anak na lalaki. Kapag namatay ang ama, ang panganay na anak na lalaki ang tumatayong ulo ng pamilya. Siya ang mangangalaga sa pamilya at siya ang may awtoridad sa mga miyembro ng pamilya na kasama niyang naninirahan. Ang panganay rin ang kumakatawan sa pamilya sa harap ng Diyos. Bagaman tumatanggap ng mana ang lahat ng anak na lalaki, doble ang minamanang ari-arian ng panganay.
Noong panahon ng mga patriyarka, maaari ding maiwala ng anak na lalaki ang kaniyang karapatan sa pagkapanganay. Halimbawa, ipinagbili ni Esau ang kaniyang pagkapanganay sa kaniyang nakababatang kapatid. (Genesis 25:30-34) Inilipat ni Jacob ang pagkapanganay ng kaniyang anak na si Ruben kay Jose. Naiwala ni Ruben ang pribilehiyong iyon dahil sa kaniyang imoral na paggawi. (1 Cronica 5:1) Pero hindi komo mas mahal ng lalaki ang isa niyang asawa, maaari na niyang ilipat sa panganay na anak na lalaki nito ang karapatan ng panganay na anak na lalaki ng isa niyang asawa. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, dapat igalang ng ama ang karapatang nauukol sa kaniyang panganay na anak na lalaki.—Deuteronomio 21:15-17.
Bakit nagsusuot ang mga eskriba at Pariseo ng “mga sisidlan na naglalaman ng kasulatan”?
▪ Binatikos ni Jesus ang mga eskriba at Pariseo, mga relihiyosong lider na sumasalansang sa kaniya, dahil “pinalalapad nila ang mga sisidlan na naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang pananggalang.” (Mateo 23:2, 5) Ang mga tagasunod nila ay nagtatali sa noo ng maliit at itim na parisukat o parihabang kahon na yari sa katad. Itinatali rin nila ito sa kanilang bisig, malapit sa puso. Mga bahagi ng Kasulatan ang laman ng mga kahon. Ang pagsusuot ng mga sisidlang iyon, na tinatawag na mga pilakterya, ay nagmula sa literal na interpretasyon sa utos ng Diyos sa mga Israelita: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso . . . At itatali mo iyon bilang tanda sa iyong kamay” at “pangharap na pamigkis sa pagitan ng iyong mga mata.” (Deuteronomio 6:6-8) Hindi alam kung kailan nagsimula ang kaugaliang ito, pero sinasabi ng karamihan sa mga iskolar na ito ay nagsimula noong ikatlo o ikalawang siglo B.C.E.
Binatikos ni Jesus ang gawaing ito sa dalawang dahilan. Una, pinalalapad ng mga eskriba at Pariseo ang kanilang mga pilakterya upang hangaan ng iba ang pagiging relihiyoso nila. Ikalawa, itinuturing nila ang mga ito bilang anting-anting na magbibigay sa kanila ng proteksiyon. Ang salitang Griego para dito na phylakterion, gaya ng ginagamit sa sekular na mga publikasyon, ay isinasaling “himpilan,” “kuta,” o “pananggalang.”