Nakakaapekto ba sa Buhay Mo ang mga Bituin?
SA ISANG maaliwalas na gabi at malayo sa kabihasnan, napakagandang tingnan ng langit na parang itim na itim na telang napapalamutian ng libu-libong kumukutitap na maliliit na diamante. Nito lamang nakalipas na tatlo at kalahating siglo natuklasan ng mga tao kung gaano kalaki ang mga bituin at kung gaano kalayo ang mga ito sa atin. Ngayon pa lamang natin nauunawaan ang napakalakas na mga puwersang nakakalat sa ating kahanga-hangang uniberso.
Mula pa noon, napansin na ng mga tao ang eksaktong paggalaw ng mga bagay sa kalangitan kapag gabi at ang nagbabagu-bago nitong lokasyon depende sa panahon. (Genesis 1:14) Marami ang nakadarama ng gaya ng isinulat ni Haring David ng Israel mga 3,000 taon na ang nakalilipas: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan?”—Awit 8:3, 4.
Gayunman, alam man natin o hindi, talagang nakakaapekto sa ating buhay ang mga bagay sa langit at ang paggalaw ng mga ito. Ang araw, ang bituin na iniikutan ng planetang lupa, ay batayan ng mga tao sa haba ng araw at taon. Ang buwan ay “palatandaan ng mga panahon.” (Awit 104:19, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Ang mga bituin ay kapaki-pakinabang na mga giya sa nabigasyon, maging sa mga astronot para sa kanilang mga sasakyang pangkalawakan. Dahil diyan, naiisip ng ilan kung may iba pang magagawa para sa atin ang mga bituin bukod sa pagsasabi ng oras at panahon at sa pagpapasidhi ng ating pagpapahalaga sa mga nilalang ng Diyos. Mahuhulaan din kaya nito ang ating kinabukasan o mabibigyan ba tayo nito ng babala sa dumarating na kalamidad?
Ang Pinagmulan at Layunin ng Astrolohiya
Ang paghahanap ng mga tanda sa langit upang maging batayan ng mga gawain dito sa lupa ay nagmula sa sinaunang Mesopotamia, na malamang noon pang ikatlong milenyo B.C.E. Maingat na mga tagapagmasid ng kalangitan ang sinaunang mga astrologo. Ang kanilang mga pagsisikap na gawan ng mapa ang mga pagkilos ng mga bagay sa kalangitan, itala ang mga posisyon ng bituin, gumawa ng mga kalendaryo, hulaan ang mga eklipse, ang naging pasimula ng astronomiya bilang siyensiya. Pero ang astrolohiya ay hindi lamang basta pagtuklas sa epekto ng araw at buwan sa ating kapaligiran. Iginigiit nito na ang mga lokasyon at ayos ng araw, buwan, mga planeta, bituin, at mga konstelasyon ay hindi lamang nakaiimpluwensiya sa mga kaganapan sa lupa kundi kinokontrol din nito ang buhay ng mga tao. Paano?
Ginagamit ng ilan ang astrolohiya para humanap mula sa mga bagay sa kalangitan ng mga pahiwatig o babala tungkol sa hinaharap na inaakala nilang mapapakinabangan nila. Iniisip naman ng iba na ipinakikita ng astrolohiya na nakatadhana na ang ating mga gagawin o na makatutulong ito sa atin na matiyak ang tamang panahon para gawin ang ilang bagay o simulan ang isang partikular na gawain. Sinasabing nakukuha ang gayong mga impormasyon sa pagmamasid sa ayos ng pangunahing mga bagay sa kalangitan at “pagkalkula” sa interaksiyon nito sa isa’t isa at sa lupa. Ang epekto nito sa isang tao ay sinasabing depende sa posisyon o ayos ng mga bituin noong isilang siya.
Iniisip ng sinaunang mga astrologo na ang lupa ang sentro ng uniberso, at ang mga planeta at bituin ang umiikot dito. Inisip din nila na naglalakbay sa kalangitan ang araw kasama ng mga bituin at konstelasyon sa isang espesipikong daanan sa loob ng isang taon. Tinatawag nila ang “daan” na ito na ecliptic at nahahati ito sa 12 sona, o bahagi. Ang bawat bahagi ay ipinangalan sa konstelasyon na dinaraanan ng araw, ang 12 zodiac sign. Ang mga sonang ito, o “mga tirahan sa langit,” ay sinasabing tirahan ng mga diyos. Nang maglaon, siyempre pa, natuklasan ng mga siyentipiko na hindi pala ang araw ang lumilibot sa lupa kundi ang lupa ang lumilibot sa araw. Iyan ang naging katapusan ng astrolohiya bilang siyensiya.
Mula sa Mesopotamia, ang astrolohiya ay lumaganap sa halos buong daigdig at naging bahagi ng pangunahing mga sibilisasyon ng mga tao. Nang masakop ng Persia ang Babilonya, lumaganap ang astrolohiya sa Ehipto, Gresya, at India. Mula sa India, dinala naman ito ng mga misyonerong Budista sa Gitnang Asia, Tsina, Tibet, Hapon, at Timog-Silangang Asia. Bagaman hindi alam kung paano ito nakarating sa mga Maya, gamít na gamít ng sibilisasyong ito ang kaalaman nila sa astrolohiya katulad ng mga taga-Babilonya. Ang “modernong” anyo ng astrolohiya ay malamang na nabuo sa Helenistikong Ehipto at nagkaroon ng malaking epekto sa mga turo ng Judaismo, Islam, at Sangkakristiyanuhan.
Bago pa man maging tapon sa Babilonya ang bansang Israel noong ikapitong siglo B.C.E., naimpluwensiyahan na sila ng astrolohiya. Binabanggit sa Bibliya ang tungkol sa pagsisikap ng tapat na si Haring Josias na pahintuin ang mga tao sa kanilang paghahandog ng mga hain “sa araw at sa buwan at sa mga konstelasyon ng sodyako at sa buong hukbo ng langit.”—2 Hari 23:5.
Ang Pinagmulan ng Astrolohiya
Ang astrolohiya ay nakasalig sa malalaking pagkakamali may kinalaman sa posisyon at paggalaw ng uniberso. Kaya tiyak na hindi ito mula sa Diyos. Dahil ang pundasyon ng astrolohiya ay hindi nakasalig sa katotohanan, hindi ito makapagbibigay ng tumpak na impormasyon hinggil sa hinaharap. Kitang-kita ito sa dalawang pangyayari sa kasaysayan.
Noong naghahari si Nabucodonosor ng Babilonya, hindi maipaliwanag ng mga saserdote at astrologo ang panaginip ng hari. Tinukoy ni Daniel, isang propeta ng tunay na Diyos, si Jehova, ang dahilan: “Ang lihim na itinatanong ng hari ay hindi maipakikita sa hari ng marurunong na tao, ng mga salamangkero, ng mga mahikong saserdote at ng mga astrologo. Gayunman, may umiiral na Diyos sa langit na isang Tagapagsiwalat ng mga lihim, at ipinaaalam niya kay Haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw.” (Daniel 2:27, 28) Oo, umasa si Daniel sa Diyos na Jehova, ang “Tagapagsiwalat ng mga lihim”—hindi sa araw, buwan, o mga bituin—kaya naipaliwanag niya nang tama sa hari ang panaginip.—Daniel 2:36-45.
Hindi nailigtas ng napakaeksaktong pagkalkula sa astrolohiya ang sibilisasyon ng mga Maya noong ikasiyam na siglo C.E. Ang mga ito ay hindi lamang patunay na ang astrolohiya ay huwad dahil wala itong kakayahang hulaan nang tumpak ang mangyayari sa hinaharap, kundi nagsisiwalat din ng tunay na layunin nito: hadlangan ang mga tao na umasa sa Diyos para sa tumpak na impormasyon hinggil sa hinaharap.
Dahil ang astrolohiya ay isang kasinungalingan, matutukoy natin kung kanino ito nagmula. Sinabi ni Jesus tungkol sa Diyablo: “Hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya. Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, sapagkat siya ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Si Satanas ay nagkukunwaring “isang anghel ng liwanag,” at ang mga demonyo naman ay “mga ministro ng katuwiran.” Pero ang totoo, nililinlang nila ang mga tao para mahulog sa kanilang bitag. (2 Corinto 11:14, 15) Inilalantad ng Salita ng Diyos na ang “makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan” ay “pagkilos ni Satanas.”—2 Tesalonica 2:9.
Kung Bakit Dapat Mo Itong Iwasan
Ang astrolohiya ay nakasalig sa kasinungalingan kaya kinapopootan ito ng Diyos ng katotohanan, si Jehova. (Awit 31:5) Dahil dito, hinahatulan ito ng Bibliya at hinihimok ang mga tao na huwag makibahagi rito. Maliwanag na sinasabi ng Diyos sa Deuteronomio 18:10-12: “Huwag masusumpungan sa iyo . . . ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, . . . ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari o ang sinumang sumasangguni sa patay. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.”
Kapag nakikibahagi sa astrolohiya ang isang tao, inihahantad niya ang kaniyang sarili sa impluwensiya ni Satanas at ng mga demonyo yamang sila ang nasa likod nito. Kung paanong ang mga gumagamit ng droga ay nakokontrol ng mga nagtutulak nito, ang mga nakikibahagi sa astrolohiya ay nakokontrol din ng tusong manlilinlang na si Satanas. Kaya dapat lubusang iwasan ng mga umiibig sa Diyos at sa katotohanan ang astrolohiya. Dapat nilang sundin ang payo ng Bibliya: “Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.”—Amos 5:15.
Nagsimula ang astrolohiya dahil sa kagustuhan ng mga tao na malaman ang kinabukasan. Posible bang malaman ang hinaharap? Kung oo, paano? Sinasabi ng Bibliya na hindi natin maaaring malaman kung ano ang mangyayari sa atin bukas, sa susunod na buwan, o sa susunod na taon. (Santiago 4:14) Gayunman, isinisiwalat ng Bibliya kung ano ang mangyayari sa buong sangkatauhan. Sinasabi nito na malapit nang dumating ang Kaharian gaya ng binabanggit sa Panalangin ng Panginoon. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Sinasabi rin nito na malapit nang magwakas ang pagdurusa ng mga tao. (Isaias 65:17; Apocalipsis 21:4) Sa halip na itadhana ang buhay ng mga tao, hinihimok sila ng Diyos na matuto tungkol sa kaniya at kung ano ang gagawin niya para sa kanila sa hinaharap. Paano natin nalaman? Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na kalooban ng Diyos na “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.
Ang maringal na langit at ang lahat ng bagay rito ay hindi nilalang para kontrolin ang ating buhay. Itinuturo nito sa atin ang tungkol sa kapangyarihan ni Jehova at sa kaniyang pagka-Diyos. (Roma 1:20) Mapapakilos tayo nito na umiwas sa mga kasinungalingan, at sa halip ay umasa sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya, para sa mapananaligang patnubay sa matagumpay na buhay. “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—Kawikaan 3:5, 6.
[Blurb sa pahina 19]
Gamít na gamít ng mga Maya ang kaalaman nila sa astrolohiya
[Blurb sa pahina 20]
“May umiiral na Diyos sa langit na isang Tagapagsiwalat ng mga lihim, at ipinaaalam niya . . . kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw”
[Blurb sa pahina 20]
Hindi nailigtas ng eksaktong pagkalkula sa astrolohiya ang sibilisasyon ng mga Maya
[Larawan sa pahina 19]
El Caracol Observatory, Chichén Itzá, Yucatán, Mexico, 750-900 C.E.
[Picture Credit Lines sa pahina 19]
Pages 18 and 19, left to right: Stars: NASA, ESA, and A. Nota (STScI); Mayan calendar: © Lynx/Iconotec com/age fotostock; Mayan astronomer: © Albert J. Copley/age fotostock; Mayan observatory: El Caracol (The Great Conch) (photo), Mayan/Chichen Itza, Yucatan, Mexico/Giraudon/The Bridgeman Art Library