Lubusang Makibahagi sa Malaking Pag-aani
“Magpakasipag kayo sa mga gawain ng Panginoon.”—1 COR. 15:58, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
1. Ano ang paanyaya ni Jesus sa kaniyang mga alagad?
HABANG naglalakbay sa Samaria noong magtatapos ang 30 C.E., nagpahinga si Jesus sa may balon, malapit sa bayan ng Sicar. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Itingin ninyo ang inyong mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Hindi literal na pag-aani ang tinutukoy ni Jesus, kundi ang pagtitipon sa matuwid-pusong mga indibiduwal na magiging tagasunod niya. Sa diwa, inaanyayahan niya silang makibahagi sa pag-aani. Napakalaki ng trabaho pero kakaunti lang ang panahon!
2, 3. (a) Ano ang nagpapahiwatig na nasa panahon tayo ngayon ng pag-aani? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Ang sinabi ni Jesus tungkol sa pag-aani ay mas kapit sa ating panahon. Ang bukid ng sangkatauhan ngayon ay ‘maputi na para sa pag-aani.’ Bawat taon, milyun-milyon ang inaanyayahang matuto ng nagbibigay-buhay na katotohanan, at libu-libo ang nababautismuhan. Pribilehiyo nating makibahagi sa pinakamalaking pag-aani na pinangangasiwaan ng Panginoon ng pag-aani, ang Diyos na Jehova. Ikaw ba’y “maraming ginagawa,” o masipag, sa pag-aaning ito?—1 Cor. 15:58.
3 Sa loob ng tatlo-at-kalahating-taóng pagmiministeryo, inihanda ni Jesus ang mga alagad sa kanilang papel bilang mang-aani. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlo sa mahahalagang aral na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Bawat aral ay nagtatampok ng katangiang kailangan natin habang ginagawa ang buong makakaya sa pagtitipon ngayon sa mga alagad. Isa-isahin natin ang mga katangiang ito.
Napakahalaga ng Kapakumbabaan
4. Paano inilarawan ni Jesus ang kahalagahan ng kapakumbabaan?
4 Isipin ito: Katatapos lang magtalu-talo ng mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Bakas pa sa mukha nila ang inis. Kaya tinawag ni Jesus ang isang bata at pinatayo ito sa gitna nila. Habang itinuturo ang maliit na bata, sinabi ni Jesus: “Ang sinumang magpapakababa ng kaniyang sarili na tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.” (Basahin ang Mateo 18:1-4.) Imbes na mag-isip gaya ng sanlibutan, kung saan kapangyarihan, kayamanan, at katanyagan ang sukatan sa tao, dapat maunawaan ng mga alagad na magiging dakila lamang sila kung “magpapakababa” sila sa paningin ng iba. Pagpapalain lang sila at aatasan ni Jehova kung magpapakita sila ng tunay na kapakumbabaan.
5, 6. Bakit kailangan ang kapakumbabaan para lubusang makabahagi sa pag-aani? Magbigay ng halimbawa.
5 Sa ngayon, nauubos ang panahon ng marami sa paghahangad ng kapangyarihan, kayamanan, at katanyagan. Dahil dito, wala na silang panahon sa espirituwal na mga bagay. (Mat. 13:22) Samantala, nagagalak naman ang bayan ni Jehova na “magpakababa” at makamit ang pagsang-ayon at pagpapala ng Panginoon ng pag-aani.—Mat. 6:24; 2 Cor. 11:7; Fil. 3:8.
6 Kuning halimbawa si Francisco, isang elder sa Timog Amerika. Iniwan niya noon ang unibersidad para magpayunir. “Noong malapit na akong ikasal,” ang sabi niya, “puwede sana akong makakuha ng magandang trabaho para maging maalwan ang buhay naming mag-asawa. Pero pinasimple namin ang aming buhay at patuloy na nagpayunir. Nang magkaanak kami, nagkaroon ng mga bagong hamon. Pero tinulungan kami ni Jehova na mapanatiling simple ang aming buhay.” Nasabi niya: “Mahigit 30 taon na akong masayang naglilingkod bilang elder, at marami din akong natatanggap na mga espesyal na atas. Hinding-hindi ko pinagsisisihan ang pagkakaroon ng simpleng buhay.”
7. Paano mo ikinakapit ang payo sa Roma 12:16?
7 Kung tatanggihan mo ang “matatayog na bagay” ng sanlibutan at ‘makikiayon sa mabababang bagay,’ makakatanggap ka rin ng higit pang pagpapala at pribilehiyo sa gawaing pag-aani.—Roma 12:16; Mat. 4:19, 20; Luc. 18:28-30.
Pinagpapala ang Masikap
8, 9. (a) Ilahad sa maikli ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga talento. (b) Sino ang lalong mapapatibay sa ilustrasyong ito?
8 Ang isa pang katangian na kailangan para lubusang makabahagi sa pag-aani ay ang pagiging masikap. Tinalakay ito ni Jesus sa talinghaga tungkol sa mga talento.a Isang lalaki ang papunta sa ibang bayan. Bago umalis, ipinagkatiwala niya ang kaniyang mga pag-aari sa tatlo niyang alipin. Nag-iwan siya ng limang talento sa unang alipin, dalawang talento sa ikalawa, at isang talento sa ikatlo. Pagkaalis ng panginoon, naging masikap ang unang dalawang alipin at agad na “ipinangalakal” ang kani-kaniyang talento. Pero “makupad” ang ikatlong alipin. Ibinaón lang niya sa lupa ang kaniyang talento. Pagbalik ng panginoon, inatasan niya “sa maraming bagay” ang unang dalawang alipin bilang gantimpala. Binawi naman niya sa ikatlong alipin ang talento at pinalayas ito.—Mat. 25:14-30.
9 Tiyak na gusto mong tularan ang masisikap na aliping iyon at lubusang makibahagi sa paggawa ng alagad. Pero paano kung wala ka sa kalagayan? Siguro dahil sa hirap ng buhay, naoobliga kang magtrabaho nang mas mahabang oras para sa pamilya mo. O baka hindi ka na kasinlakas at kasinlusog gaya noon. Kung gayon, mapapatibay ka sa mensahe ng talinghaga tungkol sa mga talento.
10. Sa talinghaga, paano nagpakita ng pagkamakatuwiran ang panginoon? Bakit ito nakapagpapatibay sa iyo?
10 Pansinin na alam ng panginoon na iba-iba ang kakayahan ng mga alipin niya. Ipinahihiwatig ito ng pagbibigay niya ng mga talento sa “bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan.” (Mat. 25:15) Gaya ng inaasahan, mas malaki ang kinita ng unang alipin kaysa sa ikalawa. Pero pareho niyang pinahalagahan ang kanilang pagsisikap at sinabing sila’y “mabuti at tapat.” Magkapareho ang gantimpalang ibinigay niya sa kanila. (Mat. 25:21, 23) Sa katulad na paraan, alam ng Diyos na Jehova, ang Panginoon ng pag-aani, na nakadepende sa iyong kalagayan ang magagawa mo sa paglilingkod sa kaniya. Tiyak na pahahalagahan niya ang iyong buong-kaluluwang pagsisikap at gagantimpalaan ka ayon dito.—Mar. 14:3-9; basahin ang Lucas 21:1-4.
11. Ipaliwanag kung paanong saganang pinagpapala ang pagiging masikap kahit mahirap ang kalagayan.
11 Makikita sa halimbawa ni Selmira, isang sister sa Brazil, na puwede tayong maging masikap sa paglilingkod sa Diyos kahit nasa mahirap na kalagayan. Dalawampung taon na ang nakalilipas, nabaril ng mga magnanakaw ang asawa niya. Tatlong maliliit na anak ang naiwan sa kaniya. Maghapon siyang nagtatrabaho bilang katulong, at kailangan niyang makipagsiksikan sa sasakyan papunta’t pauwi. Pero kahit mahirap ang kalagayan, regular pioneer pa rin siya. Nang maglaon, nagpayunir na rin ang dalawa sa kaniyang mga anak. “Mahigit nang 20 ang natulungan kong mag-aral ng Bibliya at parang mga kapamilya ko na rin sila,” ang sabi niya. “Hanggang ngayon, damang-dama ko pa rin ang kanilang pagmamahal. Isa itong kayamanang hindi mababayaran ng salapi.” Talaga ngang pinagpala ng Panginoon ng pag-aani ang pagsisikap ni Selmira!
12. Paano natin maipapakitang masikap tayo sa pangangaral?
12 Kung limitado lang ang panahon mo sa paglilingkod, puwede pa ring madagdagan ang pakikibahagi mo sa pag-aani kung magiging mas mabunga ang iyong ministeryo. Kapag ikinapit mong mabuti ang praktikal na mga mungkahi sa mga Pulong sa Paglilingkod, mahahasa mo ang iyong kakayahan sa pangangaral at masusubukan ang mga bagong paraan ng pagpapatotoo. (2 Tim. 2:15) At kung posible, puwede mong isaisantabi muna o isakripisyo ang di-gaanong mahahalagang gawain para regular kang makapaglingkod sa larangan.—Col. 4:5.
13. Ano ang susi para malinang at mapanatili ang pagiging masikap?
13 Tandaan na ang pagiging masikap ay nagmumula sa isang pusong mapagpasalamat. (Awit 40:8) Sa talinghaga ni Jesus, ang ikatlong alipin ay takót sa kaniyang panginoon dahil mahigpit daw ito at di-makatuwiran. Kaya ibinaón niya ang talento sa halip na ipangalakal ito para dumami ang pag-aari ng kaniyang panginoon. Para maiwasan ang gayong pagwawalang-bahala, kailangan nating linangin at panatilihin ang isang malapít na kaugnayan sa Panginoon ng pag-aani, si Jehova. Maglaan ng panahon para pag-aralan at bulay-bulayin ang kaniyang magagandang katangian—pag-ibig, pagtitiis, at awa. Sa gayon, mauudyukan kang gawin ang iyong buong makakaya para paglingkuran siya.—Luc. 6:45; Fil. 1:9-11.
“Magpakabanal Kayo”
14. Anong kahilingan ang dapat maabot ng mga nais maging mang-aani?
14 Sa pagsipi sa Hebreong Kasulatan, sinabi ni apostol Pedro ang talagang kalooban ng Diyos para sa kaniyang mga lingkod: “Ayon sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’” (1 Ped. 1:15, 16; Lev. 19:2; Deut. 18:13) Idiniriin nito na ang mga mang-aani ay dapat na maging malinis sa moral at espirituwal. Para maabot ang mahalagang kahilingang ito, kailangan tayong mahugasang malinis, wika nga. Paano? Sa tulong ng salita ng katotohanan ng Diyos.
15. Ano ang kayang gawin ng katotohanan ng salita ng Diyos?
15 Ang salita ng katotohanan ng Diyos ay parang tubig na nakapagpapalinis. Halimbawa, isinulat ni Pablo na sa paningin ng Diyos, ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ay gaya ng malinis na kasintahan ni Kristo, na hinugasan niya sa “tubig sa pamamagitan ng salita, . . . upang ito ay maging banal at walang dungis.” (Efe. 5:25-27) Bago nito, binanggit din ni Jesus ang nakapagpapalinis na kapangyarihan ng salita ng Diyos. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay malinis na dahil sa salita na sinalita ko sa inyo.” (Juan 15:3) Kaya ang katotohanan ng salita ng Diyos ay nakapagpapalinis sa moral at espirituwal. Tatanggapin lang Niya ang ating pagsamba kung hahayaan nating linisin tayo ng katotohanan.
16. Paano tayo makapananatiling malinis sa moral at espirituwal?
16 Kaya para maging mang-aani, kailangan muna nating alisin ang lahat ng gawaing nagpaparumi sa moral at espirituwal. Oo, upang mapanatili ang pribilehiyong ito, dapat tayong maging huwaran sa pagtataguyod ng matataas na pamantayan ni Jehova. (Basahin ang 1 Pedro 1:14-16.) Kung paanong lagi tayong naglilinis ng katawan, dapat na lagi rin tayong nagpapalinis, wika nga, sa salita ng katotohanan. Kailangan dito ang pagbabasa ng Bibliya at pagdalo sa mga pulong. Kailangan din ang puspusang pagsisikap na ikapit ang mga payo ng Diyos. Sa paggawa nito, malalabanan natin ang makasalanang hilig at ang nagpaparuming impluwensiya ng sanlibutan. (Awit 119:9; Sant. 1:21-25) Nakakagaan nga ng loob malaman na puwedeng ‘mahugasang malinis’ ng salita ng katotohanan kahit ang ating malubhang kasalanan!—1 Cor. 6:9-11.
17. Anong mga payo sa Bibliya ang dapat nating sundin para makapanatiling malinis?
17 Hinahayaan mo bang linisin ka ng salita ng katotohanan? Halimbawa, paano ka tumutugon kapag pinaaalalahanan ka tungkol sa mga nakapagpaparuming libangan sa sanlibutan? (Awit 101:3) Iniiwasan mo ba ang di-kinakailangang pakikipagsamahan sa mga di-Saksing kaklase at katrabaho? (1 Cor. 15:33) Talaga bang pinagsisikapan mong labanan ang iyong mga kahinaan na puwedeng magparumi sa iyo sa paningin ni Jehova? (Col. 3:5) Lagi mo bang iniiwasang masangkot sa mga isyu sa pulitika at sa pagkamakabayan na makikita sa mga paligsahan sa sports?—Sant. 4:4.
18. Paano nakakatulong ang pagiging malinis sa moral at espirituwal para maging mabungang mang-aani?
18 Ang pagsunod sa payo ng Bibliya hinggil sa gayong mga bagay ay magbubunga ng magagandang resulta. Inihalintulad ni Jesus ang mga pinahirang alagad sa mga sanga ng punong ubas. “Ang bawat sanga sa akin na hindi namumunga ay inaalis [ng aking Ama], at ang bawat isa na namumunga ay nililinis niya, upang mamunga iyon nang higit pa,” ang sabi niya. (Juan 15:2) Kung hahayaan mong linisin ka ng tubig ng katotohanan mula sa Bibliya, mamumunga ka nang higit pa.
Mga Pagpapala Ngayon at sa Hinaharap
19. Paano pinagpala ang pagsisikap ng mga alagad ni Jesus bilang mga mang-aani?
19 Noong Pentecostes 33 C.E., ang tapat na mga alagad ni Jesus ay pinagkalooban ng banal na espiritu para maging mga saksi “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Naglingkod sila bilang mga miyembro ng lupong tagapamahala, misyonero, at naglalakbay na tagapangasiwa. Malaki ang naging papel nila sa pangangaral “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (Col. 1:23) Kaylaki ngang pagpapala ang tinanggap nila at kaylaking kagalakan ang idinulot nila sa iba!
20. (a) Anong mga pagpapala ang natanggap mo dahil sa lubusang pakikibahagi sa espirituwal na pag-aani? (b) Ano ang determinado mong gawin?
20 Oo, kung tayo ay mapagpakumbaba, masikap, at nagtataguyod ng matataas na pamantayan ng Bibliya, patuloy tayong magkakaroon ng lubos at makabuluhang pakikibahagi sa malaking pag-aani sa ngayon. Habang marami ang dumaranas ng kirot at kabiguan dahil sa materyalistikong pamumuhay at paghahangad ng kalayawan, nararanasan naman natin ang tunay na kagalakan at pagkakontento. (Awit 126:6) Higit sa lahat, ang ating “pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.” (1 Cor. 15:58) Ang Panginoon ng pag-aani, ang Diyos na Jehova, ay magkakaloob sa atin ng walang-hanggang pagpapala dahil sa ‘gawa at pag-ibig na ipinakita natin para sa kaniyang pangalan.’—Heb. 6:10-12.
[Talababa]
a Ang talinghagang ito ay pangunahin nang tungkol sa pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga pinahirang alagad. Pero may mga simulain din itong kapit sa lahat ng Kristiyano.
Natatandaan Mo Ba?
Habang lubusang nakikibahagi sa pag-aani . . .
• bakit napakahalagang magpakita ka ng kapakumbabaan?
• paano mo malilinang at mapananatili ang pagiging masikap?
• bakit kailangan mong manatiling malinis sa moral at espirituwal?
[Larawan sa pahina 17]
Kung mapagpakumbaba tayo, makakapamuhay tayo nang simple at nakasentro sa kapakanan ng Kaharian