Ang Ika-128 Gradwasyon ng Gilead
Mga Misyonerong Isinugo Upang “Gumawa ng mga Alagad”
“PARA mapaabutan ng mabuting balita ang lahat ng bansa, kailangang handang iwan ng mga Kristiyano ang kanilang pamilya at tirahan upang mangaral sa ibang bansa.” Iyan ang pambungad ni David Splane ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova para sa isang kapana-panabik na pagtitipon.
Noong Marso 13, 2010, halos 8,000 ang nagtipun-tipon para sa gradwasyon ng ika-128 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Dumalo sa programa ang mga kaibigan, kapamilya, at mga bisita mula sa 27 bansa.
“Ang mga Alagad ay Hindi Puwedeng Basta Manatili sa Kanilang Lugar”
Bilang chairman, binuksan ni Brother Splane ang programa sa pagtalakay sa utos ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mateo 28:19, 20) Idiniin niya na isinugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad para mangaral sa mga tao. Totoo, noong Pentecostes 33 C.E., ang mga tao mula sa Mesopotamia, Hilagang Aprika, at iba’t ibang bahagi ng Imperyo ng Roma ay pumunta sa Jerusalem at doon nakarinig ng mabuting balita. Pero “ang mga alagad ay hindi puwedeng basta manatili sa kanilang lugar at maghintay na puntahan sila ng mga tao mula sa lahat ng bansa,” ang sabi ng tagapagsalita. “Kailangan nilang pumunta sa pinakamalayong bahagi ng lupa upang hanapin ang mga tao.”—Gawa 1:8.
“Hindi basta sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung ano ang gagawin,” ang sabi ni Brother Splane. “Itinuro niya sa kanila kung paano ito gagawin. Hindi niya basta sinabi sa kanila na manalangin; tinuruan niya silang manalangin. Hindi niya basta sinabi sa kanila na mangaral; ipinakita niya sa kanila kung paano mangaral. Hindi niya basta sinabi sa kanila na maging mahusay na mga guro; ipinakita niya ang mahusay at mabisang paraan ng pagtuturo.”
Para sa mga magulang ng mga nagtapos na estudyante, sinipi ng chairman ang katiyakang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Narito! Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:20) Tiniyak ni Brother Splane sa mga tagapakinig na patuloy na iingatan ni Jesus ang mga estudyante sa kanilang paglilingkod sa ibang bansa.
“Sige, Maghambog Kayo”
Hinimok ni Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala ang klase, “Sige, maghambog kayo.” Sinabi niyang may angkop at di-angkop na paghahambog. Ang di-angkop na paghahambog ay ang pagluwalhati sa sarili. Ang angkop na paghahambog ay ang inilalarawan sa 1 Corinto 1:31: “Siya na naghahambog, ipaghambog niya si Jehova.” Sinabi ni Brother Morris: “Talagang maipagyayabang natin ang ating taglay—ang kaunawaan at kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova. Sa katunayan, napakalaking karangalan para sa iyo—at sa akin—na taglayin ang banal na pangalang iyan, ang maging Saksi ni Jehova.”—Jeremias 9:24.
Pagkatapos, idiniin ng tagapagsalita ang kahalagahan ng pagpapakilala sa pangalan ni Jehova. Ikinuwento niya ang karanasan ng isang misyonero sa Aprika. Ang misyonero, kasama ang kaniyang misis, ay naglalakbay upang magbigay ng isang lektyur sa Bibliya. Sa isang checkpoint, tinutukan ng isang kabataang sundalo ang brother at tinanong kung sino siya. Naalaala ng kaniyang misis ang natutuhan nito sa Gilead at ibinulong sa kaniya, “Sabihin mo na Saksi ni Jehova ka at magbibigay ka ng isang lektyur sa Bibliya.” Sinunod ng brother ang payo nito, at pinayagan silang makaalis. Kinabukasan, narinig ng mag-asawa sa radyo na ipinag-utos ng presidente sa kaniyang mga sundalo na dakpin ang mga mamamatay-taong nagpapanggap na misyonero! Dahil ipinakilala nila ang kanilang sarili na mga Saksi ni Jehova sa halip na sabihing mga misyonero sila, naiwasan nila ang problema. Tinapos ni Brother Morris ang kaniyang pahayag sa pagsasabi: “Pagdating ninyo sa inyong teritoryo, sige, maghambog kayo. Ipaghambog ninyo ang lahat ng gagawin ni Jehova habang ginagamit niya kayo para sa kaniyang walang-hanggang kaluwalhatian.”
“Magagampanan ba Ninyo ang Inyong Atas?”
Tinulungan ni Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala at dating misyonero, ang mga estudyanteng magtatapos na pag-isipan ang tanong sa itaas. Nagtanong siya, “Ano ba ang ibig sabihin ng misyonero?” Ipinaliwanag niya na ang salitang “misyonero” ay mula sa salitang Latin na tumutukoy sa isang tao o grupo na tumanggap ng pantanging atas. Bilang mga Saksi ni Jehova, ang atas natin ay ipangaral ang mabuting balita at tulungan ang iba na makilala si Jehova. Ginagawa natin ito bilang pagtulad kay Jesu-Kristo, na hindi kailanman nagpabaya sa kaniyang atas nang siya’y nasa lupa. Sinabi ni Jesus sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato: “Dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.”—Juan 18:37.
Tinulungan ng tagapagsalita ang klase na pag-isipan ang ulat ng Bibliya tungkol sa digmaan sa Jerico. Anim na araw na gumigising nang maaga ang mga mandirigmang Israelita, isinusuot ang kanilang baluti, at nagmamartsa sa palibot ng Jerico, pagkatapos ay uuwi lang sa bahay. “Mula sa pangmalas ng tao,” sabi ng tagapagsalita, “tila kakatwa ang kanilang atas.” Sinabi niya na maaaring inisip ng ilang sundalo na pag-aaksaya lamang ito ng panahon. Pero noong ikapitong araw, inutusan ang mga Israelita na lumibot sa lunsod nang pitong beses at pagkatapos ay sumigaw ng isang malakas na hiyaw ng digmaan. Ang resulta? Bumagsak ang mga pader ng Jerico!—Josue 6:13-15, 20.
Binanggit ni Brother Jackson ang apat na aral na matututuhan mula sa ulat tungkol sa Jerico. (1) Mahalaga ang pagsunod. Dapat nating gawin ang mga bagay sa paraan ni Jehova, hindi sa paraan natin. (2) Napakahalaga ng pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova. “Sa pananampalataya ang mga pader ng Jerico ay bumagsak,” hindi sa pamamagitan ng mga panggiba. (Hebreo 11:30) (3) Dapat tayong maging matiisin. Sa kalaunan, ang pagpapala ni Jehova ay “aabot sa iyo.” (Deuteronomio 28:2) (4) Huwag susuko. Huwag kailanman kalimutan ang iyong atas. Binuod ni Brother Jackson ang kaniyang pahayag sa pagsasabing, “Kung lagi ninyong tatandaan ang mga puntong ito, magagampanan ninyo ang inyong atas sa kapurihan at kaluwalhatian ni Jehova.”
Iba Pang Tampok na Bahagi ng Programa
“Ibigin ang Bibliya at ang Awtor Nito.” Iyan ang paksa ni Maxwell Lloyd, miyembro ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos. Sinabi niya sa klase, “Ang Bibliya ay dapat na maging buháy na aklat sa inyo.” Pagkatapos ay pinasigla niya silang gawin ang sumusunod: Huwag hayaang manlamig ang inyong pag-ibig sa Diyos na Jehova. Huwag ipagpalagay na nauunawaan ng lahat ang inyong itinuturo. Gawing simple ang mga katotohanan sa Bibliya upang maabot ang puso ng inyong mga estudyante. Maging mapagpakumbaba. Huwag iparamdam sa kanila na mas marami kayong alam. Magturo sa pamamagitan ng halimbawa. Makita nawa sa inyo ng inyong mga estudyante ang matinding pag-ibig sa Bibliya.
“Pansining Mabuti ang mga Uwak.” Iyan ang paksa ng pahayag ni Michael Burnett, isang instruktor ng klase at dating misyonero. Sinabi niya na mababalisa tayo paminsan-minsan. Pero tandaan ang payo ni Jesus: “Pansinin ninyong mabuti na ang mga uwak ay hindi naghahasik ng binhi ni gumagapas, . . . at gayunma’y pinakakain sila ng Diyos.” (Lucas 12:24) Ayon sa tipang Kautusan, ang mga uwak ay marumi at hindi puwedeng kainin. Itinuturing sila noon na karima-rimarim. (Levitico 11:13, 15) Pero sa kabila nito, pinakakain sila ng Diyos. “Kaya kung makadama kayo ng labis na kabalisahan,” ang sabi ni Brother Burnett, “isipin ang mga uwak. Kung inaalagaan ng Diyos ang marurumi at karima-rimarim na mga ibong ito, gaano pa kaya kayo na malinis sa kaniyang paningin?”
“Hindi Kita Ginagawan ng Mali.” Tinulungan ni Mark Noumair, isa pang instruktor sa Gilead, ang lahat ng dumalo na suriin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga manggagawa sa ubasan. Ang ilang manggagawa ay maghapong nagtrabaho, samantalang ang iba ay isang oras lamang. Pero lahat sila ay tumanggap ng pare-parehong kabayaran! Nagbulung-bulungan ang mga nagtrabaho nang mas matagal. Sa nagreklamo, sinabi ng panginoon ng ubasan: “Hindi kita ginagawan ng mali. Nakipagkasundo ka sa akin para sa isang denario, hindi ba? Kunin mo ang sa iyo at yumaon ka.” (Mateo 20:13, 14) Ang leksiyon? Huwag ihambing ang iyong sarili sa iba. “Mawawala lang ang iyong kagalakan kung ihahambing mo ang iyong sarili sa iba,” sabi ni Brother Noumair. “Masahol pa rito, baka maging dahilan pa ito upang iwan mo ang iyong atas, ang iyong mahalagang pribilehiyo ng paglilingkod.” Ipinaalaala ng tagapagsalita na si Jesus ang nangangasiwa sa espirituwal na pag-aani sa ating panahon at maaari niyang pakitunguhan ang kaniyang mga tagasunod sa paraang gusto niya. Kung magbibigay si Jehova at si Jesus ng karagdagang pagpapala sa iba, wala silang ginagawang masama sa iyo. Pagtuunan ng pansin ang sa iyo, at huwag hayaang ang “kabayaran” ng iba ay maglihis sa iyo sa gawaing ibinigay sa iyo ni Jehova.
Mga Karanasan at Panayam
Kapag walang klase o hindi gumagawa ng takdang-aralin, sumasama ang mga estudyante ng Gilead sa mga lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova para mangaral. Kinapanayam ni Sam Roberson, isa sa mga instruktor sa Gilead, ang ilang estudyante tungkol sa kanilang karanasan. Isa rito si Sister Alessandra Kirchler. May nakausap siyang isang babaing nababahala sa paninigarilyo ng kaniyang anak na lalaki. Dumalaw-muli si Alessandra dala ang isang artikulo sa Gumising! tungkol sa paksang iyon. Walang tao sa bahay, pero iniwan pa rin niya ito. Nang maglaon, nadatnan din ni Alessandra ang babae sa bahay at pinatuloy siya nito. Nagustuhan ng babae ang artikulo at sinabi, “Madalas kong naiisip kung ano ang gustong ituro sa akin ng Diyos sa lahat ng pagsubok na ibinibigay niya sa akin.” Ipinakita sa kaniya ni Alessandra mula sa Bibliya na hindi ang Diyos ang pinagmumulan ng mga problema natin. (Santiago 1:13) Ngayon, siya at ang anak niya ay nag-aaral na ng Bibliya.
Kinapanayam ni Melvin Jones ng Service Department ang tatlong dating nagtapos sa Gilead: Si Jon Sommerud, na naglilingkod sa Albania; si Mark Anderson, na naglilingkod sa Kenya; at si James Hinderer, na naglilingkod sa Theocratic Schools Department. Sang-ayon silang tatlo na ang Gilead ay hindi lamang nagtuturo ng saligang mga katotohanan sa Bibliya, kundi nagtuturo din kung paano ikakapit ang mga katotohanang iyon, sinuman ang mga estudyante o saanman sila naglilingkod.
Binasa ng isa sa mga estudyante ang nakaaantig na liham ng pagpapahalaga mula sa klase. Sa pagtatapos ng programa, ang 96-anyos na si John Barr, ang pinakamatandang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ay nanalangin na sana’y pagpalain ni Jehova ang gawain ng ika-128 klase ng Gilead.
[Chart/Mapa sa pahina 31]
ESTADISTIKA NG KLASE
8 bansa ang may kinatawan
54 ang estudyante
27 ang mag-asawa
35.2 ang average na edad
19.1 ang average na taon mula nang mabautismuhan
13.8 ang average na taon sa buong-panahong ministeryo
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang klase ay inatasan sa 25 bansa na makikita sa ibaba:
MGA ATAS SA MISYONERO
ALBANIA
ARUBA
BOLIVIA
CAMBODIA
CÔTE D’IVOIRE
DOMINICAN REPUBLIC
ECUADOR
GHANA
GUATEMALA
GUINEA
GUYANA
HONDURAS
INDONESIA
KOSOVO
LATVIA
LIBERIA
MADAGASCAR
MONGOLIA
NAMIBIA
NICARAGUA
PARAGUAY
ROMANIA
RWANDA
SERBIA
TAIWAN
(ATAS SA ILALIM NG SANGAY SA AUSTRALIA)
[Larawan sa pahina 30]
Isinasadula ng mga estudyante sa Gilead ang isa sa kanilang mga karanasan sa pangangaral
[Larawan sa pahina 31]
Ang Ika-128 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead
Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.
(1) Keller, E.; Ostopowich, I.; Jacobsen, S.; Arias, M.; Dieckmann, Y.; Tanaka, J.; Harada, K.
(2) Camacho, L.; Kirchler, A.; Rodríguez, S.; Ward, B.; Trenalone, K.; Victoria, V.; Oxley, F.; Nguyen, K.
(3) Oxley, O.; De Dios, A.; Lindström, C.; Allen, J.; Meads, T.; Waddington, J.; Victoria, E.
(4) Harada, H.; Lindström, A.; Orsini, E.; Logue, D.; Missud, T.; Bergeron, S.; Camacho, G.; Ward, T.
(5) Kirchler, W.; Nguyen, H.; Kremer, E.; Burgaud, C.; Titmas, N.; De Dios, C.; Rodríguez, A.; Waddington, M.
(6) Dieckmann, J.; Allen, C.; Titmas, R.; Arias, J.; Bergeron, E.; Keller, J.; Ostopowich, F.; Burgaud, F.
(7) Tanaka, K.; Kremer, J.; Jacobsen, R.; Trenalone, J.; Logue, J.; Meads, D.; Missud, D.; Orsini, A.