Tanggapin ang Espiritu ng Diyos, Hindi ang Espiritu ng Sanlibutan
“Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos, upang malaman natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos.”—1 COR. 2:12.
1, 2. (a) Sa anong diwa nakikipagdigma ang mga tunay na Kristiyano? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
NAKIKIPAGDIGMA ang mga tunay na Kristiyano! Ang ating kaaway ay makapangyarihan, tuso, at beterano sa labanan. Napakabisa ng sandata niya anupat kontrolado nito ang karamihan sa mga tao. Pero huwag isiping tayo’y walang kalaban-laban at tiyak na matatalo. (Isa. 41:10) Mas malakas ang ating pandepensa.
2 Ang ating pakikipagdigma ay hindi literal kundi espirituwal. Si Satanas na Diyablo ang kaaway natin, at ang isang pangunahing sandata niya ay “ang espiritu ng sanlibutan.” (1 Cor. 2:12) Ang pangunahing pandepensa naman natin ay ang espiritu ng Diyos. Para makaligtas sa digmaang ito at manatiling malakas sa espirituwal, kailangan nating hilingin ang espiritu ng Diyos at ipakita ang mga bunga nito sa ating buhay. (Gal. 5:22, 23) Pero ano ang espiritu ng sanlibutan, at paano lumakas ang impluwensiya nito? Paano natin malalaman kung naiimpluwensiyahan na tayo nito? Ano ang matututuhan natin kay Jesus tungkol sa pagtanggap ng espiritu ng Diyos at paglaban sa espiritu ng sanlibutan?
Espiritu ng Sanlibutan—Bakit Napakalaganap?
3. Ano ang espiritu ng sanlibutan?
3 Ang espiritu ng sanlibutan ay mula kay Satanas, “ang tagapamahala ng sanlibutan,” at ito’y laban sa banal na espiritu ng Diyos. (Juan 12:31; 14:30; 1 Juan 5:19) Ito ang nangingibabaw na hilig ng sanlibutan, at iniimpluwensiyahan nito ang mga tao. Inaakay sila nito na salungatin ang kalooban at layunin ng Diyos.
4, 5. Paano lumaganap ang espiritung itinataguyod ni Satanas?
4 Paano lumaganap ang espiritung itinataguyod ni Satanas? Una, nilinlang ni Satanas si Eva sa hardin ng Eden. Kinumbinsi niya si Eva na mapapabuti siya kung hihiwalay siya sa Diyos. (Gen. 3:13) Napakasinungaling talaga! (Juan 8:44) Pagkatapos, sa pamamagitan ng babae, minaniobra niya si Adan na suwayin si Jehova. Dahil pinili ni Adan na sumuway, naipagbili sa kasalanan ang sangkatauhan, anupat madali nang maimpluwensiyahan ng espiritu ng pagsuway na itinataguyod ni Satanas.—Basahin ang Efeso 2:1-3.
5 Inimpluwensiyahan din ni Satanas ang maraming anghel, na naging mga demonyo. (Apoc. 12:3, 4) Naganap ang gayong pagtataksil sa Diyos bago ang Baha noong panahon ni Noe. Naniwala ang mga anghel na iyon na mas mapapabuti sila kung iiwan nila ang kanilang dako sa langit at magpapadala sa di-likas na mga pagnanasa dito sa lupa. (Jud. 6) Sa tulong ng mga demonyong iyon na bumalik sa pagiging espiritu, ‘inililigaw ni Satanas ang buong tinatahanang lupa.’ (Apoc. 12:9) Nakalulungkot, hindi alam ng karamihan na naiimpluwensiyahan sila ng mga demonyo.—2 Cor. 4:4.
Naiimpluwensiyahan Ka ba ng Espiritu ng Sanlibutan?
6. Kailan lamang tayo puwedeng maimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutan?
6 Hindi alam ng marami kung paano iniimpluwensiyahan ni Satanas ang mga tao, pero alam ng mga tunay na Kristiyano ang kaniyang mga pakana. (2 Cor. 2:11) Ang totoo, maiimpluwensiyahan lang tayo ng espiritu ng sanlibutan kung ipahihintulot natin. Suriin natin ang apat na tanong na makatutulong para malaman kung espiritu ng Diyos o espiritu ng sanlibutan ang nakaiimpluwensiya sa atin.
7. Ano ang isang paraan ni Satanas para mailayo tayo kay Jehova?
7 Ano ang ipinahihiwatig tungkol sa akin ng pinipili kong libangan? (Basahin ang Santiago 3:14-18.) Para mailayo tayo sa Diyos, inuudyukan tayo ni Satanas na magkahilig sa karahasan. Alam ng Diyablo na napopoot si Jehova sa sinumang umiibig sa karahasan. (Awit 11:5) Sa gayon, ginagamit ni Satanas ang mga babasahin, pelikula, musika, at mga video game—na sa ilang laro, kunwari’y ang mga manlalaro mismo ang gumagawa ng imoralidad at karahasan—para akitin ang ating makalamang pagnanasa. Hindi mahalaga kay Satanas kung iniibig man natin ang kabutihan basta’t iniibig din natin ang kasamaan, na siyang itinataguyod niya.—Awit 97:10.
8, 9. Anu-ano ang dapat nating itanong sa sarili may kinalaman sa libangan?
8 Sa kabilang panig, inuudyukan ng espiritu ng Diyos ang mga tumatanggap nito na maging malinis, mapagpayapa, at maawain. Dapat nating itanong sa ating sarili, ‘Natutulungan ba ako ng pinipili kong libangan para makapaglinang ng mabubuting katangian?’ Ang karunungan mula sa itaas ay “hindi mapagpaimbabaw.” Ang mga nagpapaakay sa espiritu ng Diyos ay hindi nangangaral sa kanilang kapuwa tungkol sa kalinisan at kapayapaan at pagkatapos ay tuwang-tuwa namang manood ng makahayop na karahasan at imoralidad kapag nasa loob ng bahay.
9 Si Jehova ay humihiling ng bukod-tanging debosyon. Pero si Satanas ay kontento na sa isang gawang pagsamba, gaya ng ipinagagawa niya noon kay Jesus. (Luc. 4:7, 8) Maitatanong natin sa ating sarili: ‘Natutulungan ba ako ng pinipili kong libangan para makapag-ukol sa Diyos ng bukod-tanging debosyon? Ang pinipili ko ba ay mas nagpapahirap o mas nagpapadali sa akin na labanan ang espiritu ng sanlibutan? May dapat bang baguhin sa pagpili ko ng libangan?’
10, 11. (a) Anong saloobin tungkol sa materyal na pag-aari ang itinataguyod ng espiritu ng sanlibutan? (b) Anong saloobin ang itinataguyod ng kinasihang Salita ng Diyos?
10 Ano ang saloobin ko tungkol sa materyal na pag-aari? (Basahin ang Lucas 18:24-30.) Pinupukaw ng espiritu ng sanlibutan “ang pagnanasa ng mga mata” anupat hinihikayat ang mga tao na maging sakim at materyalistiko. (1 Juan 2:16) Naudyukan nito ang marami na maging determinadong yumaman. (1 Tim. 6:9, 10) Pinaniniwala tayo ng espiritung ito na maglalaan ng tunay na seguridad ang napakaraming materyal na mga bagay. (Kaw. 18:11) Gayunman, kapag hinayaan nating madaig ng pag-ibig sa salapi ang pag-ibig natin sa Diyos, nagtagumpay si Satanas. Dapat nating itanong sa sarili, ‘Ang buhay ko ba ay nakapokus sa materyal na kaalwanan at kaluguran?’
11 Kabaligtaran nito, hinihimok tayo ng kinasihang Salita ng Diyos na magkaroon ng timbang na pangmalas sa pera at maging masipag para mapaglaanan ang ating sarili at ang ating pamilya. (1 Tim. 5:8) Tinutulungan ng espiritu ng Diyos ang mga nagpapaakay rito na maging bukas-palad gaya ni Jehova. Kilala sila sa pagbibigay, hindi sa pagtanggap. Mas mahalaga sa kanila ang mga tao kaysa sa materyal na mga bagay at handa silang magbigay kung kaya nila. (Kaw. 3:27, 28) At mas inuuna nila ang paglilingkod sa Diyos kaysa sa pagkita ng pera.
12, 13. Di-gaya ng espiritu ng sanlibutan, paanong ang espiritu ng Diyos ay may magandang impluwensiya sa atin?
12 Anong espiritu ang ipinakikita ng personalidad ko? (Basahin ang Colosas 3:8-10, 13.) Isinusulong ng espiritu ng sanlibutan ang mga gawa ng laman. (Gal. 5:19-21) Makikita kung anong espiritu ang umaakay sa atin, hindi sa mga panahong walang problema, kundi kapag maigting ang sitwasyon, halimbawa’y may kapatid na umisnab, nakasakit, o nagkasala pa nga sa atin. Makikita rin kung anong espiritu ang nananaig sa atin kapag nasa loob tayo ng tahanan. Baka kailangan dito ang pagsusuri. Tanungin ang sarili, ‘Sa nakaraang anim na buwan, ang personalidad ko ba ay mas nagiging tulad-Kristo o bumabalik ako sa masasamang paraan ng pagsasalita at paggawi?’
13 Matutulungan tayo ng espiritu ng Diyos na ‘hubarin ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito’ at magbihis ng “bagong personalidad.” Makatutulong iyan sa atin na maging mas maibigin at mabait. Magiging madali sa atin na lubusang magpatawaran sa isa’t isa, kahit waring may dahilan tayong magreklamo. Iniisip man nating ginawan tayo ng kawalang-katarungan, hindi tayo maglalabas ng “mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita.” Sa halip, sisikapin nating maging “mahabagin na may paggiliw.”—Efe. 4:31, 32.
14. Ano ang pangmalas ng karamihan tungkol sa Salita ng Diyos?
14 Ako ba’y may paggalang at pag-ibig sa mga pamantayang moral ng Bibliya? (Basahin ang Kawikaan 3:5, 6.) Ang espiritu ng sanlibutan ay laban sa Salita ng Diyos. Binabale-wala ng mga naiimpluwensiyahan nito ang mga bahagi ng Bibliya na hindi nila matanggap, anupat mas pinipili ang mga tradisyon at pilosopiya ng tao. (2 Tim. 4:3, 4) Ang ilan ay talagang ayaw na sa Salita ng Diyos. Nagmámarunóng sila anupat kinukuwestiyon ang kahalagahan at autentisidad ng Bibliya. Pinabababà nila ang dalisay na mga pamantayan nito may kaugnayan sa pangangalunya, homoseksuwalidad, at diborsiyo. Itinuturo nilang “ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.” (Isa. 5:20) Naaapektuhan ba tayo ng espiritung ito? Kapag may problema, nananalig ba tayo sa karunungan ng tao, pati na sa sarili nating mga ideya? O sinisikap nating sundin ang payo ng Bibliya?
15. Sa halip na manalig sa sariling karunungan, ano ang dapat nating gawin?
15 Inaakay tayo ng espiritu ng Diyos na igalang ang Bibliya. Gaya ng salmista, itinuturing din natin ito na lampara sa ating paa at liwanag sa ating landas. (Awit 119:105) Sa halip na umasa sa sarili nating karunungan, lubos tayong nagtitiwala sa nasusulat na Salita ng Diyos para makilala ang tama at mali. Bukod sa natututuhan nating igalang ang Bibliya, natututuhan din nating ibigin ang kautusan ng Diyos.—Awit 119:97.
Matuto sa Halimbawa ni Jesus
16. Ano ang kailangan para taglayin natin ang “pag-iisip ni Kristo”?
16 Para tumanggap ng espiritu ng Diyos, dapat nating linangin sa ating sarili ang “pag-iisip ni Kristo.” (1 Cor. 2:16) Upang magkaroon ng “gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus,” kailangan nating alamin kung paano siya nag-isip at kumilos at pagkatapos ay tularan siya. (Roma 15:5; 1 Ped. 2:21) Isaalang-alang ang ilang paraan para magawa ito.
17, 18. (a) Ano ang matututuhan natin kay Jesus tungkol sa panalangin? (b) Bakit dapat tayong “patuloy na humingi”?
17 Hilingin sa panalangin ang espiritu ng Diyos. Bago humarap sa paglilitis, nanalangin si Jesus na tulungan siya ng espiritu ng Diyos. (Luc. 22:40, 41) Dapat din tayong humiling sa Diyos na Jehova ng banal na espiritu. Nagbibigay siya nito nang sagana sa lahat ng humihingi nang may pananampalataya. (Luc. 11:13) Sinabi ni Jesus: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo. Sapagkat bawat isa na humihingi ay tumatanggap, at bawat isa na naghahanap ay nakasusumpong, at sa bawat isa na kumakatok ay bubuksan ito.”—Mat. 7:7, 8.
18 Kapag humihingi ng espiritu at tulong ni Jehova, huwag agad susuko sa pananalangin. Baka kailangan nating manalangin nang mas madalas at mas matagal. Kung minsan, binibigyan muna ni Jehova ng pagkakataon ang mga nagsusumamo na ipakita ang tindi ng kanilang pagkabahala at ang kataimtiman ng kanilang pananampalataya bago niya sagutin ang panalangin nila.a
19. Ano ang laging ginagawa ni Jesus, at bakit dapat natin siyang tularan?
19 Lubusang sundin si Jehova. Laging ginagawa ni Jesus ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniyang Ama. Pero sa isang pagkakataon, iba sa kagustuhan ng kaniyang Ama ang nais niyang gawin. Gayunman, may-pagtitiwala niyang sinabi sa Ama: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Luc. 22:42) Tanungin ang sarili, ‘Sinusunod ko ba ang Diyos kahit mahirap itong gawin?’ Ang pagsunod sa Diyos ay mahalaga sa ating buhay. Dapat natin siyang lubusang sundin bilang ating Maylikha, ang Pinagmulan at Tagapagsustine ng ating buhay. (Awit 95:6, 7) Walang maihahalili sa pagsunod. Hindi natin matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos kung wala ito.
20. Saan umikot ang buhay ni Jesus, at paano natin siya matutularan?
20 Pag-aralang mabuti ang Bibliya. Nang labanan ni Jesus ang tuwirang pag-atake ni Satanas sa kaniyang pananampalataya, sumipi siya mula sa Kasulatan. (Luc. 4:1-13) Nang komprontahin niya ang sumasalansang na mga lider ng relihiyon, ginamit ni Jesus ang Salita ng Diyos bilang awtoridad. (Mat. 15:3-6) Ang buhay ni Jesus ay umikot sa pag-alam at pagtupad sa kautusan ng Diyos. (Mat. 5:17) Nais din nating punuin ang ating isip ng nakapagpapatibay na Salita ng Diyos. (Fil. 4:8, 9) Maaaring ang ilan ay nahihirapang humanap ng panahon para sa personal at pampamilyang pag-aaral. Pero sa halip na humanap ng panahon, baka kailangan nating magtakda ng panahon.—Efe. 5:15-17.
21. Anong kaayusan ang magagamit natin para higit na matuto tungkol sa Salita ng Diyos at masunod ito?
21 Para magkaroon tayo ng panahon sa personal at pampamilyang pag-aaral, isinaayos ng “tapat at maingat na alipin” ang gabi ng Pampamilyang Pagsamba bawat linggo. (Mat. 24:45) Sinasamantala mo ba ito? Para matulungan kayong matamo ang pag-iisip ni Kristo, puwede bang isama sa inyong pag-aaral ang sistematikong pagtalakay sa mga itinuro ni Jesus tungkol sa mga paksang gusto ninyo? Maaari ninyong gamitin ang Watch Tower Publications Index para makita ang mga paksang ito. Halimbawa, mula 2008 hanggang 2010, lumabas sa edisyong pampubliko ng magasing ito ang serye ng 12 artikulo na may temang “Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus.” Maaari ninyong pag-aralan ang mga artikulong iyon. Noong 2006, lumabas naman sa Gumising! ang seksiyon na “Ano ang Sagot Mo?” Ang layunin nito ay para mas lumawak at lumalim ang inyong kaalaman sa Bibliya. Bakit hindi ninyo subukang gamitin ang mga seksiyong ito paminsan-minsan sa inyong Pampamilyang Pagsamba?
Madaraig Natin ang Sanlibutan
22, 23. Ano ang dapat nating gawin para madaig ang sanlibutan?
22 Para maakay ng espiritu ng Diyos, dapat nating labanan ang espiritu ng sanlibutan. Hindi ito madaling gawin. Maaari itong mangahulugan ng puspusang pakikipaglaban. (Jud. 3) Pero puwede tayong magtagumpay! Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sa sanlibutan ay may kapighatian kayo, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 16:33.
23 Madaraig din natin ang sanlibutan kung lalabanan natin ang espiritu nito at gagawin ang buong makakaya para tumanggap ng espiritu ng Diyos. Oo, “kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang magiging laban sa atin?” (Roma 8:31) Kung tatanggap tayo ng espiritu ng Diyos at susunod sa patnubay nito na nasa Bibliya, tayo ay magiging kontento, payapa, at maligaya, at tiyak na magtatamo ng buhay na walang hanggan sa dumarating na bagong sanlibutan.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang pahina 170-173 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
Natatandaan Mo Ba?
• Bakit napakalaganap ng espiritu ng sanlibutan?
• Ano ang apat na tanong na dapat nating pag-isipan?
• Ano ang tatlong bagay na natutuhan natin kay Jesus tungkol sa pagtanggap sa espiritu ng Diyos?
[Larawan sa pahina 8]
Paano naging demonyo ang ilang anghel?
[Larawan sa pahina 10]
Ginagamit ni Satanas ang espiritu ng sanlibutan para kontrolin ang mga tao, pero puwede tayong makalaya sa impluwensiya nito