Maging Malapít sa Diyos
“Si Jehova ang Aking Pastol”
TINGNAN ang larawan sa pahinang ito. Nadarama mo ba ang kapanatagan ng kordero habang yapus-yapos ito ng pastol? Sa Awit 23, ginagamit ng Bibliya ang ilustrasyon ng isang pastol at ng tupa nito upang ilarawan ang maibiging pangangalaga ni Jehova sa mga sumasamba sa kaniya. Gusto niyang makadama tayo ng kapanatagan gaya ng nadama ng salmistang si David, na buong-pagtitiwalang nagsabi: “Si Jehova ang aking Pastol.”a—Talata 1.
Ang manunulat ng awit na ito na si David ay isang pastol noong kaniyang kabataan. Alam niya ang mga kailangan ng tupa at ang pananagutan ng isang pastol. Si David, na nakaranas mismo ng pangangalaga ng Diyos, ang sumulat ng tinatawag na “awit ng katiyakan o pagtitiwala.” Ang pangalan ng Diyos na Jehova ay lumilitaw sa pasimula at katapusan ng awit. (Talata 1, 6) Inilalarawan sa mga talata 2-5 ang tatlong paraan ng pangangalaga ni Jehova sa kaniyang mga lingkod gaya ng pastol sa mga tupa nito.—Awit 100:3.
Inaakay ni Jehova ang kaniyang mga tupa. Ang mga tupang walang pastol ay maaaring maligaw. Sa katulad na paraan, kailangan natin ng tulong upang masumpungan ang tamang landas sa buhay. (Jeremias 10:23) Sinabi ni David na pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa “madamong pastulan” at sa “mga pahingahang-dako na natutubigang mainam.” Inaakay niya sila “sa mga landas ng katuwiran.” (Talata 2, 3) Ang mga paglalarawang ito ay tumitiyak sa atin na makapagtitiwala tayo sa Diyos. Kung susundin natin ang pag-akay ng Diyos sa pamamagitan ng Bibliya, tayo ay magiginhawahan, magiging kontento at panatag.
Ipinagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang mga tupa. Ang mga tupa ay natatakot at nanghihina kapag wala ang kanilang pastol. Sinasabi ni Jehova sa kaniyang mga lingkod na hindi sila dapat matakot, kahit na kapag sila ay ‘lumalakad sa libis ng matinding karimlan’—sa waring pinakamadilim na sandali ng kanilang buhay. (Talata 4) Binabantayan sila ni Jehova, anupat laging handang tumulong sa kanila. Maaari niyang bigyan ang mga sumasamba sa kaniya ng karunungan at lakas na kailangan nila upang maharap ang mga pagsubok.—Filipos 4:13; Santiago 1:2-5.
Pinakakain ni Jehova ang kaniyang mga tupa. Ang mga tupa ay umaasa sa kanilang pastol para sa pagkain. Mayroon tayong espirituwal na pangangailangan na matutugunan lamang sa tulong ng Diyos. (Mateo 5:3) Mabuti na lang at bukas-palad na Tagapaglaan si Jehova. Naghahanda siya ng saganang pagkain sa kaniyang mga lingkod. (Talata 5) Ang Bibliya at mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, gaya ng magasing binabasa mo ngayon, ay pinagmumulan ng espirituwal na pagkain na nakasasapat sa ating pangangailangan upang malaman ang kahulugan ng buhay at ang layunin ng Diyos para sa atin.
Panatag na panatag si David dahil alam niyang kung mananatili siyang malapít sa kaniyang Pastol sa langit, mararanasan niya ang maibiging pangangalaga ni Jehova “sa lahat ng mga araw ng [kaniyang] buhay.” (Talata 6) Gusto mo ba ng gayong kapanatagan? Kung oo, alamin kung paano ka magiging malapít kay Jehova. Sa gayon, magiging panatag ka sa mga bisig ng Dakilang Pastol na umaakay, nagsasanggalang, at nagpapakain sa mga nananatiling matapat sa kaniya.—Isaias 40:11.
Pagbabasa ng Bibliya para sa Mayo:
[Talababa]
a Maraming mambabasa ang pamilyar sa salin na “Ang PANGINOON ang aking Pastol.” Para malaman kung bakit inalis sa ilang salin ng Bibliya ang pangalan ng Diyos na Jehova, tingnan ang pahina 195-197 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.